Kasaysayan ng Pag-Asa
Tukso At Pagkakasala
Kinuha ni Satanas ang anyo ng ahas at pumasok sa Eden. Pumuwesto siya sa puno ng kaalaman at dahan-dahang kumain ng bunga. KP 16.4
Walang kamalay-malay sa umpisa, nahiwalay na pala si Eva sa kanyang asawa habang inaalagaan niya ang halamanan. Nang mapansin niya kung ano nang nangyari, nakaramdam siya na baka may panganib, pero muli niyang naisip na ligtas siya, kahit pa malayo siya sa tabi ng kanyang asawa. Meron siyang karununga't lakas para malaman kung dumating na nga ang diyablo, at harapin ito. Binalaan na siya ng mga anghel na huwag itong gawin. Nasumpungan na lang ni Eva ang kanyang sarili na nakatingin sa bunga ng ipinagbabawal na puno nang may magkahalong pag-uusisa’t paghanga. KP 16.5
Nakita niyang napakaganda nito, at nakipagtalo sa kanyang sarili kung bakit mahigpit na ipinagbawal ng Diyos sa kanila ang kumain nito. Ngayon na ang pagkakataon ni Satanas. Kinausap niya siya na para bang nababasa ang kanyang iniisip: “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’” Sa mabait at magagandang mga salita, at sa parang musikang tinig, nangusap siya sa nagtatakang Eva. Nagulat siyang marinig na nagsasalita ang ahas, dahil alam niyang hindi nagbigay ang Diyos sa ahas ng kakayahang magsalita. KP 16.6
Nagising ang pagkamausisa ni Eva. Sa halip na dali-daling lisanin ang lugar na iyon, nakinig siya sa nagsasalitang ahas. Hindi sumagi sa kanyang isipan na baka ito na ang nahulog na kaaway, na kinakasangkapan lang ang ahas. Si Satanas ang nagsalita, hindi ang ahas. Naakit, nabola, at nahaling si Eva. Kung ang nakaharap niya’y isang maimpluwensyang katauhan, na ang anyo’y gaya sa mga anghel at katulad nila, siya sana'y nakapag-ingat. KP 17.1
Nagpatakbo sana sa kanya ang estrangherong tinig na iyon sa tabi ng kanyang asawa para tanungin siya kung bakit may ganoon kalayang nakikipag-usap sa kanya. Pero siya’y nakipagtalo sa ahas. Sinagot niya ang tanong nito: “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan; subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo’y mamamatay.’” Sumagot ang ahas, “Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” KP 17.2
Gusto ni Satanas na isipin nilang makakatanggap sila ng bago’t mas marangal na uri ng kaalaman kaysa sa taglay na sila sa pagkain mula sa ipinagbabawal na puno. Ito ang natatangi niyang gawain, na may malaki namang pagtatagumpay, simula nang siya’y magkasala— sulsulan ang mga tao na mag-usisa sa mga lihim ng Makapangyarihan sa Lahat at huwag masiyahan sa kung anong inihayag ng Diyos, at huwag maging maingat na sumunod sa Kanyang iniutos. Gusto niyang itulak silang sumuway sa mga utos ng Diyos at paniwalain silang sila’y pumapasok sa isang napakagandang larangan ng kaalaman. Ito’y puro akala lamang, at ito’y kaawa-awang pagkadaya. KP 17.3
Hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang inihayag ng Diyos, at binabale-wala nila ang malilinaw Niyang mga utos at naghahangad ng karunungang hiwalay sa Kanya, pinagsisikapang maunawaan kung anong pinili Niyang huwag ipaalam sa mga taong mortal. Sila’y tuwang-tuwa sa kanilang mga ideya ng pagsulong at nabibighani ng kanilang hungkag na pilosopiya, subalit sila’y kakapa-kapa sa kadiliman ng hatinggabi pagdating sa tunay na kaalaman. KP 17.4
Hindi kalooban ng Diyos na magkaroon ng anumang kaalaman sa masama ang walang-kasalanang mag-asawang ito. Malaya Niyang ibinigay sa kanila ang kabutihan ngunit ipinagkait ang kasamaan. Akala ni Eva ay magaling ang mga sinabi ng ahas, at tinanggap niya ang hayagang iginiit nito, “Tiyak na hindi kayo mamamatay Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama” Ginagawa nitong sinungaling ang Diyos. Buong kapangahasang ipinahiwatig ni Satanas na dinaya sila ng Diyos para pigilan silang magkamit ng kaalamang magpapantay sa kanila sa Kanya. Ang sabi ng Diyos, “Kung kayo’y kakain, tiyak na kayo’y mamamatay.” Ang sabi ng ahas, Kung kayo’y kakain, “tiyak na hindi kayo mamamatay.” KP 18.1
Tiniyak ng manunukso kay Eva na pagkakain mismo niya ng bunga, siya’y makakatanggap ng bago’t nakahihigit na kaalaman na magpapantay sa kanya sa Diyos. Kinuha niya ang pansin ni Eva sa kanyang sarili. Sinabi niya na nakapagsalita siya sapagkat kumain siya ng bunga ng punong ipinagbabawal sa kanila. Ipinahiwatig niya na hindi tutuparin ng Diyos ang Kanyang sinabi. Iyo’y banta lang para sila’y takutin at hadlangan mula sa malaking kabutihan. Sinabi pa niya sa kanila na hindi sila puwedeng mamatay. Hindi ba't nakakain na sila mula sa puno ng buhay na nagpapamalagi sa kawalang-kamatayan? Sinabi niya na dinadaya sila ng Diyos para ilayo sila sa mas mataas na kalagayan ng buhay at sa mas dakilang kaligayahan. KP 18.2
Pumitas ang manunukso ng bunga’t iniabot ito kay Eva. Kinuha niya ito. Ngayon, sabi ng manunukso, kayo’y binabawalan kahit hipuin na nga lang ito baka kayo’y mamatay. Sinabi niya sa kanya na wala siyang makikitang pagkadama ng kasamaa’t kamatayan sa pagkain ng bunga gaya rin ng sa paghipo’t paghawak niya rito. Mas lumakas ang loob ni Eva dahil hindi nga siya nakadama ng agarang mga tanda ng galit ng Diyos. Iniisip niya na talagang mahusay at tama ang mga sinabi ng manunukso. Kumain nga siya, at siya’y naligayahan sa prutas. Parang napakasarap nito sa kanyang panlasa, at iniisip niya na nararamdaman niya sa kanyang sarili ang magagandang epekto ng bunga. KP 18.3
Naging Manunukso si Eva—Siya na ngayon ang pumitas ng ilang bunga’t kinain ito, ipinalalagay na nadarama na niya ang nagpapasiglang kapangyarihan ng isang bago’t mas mataas na kalagayan mula sa nagbibigay-lakas na impluwensya ng ipinag- babawal na bunga. Kakaiba't di-natural ang kanyang katuwaan nang siya’y umalis para hanapin ang kanyang asawa na punung-puno ng ipinagbabawal na prutas ang mga kamay. Sinabi niya kay Adan ang matatalinong bagay na sinabi sa kanya ng ahas, at gusto agad niya itong isama sa puno ng kaalaman. Sinabi niya sa kanyang asawa na nakakain na siya ng bunga nito, at sa halip na makadama ng anumang kutob ng kamatayan, naranasan niya ang isang nakalulugod at nakasisiglang impluwensya. Pagkasuway na pagkasuway ni Eva, siya'y naging makapangyarihang kasangkapan na agad na sa pamamagitan niya'y maisasakatuparan ni Satanas ang pagbagsak ng kanyang asawa. KP 19.1
Alam na alam ni Adan na sumuway ang kanyang kapareha sa kaisa-isang pagbabawal na ibinigay sa kanila ng Diyos upang subukin ang kanilang katapata’t pagmamahal. Ikinatwiran ni Eva na sinabi ng ahas na tiyak na sila'y hindi mamamatay, at maaari ngang totoo ang mga sinabi nito, sapagkat wala siyang nadamang tanda ng galit ng Diyos, kundi nakatutuwang impluwensya, habang ginuguni-guni niya ang pakiramdam ng mga anghel. KP 19.2
Nanghinayang si Adan na si Eva’y lumayo sa kanyang tabi, pero ngayo’y nangyari na ito. Kailangang siya’y mahiwalay sa babaing ang pakikisama’y pinakamamahal niya nang labis. Paano niya hahayaang mangyari iyan? Napakatindi ng pagmamahal niya kay Eva. At sa biglang kawalang pag-asa'y ipinasya niyang dumamay sa kanyang kapalaran. Ikinatwiran niya na bahagi niya si Eva, at kung ito’y dapat mamatay, siya’y mamamatay ring kasama niya, sapagkat hindi niya makakaya ang isiping mahihiwalay siya sa kanya. KP 19.3
Kulang ang kanyang pananampalataya sa mahabagi’t mabait na Maylikha sa kanya. Hindi niya inisip na ang Diyos, na lumikha sa kanya mula sa alabok ng lupa para maging buhay at magandang nilalang, at gumawa kay Eva para maging kasama niya, ay kaya itong palitan. Kunsabagay, hindi ba tama ang mga sinabi ng matalinong ahas na ito? Nakatayo si Eva sa kanyang harapan, kaakit-akit at kasingganda’t parang kasing-inosente pa rin ng dati bago siya sumuway. Nagpakita siya ng mas malaki’t mas mataas na pagmamahal para sa kanya kaysa noong bago ito sumuway, sinasabing resulta ito ng pagkain niya ng bunga. Wala siyang nakikitang tanda ng kamatayan sa kanya. KP 19.4
Ipinasya niyang makipagsapalaran. Hinawakan niya ang prutas at dali-dali itong kinain, at kagaya ni Eva, hindi agad niya nadama ang masasamang epekto nito. KP 20.1
Kalayaan ng Tao sa Pagpili—Tinagubilinan ng Diyos ang una nating mga magulang tungkol sa puno ng kaalaman, at alam na alam na nila ang tungkol sa pagkakasala ni Satanas at ang panganib ng pakikinig sa kanyang mga sinasabi. Hindi ipinagkait ng Diyos sa kanila ang kapangyarihang kainin ang ipinagbabawal na bunga. Hinayaan Niya sila bilang malalayang nilalang na maniwala sa Kanyang salita, sumunod sa Kanyang mga utos, at mabuhay o di kaya nama'y maniwala sa manunukso, sumuway, at mapahamak. KP 20.2
Parang nawala na sa kanila ang matamis na pag-ibig at kapayapaa't ang masaya't nakukuntentong labis na kaligayahan, at kapalit nito'y nakaramdam sila na parang may kulang na hindi pa nila naranasan dati. Pagkatapos, ibinaling nila ang kanilang pansin sa panlabas sa kauna-unahang pagkakataon. Nang sila'y likhain, hindi sila dinamitan kundi nababalot ng liwanag katulad sa mga anghel sa langit. Nawala na ito ngayon sa kanila. Para ibsan ang pagkadama nila ng kakulanga't kahubaran, naghanap sila ng maitatabon sa kanilang mga katawan, sapagkat paano nila haharapin ang paningin ng Diyos at ng mga anghel nang walang damit? KP 20.3
Natuwa si Satanas dahil sa kanyang tagumpay. Natukso na niya ngayon ang babae na pagdudahan ang Diyos, kuwestiyunin ang Kanyang karunungan, at tangkaing pasukin ang napakatalino Niyang mga panukala. At sa pamamagitan niya ay naipahamak din niya si Adan, na dahil sa kanyang pagmamahal kay Eva, ay nilabag ang utos ng Diyos at nagkasalang kasama ng asawa. KP 20.4
Dinalaw sila ng Panginoon at sinabi sa kanila ang bunga ng kanilang pagsuway. Nang marinig nila ang maringal na paglapit ng Diyos, nagtangka silang itago ang kanilang sarili sa titig Niyang dati nama'y kinaluluguran nilang makita nang sila'y banal pa't walang-kasalanan. “Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya’y sinabi, ‘Saan ka naroon?’ Sinabi niya, ‘Narinig ko ang Iyong tinig sa halamanan at ako’y natakot, sapagkat ako’y hubad; at ako’y nagtago.’ At sinabi Niya, ‘Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos Ko sa iyong huwag mong kainin?”‘ KP 20.5
Itinanong ito ng Panginoon, hindi dahil kailangan Niya ng impormasyon, kundi para madama ng nagkasalang mag-asawa ang bigat ng kanilang ginawa. Bakit kayo’y naging mahiyain at matatakutin? Inamin ni Adan ang kanyang pagsalangsang, hindi dahil pinagsisisihan niya ang malaki niyang pagsuway, kundi para isisi ang kanyang kasalanan sa Diyos. “Ang babaing ibinigay Mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito’y aking kinain.” Kinausap naman ng Diyos ang babae: “Ano itong iyong ginawa?” Sumagot si Eva, “Dinaya ako ng ahas, at ako’y kumain. ” KP 21.1
Sumpa—Nagsalita naman ngayon ang Panginoon sa ahas: “Sapagkat ginawa mo ito ay sumpain ka nang higit sa lahat ng hayop, at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang; ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo, at alabok ang iyong kakainin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Kung paanong naging angat sa lahat ng hayop sa parang ang ahas, siya ngayo’y ibababa sa ilalim nilang lahat at kasusuklaman ng mga tao, dahil siya ang naging kasangkapan ng pagkilos ni Satanas. “At kay Adan ay Kanyang sinabi, ‘Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punungkahoy na Aking iniutos sa iyo na, “Huwag kang kakain niyon,” sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo, at kakain ka ng tanim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa.’” KP 21.2
Sinumpa ng Diyos ang lupa dahil sa kanilang kasalanang pagkain mula sa puno ng kaalaman, at sinabi, “Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Inilaan Niya sa kanila ang mabuti’t ipinagkait ang kasamaan. Ngayo’y sinasabi Niyang sila’y kakain nito. Ibig sabihi’y masasanay na sila sa kasamaan sa lahat ng araw ng kanilang buhay. KP 21.3
Mula ng panahong iyon, pahihirapan na ng mga tukso ni Satanas ang lahi ng tao. Itinakda kay Adan ang buhay ng walang-tigil na pagpapakapagod at pag-aalala sa halip na masaya't nakatutuwang pagtatrabaho na ikinasiya niya hanggang sa oras na iyon. Maka- raranas na sila ng kabiguan, dalamhati, at kirot, at pagkaagnas sa wakas. Sila’y ginawa sa alabok ng lupa, at sa alabok din sila babalik. KP 22.1
Ipinaalam sa kanila na mawawala na ang tahanan nilang Eden. Bumigay sila sa pandaraya ni Satanas at naniwala sa kanyang sinabi, na nagsisinungaling ang Diyos. Dahil sa kanilang pagsuway, nagbukas sila ng daan para makapasok nang mas madali si Satanas sa kanila. Hindi rin ligtas na manatili sila sa Halamanan ng Eden, na makapunta sa puno ng buhay sa makasalanang kalagaya’t mapamalagi ang isang buhay ng kasalanan. Nakiusap sila na payagan silang manatili roon, kahit aminado silang nawala na ang lahat nilang karapatan sa napakasayang Eden. Nangako silang lubos na silang tatalima sa Diyos. Sinabihan silang sa kanilang pagkahulog sa pagkakasala mula sa kawalang-kasalanan ay wala na silang lakas, kundi malaking kahinaan. Hindi nila iningatan ang kanilang integridad habang nasa kalagayang banal pa sila’t masayang kawalang-kasalanan, at wala silang masyadong lakas na manatiling totoo’t tapat sa kalagayang mulat sa pagkakasala. Napuno sila ng pinakamalalim na dalamhati’t panghihinayang. Nakita nila ngayon na kamatayan nga ang kabayaran ng kasalanan. KP 22.2
Agad na itinalaga ang mga anghel na bantayan ang daan papunta sa puno ng buhay Pinag-aralang piano ni Satanas na palabagin sina Eva't Adan sa Diyos, tumanggap ng Kanyang kalungkutan, at kumain mula sa puno ng buhay nang sa gayo’y mapapamalagi nila ang isang buhay ng kasalanan. Subalit isinugo ang mga banal na anghel para humarang sa pagpunta nila sa puno ng buhay. Kumikislap sa palibot ng mga anghel na ito ang mga sinag ng liwanag sa lahat ng panig, na parang kumikinang na mga espada. KP 22.3