Ang Aking Buhay Ngayon
Ang Biblia Ay Nagdudulot ng Bagong Buhay, 20 Enero
Ipinanganak na kayong muli. . .sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 1 Pedro 1:23 BN 24.1
Ipinahayag sa Biblia ang kalooban ng Diyos. Ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos ay mga pananalita ng Pinakakataas-taasan. Siyang ginagawang bahagi ng buhay ang mga katotohanang ito ay nagiging isang bagong nilalang sa bawat diwa. Hindi siya binigyan ng bagong mental na kapangyarihan, subalit inalis ang kadiliman na nagpapalabo ng pagkaunawa sa pamamagitan ng kamangmangan at kasalanan. Ang mga salitang, “Bibigyan Ko kayo ng bagong puso,” ay nangangahulugan na “Bibigyan Ko kayo ng bagong pag-iisip.” Ang pagbabago ng puso ay palaging sinasamahan ng isang malinaw na kumbiksyon sa tungkuling Cristiano, isang pagkaunawa sa katotohanan. Siyang nagbibigay ng malapit at mapanalangining pansin sa Kasulatan ay magkakaroonn ng malinaw na pagkaunawa at tamang paghatol, na tila sa pagbaling sa Diyos ay nakaabot siya sa isang higit na mataas na antas ng katalinuhan. BN 24.2
Ang Biblia ay naglalaman ng mga prinsipyong nasa saligan ng lahat ng tunay na kadakilaan, lahat ng timay na kasaganaan, maging para sa indibidwal o sa buong bayan. Ang bayang nagbibigay ng kalayaan para sa pagpapakalat ng mga Kasulatan ay nagbibigay daan para ang kaisipan ng mga tao ay lumago at lumawak. Ang pagbabasa ng mga Kasulatan ay nagiging dahilan para ang liwanag ay lumiwanag sa kadiliman. Habang ang Salita ng Diyos ay sinasaliksik, natatagpuan ang mga nagbibigay-buhay na katotohanan. Sa buhay ng mga sumusunod sa mga turo nito ay magkakaroon ng agos ng kaligayahan na magpapala sa lahat ng kanilang nakakasalamuha. BN 24.3
Libu-libo na ang sumalok ng tubig sa mga balon ng buhay na ito, ngunit hindi pa rin nababawasan ang laman nito. Libu-libo na ang humarap sa Panginoon, at sa pamamagitan ng pagtingin ay nabago sa parehong larawan. Ang kanilang mga espiritu ay nag-aalab sa kanila habang sila ay nagsasalita tungkol sa Kanyang karakter, nagsasabi kung sino si Cristo sa kanila at sino sila kay Cristo.... Libu-libo pa ang maaaring makilahok sa gawain ng pagsasaliksik sa mga hiwaga ng kaligtasan.... Ang bawat sariwang pananaliksik ay magpapakita ng bagay na higit na malalim kaysa sa dati nang nahayag. BN 24.4