Kasaysayan ng Pag-Asa

28/28

Kabanata 15 - Ang Bagong Pasimula

Nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na.” Apocalipsis 21:1. Dinalisay ng apoy na tumupok sa mga masasama ang lupa. Nalinis na ang bawat bakas ng sumpa. Walang impiyernong nagliliyab magpakailanman na magpapaalala sa mga naligtas sa kinahinatnan ng kasalanan. Isang paalala lamang ang matitira: Tataglayin ng ating Manunubos magpakailanman ang mga bakas ng pagkapako sa krus. Sa Kanyang ulo, mga kamay at paa, ay naroon ang mga bakas ng kalupitang ginawa ng kasalanan. KP 124.1

“O Tore ng kawan, na burol ng anak na babae ng Zion, ito sa Iyo’y darating, ang dating [teritoryo] ay darating.” Mikas 4:8. Nabawi ni Cristo ang kahariang nawala dahil sa kasalanan, at maghahari rito ang mga tinubos kasama Niya. “Mamanahin ng matuwid ang lupain, at maninirahan doon magpakailanman.” Awit 37:29. Ang takot na gawing materyal ang hinaharap na pamana ng mga banal ang siyang nagtulak sa marami upang bigyan ng espirituwal na pakahulugan ang mismong mga katotohanang nag-aakay sa atin na ituring ang bagong lupa na tahanan natin. Tiniyak ni Cristo sa Kanyang mga alagad na Siya'y umalis upang maghanda ng lugar para sa kanila. Yaong mga tumatanggap sa mga turo ng Salita ng Diyos ay hindi magiging lubos na mangmang tungkol sa makalangit nilang tahanan. Gayunma'y sinasabi ni apostol Pablo, “Hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa puso ng tao,... ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa Kanya” 1 Corinto 2:9. Hindi sapat ang salita ng tao upang ilarawan ang gantimpalang ito. Malalaman lamang ito ng mga talagang nakakita rito. Walang may-hangganang isipan ang makakaunawa sa kaluwalhatian ng Paraiso ng Diyos. KP 124.2

Sa Biblia, ang pamana sa mga naligtas ay tinatawag na bayan (Hebreo 11:14-16). Aakayin ng dakilang Pastol doon ang Kanyang kawan sa mga bukal ng tubig na buhay. Ang puno ng buhay ay namumunga buwan-buwan, at sa kapakinabangan ng mga bansa ang mga dahon. Naroon ang mga mala-kristal na batis na walang tigil ang pag-agos, at sa tabi ng mga ito ang mga umuugoy na puno na nililiman ang mga daang inihanda para sa mga natubos. May napakagagandang mga burol sa dulo ng napakaluluwang na kapatagan, at makikita ang matatayog na tuktok ng kabundukan ng Diyos. Sa lugar na iyon, sa tabi ng mga batis, ang bayan ng Diyos, na napakatagal nang mga manlalakbay at lagalag ay makasusumpong ng tahanan. KP 124.3

Bagong Jerusalem—Naroon ang Bagong Jerusalem, “may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.” Apocalipsis 21:11. Ang sabi ng Panginoon, “Ako’y magagalak sa Jerusalem, at maliligayahan sa Aking bayan.” Isaias 65:19. “Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya'y maninirahang kasama nila, at sila'y magiging bayan Niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at Siya'y magiging Diyos nila. At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na.” Apocalipsis 21:3, 4. KP 125.1

“Hindi na magkakaroon pa ng gabi” sa lunsod ng Diyos. Wala nang mangangailangan o maghahangad na magpahinga. Wala nang pagkapagod sa paggawa ng kalooban ng Diyos at pag-aalay ng papuri sa Kanyang pangalan. Lagi nating mararanasan ang kasiglahan ng umaga, at hindi na magwawakas pa. “At sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila.” Apocalipsis 22:5. Mapapalitan ang liwanag ng araw ng liwanag na di nakasilaw, ngunit labis na nakahihigit ang liwanag kaysa sa katanghaliang tapat. Ang kaluwalhatian ng Diyos at Kordero ang siyang liwanag sa lunsod. Lalakad ang mga tinubos sa kaluwalhatiang walang araw sa walang-hanggang araw. KP 125.2

“At hindi ako nakakita ng templo roon; sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.” Apocalipsis 21:22. Ang bayan ay may tanging- karapatang makipag-usap nang malaya sa Ama at Anak. “Ngayo’y malabo nating nakikita sa isang salamin.” 1 Corinto 13:12. Nakikita natin ang larawan ng Diyos na naaaninag sa ginawa Niyang kalikasan at sa pakikitungo Niya sa mga tao, gaya ng sa isang salamin; subalit makikita natin Siya nang mukhaan sa panahong iyon, na walang nakapagitang tabing na nagpapalabo. Tayo’y tatayo sa Kanyang harapan, at pagmamasdan ang kaluwalhatian ng Kanyang mukha. KP 125.3

Masayang pag-aaralan doon ng mga may imortal na isipan ang mga kababalaghan ng lumilikhang kapangyarihan at tumutubos na pag- ibig. Wala nang malupit at mapandayang kaaway na manunuksong kalimutan ang Diyos. Bawat bahagi ng isipan ay susulong, bawat kakayahan ay madaragdagan. Hindi ikapapagod ng isip o ikauubos man ng lakas ang pagtamo ng kaalaman. Maipagpapatuloy ang pinaka- malalaking proyekto, maaabot ang pinakamatatayog na pangarap, matutupad ang pinakamatataas na ambisyon; subalit meron pa ring mga bagong tugatog na aakyatin, kababalaghang kamamanghaan, katotohanang uunawain, layuning nangangailangang gamitan ng kapangyarihan ng isipan, kaluluwa, at katawan. KP 126.1

Sa paglipas ng walang-hanggan, maghahatid ito ng mas masagana at maluwalhati pang mga kapahayagan ng Diyos at ni Cristo. Kung paanong sumusulong ang kaalaman, lumalago rin ang pag-ibig, paggalang, at kaligayahan. Habang higit na natututo ang mga tao tungkol sa Diyos, lalo rin naman nilang hinahangaan ang Kanyang karakter. Habang binubuksan ni Jesus sa kanila ang kasaganaan ng pagtubos at ang mga kahanga-hangang tagumpay na nakamit sa matinding pakikipagtunggali kay Satanas, ang puso ng mga tinubos ay lalo namang pumipintig sa mas maalab na pagtatalaga, at nang kinakalabit nila ang kanilang mga gintong alpa mas mahigpit na hawak; at milyun-milyon at libu-libong tinig ang nagsama-sama upang ilakas ang makapangyarihang awitin ng papuri. KP 126.2

“At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi, ‘Sa Kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.’ ” Apocalipsis 5:13. KP 126.3

Wala nang kasalanan at mga makasalanan. Malinis na ang buong sansinukob ng Diyos at nagwakas na ang dakilang tunggalian magpakailanman. KP 126.4