Ang Aking Buhay Ngayon
Mga Halimbawa ng BuhayPanalangin, 16 Enero
Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko’y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais at ito'y gagawin para sa inyo. Juan 15:7 BN 20.1
Ang mga patriyarka ay mga mapanalanginin, at ang Diyos ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila. Nang iwanan ni Jacob ang sambahayan ng kanyang ama upang magtungo sa malayong lupain, nanalangin siyang may mapagpakumbabang pagsisisi, at sa kinagabihan ay sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng pangitain.... Inaliw ng Panginoon ang nalulumbay na manlalakbay sa pamamagitan ng mga mahahalagang mga pangako; at ang mga anghel na nag-iingat ay inilarawan na nakatayo sa magkabilang gilid ng kanyang daan.... BN 20.2
Nanalangin si Jose, at siya'y naingatan mula sa pagkakasala sa gitna ng mga impluwensyang sinadya upang akitin siya palayo sa Diyos. Nang siya'y tuksuhing iwanan ang daan ng kadalisayan at katuwiran, tinanggihan niya ang masamang mungkahi sa pamamagitan ng pagsasabing, “Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?” BN 20.3
Si Moises, na madalas na nasa panalangin, ay nakilala bilang pinakamaamong tao sa balat ng lupa.... Habang pinangungunahan niya ang mga anak ni Israel sa ilang, muli't muli ay tila kailangan silang lipulin dahil sa kanilang pagrereklamo at rebelyon. Ngunit si Moises ay nagtungo sa totoong Pinagmumulan ng kapangyarihan; inilatag niya ang kalagayan sa harap ng Panginoon.... At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita.”... BN 20.4
Si Daniel ay isang taong mapanalanginin, at binigyan siya ng Diyos ng katalinuhan at katatagan upang labanan ang bawat nagkaisang impluwensya para dalhin siya sa bitag ng kawalang pagpipigil. Maging sa kanyang kabataan siya'y naging isang dakilang lalaki ng kabutihan sa kalakasan ng Isang Makapangyarihan.... BN 20.5
Sa loob ng bilangguan sa Filipos, habang nagdurusa mula sa malulupit na mga latay na kanilang natanggap, ang kanilang mga paa ay nakatanikala, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng papuri sa Diyos; at isinugo ang mga anghel mula sa langit upang sila'y iligtas. Ang lupa ay nayanig sa yapak ng mga makalangit na sugong ito, at ang mga pintuan ng bilangguan ay nabuksan na nagpalaya sa mga bilanggo. BN 20.6
_______________
Ang panalangin ay nanghahawak sa Makapangyarihan sa lahat, at nagbibigay sa atin ng tagumpay. BN 20.7