Kasaysayan ng Pag-Asa

20/28

Kabanata 12 - Ang Santuwaryo

Ang Repormasyong Protestante ay bumangon upang solusyunan ang marami sa mga kamalian ng Roma. Tinalakay rin ng mga repormador ang iba pang mga bagay na nakita nila sa Kasulatan na matagal nang pinabayaan. Pagsapit ng ika-19 na siglo, ang interes sa ikalawang pagdating ni Jesus ay lumago sa mga mag- aaral ng Biblia sa iba't ibang relihiyon at bansa. Marami ang umasa na ang pangyayaring ito'y magaganap sa unang bahagi ng siglong iyon. Ang kilusan ay lalo nang malakas sa Amerika, kung saan ang mga tagasunod nito ay nakilalang “adventista.” Base sa propetikong panahon na nasa Daniel 8:14 tungkol sa paglilinis ng santuwaryo, inasahan nilang darating si Jesus at lilinisin ang lupa noong 1844. Nang hindi ito nangyari, ang iba sa kanila ay nagsaliksik ng Biblia para maunawaan kung bakit. KP 101.1

Santuwaryo sa Lupa at sa Langit—Sa kanilang pagsasaliksik, nalaman ng mga masugid na mag-aaral ng Bibliang ang santuwaryo sa lupa, na itinayo ni Moises sa utos ng Diyos ayon sa huwarang ipinakita sa kanya sa Bundok ng Sinai, ay “isang sagisag ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog.” Hebreo 9:9. Nalaman nila na ang dalawang banal na dako nito ay “mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan;” na si Cristo na ating dakilang Pinakapunong Pari ay “isang Ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao;” at “si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.” Hebreo 9:23; 8:2; 9:24. KP 101.2

Ang santuwaryo sa langit, kung saan naglilingkod si Jesus para sa atin, ay siyang dakilang orihinal, na pinagkopyahan ng santuwaryong itinayo ni Moises. Kung paanong ang santuwaryo sa lupa ay may dalawang bahagi o silid, ang banal at ang kabanal- banalan, meron ding dalawang banal na dako sa santuwaryo sa langit. At ang kabang kinalalagyan ng kautusan ng Diyos, ang altar ng insenso, at iba pang mga kasangkapan ng serbisyo na makikita sa santuwaryo rito sa ibaba ay may katumbas sa santuwaryo sa itaas. Sa banal na pangitain, pinayagang pumasok sa langit si apostol Juan, at doo’y nakita niya ang kandelero o ilawan, at ang altar ng insenso, at nang “nabuksan ang templo ng Diyos,” nakita rin niya “ang kaban ng Kanyang tipan.” Apocalipsis 4:5; 8:3; 11:19. KP 101.3

Ang mga naghahanap ng katotohanan ay nakakita ng di- mapapasinungalingang katunayan na may santuwaryo sa langit. Ginawa ni Moises ang santuwaryo sa lupa ayon sa huwarang ipinakita sa kanya. Sinabi ni Pablo na ang kopyahang iyon ang totoong santuwaryo, na nasa langit (Hebreo 8:2, 5). Pinatotohanan ni Juan na nakita niya ito sa langit. KP 102.1

Sa pagtatapos ng 2,300 araw, noong 1844, wala nang san-tuwaryo sa lupa sa loob ng maraming dantaon. Kung gayon, ang santuwaryo sa langit ay siyang ipinapakita sa deklarasyong, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.” Daniel 8:14. Pero paano mangangailangan ng paglilinis ang santuwaryo sa langit? Pagbalik sa Kasulatan, nalaman ng mga nag-aaral ng propesiya na ang paglilinis ay hindi pag-aalis ng pisikal na karumihan, sapagkat ito’y dapat maisagawa sa pamamagitan ng dugo, at kung gayo’y paglilinis ito mula sa kasalanan. Ang sabi ng apostol: “Kaya’t kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito [ng dugo ng mga hayop], ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito [ang mahalagang dugo nga ni Cristo] ” Hebreo 9:23. KP 102.2

Para magkaroon ng higit pang kaalaman sa paglilinis na tinutukoy ng propesiya, kailangan nilang maintindihan ang mga serbisyo sa santuwaryo sa langit. Malalaman lang nila ito mula sa mga serbisyo sa santuwaryo sa lupa, sapagkat sinasabi ni Pablo na ang mga paring nangangasiwa roon ay naglilingkod “sa anyo at anino ng mga makalangit na santuwaryo.” Hebreo 8:5. KP 102.3

Paglilinis sa Santuwaryo—Noong unang panahon, kung pa- anong sa simbolo’y nalilipat ang mga kasalanan ng mga tao sa santuwaryo sa lupa sa pamamagitan ng dugo ng handog pang- kasalanan, gayundin naman sa tunay na pangyayari’y nalilipat ang ating mga kasalanan sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. At kung paanong naisasagawa ang simbolikong paglilinis ng makalupang santuwaryo sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga kasalanang nagparumi rito, gayundin naman ang aktuwal na paglilinis ng makalangit na santuwaryo ay dapat maisagawa sa pamamagitan ng pag-aalis, o pagpawi, sa mga kasalanang nakatala roon. Ito’y nangangailangan ng pagsusuri sa mga aklat ng talaan upang malaman kung sino ang nararapat sa mga pakinabang ng Kanyang pagtubos sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga kasalanan at pananampalataya kay Cristo. Kung gayon, sangkot sa paglilinis ng santuwaryo ang isang gawain ng paghuhukom na sumisiyasat. Dapat maisagawa ang gawaing ito bago ang pagdating ni Cristo para tubusin ang Kanyang bayan, dahil kapag dumating na Siya, dala na Niya ang Kanyang gantimpala upang ibigay sa bawat isa ang ayon sa kanyang mga gawa. Apocalipsis 22:12. KP 102.4

Kaya’t nakita ng mga sumunod sa sumusulong na liwanag ng salita ng propesiya na sa halip na dumating sa lupa sa katapusan ng 2,300 araw noong 1844, si Cristo ay pumasok noon sa kabanal- banalang dako ng santuwaryo sa langit, sa presensya ng Diyos upang isagawa ang pangwakas na gawain ng pagtubos bilang paghahanda sa Kanyang pagdating. KP 103.1

Isang Taimtim na Mensahe—Nang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang dako ng santuwaryo sa langit upang isagawa ang pangwakas na gawain ng pagtubos, pinagkatiwalaan Niya ang Kanyang mga lingkod ng huling mensahe ng kaawaan na dapat ibigay sa sanlibutan. Ito ang babala ng ikatlong anghel sa Apocalipsis 14. Nakita ng propeta na pagkatapos na pagkatapos ng pagpapahayag nito, dumating ang Anak ng Tao sa kaluwalhatian para gapasin ang ani ng lupa. KP 103.2

Ang pinakanakakatakot na pagbabantang sinabi sa mga tao ay nasa mensahe ng ikatlong anghel (Apocalipsis 14:9-12). Napaka- tinding kasalanan siguro niyon anupa’t pinupukaw ang galit ng Diyos na walang-halong awa. Hindi dapat bayaan ang mga tao sa kadiliman tungkol sa mahalagang paksang ito. Ang babala laban sa kasalanang ito ay dapat ipahayag sa sanlibutan bago sumapit ang mga kahatulan ng Diyos, upang malaman ng lahat kung bakit dapat igawad ang mga kahatulang ito at upang sila’y magkaroon ng pagkakataong matakasan ang mga ito. KP 103.3

Sa isyu ng dakilang labanan, dalawang magkaiba’t magkasalungat na grupo ang mabubuo. Sa isang grupo ay ang bawat “sumasamba sa hayop at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,” at sa gayo’y mapapala ang mga kakila- kilabot na kahatulang ibinanta ng ikatlong anghel. Ang kabilang grupo naman, sa kapansin-pansing pagkakaiba sa sanlibutan, ay yung mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak nang matatag sa pananampalataya ni Jesus.” Apocalipsis 14:9, 12. KP 104.1