Kasaysayan ng Pag-Asa
Kabanata 10 - Ang Kapangyarihan
Nang buksan ni Jesus ang pang-unawa ng mga alagad sa kahulugan ng mga propesiya tungkol sa Kanyang sarili, tiniyak Niya sa kanila na ibinigay na sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa. Sinabi Niya sa kanilang humayo at ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilalang. Sa biglang pagkabuhay ng dati nilang pag-asa na uupo na si Jesus sa trono ni David sa Jerusalem, tinanong Siya ng mga alagad, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin Mo ang kaharian sa Israel?” Gawa 1:6. Iniwan sila ng Tagapagligtas na nakabitin tungkol dito sa pagsagot na hindi para sa kanila “na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng Kanyang sariling awtoridad” Gawa 1:7. KP 83.1
Nagsimulang umasa ang mga alagad na iimpluwensyahan ng kahanga-hangang pagbaba ng Banal na Espiritu ang bayang Judio na tanggapin si Jesus. Hindi na nagpaliwanag pa ang Tagapagligtas. Alam Niyang kapag dumating na sa kanila ang Banal na Espiritu sa buong sukat nito, maliliwanagan ang kanilang mga isipan. Lubos nilang mauunawaan ang gawaing nasa harap nila at ipagpapatuloy ito kung saan Niya ito iniwan. KP 83.2
Nagtipon ang mga alagad sa silid sa itaas, na nakikiisa sa panalangin sa mga sumampalatayang kababaihan, kasama si Maria na ina ni Jesus, at ang Kanyang mga kapatid. Ang mga kapatid na ito, na dati’y hindi sumasampalataya, ay lubos na matibay na ngayon sa kanilang pananampalataya dahil sa mga tagpong kaagapay ng pagkapako sa krus at ng muling pagkabuhay at pag-akyat ng Panginoon sa langit. Ang bilang ng mga nagtipon ay mga 120. KP 83.3
Pagbaba ng Banal na Espiritu—“Nang dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar. Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila’y may nagpakitang parang mga KP 83.4
Batay sa Gawa 2. dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng ibat ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.” Ang Banal na Espiritu, na kinuha ang anyo ng mga dila ng apoy na hati sa mga dulo at pumatong sa nagkakatipong grupo, ay tanda ng kaloob na ibinigay sa kanila—ang matatas na pagsasalita ng iba't ibang wikang di nila alam dati. Ipinahiwatig ng hitsurang apoy ang maalab na sigasig ng paglilingkod nila at ang kapangyarihang sasama sa kanilang mga salita.
Sa ilalim ng makalangit na kaliwanagang ito, nalantad sa kanilang mga isipan ang mga talatang ipinaliwanag sa kanila ni Cristo sa matingkad na kinang at kagandahan ng malinaw at makapangyarihang katotohanan. Naalis na ngayon ang tabing na pumigil sa kanilang makita kung ano ang winakasan ni Cristo sa krus. Naunawaan na nila nang sakdal-linaw ang layunin ng misyon ni Cristo at ang likas ng Kanyang kaharian. KP 84.1
Sa Kapangyarihan ng Pentecostes—Naikalat ang mga Judio sa halos lahat ng bansa, at sila’y nagsalita ng sari-saring wika. Duma- ting sila sa Jerusalem mula sa malalayong lugar at pansamantalang tumira roon para sa mga kapistahang panrelihiyon na noo’y nagpapatuloy at upang tuparin ang mga obligasyon nito. Nagmula sa lahat ng kilalang wika ang mga nagtitipong sumasamba roon. Malaking hadlang ang pagkakaibang ito ng mga wika sa pagpapagal ng mga lingkod ng Diyos sa pagpapakalat ng doktrina ni Cristo sa pinakamalalayong bahagi ng daigdig. Ngunit pinunan ng Diyos ang pangangailangan ng mga apostol sa isang mahimalang paraan, at para sa mga tao, ganap na pinatunayan nito ang patotoo ng mga saksing ito para kay Cristo. Ginawa para sa kanila ng Banal na Espiritu ang hindi nila magagawa sa sarili nilang kakayanan kahit pa habambuhay. Ngayon, maipapakalat na nila ang katotohanan ng ebanghelyo sa maraming lugar, na sinasalita nang tumpak ang wika ng mga pinaglilingkuran nila. Ang mahimalang kaloob na ito ang pinakamahalagang katibayang maihaharap nila sa sanlibutan na may pagsang-ayon ng langit ang kanilang komisyon. KP 84.2
“Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika. Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, ‘Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin ang ating sariling wikang kinagisnan?’ ” KP 84.3
Lubhang ikinagalit ng mga pari’t pinuno ang kahanga-hangang pangyayaring ito, na napabalita sa buong Jerusalem at mga kanignig na lugar. Gayunma'y hindi sila nangahas na gawin ang masasama nilang balak sa takot na mapagbuntunan ng galit ng mga tao. Pinatay nila ang Panginoon, pero narito ang Kanyang mga lingkod, mga walang pinag-aralang mula sa Galilea, na binabalangkas ang nakagugulat na katuparan ng propesiya at itinuturo ang doktrina ni Jesus sa lahat ng wikang sinasalita noon. Nagsalita silang may kapangyarihan tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Tagapagligtas at ipinaunawa sa kanilang mga tagapakinig ang panukala ng kaligtasan sa awa at sakripisyo ng Anak ng Diyos. Sinumbatan at hinikayat ng kanilang mga salita ang libu-libong nakinig. Napalis ang mga tradisyon at pamahiing itinuro ng mga pari sa kanilang mga isipan, at tinanggap nila ang mga dalisay na katuruan ng Salita ng Diyos. KP 85.1
Sermon ni Pedro—Ipinakita sa kanila ni Pedro na ang kanilang nakikita ay siyang tuwirang katuparan ng propesiya ni Joel, kung saan inihula nito na ang ganoong kapangyarihan ay darating sa bayan ng Diyos upang iangkop sila para sa isang espesyal na gawain. KP 85.2
Direktang tinunton ni Pedro ang pinagmulang angkan ni Cristo pabalik sa marangal na sambahayan ni David. Hindi niya ginamit ang alinmang katuruan ni Jesus upang patunayan ang tunay Niyang kalagayan, dahil alam niyang napakatindi ng kanilang mga maling palagay anupa’t hindi ito magkakaroon ng epekto. Sa halip, itinuro niya sila kay David, na itinuturing ng mga Judio na kagalang- galang na patriyarka ng kanilang bansa. Ang sabi ni Pedro: KP 85.3
“Sapagkat sinabi ni David tungkol sa Kanya, ‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko, sapagkat Siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag; kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa. Sapagkat hindi Mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades, ni ipahihintulot man na ang Iyong Banal ay makakita ng kabulukan.’ ” KP 85.4
Dito'y ipinakikita ni Pedro na hindi maaaring ang tinutukoy ni David ay ang kanyang sarili, kundi si Jesu-Cristo talaga. Namatay si David nang natural na kamatayan tulad ng iba pang mga tao. Ang kanyang libingan, kasama ng pinagpipitagang alabok nito, ay iningatan at inalagaan nang husto hanggang sa panahong iyon. Bilang hari ng Israel at propeta na rin, si David ay bukod-tanging pinarangalan ng Diyos. Sa propetikong pangitain, ipinakita ng Diyos sa kanya ang buhay at ministeryo ni Cristo sa hinaharap. Nakita niya ang pagtatakwil, paglilitis, pagpapako sa krus, pag- lilibing, muling pagkabuhay, at pag-akyat sa langit. KP 86.1
Nagpatotoo si David na ang kaluluwa ni Cristo ay hindi binayaan sa Hades (sa libingan), ni ang Kanyang laman ay naka- ranas ng pagkabulok. Ipinakita ni Pedro na tinupad ni Jesus na taga-Nazaret ang propesiyang ito. Sa katunayan, binuhay Siya ng Diyos mula sa libingan bago pa makaranas ng pagkabulok ang Kanyang katawan. Siya ngayon Ang Dinadakila sa pinakamatayog na kalangitan. KP 86.2
Sa di-malilimutang okasyong iyon, marami sa mga taong ang hanggang noon ay pinagtatawanan ang kaisipang Anak ng Diyos ang isang hamak na taong tulad Jesus ay lubusang nakumbinsi ng katotohanan at kinilala Siya bilang kanilang Tagapagligtas. Tatlong libong katao ang napadagdag sa iglesia. Nagsalita ang mga apostol sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at walang kayang makipagtalo sa kanilang mga salita. Ang mga mensahe nila'y pinatotohanan ng mga makapangyarihang himala, na ginawa nila sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Espiritu ng Diyos. Ang mga alagad mismo ay nagulat sa mga resulta ng pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos at sa mabilis at malaking ani ng mga mananampalataya. Lahat ng tao ay napuno ng pagkamangha. Ang mga hindi nagsuko ng kanilang panghuhusga at pagkapanatiko ay nalipos nang husto ng paghanga anupa’t hindi sila naglakas-loob na tangkaing patigilin ang makapangyarihang gawain, sa salita man o karahasan, at nahinto ang kanilang pagsalungat pansamantala. KP 86.3
Gaano man kalinaw at nakakakumbinsi, ang mga argumento lang ng mga apostol ay hindi sapat upang alisin ang mga maling palagay ng mga Judio na kumalaban na sa napakaraming katibayan. Subalit ipinaunawa ng Banal na Espiritu ang mga argumentong iyon sa kanilang mga puso gamit ang banal na kapangyarihan. Ang mga salitang iyon ay animo matutulis na pana ng Makapangyarihan sa Lahat. Ipinadama nang husto sa kanila ang kanilang kasalanan sa pagtatakwil at pagpapapako sa krus sa Panginoon ng kaluwalhatian. “Nang marinig nila ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, ‘Mga ginoo, mga kapatid, anong dapat naming gawin?’ At sinabi sa kanila ni Pedro, ‘Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.’ ” KP 87.1
Iginiit ni Pedro sa nasumbatang mga tao ang katotohanang itinakwil nila si Cristo dahil nadaya sila ng mga pari’t pinuno. Kung patuloy silang aasa sa kanila para sa patnubay at hihintaying kilalanin muna ng mga lider na iyon si Cristo bago sila maglakas- loob na gawin ito, hindi nila Siya tatanggapin kailanman. Bagaman nagpapanggap ng kabanalan ang mga makapangyarihang taong iyon, sila’y ambisyoso at mapaghangad ng kayamanan at makalupang kaluwalhatian. Hindi sila lalapit kay Cristo para tumanggap ng liwanag. Inihula na ni Jesus ang kakila-kilabot na kaparusahang sasapit sa mga taong iyon dahil sa suwail nilang di-pagsampalataya, sa kabila ng pinakamatitinding patunay na ibinigay sa kanila na si Jesus nga ang Anak ng Diyos. KP 87.2
Simula noon, naging dalisay, simple, at tumpak sa salita at bigkas ang pananalita ng mga alagad, nagsasalita man sila sa sariling wika nila o sa wikang banyaga. Inilahad ng mga hamak na taong ito, na hindi nakapag-aral sa eskuwelahan ng mga propeta, ang mga katotohanang napakarangal at napakadalisay anupa't nagulat ang mga nakarinig sa kanila. Hindi sila personal na makakapunta sa mga hangganan ng lupa, ngunit may mga tao sa kapistahang iyon na mula sa bawat panig ng sanlibutan, at dinala nila ang mga katotohanang tinanggap nila sa kani-kanilang tahanan at ipinalaganap ito sa kanilang mga kababayan, na nanghihikayat ng mga mananampalataya kay Cristo. KP 87.3
Liksyon Para sa Ating Panahon—Nasa atin ang patotoong ito tungkol sa pagkakatatag ng Kristiyanong iglesia hindi lamang bilang isang mahalagang bahagi ng sagradong kasaysayan kundi bilang isang liksyon din. Lahat ng nagpapahayag sa pangalan ni Cristo ay dapat na naghihintay, nagbabantay, at nananalangin nang may iisang puso. Dapat nating alisin ang lahat ng di-pagkakaunawaan at hayaang manaig sa lahat ng bagay ang pagkakaisa at magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Kung gayo'y sama-samang papailanglang ang ating mga panalangin sa ating Ama sa langit nang may matibay at maalab na pananampalataya. Kung gayo'y maaari tayong mag- hintay sa katuparan ng pangako nang may pagtitiyaga at pag-asa. KP 88.1
Maaaring dumating ang tugon sa di-inaasahang bilis at napaka- tinding lakas, o kaya nama’y maantala ng maraming araw at linggo, at masusubok ang ating pananampalataya. Pero alam ng Diyos kung paano at kailan sasagutin ang ating panalangin. Bahagi natin sa gawain ang iugnay ang ating sarili sa banal na daluyan. Bahala na ang Diyos sa bahagi Niya sa gawain. Siyang nangako ay tapat. Ang dakila't mahalagang bagay sa atin ay ang magkaisa sa puso at isipan, na isinasaisantabi ang lahat ng inggit at masamang isipan, at bilang isang mapagpakumbabang bayang nananalangin, ay magbantay at maghintay. Si Jesus, na Kinatawan at Ulo natin, ay handang gawin para sa atin ang ginawa Niya para sa mga nananalangi’t nagbabantay noong panahon ng Pentecostes. KP 88.2