Kasaysayan ng Pag-Asa
Kabanata 9 - Ang Pagtatagumpay
Pagkabuhay Na Muli
Nagpahinga ang mga alagad nang Sabbath, na ipinagluluksa ang kamatayan ng kanilang Panginoon, habang nakahimlay sa libingan si Jesus na Hari ng kaluwalhatian. Nang papalapit na ang gabi, itinalaga ang mga sundalo para bantayan ang pinaglalagakan ng Tagapagligtas, habang lumilipad naman ang mga di-nakikitang anghel sa itaas ng sagradong dako. Mabagal na lumipas ang gabi, at habang madilim pa, batid na ng mga nagmamatyag na anghel na malapit na ang oras para pakawalan ang Anak ng Diyos, ang minamahal nilang Pinuno. Habang sila'y naghihintay sa oras ng Kanyang pagtatagumpay nang may kasabikan, isang makapangyarihang anghel na mabilis ang lipad ang dumating galing sa langit. Ang kanyang mukha ay gaya ng kidlat, at ang kanyang kasuotan ay sing-puti ng niyebe. Itinaboy ng kanyang liwanag ang kadiliman sa kanyang daanan. Sa kanyang kaningningan at kaluwalhatian, takot na takot na nagsitakas ang masasamang anghel na buong pagwawaging inaangkin ang katawan ni Jesus. Isa sa mga anghel na nakasaksi sa tagpo ng paghamak kay Cristo at nagbabantay sa Kanyang pahingahang lugar ang sumama sa anghel na galing sa langit. Magkasama silang bumaba sa libingan. Yumanig at umuga ang lupa habang sila'y lumalapit, at nagkaroon ng malakas na lindol. KP 76.1
Nasindak ang mga Romanong guwardya. Nasaan na ngayon ang kapangyarihan nilang pigilan ang katawan ni Jesus? Hindi na nila inisip ang kanilang tungkulin o ang pagnanakaw ng mga alagad sa Kanyang katawan. Nang sumikat ang liwanag ng mga anghel sa palibot nila, na mas matingkad pa sa araw, bumagsak sa lupa na parang mga patay ang mga Romanong bantay. Hinawakan ng isa sa mga anghel ang malaking bato, iginulong ito palayo sa bunganga ng libingan, at ito’y inupuan. Ang isa'y pumasok sa libingan at tinanggal ang tela sa ulunan ni Jesus. KP 76.2
“Tinatawag Ka ng Iyong Ama”—Pagkatapos, sa tinig na nagpayanig sa lupa, ang anghel na galing sa langit ay sumigaw, “O Anak ng Diyos, tinatawag Ka ng Iyong Ama! Lumabas Ka!” Hindi na Siya napagharian pa ng kamatayan. Bumangon si Jesus sa mga patay na isang matagumpay na manlulupig. May taimtim na pagpipitagang minasdang maigi ng nagkatitipong mga anghel ang tagpong iyon. Habang lumalabas si Jesus sa libingan, nagpatirapa sa lupa ang mga kumikinang na anghel bilang pagsamba. Ipinagbunyi Siya ng mga awitin ng pagwawagi at tagumpay. KP 76.3
Ulat ng mga Romanong Guwardya—Nang iwan ng hukbo ng mga anghel sa langit ang libingan at napawi na ang liwanag at kaluwalhatian, nangahas ang mga Romanong bantay na itaas ang kanilang mga ulo at tumingin sa palibot nila. Napuspos sila ng panggigilalas nang makita nilang naigulong na ang malaking bato sa pintuan ng libingan at wala na ang katawan ni Jesus. Nagmamadali silang pumunta sa lunsod para ipaalam sa mga pari’t matatanda ang nakita nila. Habang nakikinig ang mga mamamatay-taong iyon sa kamangha-manghang ulat, nabakas ang pamumutla sa bawat mukha. Kinilabutan sila nang maisip kung ano ang kanilang ginawa. Kung tama nga ang sumbong, sila’y napahamak na. Saglit silang natahimik habang nakaupo, nagtinginan sa isa’t isa, hindi alam ang gagawin o sasabihin. Ang tanggapin ang balita ay paghatol sa kanilang sarili. Dumako muna sila sa isang tabi para mag-usap kung ano ang gagawin. Ikinatwiran nilang kapag kumalat ang balita ng mga bantay, papatayin din ang mga nagpapatay kay Cristo. KP 77.1
Ipinasya nilang bayaran ang mga sundalo para ilihim ang bagay na ito. Inalok sila ng malaking pera ng mga pari’t matatanda, na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang Kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at Siya’y kanilang ninakaw samantalang kami’y natutulog.’” Mateo 28:13. Nang magtanong ang mga guwardya kung anong mangyayari sa kanila dahil sa pagtulog habang nasa tungkulin, ipinangako ng mga opisyales na Judio na sila na ang hihimok sa gobernador at sisiguro sa kanilang kaligtasan. Ipinagbili ng mga Romanong bantay ang kanilang dangal at sumang- ayong sundin ang payo ng mga pari’t matatanda dahil lamang sa pera. KP 77.2
Mga Unang Bunga ng Pagtubos—Habang nakabayubay sa krus si Jesus, nang sumigaw Siya ng, “Tapos na,” nabitak ang mga bato, nayanig ang lupa, at nabuksan ang ilang mga libingan. Nang bumangon Siyang matagumpay sa kamatayan at sa libingan, habang gumigiwang- giwang ang lupa at tumatanglaw ang kaluwalhatian ng langit sa palibot ng sagradong dako, marami sa mga matuwid na patay, na tumugon sa Kanyang tawag, ang nagsilabas sa kanilang mga libingan bilang mga saksi na Siya nga’y nabuhay. Bumangong naluwalhati ang mapapalad at binuhay na mga banal na iyon. Sila'y mga pinili mula sa bawat kapanahunan, umpisa sa paglalang hanggang sa kapanahunan ni Cristo. Habang nagsisikap ang mga lider ng mga Judio na itago ang katotohanan ng muling pagkabuhay ni Cristo, pinili ng Diyos na magbangon ng isang pulutong mula sa kanilang mga libingan para magpatotoo na nabuhay nga si Jesus, at para magpahayag ng Kanyang kaluwalhatian. KP 77.3
Nagpakita sa marami ang mga nabuhay na iyon pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ipinaalam nilang naisagawa na ang sakripisyo para sa sangkatauhan, na nabuhay si Jesus, na ipinako ng mga Judio sa krus, sa mga patay. Bilang patunay sa kanilang mga sinasabi, ipinahayag nilang, “Kami'y muling binuhay na kasama Niya.” Pinatotohanan nila na sa pamamagitan ng matindi Niyang kapangyarihan sila'y tinawagan sa kanilang mga libingan. Sa kabila ng mga maling balitang kumalat, hindi naitago ni Satanas, ng kanyang mga anghel, o ng mga punong pari ang muling pagkabuhay ni Cristo sapagkat ipinalaganap ng banal na grupong ito, na inilabas sa kanilang mga libingan,ang kahanga-hanga't nakatutuwang balita. Nagpakita rin si Jesus sa nalulungkot at bigo Niyang mga alagad, pinawi ang kanilang mga pangamba, at nagdulot ng kagalakan at kaligayahan sa kanila. KP 78.1
Mga Babae sa Libingan—Maagang-maaga nang unang araw ng sanlinggo, bago pa magliwanag, pumunta sa libingan ang ilang tapat na babaing may dalang mahahalimuyak na pabango para pahiran ang bangkay ni Jesus. Nakita nilang naigulong na ang mabigat na bato mula sa pasukan ng libingan, at wala na roon ang katawan ni Jesus. Nanlumo ang kanilang mga puso. Natakot silang baka kinuha ng kanilang mga kaaway ang bangkay. Bigla nilang nakita ang dalawang anghel na nakaputi, maningning at kumikinang ang kanilang mga mukha. Alam ng mga makalangit na nilalang na ito ang ipinarito ng mga kababaihan, at agad nilang sinabi sa kanila na wala na roon si Jesus. Siya'y muling nabuhay, pero puwede nilang tingnan ang dakong hinimlayan Niya. Sinabi nila sa kanila na pumunta't sabihin sa Kanyang mga alagad na mauuna Siya sa kanila sa Galilea. May takot at malaking kagalakang nagmadaling bumalik ang mga babae sa nalulungkot na mga alagad at sinabi sa kanila ang mga bagay na kanilang nakita at narinig. KP 78.2
Hindi makapaniwala ang mga alagad na nabuhay na si Cristo, pero sila'y nagmamadaling nagtakbuhan sa libingan, kasama ng mga babaing naghatid ng balita. Nakita nilang wala na nga roon si Jesus. Nakita nila ang Kanyang linong telang panlibing, pero hindi nila mapaniwalaan ang magandang balita na Siya'y binuhay mula sa mga patay. Umuwi silang namamangha sa kanilang nakita at sa balitang hatid ng mga kababaihan. KP 78.3
Pinili naman ni Mariang magtagal pa sa libingan. Iniisip niya ang kanyang nakita at nababahala sa isipang baka siya'y nadaya lamang. Pakiramdam niya, may mga bagong pagsubok na naghihintay sa kanya. Muli siyang nagluksa at biglang napahagulgol. Yumuko siya para tingnan uli ang libingan. Doo’y nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa'y nakaupo sa bandang ulunan ni Jesus, ang isa nama’y sa may paanan Niya. Buong giliw silang nakipag-usap sa kanya at tinanong kung bakit siya umiiyak. Sumagot siya, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila Siya inilagay.” Juan 20:13. KP 79.1
“Huwag Mo Akong Hawakan”—Pagtalikod niya sa libingan, nakita niya si Jesus na nakatayo sa malapit, pero hindi niya Siya nakilala. Buong kabaitan siyang kinausap nito, nagtatanong kung bakit siya nalulungkot at kung sino ang hinahanap niya. Sa pag-aakalang Siya ang hardinero, tinanong niya Siya kung kinuha ba Niya ang kanyang Panginoon. Sana’y sabihin daw sa kanya kung saan ito inilagay para makuha niya. Nagsalita si Jesus sa kanya sa sarili Niyang makalangit na tinig na sinasabi, “Maria!” Kilala niya ang tunog ng minamahal na tinig na iyon at agad siyang sumagot, “Guro!” Sa kagalakan niya’y yayakapin na sana niya Siya, pero sinabi ni Jesus, “Huwag mo Akong hawakan, sapagkat hindi pa Ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa Aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat Ako sa Aking Ama at inyong Ama, sa Aking Diyos at inyong Diyos.’” Juan 20:17. Buong katuwaan siyang nagmadali sa mga alagad dala ang magandang balita. Agad na umakyat si Jesus sa Kanyang Ama upang marinig sa Kanyang mga labi na tinatanggap Niya ang sakripisyo at upang tanggapin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. KP 79.2
Habang si Jesus ay nasa presensya ng Diyos at napapalibutan ng Kanyang kaluwalhatian, hindi Niya nakalimutan ang Kanyang mga alagad sa lupa. Tumanggap Siya ng kapangyarihan sa Kanyang Ama upang Siya’y makabalik at magbigay-kapangyarihan sa kanila. Nang araw ding iyon, Siya’y bumalik at nagpakita sa Kanyang mga alagad. Pinayagan na Niya ngayon silang hawakan Siya, sapagkat nakaakyat na Siya sa Kanyang Ama at nakatanggap na ng kapangyarihan. KP 79.3
Mapagdudang si Tomas—Wala si Tomas sa pagkakataong ito. Ayaw niyang tanggapin nang may buong kapakumbabaan ang balita ng mga alagad. Matigas at buong tiwala sa sariling pinanindigan niyang hindi siya maniniwala malibang mailagay niya ang kanyang daliri sa pinagbutasan ng mga pako at ang kanyang kamay sa tagilirang tinusok ng walang-awang sibat. Dito’y nagpakita siya ng kakulangan ng tiwala sa kanyang mga kasamahan. Kung hihingin ng lahat ang ganoong katibayan, walang isa man ngayon ang tatanggap kay Jesus at maniniwala sa Kanyang pagkabuhay-muli. Subalit kalooban ng Diyos na tanggapin ng mga hindi mismo nakakita at nakarinig sa nabuhay na Tagapagligtas ang pabalita ng mga alagad. KP 80.1
Hindi nalugod ang Diyos sa kawalang-paniniwala ni Tomas. Nang makipagkita uli si Jesus sa Kanyang mga alagad, kasama na nila si Tomas. Nang makita niya si Jesus, sumampalataya na siya. Pero sinabi pa rin niyang hindi siya masisiyahan nang hindi naidaragdag ang katibayan ng pandama sa paningin, kaya't ibinigay sa kanya ni Jesus ang katibayang gusto niya. Sumigaw si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Ngunit pinagsabihan siya ni Jesus sa kawalan niya ng pananampalataya. “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” Juan 20:28, 29. KP 80.2
Pagbagsak ng mga Pumatay kay Cristo—Habang kumakalat ang balita sa mga lunsud-lunsod at bayan-bayan, nangamba ang mga lider ng mga Judio para sa kanilang buhay at itinago ang kanilang pagkamuhi sa mga alagad. Ang tangi nilang pag-asa ay ang ipakalat ang kanilang maling ulat. Ito’y tinanggap ng mga umaasang sana’y totoo nga ang kasinungalingang ito. Nangatal si Pilato nang marinig niyang nabuhay si Cristo. Hindi niya kayang pagdudahan ang patotoong ibinigay Magmula nang sandaling iyon, iniwan na siya ng kapayapaan magpakailanman. Dahil lamang sa makalupang karangalan, sa takot na mawala ang kanyang awtoridad at ang kanyang buhay, hinatulan niya ng kamatayan si Jesus. Kumbinsidung-kumbinsido na siya ngayon na nagkasala nga siya hindi lang sa dugo ng inosenteng tao, kundi sa dugo ng Anak ng Diyos. Nakakaawa hanggang sa wakas ang naging buhay ni Pilato. Dinurog ng kawalang pag-asa at dalamhati ang bawat pag-asa’t ligaya niya. Tumanggi siyang magpaaliw, at siya’y namatay sa pinakamiserableng paraan. KP 80.3
Apatnapung Araw Kasama ng mga Alagad—Nanatili pa si Jesus kasama ng Kanyang mga alagad nang 40 araw. Nagdulot ito ng kagalakan at kaligayahan sa kanila habang mas lubusan Niyang isinisiwalat sa kanila ang mga katotohanan ng kaharian ng Diyos. Inatasan Niya silang magpatotoo sa mga bagay na kanilang nakita’t napakinggan tungkol sa Kanyang mga hirap, kamatayan, at muling pagkabuhay. Dapat nilang sabihin na Siya’y nagsakripisyo para sa kasalanan, at ang lahat ng may gusto ay makalalapit sa Kanya at makasusumpong ng buhay. Nang may tapat na pagmamahal, sinabi Niya sa kanila na sila'y uusigin at pahihirapan, subalit sila’y makasusumpong ng kaginhawahan sa pagsariwa sa kanilang karanasan at pag-alala sa Kanyang mga salita. Sinabi Niya sa kanila na napagtagumpayan na Niya ang mga tukso ni Satanas at nagkamit ng tagumpay sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagdurusa. Wala ng kapangyarihan si Satanas sa Kanya, subalit mas diretsahan niyang itutuon ang kanyang mga tukso sa kanila at sa lahat ng sasampalataya sa Kanyang pangalan. Pero kaya nilang magtagumpay kung paanong Siya'y nagtagumpay. Binigyan ni Jesus ang Kanyang mga alagad ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at sinabi Niya sa kanila na bagaman sila'y uusigin ng masasamang tao, maya’t maya’y isusugo Niya ang Kanyang mga anghel para iligtas sila; hindi puwedeng bawiin ang kanilang buhay hanggang sa matapos ang kanilang misyon. Kung gayo'y maaaring hilingan silang tatakan ng kanilang dugo ang mga patotoong ibinigay nila. KP 81.1
Masayang nakinig ang mga nasasabik Niyang tagasunod sa Kanyang mga turo. Buong kasabikan silang nagpakasawa sa bawat salitang namutawi sa mga banal Niyang labi. Ngayo’y wala na silang dudang Siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Tumanim nang malalim ang Kanyang mga salita sa kanilang mga puso, at sila’y nalungkot na di- magtatagal, maghihiwalay na sila ng makalangit nilang Guro at hindi na maririnig ang nakaaaliw at mapagpala Niyang mga salita. Ngunit muling nag-alab at nagalak ang kanilang mga puso nang sabihin ni Jesus na Siya'y aalis at maghahanda ng mga lugar para sa kanila at muling babalik at tatanggapin sila, upang sila’y parati na Niyang makasama. Ipinangako rin Niyang isusugo ang Mang-aaliw, ang Banal na Espiritu, upang gabayan sila sa buong katotohanan. “At nang maitaas Niya ang Kanyang mga kamay, sila’y Kanyang binasbasan.” Lucas 24:50. KP 81.2