Ang Aking Buhay Ngayon

20/275

Ang Biblia ay Tumatayong Walang Katulad, 19 Enero

Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang mga bagay na hindi mo nalalaman. Jeremias 33:3 BN 23.1

Wala nang iba pang pag-aaral ang higit na nakapagpapadakila sa bawat kaisipan, damdamin, at hangarin na katulad ng pag-aaral ng mga Kasulatan. Wala nang iba pang aklat ang nakatutugon sa mga katanungan ng pag-iisip at pagnanasa ng puso. Sa pamamagitan ng pagkamit ng kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos, at sa pagsunod dito, ang mga tao ay maaaring bumangon mula sa pinakamalalim na kamangmangan at pagkahamak tungo sa pagiging mga anak ng Diyos, mga kasama ng mga anghel na hindi nagkasala. . . . BN 23.2

Bilang isang nagtuturong kapangyarihan ang Biblia ay walang karibal. Walang ibang nakapagdudulot ng kalakasan sa lahat ng mga kakayahan na katulad sa isang pagsisikap na unawain ang mga kamangha-manghang katotohanan ng paghahayag. Unti-unting iaangkop ng isip ang sarili nito sa mga paksang puwede nitong tahanan. Kung okupado ng karaniwang bagay lamang, ito'y liliit at manghihina. . . . BN 23.3

Sa malawak na saklaw ng estilo at mga paksa nito, ang Biblia ay mayroong bagay na kapakipakinabang sa bawat isipan at pagsusumamo sa bawat puso. . . . Nakapaloob dito ang pinakasimpleng nakasaad na mga katotohanan—mga prinsipyong kasing taas ng kalangitan at sumasaklaw sa walang-hanggan. BN 23.4

Ang Biblia ay may mahalagang tagubilin sa lahat ng katayuan sa buhay o bahagi ng karanasan ng tao. Pinuno at tauhan, panginoon at lingkod, tagahiram at tagapagpahiram, nagbebenta at mamimili, magulang at anak, guro at estudyante—lahat ay maaaring makakita ng mga liksyon na hindi kayang bilhin ng halaga. BN 23.5

Ngunit higit sa lahat, inihahayag ng Salita ng Diyos ang panukala ng kaligtasan: ipinakikita kung paanong ang taong makasalanan ay naipagkasundo sa Diyos, inilalagak ng mga dakilang prinsipyo ng katotohanan at tungkulin na dapat mamahala sa ating mga buhay, at nangangakong magbigay ng banal na tulong sa atin para sa pagsunod dito. Ito'y umaabot lagpas sa panandaliang buhay na ito, lagpas sa maigsi at magulong kasaysayan ng ating lahi. Binubuksan nito para sa ating paningin ang mahabang tanawin ng walang-hanggang kapanahunan — kapanahunang hindi nadiliman ng kasalanan at napalabo ng kalungkutan. BN 23.6