Ang Aking Buhay Ngayon
May Kalakasan kay Cristo, 8 Nobyembre
O manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin. Isaias 27:5 BN 225.1
Hindi magagapi ng kalaban ang mapagpakumbabang magaaral ni Cristo na lumalakad na may pananalangin sa harapan ng Panginoon. Inilalagay ni Cristo ang Kanyang sarili bilang kanlungan, taguan mula sa mga paglusob ng masama. Ibinigay ang pangakong, “Kapag ang kaaway ay darating na parang bugso ng tubig, ang Espiritu ng Panginoon ay magtataas ng watawat laban sa kanya.” . . . BN 225.2
Pinahintulutan si Satanas na tuksuhin ang labis na nagtitiwala sa sariling si Pedro, na kung paanong pinahintulutan siyang tuksuhin si Job, ngunit noong tapos na ang gawaing iyon ay kinailangan niyang umatras. Kung pababayaan si Satanas, wala sanang pag-asa si Pedro. Lubusang mawawasak ang kanyang pananampalataya. Ngunit hindi mangangahas ang kaaway na lumagpas ni isang hibla sa kanyang itinalagang lugar. Walang kapangyarihan sa buong puwersa ng kasamaang makapagpapahina sa kaluluwang nagtitiwala, na may payak na pananampalataya, sa kaalamang nagmumula sa Diyos. BN 225.3
Si Cristo ang ating pugalan ng kalakasan, at walang kapangyarihan si Satanas sa kaluluwang lumalakad kasama ng Diyos sa pagpapakumbaba ng pag-iisip. Ang pangako ay “O manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa Akin.” Kay Cristo ay may lubos at ganap na tulong para sa bawat natutuksong kaluluwa. Nasa bawat landas ang mga panganib, ngunit nakabantay ang buong sansinukob ng kalangitan, upang walang matukso nang higit kaysa kanyang makakayanan. Ang ilan ay may malalakas na katangian ng karakter na kailangang palaging pigilan. Kung pananatilihin sa pagpigil ng Espiritu ng Diyos, magiging biyaya ang mga katangiang ito; ngunit kung hindi, sila ay mapapatunayang mga sumpa... . Kung ibibigay natin ang ating sariling walang pagkamakasarili sa gawain, na hindi lumiliko mula sa prinsipyo, ipapalibot ng Panginoon sa atin ang mga walang hanggang bisig, at Siya ay magiging malakas na tagatulong. Kung tayo ay titingin kay Jesus na ating mapagkakatiwalaan. Hindi Niya tayo bibiguin sa anomang pangangailangan. BN 225.4