Kasaysayan ng Pag-Asa

19/28

Hiwaga Ng Kasamaan

Inihula ni apostol Pablo ang matinding pagtalikod na hahantong sa pagkakatatag ng kapangyarihan ng Kapapahan. Sinabi niya na hindi mangyayari ang pagdating ni Cristo “malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan. Siya ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa’t siya’y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.” Binalaan din niya ang mga kapwa-mananampalataya na “ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na.” 2 Tesalonica 2:3, 4, 7. Nakita na niyang gumagapang papasok sa iglesia ang mga kamaliang maghahanda ng daan para sa paglitaw ng Kapapahan. KP 93.2

Unti-unti, noong una’y palihim at tahimik, paglao’y naging hayagan nang lumalakas at nakokontrol na ang isipan ng mga tao, ipinagpatuloy ng hiwaga ng kasamaan ang mapandaya at lapastangan nitong gawain. Nang halos di-namamalayan, nakapasok sa iglesiang Kristiyano ang mga kaugalian ng paganismo. Ang espiritu ng kompromiso at pakikiayon ay ilang panahon ding napigilan ng matinding pag-uusig na tiniis ng iglesia sa ilalim ng paganismo. Pero nang magwakas na ang pag-uusig, at ang Kristiyanismo’y nakapasok na sa mga hukuman at palasyo ng mga hari, isinaisantabi na nito ang mapagpakumbabang kasimplehan ni Cristo at ng kanyang mga apostol kapalit ng karangyaan at pagmamataas ng mga paganong pari at pinuno. Ipinalit nito ang mga teorya at tradisyon ng mga tao sa mga utos ng Diyos. Nagdulot ng malaking kagalakan ang naturingang pagkahikayat ni Constantino noong unang bahagi ng ikaapat na siglo. Pumasok sa iglesia ang sanlibutan, na nakabihis ng damit ng katuwiran. Ngayo’y mabilis na sumulong ang gawain ng katiwalian. Bagaman tila nalupig na, naging manlulupig pa ang paganismo. Kinontrol ng espiritu nito ang simbahan. Isinama ang mga doktrina, seremonya, at pamahiin nito sa pananampalataya at pagsamba ng mga nagsasabing tagasunod ni Cristo. KP 93.3

Humantong sa paglitaw ng taong makasalanan ang kompromisong ito ng paganismo at Kristiyanismo na inihula na kumakalaban at itinataas ang kanyang sarili nang higit sa Diyos. Gawa ng kapangyarihan ni Satanas ang higanteng sistema ng maling relihiyon—monumento ng kanyang mga pagsisikap na iluklok ang kanyang sarili sa trono upang pagharian ang lupa ayon sa kanyang kagustuhan. KP 94.1

Isa sa mga pangunahing doktrina ng Roma na ang papa ang ulo ng pansanlibutang iglesia, na pinagkalooban ng pinakamataas na awtoridad sa mga obispo at pastor sa buong sanlibutan. Inangkin din niya maging mga pangalan ng Kadiyosan. KP 94.2

Alam na alam ni Satanas na tutulungan ng Banal na Kasulatan ang mga tao na makita ang kanyang mga pandaraya at labanan ang kanyang kapangyarihan. Maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan ay nilabanan ang kanyang mga pagsalakay sa pamamagitan ng Salita. Sa bawat atake ay iniharap ni Cristo ang panangga ng walang- hanggang katotohanan, na sinasabi, “Nasusulat.” Sa bawat tukso ng kaaway, inilaban Niya ang karunungan at kapangyarihan ng Salita. Para mapanatili ni Satanas ang impluwensya niya sa mga tao at maitatag ang awtoridad ng mang-aagaw na kapapahan, dapat niya silang panatilihing walang-alam sa Kasulatan. Itinataas ng Biblia ang Diyos at ang mga taong may-hangganan ay inilalagay nito sa kanilang tamang kalagayan. Sa dahilang ito, ang mga sagradong katotohanan nito ay dapat maitago at mapigilan. Ang katuwirang ito ay tinanggap at ginamit ng simbahang Romano. Sa loob ng daan-daang taon, ipinagbawal nito ang pagpapakalat ng Biblia. Pinagbawalan ng mga taong basahin ito o magmay-ari nito sa kanilang mga bahay, at ang mga walang-prinsipyong pari at obispo ang nagpaliwanag sa mga turo nito para katigan ang mga sinasabi nila. Sa ganitong paraan, ang papa ay halos pangkalahatang kinilala bilang kahalili ng Diyos sa lupa, na pinagkalooban ng pinakamataas na awtoridad sa iglesia at sa pamahalaan. KP 94.3

Binago ang mga Panahon at Kautusan—Nang naalis na ang tagatuklas ng kamalian, gumawa si Satanas ayon sa kanyang kagustuhan. Sinasabi ng propesiya na ang Kapapahan ay “iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan.” Daniel 7:25. Hindi pabagal-bagal na tinangka ang gawaing ito. Para handugan ang mga nahikayat mula sa paganismo ng isang pamalit sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, at sa gayo'y maitaguyod ang naturingan nilang pagtanggap sa Kristiyanismo, unti-unting ipinasok sa pag- sambang Kristiyano ang pagsamba sa mga imahen at sa mga banal na alaala. Pinagtibay ng isang pangkalahatang konsilyo ang sistemang ito ng idolatriya. Para makumpleto ang lapastangang gawain, pinangahasan ng Romang burahin sa kautusan ng Diyos ang ikalawang utos, na nagbabawal sa pagsamba sa mga imahen, at hinati ang ikasampung utos upang mapanatiling sampu ang bilang. KP 95.1

Nagbukas ang espiritu ng pagpapahinuhod sa paganismo ng daan para sa mas higit pang pagbale-wala sa kapamahalaan ng Langit. Pinakialaman din ni Satanas ang ikaapat na utos, at binalak na isantabi ito, na binasbasan at ginawang banal ng Diyos, at itaas ang kapistahang ipinangingilin ng mga pagano bilang “kagalang-galang na araw ng pagsamba sa diyos na araw.” Hindi lantarang tinangka nang una ang pagbabagong ito. Iniingatan ang tunay na Sabbath noong mga unang dantaon ng lahat ng Kristiyano. Nanibugho sila para sa karangalan ng Diyos, at palibhasa’y naniniwalang ang Kanyang kautusan ay di-mababago, masigasig nilang binantayan ang kabanalan ng mga alituntunin nito. Subalit gumawa si Satanas nang may napakatinding pandaraya sa pamamagitan ng kanyang mga ahensya upang maisakatuparan ang kanyang layunin. Upang matawag ang pansin ng mga tao sa Linggo, ginawang kapistahan ito bilang parangal sa muling pagkabuhay ni Cristo. Idinaos ang mga serbisyong panrelihiyon sa araw na ito, bagaman itinuring na araw ng paglilibang, at ipinangilin pa ring may kabanalan ang Sabbath. KP 95.2

Habang siya'y pagano pa, si Constantino ay nagpalabas ng isang kautusan na hinihingi ang pangkalahatang pangingilin ng Linggo bilang pampublikong kapistahan sa buong Imperyo ng Roma. Matapos siyang mahikayat, tapat pa rin siyang tagapagtaguyod ng Linggo, at ipinatupad naman niya ngayon ang pagano niyang kautusan para sa kapakanan ng bago niyang pananampalataya. Subalit hindi pa rin sapat ang karangalang ipinakikita sa araw na ito para hadlangan ang mga Kristiyano na igalang ang tunay na Sabbath bilang siyang banal na araw ng Panginoon. Isa pang hakbang ang kailangang gawin: ang huwad na sabbath ay dapat na itaas para maging kapantay ng totoong Sabbath. Ilang taon matapos ilabas ni Constantino ang kanyang kautusan, iginawad ng Obispo ng Roma sa Linggo ang taguring “araw ng Panginoon.” Sa ganitong paraan, unti-unting naakay ang mga tao na ipalagay na ito'y may antas ng kabanalan. Pero ang orihinal na Sabbath ay ipinangilin pa rin. KP 96.1

Hindi pa rin natapos ng punong-mandaraya ang kanyang gawain. Desidido siyang tipunin ang Sangkakristiyanuhan sa ilalim ng kanyang bandila at gamitin ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang kahalili, ang mapagmalaking papa na nag-aangking kinatawan ni Cristo. Sa pamamagitan ng mga paganong hilaw ang pagkahikayat, ng mga ambisyosong obispo, at mga makasanlibutang kaanib ng iglesia naisagawa niya ang kanyang layunin. Nagdaos ng mga malawakang konsilyo, kung saan nagpulong ang mga matataas na pinuno ng simbahan mula sa buong mundo. Sa bawat konsilyo, ang Sabbath na itinatag ng Diyos ay idiniin pababa, habang itinataas naman ang Linggo. Ganito naparangalan sa wakas ang paganong kapistahan bilang itinatag ng Diyos, samantalang ipinahayag na isang naiwang labi ng Judaismo ang Sabbath ng Biblia, at idineklarang kasumpa-sumpa ang mga nangingilin nito. KP 96.2

Nagtagumpay sa pagtataas ng kanyang sarili ang dakilang tumalikod “laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba.” 2 Tesalonica 2:4. Pinangahasan niyang baguhin ang nag-iisang utos sa kautusan na itinuturo ang buong sangkatauhan sa tunay at buhay na Diyos. Nahahayag ang Diyos bilang Maylikha ng mga langit at lupa sa ikaapat na utos, na siyang ipinagkaiba Niya sa lahat ng huwad na diyos. Ginawang banal ang ikapitong araw bilang kapahingahan para sa tao upang magsilbing alaala ng gawain ng paglalang. Ginawa ito upang laging maisip ng mga tao ang buhay na Diyos bilang pinagmumulan ng lahat ng bagay at pinag-uukulan ng paggalang at pagsamba. Pinagsisikapan ni Satanas na ilihis ang mga tao mula sa kanilang katapatan sa Diyos, at pagsunod sa Kanyang kautusan. Kung kaya't itinutuon niya ang kanyang mga pagsisikap lalo na sa kautusang iyon na nakaturo sa Diyos bilang Siyang Lumikha. KP 96.3

Ipinipilit ngayon ng mga Protestante na ang muling pagkabuhay ni Cristo sa Linggo ang rason kung bakit naging Sabbath ito ng mga Kristiyano. Walang mga patunay ito sa Kasulatan. Walang karangalang ibinigay si Cristo o ang Kanyang mga apostol sa araw na ito. Ang pangingilin ng Linggo bilang isang institusyong Kristiyano ay nagmula doon sa “hiwaga ng kasamaan” (2 Tesalonica 2:7) na nagsimula ng kanyang gawain kahit noon pa mang panahon ni Pablo. Saan at kailan inampon ng Panginoon ang turong ito ng Kapapahan? Anong matibay na dahilan ang maibibigay para sa pagbabagong wala namang sinabi ang Kasulatan? KP 97.1

Naitatag na nang matibay noong ikaanim na siglo ang Kapapahan. Ipinirmi sa lunsod ng imperyo ang luklukan ng kapangyarihan nito, at idineklarang ulo ng buong iglesia ang Obispo ng Roma. Napalitan ng Kapapahan ang paganismo. Ibinigay ng dragon sa hayop “ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan” (Apocalipsis 13:2). At nagsimula na ngayon ang 1,260 taon ng pagmamalupit ng Kapapahan na inihula sa mga propesiya nina Daniel at Juan. (Daniel 7:25; Apocalipsis 13:5-7.) Pinilit ang mga Kristiyanong mamili alinman dito: isuko ang kanilang katapatan at tanggapin ang mga seremonya't pagsamba ng Kapapahan o sayangin ang kanilang buhay sa mga bartolina o magdanas ng kamatayan sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapahirap, pagsunog, o palakol ng mamumugot-ulo. Natupad na ngayon ang mga sinabi ni Jesus, “Kayoy ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo. Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa Aking pangalan” (Lucas 21:16, 17). Nagsimula ang pag-uusig sa mga tapat nang may mas matinding ngitngit kaysa noon, at naging isang malawak na larangan ng digmaan ang sanlibutan. Sa loob ng daan-daang taon, nakasumpong ang iglesia ng kanlungan sa pagkakabukod at karimlan. Ang sabi ng propeta, “Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.” Apocalipsis 12:6. KP 97.2

Madilim na Kapanahunan—Palatandaan ng pasimula ng Madilim na Kapanahunan ang pag-akyat ng Simbahang Romano sa kapangyarihan. Habang nadaragdagan ang kapangyarihan nito, lalo rin namang lumalalim ang kadiliman. Nalipat ang pananampalataya mula kay Cristo na Siyang tunay na saligan, patungo sa papa ng Roma. Sa halip na magtiwala sa Anak ng Diyos para sa kapatawaran ng mga kasalanan at para sa walang-hanggang kaligtasan, umasa ang mga tao sa papa at sa mga pari at mga obispo na binigyan niya ng awtoridad. Tinuruan sila na ang papa ang kanilang tagapamagitan, at walang makakalapit sa Diyos kundi sa pamamagitan niya, at siya ang tumatayong kapalit ng Diyos sa kanila, kaya dapat na sundin. Ang isang paglihis sa kanyang mga ipinagagawa ay sapat nang dahilan para sa pinakamalupit na kaparusahang igagawad sa katawan at kaluluwa ng mga nagkasala. KP 98.1

Kaya't ang isipan ng mga tao ay ibinaling palayo sa Diyos patungo sa nagkakamali, nagkakasala, at malulupit na mga tao—at higit pa riyan, sa prinsipe ng kadiliman mismo, na ginagamit ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan nila. Ang kasalanan ay ikinubli sa damit ng kabanalan. Kapag ang Kasulatan ay sinugpo, at ituring na ng tao ang sarili niya bilang pinakamataas, ang tangi nating maaasahan ay ang panghuhuwad, pandaraya, at nakapagpapababang kasamaan. Kaagapay ng pagtataas sa mga kautusan at mga tradisyon ng tao ang katiwaliang laging humahantong sa pagsasaisantabi sa kautusan ng Diyos. KP 98.2

Panahon ng Panganib—Panahon iyon ng panganib para sa iglesia ni Cristo. Kakaunti lamang ang mga tapat na tagapagdala ng watawat. Bagaman hindi binayaang walang mga saksi ang katotohanan, gayunma'y kung minsan, para bang lubusan nang magtatagumpay ang kamalian at pamahiin, at ang tunay na relihiyon ay tila mawawala na sa lupa. Nalimutan na ng simbahan ang ebanghelyo, ngunit pinarami ang mga seremonya ng relihiyon, at pinabigatan ang mga tao ng napakahihigpit na mga obligasyon. KP 98.3

Sila'y hindi lamang tinuruan na umasa sa papa bilang kanilang tagapamagitan kundi magtiwala rin sa sarili nilang mga gawa na tutubos sa kasalanan. Ang mga mahahabang paglalakbay, mga pagpipenitensya, pagsamba sa mga banal na alaala, pagpapatayo ng mga simbahan, dambana, at mga altar, ang pagbabayad ng malaking halaga sa simbahan—ang mga ito at maraming iba pang gawaing kapareho nito ay ipinag-utos upang payapain ang galit ng Diyos o kaya’y makamtan ang Kanyang pabor, na para bang ang Diyos ay gaya ng mga tao, na nagagalit sa mga munting bagay, o napapatahimik ng mga regalo o pagpipenitensya! KP 99.1

Nasaksihan ng paglipas ng mga dantaon ang patuloy na pagdami ng kamalian sa mga doktrinang ipinalalabas ng Roma. Kahit bago pa man maitatag ang Kapapahan, ang mga turo ng mga paganong pilosopo ay nakatanggap na ng pansin at nagkaroon na ng impluwensya sa iglesia. Maraming nagpanggap na nahikayat ang nakayakap pa rin sa mga prinsipyo ng kanilang paganong pilosopiya, at hindi lamang ipinagpatuloy ang personal nilang pag- aaral nito, kundi ipinilit pa ito sa iba bilang paraan ng pagpapalawak ng kanilang impluwensya sa mga pagano. Ito’y nagpasok ng mala- lalang kamalian sa pananampalatayang Kristiyano. Ang tanyag sa mga ito ay ang paniniwala sa natural na pagiging walang- kamatayan ng tao at sa pagkakaroon niya ng malay kapag namatay. Ang doktrinang ito ang naglagay ng pundasyon kung saan itinatag ng Roma ang pagdarasal sa mga santo at pagsamba kay Birheng Maria. Mula rito’y sumulpot din ang maling aral ng walang- hanggang pagpapahirap para sa mga namatay nang hindi nagsisi, na maagang isinama sa relihiyon ng Kapapahan. KP 99.2

Nagbigay daan ang mga ito para sa pagpasok ng isa pang imbensyon ng paganismo—ang purgatoryo. Ginamit ito para takutin ang mga mapaniwalain at mapamahiin. Isa itong lugar ng pagpapahirap, kung saan ang mga kaluluwang hindi naman pupunta sa impiyerno ay magdaranas ng parusa para sa kanilang mga kasalanan, at kapag nalinis na, papapasukin na sila sa langit. KP 99.3

Isa pa ring imbento ang kinakailangan upang mapakinabangan ng Roma ang takot at mga bisyo ng mga tagasunod nito—ang doktrina ng indulhensya. Ipinangako ang lubos na kapatawaran ng mga kasalanan—sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—at paglaya sa lahat ng mga kirot at parusa sa lahat ng sasapi sa mga digmaan ng papa para palawakin ang kanyang makalupang kaharian, parusahan ang kanyang mga kaaway, o kaya’y lipulin ang mga nangahas na itanggi ang kanyang espirituwal na pangingibabaw. Tinuruan ang mga tao na maaari nilang mapalaya ang kanilang sarili sa kasalanan at ang mga kaluluwa ng mga namatay nilang kaibigan na nakakulong sa nagpapahirap na apoy sa pamamagitan ng pagbabayad ng pera sa simbahan. Napuno ng Roma ang kanyang kabang-yaman at natustusan ang karangyaan, luho, at bisyo ng mga nagkukunwaring kinatawan ni Cristong walang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo. KP 99.4

Ang ordinansa ng Kasulatan tungkol sa hapunan ng Panginoon ay pinalitan ng mapagsamba sa diyus-diyosang pag-aalay ng misa. Ang mga pari ay nagkunwaring ang simpleng alak at ti- napay ay nagagawa nilang tunay na katawan at dugo ni Cristo. Sa lapastangang pangangahas, hayagan nilang inangkin ang kapang- yarihang “makalikha ng Lumikha.” Sa parusang kamatayan, ang lahat ng Kristiyano ay inutusang tahasang magpahayag ng kanilang pagsampalataya sa nakapangingilabot, at insulto sa Langit na maling paniniwalang ito. Ang mga ayaw gawin ito ay sinusunog. KP 100.1

Hatinggabi ng moralidad ng sanlibutan ang katanghaliang tapat ng Kapapahan. Halos walang nakakaalam ng Banal na Kasulatan— ang mga tao maging ang mga pari. Gaya ng mga Fariseo noong una, kinamuhian ng mga lider ng simbahan ang liwanag na magbubunyag ng kanilang mga kasalanan. Dahil naalis na ang kautusan ng Diyos, na siyang pamantayan ng katuwiran, walang-limitasyon silang gumamit ng kapangyarihan at walang-pigil na gumawa ng kasamaan. Lumaganap ang dayaan, kasakiman, at imoralidad. Ang mga tao ay walang inatrasang krimeng papakinabangan nila ng kayamanan at posisyon. Naging tanawin ng kahalayan ang palasyo ng mga papa at obispo. Ilan sa mga naghaharing papa ang salarin sa mga krimeng anupa’t sinikap silang patalsikin ng mga ilang mga pinunong sekular. Daan-daang taong walang pagsulong sa kaalaman, sining, o sibilisasyon. Sumapit ang pagkaparalisa sa moral at isipan sa Sangkakristiyanuhan. KP 100.2