Ang Aking Buhay Ngayon
Ang Kalooban ang Siyang Kapangyarihang Nagpapasya, 10 Nobyembre
At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Diyos. Roma 12:2 BN 227.1
Walang makapagpapahiwalay sa iyo mula sa Diyos maliban sa isang mapanghimagsik na kalooban. BN 227.2
Ang kalooban ang siyang namamahala sa likas ng tao. Kapag matuwid ang kalooban, susunod dito ang lahat ng iba pa. Ang kalooban ay hindi ang pandama o ang hilig, kundi ito ay ang pagpili, ang kapangyarihang nagpapasya, ang makaharing kapangyarihan, na gumagawa sa mga anak ng tao patungo sa pagsunod sa Diyos o sa pagsalangsang. BN 227.3
Mananatili ka sa patuloy na panganib hanggang iyong maunawaan ang tunay na kalakasan ng kalooban. Maaari kang maniwala at mangako ng lahat ng mga bagay, ngunit walang kabuluhan ang mga pangako mo at pananampalataya hangga 't hindi mo ito inilalagay sa tamang panig. Kung ipaglalaban mo ang pakikipaglaban ng pananampalataya gamit ang iyong kalooban, walang pagsalang magtatagumpay ka. BN 227.4
Ang bahagi mo ay ilagay ang iyong kalooban sa panig ni Cristo. Kapag isinuko mo ang iyong kalooban sa Kanya, agad ka Niyang sasakupin, at gagawa sa iyo upang loobin at gawin ang Kanyang mabuting kalooban. Ang iyong likas ay napapasailalim sa pamamahala ng Kanyang Espiritu. Maging ang iyong mga iniisip ay napapasunod sa Kanya. Samantalang hindi mo kayang pigilan ang iyong mga damdamin, ang iyong mga emosyon, na gaya ng iyong ninanais, mapipigilan mo naman ang iyong kalooban, at magagawa sa ganitong paraan ang buong pagbabago sa buhay. Kapag isinuko mo ang iyong kalooban kay Cristo, ang iyong buhay ay maitatago kay Cristo sa Diyos. Nasa panig ito ng kapangyarihang higit na mataas sa lahat ng pamunuan at kapangyarihan. Mayroon kang lakas mula sa Diyos na naglalakip sa iyo sa Kanyang kalakasan; at ang isang bagong buhay, ang buhay ng pananampalataya, ay posible para sa iyo. BN 227.5
Hindi ka maaaring magtagumpay sa pag-angat sa iyong sarili, malibang ang iyong kalooban ay nasa panig ni Cristo, na nakikipagtulungan sa Espiritu ng Diyos. Huwag mong isiping hindi mo magagawa ito; kundi, sabihin mong, “Makakaya ko, gagawin ko.” At ipinangako ng Diyos ang Kanyang Banal na Espiritu upang tumulong sa iyo sa bawat tiyak na pagsisikap. BN 227.6