Kasaysayan ng Pag-Asa
Kabanata 3 - Ang Trahedya
Sa gitna ng halamanan, malapit sa puno ng buhay, nakatayo ang puno ng kaalaman ng mabuti’t masama. Ginawa ng Diyos ang punong ito para sila'y makapagpatunay ng kanilang pagsunod, pananampalataya, at pagmamahal sa Kanya. Inutusan ng Panginoon ang una nating mga magulang na huwag kakain ng bunga ng punong ito, at baka sila'y mamatay. Sinabihan Niya sila na malaya silang makakakain mula sa lahat ng puno sa halamanan maliban sa isa. Pero kung sila'y kakain mula sa punong ito, tiyak na mamamatay sila. KP 13.1
Nang ilagay ng Diyos sina Eva’t Adan sa magandang halamanan, nasa kanila na ang lahat ng bagay na nanaisin nila para maging maligaya. Ngunit sa matalino Niyang mga panukala, ipinasya ng Diyos na subukin ang kanilang katapatan bago sila maging ligtas magpakailanman. Matatamasa nila ang Kanyang pabor, at Siya’y makikipag-usap sa kanila’t sila sa Kanya. Gayunma’y hindi Niya inilayo ang kasamaan na maaabot ng kanilang kamay. Pinayagang tuksuhin sila ni Satanas. Kung malalampasan nila ang pagsubok, malalagay sila sa pabor ng Diyos at mga makalangit na anghel magpakailanman. KP 13.2
Labis na nagulat si Satanas sa kanyang bagong kalagayan. Nawala ang kanyang kaligayahan. Tiningnan niya ang mga anghel, na dati’y napakasaya katulad niya, subalit pinalayas sa langit kasama niya. May awayan, di-pagkakasundo, at matitinding pagpaparatang sa kalagitnaan nila. Bago sila magrebelde, hindi pa ito nararanasan sa langit. Nakita ngayon ni Satanas ang matitinding bunga ng kanyang rebelyon. KP 13.3
Kung magiging kagaya siyang muli kung ano siya noong dalisay, totoo, at tapat pa siya, malugod sana niyang isinuko ang mga pag- aangkin ng kanyang awtoridad. Pero siya'y napariwara na! Inilagay siya ng kanyang walang-bataya’t sutil na paghihimagsik sa hindi kayang maabot ng katubusan! KP 13.4
Batay sa Genesis 2:15-17 at Genesis 3.
At hindi lamang ito. Inudyukan din niya ang iba sa rebelyon at napahamak din sa ganoong kalagayan—mga anghel na walang kabalak-balak na kuwestiyunin ang kalooban ng Diyos o tanggihang sundin ang kautusan ng Diyos hanggang sa ilagay niya ito sa kanilang mga isipan. Ngayon naliligalig sila dahil sa mga nabigong pag-asa. Sa halip na mas malaking kabutihan, nararanasan nila ang malulungkot na resulta ng pagsuway at pagbale-wala sa kautusan ng Diyos. KP 14.1
Inisip-isip ni Satanas ang Kanyang Tinatahak—Nanginig si Satanas habang tinitingnan niya ang kanyang ginawa. Mag-isa niyang pinag-isipan ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang mga piano niya sa hinaharap. Sa kanyang pagrerebelde, wala siyang naidahilan para sa kanyang tinatahak, at kanyang winasak hindi lamang ang kanyang sarili kundi maging ang napakalaking hanay ng mga anghel, na masaya pa rin sana sa langit kung nanatili lang siyang tapat. Kayang maghatol ng kautusan ng Diyos pero hindi nito kayang magpatawad. KP 14.2
Hindi nakadagdag ng pagmamahal niya sa Diyos o sa matalino’t makatuwiran Niyang kautusan ang malaking pagbabagong ito. Nang lubusang makumbinsi si Satanas na wala nang posibilidad pang makabalik sa pabor ng Diyos, ibinunyag niya ang masama niyang balak nang may higit na pagkamuhi’t mapusok na galit. KP 14.3
Alam ng Diyos na hindi mananatiling walang-ginagawa ang ganoong kadeterminadong rebelyon. Iimbento si Satanas ng mga paraan para inisin ang mga makalangit na anghel at magpakita ng paglait sa Kanyang awtoridad. Palibhasa’y hindi na siya pinapayagan sa mga pintuan ng langit, maghihintay na lang siya sa pasukan, para alipustain ang mga anghel at tangkaing makipagtalo sa kanila habang sila'y pumapasok at lumalabas. Pagsisikapan niyang sirain ang kaligayahan nina Eva’t Adan. Gagawin niya ang lahat ng pagsisikap para sulsulan sila sa paghihimagsik, yamang alam na magdudulot ito ng matinding kalungkutan sa langit. KP 14.4
Masamang Balak sa Lahi ng Tao—Sinabi ni Satanas sa kanyang mga tagasunod ang kanyang mga piano na hilahin ang marangal na si Adan at asawang si Eva palayo sa Diyos. Kung madadaya niya silang sumuway sa anumang paraan, gagawa ang Diyos ng paglalaan para mapatawad sila, at sa gayo’y puwedeng makapaggiit siya’t ang lahat ng nagkasalang anghel ng karapatan sa isang bahagi ng awa ng Diyos sa kanila. KP 14.5
Kung hindi ito mangyari, puwede silang makipag-isa kina Eva’t Adan, dahil kapag nilabag nila ang kautusan ng Diyos, mapapasailalim na rin sila sa galit ng Diyos, katulad nila. Ilalagay rin sila ng pagsalangsang na ito sa katayuan ng paghihimagsik, kagaya nila. Makukuha nila ang Eden at aariing kanilang tahanan, kung magagawa nilang makipag-isa kina Eva't Adan. Magiging kapantay sila sa mga banal na anghel sa lakas at pag-iisip kung makakapunta sila sa puno ng buhay sa gitna ng halamanan, at hindi na sila mapapalayas maging ng Diyos mismo. KP 15.1
Binalaan Sina Eva’t Adan—Tinipon ng Diyos ang mga anghel upang magpasya para hadlangan ang ibinabantang kasamaan. Denisisyunan sa konsilyo ng langit na bibisitahin ng mga anghel ang Eden at bibigyang-babala si Adan na nanganganib siya sa kaaway. KP 15.2
Ikinuwento ng mga anghel kina Eva't Adan ang malungkot na kasaysayan ng paghihimagsik at pagbagsak ni Satanas. Pagkatapos, bukod-tangi nilang ipinaalam sa kanila na inilagay sa halamanan ang puno ng kaalaman bilang paraan upang maipangako nila ang kanilang pagsunod at pagmamahal sa Diyos. Napapanatili lamang ng mga banal na anghel ang mataas at masaya nilang kalagayan sa kondisyon ng pagsunod, at ganoon din ang kanilang sitwasyon. Puwede nilang sundin ang kautusan ng Diyos at maranasan ang di- maipahayag na kasiyahan, o sumuway at mawala ang mataas nilang katayuat masadlak sa kawalang pag-asa. KP 15.3
Sinabi ng mga anghel sa kanila na hindi sumunod sa kautusang itinatag ng Diyos na nangangasiwa sa mga makalangit na nilalang ang pinakamataas na anghel, na kasunod ni Cristo ang ranggo. Ang rebelyong ito ang sanhi ng digmaan sa langit, na nauwi sa pagpapatalsik sa mga rebelde, at pinalayas sa langit ang bawat anghel na nakisama sa lider na ito sa pagkuwestiyon sa kapamahalaan ng dakilang Jehova. Kaaway na ngayon ng lahat ng pinahahalagahan ng Diyos at ng Kanyang Anak ang nagkasalang anghel na ito. KP 15.4
Sinabihan nila sila na balak silang saktan ni Satanas, at kina- kailangang magbantay sila, dahil baka makaharap nila ang nahulog na kaaway. Gayunman, hindi sila nito maaano habang sila'y sumusunod sa utos ng Diyos, dahil, kung kinakailangan, darating ang bawat anghel sa langit para tulungan sila sa halip na payagan siyang saktan sila sa anumang paraan. Pero kapag sila'y sumuway sa utos ng Diyos, kung gayon magkakaroon si Satanas ng kapangyarihang sila'y inisin, lituhin, at guluhin simula noon. Kung sila'y manatiling matatag laban sa mga unang pahiwatig ng kasamaan mula kay Satanas, sila'y kasingligtas na ng mga anghel sa langit. KP 15.5
Pero kung sila'y bumigay sa manunukso, hindi rin sila paliligtasin ng Diyos gaya ng mga matataas na anghel. Dapat nilang pagdusahan ang kaparusahan ng kanilang pagsalangsang, sapagkat kasingsagrado ng Diyos ang Kanyang kautusan, at hinihingi Niya ang buong-pusong pagsunod sa buong langit at lupa. KP 16.1
Binalaan ng mga anghel si Eva na huwag hihiwalay sa kanyang asawa sa mga gawain niya sa halamanan, dahil baka makaharap niya ang nahulog na kaaway. Kung sila'y mahihiwalay sa isa't isa, mas malaki ang kanilang panganib kaysa kung magkasama sila. KP 16.2
Sinigurado nila sa mga anghel na hindi nila susuwayin ang malinaw na utos ng Diyos. Sa halip, pinakamataas nilang kagalakan ang sumunod sa Kanyang kalooban. KP 16.3