Kasaysayan ng Pag-Asa

3/28

Kabanata 2 - Ang Paglalang

Pinasimulan ng Ama't Anak ang makapangyariha't napakagandang gawaing Kanilang pinanukala—ang paglikha sa daigdig. Lumabas ang mundo sa kamay ng Lumikha na talagang KP 10.1

kahanga-hanga ang ganda. May mga bundok at mga burol at mga kapatagan, na nakakalatan ng mga ilog at katubigan. Hindi isang malawak na kapatagan ang lupa. Sa halip, pinalalamutian ang tanawin ng mga burol at mga bundok na hindi matataas at bakubako na gaya ngayon, kundi maayos at maganda ang hugis. Walang lantad at matataas na batong makikita, kundi nakabaon sa ilalim ng lupa, na parang mga buto ng lupa. KP 10.2

Pantay ang pagkakalat ng katubigan. Nagagayakan ng mga halama't bulaklak at matataas at mararangal na puno ng lahat na ng uri, na kadalasa’y mas malalaki’t mas magaganda sa mga puno ngayon, ang mga burol, kabundukan, at napakagagandang kapatagan. Dalisay at nakakalusog ang hangin, at parang isang napakagandang palasyo ang lupa. Nakita ito ng mga anghel at sila’y nagalak sa mga kamangha-mangha’t magagandang gawa ng Diyos. KP 10.3

Matapos Nilang malikha ang lupa't ang mga hayop dito, isinakatuparan ng Ama't Anak ang kanilang balak, na plinano bago pa magkasala si Satanas, na gawin ang mga tao sa sarili Nilang larawan. Nagtulong Sila sa paglikha sa lupat sa bawat may buhay na nilalang dito. Sinabi ng Diyos sa Anak, “Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan.” KP 10.4

Marangal ang tangkad at maganda ang hugis ni Adan nang lumabas siya sa kamay ng kanyang Lumikha. Perpekto’t maganda ang kanyang hitsura. Hindi maputi o maputla ang kulay ng balat, kundi mapula-pula dahil sa masaganang kulay ng kalusugan. Mas matangkad si Adan kay Eva. Lagpas lang nang konti ang ulo niya sa balikat nito. Marangal din siya, perpekto ang hugis, at napakaganda. KP 10.5

Batay sa Genesis 1.

Bagaman ginawa ng Diyos ang lahat sa kasakdalan ng kagandahan, at tila wala nang kulang para maging masaya sina Eva’t Adan, gayunma'y ipinadama ng Diyos ang dakila Niyang pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng paglalagay ng isang halamanan para lang talaga sa kanila. KP 11.1

Ilalaan nila ang bahagi ng kanilang panahon sa nakawiling gawain ng pag-aalaga sa halamanan, at ang isang bahagi sa pakikipag-usap sa mga anghel, pakikinig sa kanilang mga tagubilin, at sa masayang pagbubulay-bulay. Hindi nakakapagod ang trabaho nila kundi kawili-wili’t nakasisigla. Ang magandang halamanan ang siyang magiging tahanan nila. KP 11.2

Inilagay ng Panginoon ang sari-saring mga puno sa halamanan para pakinabanga’t magpaganda. May mga punong hitik na hitik sa masaganang bunga, sobrang babango, maganda sa mata, at masarap sa panlasa, na ginawa ng Diyos para maging pagkain ng banal na mag-asawa. May mga magagandang baging na tumutubo nang tuwid, hitik sa maraming bunga. Masayang trabaho nila ang gumawa ng magaganda't malililim na arko mula sa mga sanga ng baging at pagapangin ito, para bumuo ng mga tahanan ng kagandahan ng kalikasan, mga buhay na puno’t dahon, na namumunga ng mabangong prutas nila. KP 11.3

Nakabalot sa lupa ang maganda't buhay na luntian, samantalang libu-libong mababangong bulaklak na sari-sari ang uri’t kulay ang napakasaganang tumutubo sa paligid nila. Inayos nang ma- ganda’t kasiya-siya. Naroon sa gitna ng halamanan ang puno ng buhay, ang kaluwalhatian nito’y higit sa lahat ng iba pang mga puno. Pananatilihin silang buhay magpakailanman ng bunga nito. Nakakapagpagaling ang mga dahon. KP 11.4

Sina Eva’t Adan sa Eden—Napakasaya ng banal na mag-asawa sa Eden. Binigyan sila ng Diyos ng walang-takdang kapangyarihan sa bawat buhay na bagay. Mapayapa't di-nakakasakit ang leon at ang tupang nasa palibot nila o kaya’y natutulog sa kanilang paanan. Nagpalipat-lipat sa mga puno’t bulaklak at sa palibot nila ang mga ibon na iba’t iba ang kulay at hitsura, habang umaalingawngaw ang banayad nilang musika sa mga puno sa matamis na himig sila’y umaawit ng mga papuri sa kanilang Maylikha. KP 11.5

Naakit sila ng kagandahan ng kanilang tahanan sa Eden. Natuwa sila sa mga munting ibong umaawit sa palibot nila, taglay ang matingkad pero magandang balahibo, at humuhuni ng masayang musika. Sumaliw ang banal na mag-asawa sa kanila at inilakas ang kanilang mga tinig sa masasarap pakinggang awit ng pag- ibig, papuri, at pagsamba sa Amat Anak dahil sa mga katibayan ng pag-ibig na nakapaligid sa kanila. Nakita nila ang kaayusa't pagkakasundo ng sangnilikha, na nagpapakita sa karununga't kaalamang walang-hanggan. KP 12.1

Lagi silang nakakatuklas ng mga bagong kagandaha't karagdagang kaluwalhatian ng kanilang tahanan sa Eden, na pumupuno sa kanilang puso ng mas malalim na pagmamahal at naglalabas ng pasasalamat at paggalang sa kanilang Lumikha sa kanilang mga labi. KP 12.2