Kasaysayan ng Pag-Asa

27/28

Pagkorona Kay Cristo

Nakitang muli si Cristo ng Kanyang mga kaaway. May isang trono, mataas at nakaangat sa itaas ng lunsod, sa ibabaw ng isang makintab na gintong pundasyon. Nakaupo Siya roon, at sa palibot Niya’y naroon ang mga sakop ng Kanyang kaharian. Walang salitang makapaghahayag sa kapangyarihan at kadakilaan Niya; walang panulat ang kayang makapaglarawan. Bumabalot sa Anak ang kaluwalhatian ng Walang-Hanggang Ama. Pinuno ng kaningningan ng Kanyang presensya ang lunsod, at umagos palabas sa mga pintuang-bayan, na binabaha ang lupa ng liwanag nito. KP 117.2

Ang mga dati'y masisigasig sa gawain ni Satanas ang pinakamalapit sa trono, ngunit gaya ng isang gatong na inagaw sa apoy, sila'y nagsisunod sa kanilang Tagapagligtas nang may malalim at masidhing katapatan. Kasunod naman ang mga maiging nagpakahusay ng karakter ng isang Kristiyano sa gitna ng kasinungalingan at kawalang-paniniwala, ang mga nagparangal sa kautusan ng Diyos bagaman ipinahayag ng buong Sangkakristiyanuhan na ito'y wala nang kabuluhan, at ang milyun-milyong mula sa lahat ng panahong naging martir dahil sa kanilang pananampalataya. Sa dako roon ay ang “napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng lipi, mga bayan at mga wika, ang nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” Apocalipsis 7:9. Tapos na ang kanilang pakikipaglaban, nagtagumpay na sila. Tinakbo nila ang takbuhin at nakamit ang gantimpala. Simbolo ng kanilang pagtatagumpay ang sanga ng palma sa kanilang mga kamay. Sagisag ng walang-dungis na katuwiran ni Cristo ang puting damit na ngayo’y kanila na. KP 117.3

Umawit ng pagpupuri ang mga natubos na umalingawngaw sa buong kalangitan, “Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!” Nakisaliw sa pagpupuri ang mga anghel. Nang masaksihan ng mga tinubos ang kapangyarihan at masamang balak ni Satanas, ngayon lang nila lalong nakita na wala na ngang ibang kapangyarihan kundi yung kay Cristo lamang ang makakapagbigay sa kanila ng tagumpay. Sa buong maningning na karamihang iyon ay wala ni isa mang nagsabing sila'y naligtas dahil sa kanilang sarili, na para bagang sila'y nagtagumpay sa pamamagitan ng sarili nilang kapangyarihan at kabutihan. Wala silang sinabing anuman tungkol sa kanilang ginawa o pinagdaanan, kundi ang buod ng bawat kanta, ang tema ng bawat awit ng papuri ay, “Ang pagliligtas ay sa aming Diyos...at sa Kordero!” Apocalipsis 7:10. KP 118.1

Naganap ang pagkorona sa Anak sa harapan ng mga nag- kakatipong tagalupa at tagalangit. At ngayong nabigyan na ng pinakamataas na kadakilaan at kapangyarihan, binigkas na ng Hari ng mga hari ang sentensya sa mga naghimagsik sa Kanyang pamahalaan, at ipinatupad ang katarungan sa lahat ng sumalangsang sa Kanyang kautusan at nagpahirap sa Kanyang bayan. Ang sabi ng propeta ng Diyos: “At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa Kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila. At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang Aklat ng Buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.” Apocalipsis 20:11, 12. KP 118.2

Pagkabukas sa mga aklat ng talaan, at pagkatitig ni Jesus sa mga masasama, nabatid nila ang lahat ng kasalanang ginawa nila. Nakita nila kung saan sila humiwalay sa landas ng kalinisan at kabanalan, at kung gaano kalayo silang tinangay ng pagmamataas at pagrerebelde sa paglabag sa kautusan ng Diyos. Ang mga kaakit-akit na tuksong itinaguyod nila dahil sa pagpapakasawa sa kasalanan, ang mga pagpapalang ginamit sa kasamaan, ang mga mensahero ng Diyos na kanilang hinamak, ang mga babalang hindi tinanggap, ang mga alon ng kahabagang itinaboy ng matigas na puso—napakalinaw ng lahat na para bang nakasulat sa mga titik na apoy. KP 118.3

Tanawin ng Dakilang Labanan—Nakita nila ang krus sa ibabaw ng trono, at makikita ang mga tagpo ng pagkatukso at pagkakasala ni Adan gaya ng isang panoorin, at ang sunud-sunod na hakbang sa dakilang panukala ng pagtubos. Ang hamak na kapanganakan ng Tagapagligtas; ang Kanyang buhay ng kamusmusa’t pagkamasunurin; ang bautismo Niya sa Jordan; ang pag-aayuno’t pagtukso sa Kanya sa ilang; ang paglilingkod Niya sa mga tao, na naghandog sa mga lalaki’t babae ng pinakamahahalagang pagpapala ng langit; ang mga araw na punung-puno ng mga gawain ng pag-ibig at kahabagan; ang mga gabi ng pananalangin at pagpupuyat sa katahimikan ng kabundukan; ang pagsasabwatan ng inggit, galit, at kasamaang iginanti sa mga pagpapala Niya; ang kakila-kilabot at mahiwagang paghihirap sa Getsemani, sa ilalim ng nakakadurog na bigat ng mga kasalanan ng buong sanlibutan; ang pagkakanulo sa Kanya sa mga kamay ng mga taong handang pumatay; ang mga nakakatakot na pangyayari nang gabing iyon ng lagim: ang di-lumalabang bihag, na nilayasan ng mga pinakamamahal Niyang alagad, walang-galang na dinala nang apurahan padaan sa mga lansangan ng Jerusalem, may pagbubunying iniharap kay Anas, pinaratangan sa palasyo ng punong pari, sa hukuman ni Pilato, sa harapan ng duwag at malupit na si Herodes, hinamak, ininsulto, pinahirapan, at hinatulang mamatay—lahat ng ito'y malinaw na ipinalabas. KP 119.1

Inihayag ang mga huling tagpo sa harap ng napakaraming tao: ang matiising Taong Nagdurusa na tinatahak ang landas patungo sa Kalbaryo, ang Prinsipe ng langit na nakabayubay roon sa krus, ang mga mapanghamak na pari at ang nagkakagulong mga tao na nililibak ang hirap ng Kanyang paghihingalo, ang di-karaniwang kadiliman, ang taas-babang lupa, ang mga natipak na bato, ang mga nabuksang libingan, na siyang tanda ng sandaling nalagutan ng hininga ang Manunubos ng sanlibutan. KP 119.2

Ipinakita ayon sa kung anong nangyari ang kakila-kilabot na palabas. Walang lakas si Satanas, ang kanyang mga anghel at tagasunod, na umiwas sa larawang sila ang maygawa. Naalala ng bawat gumanap ang bahaging ginampanan niya. Si Herodes, na nagpapatay sa mga inosenteng bata sa Bethlehem mapatay lamang ang Hari ng Israel; ang napakasamang si Herodias, na may-sala sa dugo ni Juan Bautista; ang mahina at mahilig magpalakas na si Pilato; ang mga nanlilibak na sundalo; ang mga pari’t pinuno at ang galit na galit na karamihan na sumigaw, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang Kanyang dugo!”—ay pawang nakita ang kakila-kilabot na kasamaan ng kanilang kasalanan. Walang- kabuluhan nilang sinikap na magtago sa banal na kamahalan ng Kanyang mukha, na higit pa sa kaluwalhatian ng araw, samantalang inilalapag naman ng mga tinubos ang kanilang korona sa paanan ng Tagapagligtas, na sinasabi, “Namatay Siya dahil sa akin!” KP 119.3

Kasama sa mga tinubos ang mga apostol ni Cristo, ang magiting na si Pablo, ang masigasig na si Pedro, ang minamahal at mapagmahal na si Juan, at ang mga tapat nilang kapatiran, at napakaraming mga martir, samantalang sa labas ng mga pader, kasama ng lahat ng napakasama at kasuklam-suklam na bagay, ang mga nang-usig, nagbilanggo, at pumatay sa kanila. Naroon si Nero, ang halimaw sa kalupitan at bisyo, minamasdan ang kagalakan at karangalan ng mga pinahirapan niya noon, na ang pinakamatinding hirap ay kinasumpungan niya ng makademonyong kaligayahan. Naroon din ang kanyang ina upang saksihan ang resulta ng kanyang gawa, kung paanong ang masamang tatak ng karakter na isinalin niya sa kanyang anak, ang mga hilig na isinulsol at hinubog ng kanyang impluwensya at halimbawa, ay nagbunga ng mga krimen na nagpangatal sa sanlibutan. KP 120.1

Naroon ang mga pari at matataas na alagad ng simbahan, na nagsabing mga kinatawan sila ni Cristo, subalit gumamit ng pag- papahirap, bilangguan, at sunugan, upang kontrolin ang budhi ng Kanyang bayan. Naroon ang mga mapagmalaking papa na itinaas ang kanilang sarili nang higit sa Diyos at nangahas na baguhin ang Kanyang kautusan. May pananagutang ipagsusulit sa Diyos iyong mga nagkunwaring ama ng iglesia, na dito’y mas gugustuhin nilang makaiwas. Huling-huli na nang makita nila na ang Isang Nakakaalam ng lahat ay naninibugho para sa Kanyang kautusan, at hindi Niya aariing walang-sala ang may-sala sa anumang paraan. Ngayon nila nalaman na ibinibilang pala ni Cristo ang Kanyang sarili sa nagdurusa Niyang bayan, at nadama nila ang bigat ng sarili Niyang salita, “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid Kong ito, ay sa Akin ninyo ginawa” Mateo 25:40. KP 120.2

Sa Hukuman—Nasasakdal sa hukuman ng Diyos ang buong daigdig ng kasamaan, sa paratang ng sukdulang pagtataksil sa pamahalaan ng langit. Walang magtatanggol sa kaso ng mga napahamak. Wala silang maidahilan, at iginawad na sa kanila ang hatol na walang-hanggang kamatayan. KP 121.1

Ngayo'y malinaw na sa lahat na hindi marangal na kalayaan at walang-hanggang buhay ang kabayaran ng kasalanan, kundi pagkaalipin, pagkawasak, at kamatayan. Nakita ng mga makasalanan kung ano ang nawala sa kanila dahil sa kanilang paghihimagsik. Hinamak nila ang “walang hanggan at di-masukat na kaluwalhatian” nang ito’y ialok sa kanila, pero ngayon ito’y lubhang kahangad- hangad. “Ang lahat ng ito,” sigaw ng napahamak na kaluluwa, “ay napasaakin sana, pero pinili kong ilayo sa akin ang mga bagay na ito. O, kakaibang kahibangan! Ipinagpalit ko ang kapayapaan, kali- gayahan, at karangalan sa pagkaaba, kahihiyan, at kawalang pag-asa.” Nakita ng lahat na makatarungan ang di-pagsasama sa kanila sa langit. Sinabi nila sa paraan ng kanilang pamumuhay, “Ayaw naming pagharian kami ng Jesus na ito.” KP 121.2

Minasdan ng mga masasama ang pagkorona sa Anak ng Diyos. Nakita nila sa Kanyang mga kamay ang mga batong tapyas ng kautusan, ang mga alituntuning hinamak at nilabag nila. Nasaksihan nila ang silakbo ng paghanga, labis na kagalakan, at pagsamba mula sa mga naligtas, at habang humahaplos sa napakaraming taong nasa labas ng lunsod ang alon ng himig, sabay-sabay ang lahat na sumigaw: “Dakila at kamangha-mangha ang Iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa Lahat! Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga banal” (Apocalipsis 15:3), at sila’y nagpatirapa upang sambahin ang Prinsipe ng buhay. KP 121.3

Ikalawang Kamatayan—Natulala si Satanas habang mina- masdan ang kaluwalhatian at kadakilaan ni Cristo. Naalala ng dating kerubing tumatakip kung saan siya bumagsak. Maningning na anghel, “anak ng umaga”—kaylaking pagbabago, kaylubhang pagsama! KP 121.4

Nakita niyang ang kusa niyang pagrerebelde, ang ikinawala ng kanyang karapatan sa langit. Sinanay niya ang kanyang kapang-yarihan na makipaglaban sa Diyos, kaya’t magiging sukdulang pahirap sa kanya ang kalinisan, kapayapaan, at kaayusan ng langit. Natahimik ang mga paratang niya laban sa kaawaan at katarungan ng Diyos. Pawang nakapatong lahat sa kanyang sarili ang kasiraang pinagsikapan niyang ibato kay Jehova. At, yumukod si Satanas at ipinahayag ang katarungan ng sentensya sa kanya. KP 122.1

Naging malinaw na ngayon ang bawat tanong ukol sa katotohanan at kamalian sa matagal nang tunggalian. Lubos na nabigyang- katuwiran ang katarungan ng Diyos. Nakita ng buong sansinukob ang malinaw na pagtatanghal ng napakalaking sakripisyo na ginawa ng Ama at ng Anak para sa kapakanan ng sangkatauhan. Dumating na ang oras upang punan ni Cristo ang karapat-dapat Niyang kalagayan at luwalhatiin nang higit na mataas kaysa mga pamunuan at kapamahalaan at sa bawat pangalan na pinangalanan. KP 122.2

Bagaman napilitan siyang kilalanin ang katarungan ng Diyos at yumukod sa kataas-taasang kapangyarihan ni Cristo, hindi pa rin nagbabago ang kanyang likas. Muling sumilakbo gaya ng isang napakabilis na ilog ang espiritu ng rebelyon. Ipinasya niyang huwag isuko ang malaking tunggalian. Dumating na ang panahon para sa huling desperadong pakikipagpunyagi laban sa Hari ng kalangitan. Madali siyang nagpunta sa kalagitnaan ng kanyang mga sakop at sinikap na pukawin sila sa pamamagitan ng matindi niyang galit at pakilusin sila sa dagliang pakikipaglaban. Ngunit wala ni isa man na kumilala sa kanyang paghahari sa di-mabilang na karamihang natukso niya. Katapusan na ng kanyang kapangyarihan. Napuno ng pagkamuhi sa Diyos ang mga makasalanan na nagpapasigla sa kanya, ngunit nakita nilang wala nang pag-asa ang kanilang kalagayan, na hindi sila mananaig laban kay Jehova. Nagsiklab ang kanilang galit laban sa kanya at sa mga naging ahensya niya sa pandaraya. Binalingan nila sila taglay ang matinding galit, at doo’y sumunod ang tagpo ng pangkalahatang kaguluhan. KP 122.3

Sa gayo'y matutupad ang mga sinabi ng propeta: “Sapagkat ang Panginoon ay galit laban sa lahat ng bansa, at napopoot laban sa lahat nilang hukbo. Kanyang inilaan sila, Kanyang ibinigay sila upang patayin” Isaias 34:2. “Sa masama ay magpapaulan Siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang kopa.” Awit 11:6. Bumaba mula sa Diyos sa langit ang apoy. Nagbitak-bitak ang lupa. Lumabas ang mga sandatang nakatago sa kailaliman nito. Lumabas din ang tumutupok na apoy. Nagliliyab mismo ang malalaking bato. Dumating na ang araw “na gaya ng nagniningas na pugon.” Malakias 4:1. Natunaw ang mga elemento dahil sa matinding init, at nasunog pati ang lupa, at ang mga gawang naroon (2 Pedro 3:10). Parang isang nalulusaw na kimpal ang ibabaw ng lupa—isang malawak at kumukulong lawa ng apoy. Oras iyon ng kahatulan at kapahamakan ng mga makasalanang tao—“araw ng paghihiganti...[ng] Panginoon, at ang taon ng pagganti para sa kapakanan ng Zion.” Isaias 34:8. KP 122.4

Tinanggap ng mga makasalanan ang makatuwiran nilang kagantihan sa lupa. Sila'y “‘magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila,’ sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Malakias 4:1. May mga ilang saglit lang na namatay, samantalang nagdusa ng maraming araw ang iba. Pinarusahan ang lahat ayon sa kanilang mga gawa. Pinagdusa si Satanas hindi lamang para sa sarili niyang paghihimagsik, kundi para sa lahat ng kasalanang ipinagawa niya sa bayan ng Diyos. Lubhang mas matindi ang kaparusahan niya kaysa sa iba. Namatay nang lahat ang mga nagkasala dahil sa pandaraya niya, pero siya'y buhay pa rin at patuloy na nagdurusa. Dahil sa naglilinis na apoy, nalipol na rin sa wakas ang masasama, ugat at sanga—si Satanas ang ugat, ang mga tagasunod niya ang sanga. Nasapatan ang katarungan ng Diyos, at nagsabi sa malakas na tinig ang mga banal at mga anghel, Amen. KP 123.1

Samantalang nababalot ng apoy ng pagwasak ang lupa, ligtas naman sa loob ng Banal na Siyudad ang mga matuwid. Walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan sa mga nakasama sa unang pagkabuhay na muli (Apocalipsis 20:6). Samantalang isang tumutupok na apoy sa mga masasama ang Diyos, Siya nama’y araw at kalasag sa Kanyang bayan (Awit 84:11). KP 123.2