Kasaysayan ng Pag-Asa

16/28

Pag-Akyat Ni Cristo Sa Langit

Naghihintay ang buong langit sa oras ng tagumpay kung kailan aakyat na si Jesus sa Kanyang Ama. Dumating ang mga anghel para tanggapin ang Hari ng kaluwalhatian at para abayan Siya nang may pagdiriwang papunta sa langit. Nang mabasbasan na ni Jesus ang Kanyang mga alagad, namaalam na Siya sa kanila at dinala Siya paitaas. Sa Kanyang pangunguna pataas, sumunod ang maraming bihag na binuhay nang Siya’y mabuhay na mag-uli. Napakaraming makalangit na anghel ang kasama nila, habang sa langit ay di-mabilang na pangkat ng mga anghel ang nag-aabang sa Kanyang pagdating. KP 82.1

Pinalibutan ng buong makalangit na hukbo ang marangal nilang Pinuno at yumukod sa Kanya nang may pinakamataas na pagsamba. Inilalapag nila ang mga kumikinang nilang korona sa Kanyang paanan. Pagkatapos, kinalabit nila ang kanilang mga gintong alpa. Sa malamyos at masarap pakinggang himig, napuno ang buong langit ng maringal na musika at mga awit sa Korderong pinatay ngunit muling nabubuhay sa kadakilaan at kaluwalhatian. KP 82.2

Pangakong Pagbabalik—Habang malungkot na nakamasid ang mga alagad sa langit para sa huling sulyap sa pumapailanglang nilang Panginoon, dalawang anghel na nakadamit ng puti ang tumayo sa tabi nila at nagsabing, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo’y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta Niya sa langit.” Gawa 1:11. Pinag-usapan ng mga alagad ang kamangha-mangha Niyang mga gawa at ang mga kakaiba't maluwalhating pangyayaring naganap sa loob ng maikling panahon. KP 82.3

Galit ni Satanas—Muling sumangguni si Satanas sa kanyang mga anghel. Sa mapait na pagkamuhi sa pamahalaan ng Diyos, sinabi niya sa kanila na habang mayroon pa raw siyang kapangyarihan at awtoridad sa lupa, dapat na paigtingin nang makasampung beses ang kanilang mga pagsisikap laban sa mga tagasunod ni Jesus. Wala silang naipanalong pagsalakay kay Cristo, ngunit dapat daw na mapabagsak ang Kanyang mga tagasunod, kung maaari. Sa bawat henerasyon, dapat daw nilang pagsikapang bitagin ang mga sasampalataya kay Jesus. Sa gayo’y humayo ang mga anghel ni Satanas na gaya ng mga umuungal na leon, na nagsisikap na wasakin ang mga tagasunod ni Jesus. KP 82.4