Ang Aking Buhay Ngayon

15/275

Kapangyarihan sa Panalangin, 14 Enero

At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak. Juan 14:13 BN 18.1

Ang mga kahilingan ng isang mapagkumbabang puso at nagsisising espiritu ay hindi Niya hahamakin. Ang pagbubukas ng ating mga puso sa ating Ama sa langit, ang pagkilala ng ating buong-buong pagkakandili, ang paghahayag ng ating mga kagustuhan, ang papuri ng nagpapasalamat na pagmamahal—iyan ang tunay na panalangin. BN 18.2

Itinatala ng mga anghel ang bawat panalangin na matiyaga at taospuso. Mas mabuting iwaksi natin ang makasariling kasiyahan kaysa makaligtaan ang pakikipagniig sa Diyos. Ang pinakamalalim na kahirapan, ang pinakadakilang pagtanggi sa sarili, na nagtataglay ng Kanyang pagsang-ayon, ay higit pang mabuti kaysa sa mga kayamanan, mga karangalan, kaalwanan, at pakikipagkaibigan na wala nito. Dapat tayong maglaan ng oras para manalangin. Kung pahihintulutan natin ang ating mga isip na maokupa ng mga makamundong interes, maaaring bigyan tayo ng panahon ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatanggal sa atin ng ating mga diyus-diyosan na ginto, mga tirahan, o mabungang mga lupain. BN 18.3

Hindi maaakit ang mga kabataan sa pagkakasala kung sila'y tatangging pumasok sa anumang landas maliban doon sa mahihingi nila ang pagpapala ng Diyos. Kung ang mga mensaherong nagdadala ng paghuling taimtim na babala sa mundo ay mananalangin para sa pagpapala ng Diyos, sa paraang hindi malamig, matamlay, at batugan, ngunit sa taimtim at may pananampalatayang kagaya nang kay Jacob, makikita nila ang maraming mga lugar kung saan masasabi nilang, “Nakita ko ang Diyos ng mukhaan at naligtas ang aking buhay.” Ibibilang sila ng kalangitan bilang mga anak ng hari, na may kapangyarihang managumpay sa Diyos at sa tao. BN 18.4

Ang tunay na panalangin, na inihandog na may pananampalataya, ay isang kapangyarihan doon sa humihiling. Ang panalangin, maski inihahandog sa pampublikong pagtitipon, sa altar ng pamilya, o sa lihim na lugar, ay direktang naglalagay sa tao sa presensya ng Diyos. Sa pamamagitan ng palagiang panalangin ang mga kabataan ay maaaring tumanggap ng mga prinsipyong napakatibay na hindi sila maihihiwalay ng malalakas na mga tukso mula sa kanilang katapatan sa Diyos. BN 18.5

Ang mga pinakadakilang tagumpay ng iglesia ni Cristo o ng indibidwal na Cristiano. . .ay iyong mga tagumpay na natatamo sa harapan ng Diyos, kapag ang maalab at nagbabatang pananampalataya ay nanghahawak sa malakas na bisig ng kapangyarihan. BN 18.6