Kasaysayan ng Pag-Asa

18/28

Kabanata 11 - Ang Pagtalikod

Nang ibunyag ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang kapalaran ng Jerusalem at ikalawang pagdating Niya, inihula din Niya ang karanasan ng Kanyang bayan mula sa panahong Siya'y kukunin na sa kanila hanggang sa pagbabalik Niya para iligtas sila. Mula sa Bundok ng Olibo, nakita ng Tagapagligtas ang mga pagsubok na darating sa iglesiang itatayo ng mga apostol, at ang malulupit at mapangwasak na unos na hahagupit sa Kanyang mga tagasunod sa darating na mga panahon ng kadiliman at pag-uusig. Sa iilang maikling pananalita, inihula Niya ang mga kaguluhang gagawin ng mga pinuno ng sanlibutang ito sa iglesia. Dapat lakaran ng mga tagasunod Niya ang landas ng kahihiyan, pagkundena, at pagdurusang nilakaran ng kanilang Panginoon. Makikita ang pagkamuhi ng sanlibutan laba sa Manunubos laban sa lahat ng maniniwala sa Kanyang pangalan. KP 89.1

Katumpakan ng mga sinabi ng Tagapagligtas ang kasaysayan ng unang iglesia. Lumaban kay Cristo sa katauhan ng Kanyang mga tagasunod ang mga puwersa ng lupa at impiyerno. Nakita ng paganismo na kung magtatagumpay ang ebanghelyo, maaalis ang kanyang mga templo’t altar. Kanyang tinipon ang kanyang puwersa upang puksain ang Kristiyanismo. Sinindihan ang apoy ng pag- uusig. Inalisan ang mga Kristiyano ng kanilang mga ari-arian at pinalayas sa kanilang mga tahanan. Sila'y “nagtiis...ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa.” Sila'y “nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.” Hebreo 10:32; 11:36. Tinatakan nila ang kanilang patotoo ng kanilang dugo. Ang mga mararangal at alila, mayaman at mahirap, edukado at walang-alam, pinagpapatay nang walang-awa. KP 89.2

Nawalan ng saysay ang mga pagsisikap ni Satanas na sirain ang iglesia sa pamamagitan ng karahasan. Pinag-alayan ng mga alagad ni Jesus ng kanilang buhay ang matinding tunggalian. Nagwagi sila sa pagkatalo. Pinagpapatay ang mga manggagawa ng Diyos, subalit matatag na sumulong ang Kanyang gawain. Patuloy na lumaganap ang ebanghelyo, at dumami ang mga tagasunod. Nakapasok ito sa mga rehiyong hindi mapasok maging ng mga sundalo ng Roma. Ang sabi ng isang Kristiyano sa mga pinunong pagano na nagsusulong sa pag-uusig: Puwede n'yong “mapatay kami, pahirapan kami, hatulan kami.... Katunayan ang inyong kawalang-katarungan na wala kaming kasalanan.... Ni hindi makakatulong sa inyo ang kalupitan n'yo.” Naging malakas na paanyaya ito para ihatid ang iba sa pagsampalataya kay Cristo. “Kung mas madalas ninyo kaming tinatabas, higit din kaming dumarami sa bilang; binhi ang dugo ng mga Kristiyano.” KP 89.3

Marami ang ikinulong at pinatay, pero maraming pumalit. Ligtas na kay Cristo ang mga martir dahil sa kanilang pananampalataya, at itinuturing Niyang mananagumpay. Nakipaglaban sila ng mabuting pakikipaglaban, at tatanggap sila ng korona ng kaluwalhatian kapag dumating na Siya. Naglapit sa bawat isa at sa kanilang Manunubos ang mga pagdurusang tiniis nila. Laging saksi para sa katotohanan ang buhay nilang halimbawa at patotoo habang namamatay; at kung saan pa hindi gaanong inaasahan, iniiwan ng mga sakop ni Satanas ang kanyang serbisyo at nagpapalista kay Cristo. KP 90.1

Pakikipagkompromiso sa Paganismo—Inilatag ni Satanas ang kanyang mga piano para makipaglaban nang mas matagumpay sa pamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagbaon ng kanyang bandila sa iglesia. Kung madadaya lamang ang mga tagasunod ni Cristo at maaakay na galitin ang Diyos, manghihina ang kanilang lakas, pagtitiis, at katatagan, at sila’y madali niyang mabibiktima. KP 90.2

Sinikap ng kaaway na matamo sa pamamagitan ng pandaraya ang hindi niya nakuha sa pamamagitan ng dahas. Natapos na ang pag-uusig, at ipinalit niya ang mapapanganib na pang-akit ng makalupang kasaganaan at pansanlibutang karangalan. Naakay ang mga sumasamba sa diyus-diyosan na tanggapin ang isang bahagi ng Kristiyanong pananampalataya, habang tinatanggihan naman ang iba pang mahahalagang katotohanan. Sinabi nilang tinatanggap nila si Jesus bilang Anak ng Diyos at naniniwala sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, pero hindi nila nadama ang bigat ng kanilang kasalanan at pangangailangan ng pagsisisi o pagbabagong puso. Palibhasa'y gumawa ng ilang pagpapaubaya, iminungkahi nila na dapat ding gumawa ng mga pagpapaubaya ang mga Kristiyano, upang ang lahat ay magkaisa sa simulain ng paniniwala kay Cristo. KP 90.3

Nalagay ang iglesia sa nakakatakot na panganib. Pagpapala ang bilangguan, pagpapahirap, apoy, at tabak kumpara rito. May mga Kristiyanong nanindigan nang matatag, nagsasabing hindi sila puwedeng makipagkompromiso. Nangatwiran ang iba na kung isusuko nila o babaguhin ang ilang bahagi ng kanilang pananampalataya at makiisa sa mga tumanggap sa isang bahagi ng Kristiyanismo, maaaring maging paraan ito ng lubusang pagkahikayat nila. Panahon iyon ng matinding pagdadalamhati para sa mga tapat na tagasunod ni Cristo. Sa ilalim ng talukbong ng pagpapanggap, buong katusuhang nadaya ni Satanas ang iglesia, upang pasamain ang kanilang pananampalataya at ilayo sila sa salita ng katotohanan. KP 91.1

Ibinaba sa wakas ng malaking bahagi ng mga Kristiyano ang kanilang pamantayan at bumuo ng pagkakaisa sa pagitan nila at paganismo. Bagama't sinasabi ng mga paganong ito na nahikayat na sila, at sumanib nga sila sa iglesia, sumamba pa rin sila sa mga diyus-diyosan. Binago lang nila ang kanilang mga pinagsasasamba sa imahen nina Jesus, Maria, at ng mga santo. Ang mabahong pampaalsa ng idolatriya, na naipasok sa ganitong paraan sa iglesia, ay nagpatuloy sa mapangwasak nitong gawain. Isinama na sa pananampalataya't pagsamba ang mga depektibong doktrina, mapamahiing mga rituwal, at mga seremonyang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Habang nakikiisa ang mga tagasunod ni Cristo sa mga pagano, naging tiwali ang Kristiyanismo at nawala sa iglesia ang kalinisan at kapangyarihan nito. Pero may ilang hindi nailigaw ng mga pandarayang ito. Pinanatili pa rin nila ang kanilang katapatan sa May-akda ng katotohanan at sumamba sa Diyos lamang. KP 91.2

Laging may dalawang grupo sa mga nagsasabing tagasunod ni Cristo. Pinag-aaralan ng isa ang buhay ng Tagapagligtas at taos- pusong pinagsisikapang itama ang kanilang mga kapintasan at gustong makaayon sa Huwaran. Iniiwasan naman ng isa ang malilinaw at praktikal na katotohanang nagbubunyag sa kanilang mga kamalian. Maging sa pinakamagandang yugto nito, ang iglesia ay hindi lahat binubuo ng totoo, malilinis, at sinsero. Itinuro ng ating Tagapagligtas na hindi dapat tanggapin sa iglesia ang mga nagmamahal sa kasalanan. Gayunma'y iniugnay Niya ang Kanyang sarili sa mga taong depektibo ang pag-uugali, at ipinagkaloob sa kanila ang mga benepisyo ng Kanyang mga katuruan at halimbawa, upang bigyan sila ng pagkakataong makita at maitama ang kanilang mga pagkakamali. KP 91.3

Walang pagkakaisa sa pagitan ng Prinsipe ng liwanag at prinsipe ng kadiliman, at hindi puwedeng magkaroon ng pagsasanib ang kanilang mga tagasunod. Nang pumayag na makiisa ang mga Kristiyano sa mga hilaw na nahikayat mula sa paganismo, nagsimula silang lumayo sa katotohanan. Nagdiwang si Satanas dahil nagtagumpay siya sa pandaraya sa napakaraming tagasunod ni Cristo. Higit naman niyang ginamit ngayon ang kanyang kapangyarihan sa kanila at sinulsulan silang usigin ang mga totoo pa rin sa Diyos. Walang mas nakakaunawa kung paano kakalabanin ang totoong Kristiyano kaysa mga dating tagapagtanggol nito. Itinuon ng mga tumalikod na ito, na nakikiisa sa mga kasamahan nilang kalahating-pagano, ang kanilang pakikipaglaban sa mga pinakamahahalagang aspeto ng mga doktrina ni Cristo. KP 92.1

Nakita ng mga gustong magtapat na kinakailangan ng des- peradong pagpupunyagi para makatayong matatag laban sa mga pandaraya't kasuklam-suklam na mga bagay na nagbabalat-kayo sa kasuotang pari at ipinasok sa simbahan. Ang Biblia ay hindi na tinanggap bilang pamantayan ng pananampalataya. Ang doktrina ng kalayaang panrelihiyon ay tinawag na erehiya, at ang mga tagapagtaguyod nito ay kinamuhian at kinundena. KP 92.2

Kinailangang Paghihiwalay—Matapos ang matagal at matinding pakikipaglaban, ipinasya ng ilang tapat na putulin na ang lahat ng kaugnayan sa tumalikod na simbahan kung ayaw pa rin nitong lumaya sa kasinungalingan at idolatriya. Nakita nila na talagang kailangan ang paghihiwalay kung ang Salita ng Diyos ang kanilang susundin. Hindi sila nangahas na pahintulutan ang mga kamaliang mapaminsala sa sarili nilang kaluluwa at magbigay ng halimbawang magsasapanganib sa pananampalataya ng kanilang mga anak at apo. Para matamo ang kapayapaan at pagkakaisa, handa silang gumawa ng anumang pagpapahinuhod na alinsunod sa pagiging totoo sa Diyos, ngunit nadama nila na pati ang kapayapaan ay magiging napakamahal kung ito’y mangangahulugang pagsasakripisyo ng prinsipyo. Kung mangyayari ang pagkakaisa sa pamamagitan ng kompromiso sa katotohanan at katuwiran, hayaang magkaroon na lang ng di-pagkakasundo, at kahit pa nga digmaan. Anong buti para sa iglesia at sa sanlibutan kung ang mga prinsipyong nagpakilos sa mga matitibay na mananampalatayang iyon ay mabubuhay-muli sa mga puso ng mga nagsasabing sila'y bayan ng Diyos. KP 92.3

Sinasabi ni apostol Pablo na “ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ang pag-uusig.” 2 Timoteo 3:12. Bakit parang tulog ngayon ang pag-uusig? Dahil nakiayon na ang simbahan sa sanlibutan, at hindi na nakapupukaw ng pagsalungat. Hindi na dalisay at banal ang katangian ng relihiyong laganap sa ating panahon na siyang marka ng pananampalatayang Kristiyano sa panahon ni Cristo at mga apostol. Dahil sa espiritu ng kompromiso sa kasalanan, dahil malamig ang turing sa mga dakilang katotohanan ng Salita ng Diyos, dahil napakakonti ng kinakailangang kabanalan sa iglesia, parang napakapopular sa sanlibutan ng Kristiyanismo. Hayaang muling mabuhay ang pananampalataya at kapangyarihan ng unang iglesia, at mabubuhay ang espiritu ng pag-uusig at muling masisindihan ang apoy nito. KP 93.1