Kasaysayan ng Pag-Asa
Pagpako Kay Cristo Sa Krus
Si Cristo, ang pinakamamahal na Anak ng Diyos, ay inilabas at ibinigay sa mga tao para ipako sa krus. Sumama sa makapal na karamihang sumunod kay Jesus sa Kalbaryo ang mga alagad at mga mananampalatayang mula sa palibot na pook. Naroon din ang ina ni Jesus na inalalayan ni Juan, ang minamahal na alagad. Napuno ang puso ni Maria ng di-mabigkas na dalamhati. Pero gaya ng mga alagad, umasa siyang magbabago ang mapait na tagpong iyon at igigiit din ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan at lilitaw sa harap ng Kanyang mga kaaway bilang Anak ng Diyos. Sa muli’y manlulumo ang kanyang pusong-ina habang naaalala ang mga salitang saglit na binanggit ni Jesus tungkol sa mga bagay na nagaganap sa araw na iyon. KP 68.2
Halos hindi pa nakakalabas si Jesus sa tarangkahan ng bahay ni Pilato nang ilabas ang krus na ginawa para kay Barabas at ipatong sa pasa-pasa at duguan Niyang balikat. Ipinapasan din ang mga krus sa mga kasamahan ni Barabas na magdaranas din ng kamatayan kasabay ni Jesus. Maikling distansya lang nadala ng Tagapagligtas ang Kanyang pasanin nang Siya'y bumagsak nang walang-malay sa lupa dahil sa kawalan ng dugo at sobrang pagod at kirot. KP 68.3
Nang magkamalay si Jesus, ipinasan uli ang krus sa Kanyang mga balikat, at pinuwersa Siyang lumakad. Nagpasuray-suray Siya nang ilang hakbang, dala ang mabigat Niyang pasan. Pagkatapos, bumagsak na naman Siya sa lupa. Nang una’y idineklara Siyang patay na, pero naulian din Siya sa wakas. Walang nadamang awa ang mga pari’t mga pinuno sa nahihirapan nilang biktima, pero nakita nilang imposible nang mabuhat pa Niya ang instrumento ng pagpapahirap. Habang iniisip nila kung anong gagawin, dumating si Simon na taga-Cirene pasalubong sa karamihan. Sa sulsol ng mga pari, sinunggaban siya at sapilitang pinagpasan ng krus ni Cristo. Mga alagad ni Jesus ang mga anak ni Simon, pero siya mismo’y walang anumang kaugnayan sa Kanya. KP 68.4
Napakaraming mga tao ang sumunod sa Tagapagligtas sa Kalbaryo. Marami ang nanlait at nanuya, pero may mga umiyak din at nagsalaysay ng mga kapurihan Niya. Maalab na ipinahayag ng mga pinagaling Niya sa sari-saring sakit at ng mga muli Niyang binuhay ang kamangha- mangha Niyang mga gawa. Gusto nilang malaman kung ano ang ginawa ni Jesus para tratuhin Siyang parang kriminal. Ilang araw pa lang ang nakalilipas, inabayan nila Siya nang may magagalak na hosana at pagwagayway ng mga sanga ng palma habang matagumpay Siyang nakasakay sa asno papasok sa Jerusalem. Ngunit maraming nakisigaw ng Kanyang kapurihan dahil iyon ang usong gawin noon ang sumisigaw ngayong, “Ipako Siya sa krus! Ipako Siya sa krus!” KP 69.1
Ipinako sa Krus—Nang marating nila ang lugar ng pagpapako, itinali na ang mga nahatulan sa mga krus. Habang nagpupumiglas ang dalawang magnanakaw sa mga kamay ng mga nag-uunat sa kanila sa krus, hindi nanlaban si Jesus. Nanood ang ina ni Jesus nang may masidhing pag-aabang, umaasang gagawa Siya ng himala para iligtas ang Kanyang sarili. Nakita niyang iniunat na ang mga kamay ni Jesus sa krus—ang mga mahal na kamay na iyon na parating nagbabahagi ng mga pagpapala at napakaraming beses na umunat para ibsan ang mga pagdurusa. Inilabas na ang martilyo’t mga pako. Habang ibinabaon ang malalaking pako sa malambot na laman at kumakapit sa krus, inilayo ng mga naghihinagpis na alagad ang nahihimatay na ina ni Cristo sa malupit na tagpong iyon. KP 69.2
Hindi nagreklamo ni katiting si Jesus. Maputla't payapa pa rin ang Kanyang mukha, pero may malalaking butil ng pawis sa Kanyang noo. Walang naaawang kamay na pumunas sa pawis ng kamatayan sa Kanyang mukha, ni mga salita ng pagdamay at katapatan para pasayahin ang Kanyang pusong-tao. Mag-isa Niyang niyapakan ang pisaan ng ubas; at wala ni isa Siyang nakasama. Habang ginagawa ng mga sundalo ang kalagim-lagim nilang gawain at tinitiis Niya ang pinakamatinding pasakit, nanalangin si Jesus para Kanyang mga kaaway: “Ama, patawarin Mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Lucas 23:34. Sinaklaw ng panalanging iyon ni Cristo para sa Kanyang mga kaaway ang buong sanlibutan, kasama na ang bawat makasalanang mabubuhay pa lang hanggang sa wakas ng panahon. KP 69.3
Nang maipako na si Jesus sa krus, binuhat ito ng ilang malalakas na lalaki at buong lakas na isinalya sa butas na hinukay para rito. Nagdulot ito ng napakatinding paghihirap sa Anak ng Diyos. Ngayo’y isang nakapangingilabot na tagpo ang nangyari. Kinalimutan ng mga pari, pinuno, at eskriba ang dignidad ng sagrado nilang katungkulan at nakisama na sa maiingay na mga tao sa pangungutya at pagtatawa sa naghihingalong Anak ng Diyos, na sinasabi, “Kung Ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas Mo ang Iyong sarili.” Lucas 23:37. Ang iba nama’y may panunuyang naghuntahan, “Iniligtas Niya ang iba; hindi Niya mailigtas ang Kanyang sarili.” Marcos 15:31. Ang matataas na pinuno ng templo, ang mga tigasing sundalo, ang masamang magnanakaw doon sa krus, at ang mga hamak at malulupit sa gitna ng karamihan— nagkaisa lahat sa kanilang pag-abuso kay Cristo. KP 70.1
Dumanas ng ganoon ding pisikal na pagpapahirap ang mga magnanakaw na ipinako sa krus kasama ni Jesus. Ngunit ang isa’y lalo lamang pinatigas at naging desperado’t palaban dahil sa kirot. Inulit niya ang panlilibak ng mga pari at suminghal kay Jesus, na nagsasabi, “Hindi ba Ikaw ang Cristo? Iligtas Mo ang Iyong sarili at kami.” Lucas 23:39. Hindi pusakal na kriminal ang isa pang hinatulang tao. Nang marinig niya ang pangungutya ng kanyang kasabwat sa krimen, kanyang “sinaway siya...at sa kanya’y sinabi, ‘Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan? Tayo ay nahatulan nang matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang Taong ito’y hindi gumawa ng anumang masama’” Lucas 23:40, 41. At pagkatapos, habang ang kanyang puso’y nakikiramay kay Cristo, binaha ng makalangit na liwanag ang kanyang isipan. Kay Jesus na sugatan, hinamak, at nakabitin sa krus, nakita niya ang kanyang Manunubos, ang tangi niyang pag-asa. Nagsumamo siya nang may mapagpakumbabang pananampalataya: ” ‘Panginoon, alalahanin Mo ako, pagdating Mo sa Iyong kaharian.’ At Siya'y sumagot, ‘Katotohanang sinasabi Ko sa iyo ngayon, * ikaw ay makakasama Ko sa Paraiso.’” Lucas 23:42, 43. KP 70.2
Nang may pagkamangha, nakita ng mga anghel ang walang-hanggang pag-ibig ni Jesus na habang pinagdurusahan ang pinakamasaklap na paghihirap ng isip at katawan, ay ibang tao pa rin ang iniisip, at pinalakas ang loob ng nagsisising makasalanan. Habang ibinubuhos ang Kanyang buhay sa kamatayan, nagpakita Siya ng pagmamahal na mas matindi pa kaysa kamatayan para sa mga taong nawaglit. Paglaon, nasumpungan ng marami sa mga saksi sa Kalbaryo na ang mga pangyayaring ito ang nagpatatag sa kanila sa pananampalataya kay Cristo. KP 71.1
Ngayon, may pagkainip na hinintay ng mga kaaway ni Jesus ang Kanyang kamatayan. Inisip nilang tuluyan nang matatahimik ang mga usap-usapan tungkol sa Kanyang banal na kapangyarihan at sa Kanyang mga himala. Sinabi nila sa kanilang sarili na hindi na sila mangangatal dahil sa Kanyang impluwensya. Pinaghati-hatian ng mga manhid na sundalong nag-unat sa katawan ni Jesus sa krus ang Kanyang kasuotan. Nagtalo sila sa iisang damit na hinabi nang walang dugtungan. Ipinasya nila sa wakas na magsapalaran na lang para rito. Tumpak na inilarawan ng Inspirasyon ang tagpong ito daan- daang taon bago ito mangyari: “Sapagkat ang mga aso ay nakapaligid sa Akin; pinaligiran Ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama; binutasan nila ang Aking mga kamay at mga paa. Kanilang pinaghatian ang Aking mga kasuotan, at para sa Aking damit sila ay nagsapalaran.” Awit 22:16, 18. KP 71.2
Liksyon ng Pagmamahal sa mga Magulang—Gumala ang mga mata ni Jesus sa mga taong nagtipon para masaksihan ang Kanyang kamatayan. Sa paanan ng krus, nakita Niya si Juan na inaalalayan si Maria, ang Kanyang ina. Bumalik siya sa malagim na tagpong iyon dahil hindi niya kayang malayo pa sa kanyang Anak. Tungkol sa pagmamahal sa mga magulang ang huling aral ni Jesus. Tumingin Siya sa mukha ng Kanyang nanay na lipos ng kalungkutan, at pagkatapos, kay Juan. Pagtingin uli sa Kanyang ina, sinabi Niya, “Babae, narito ang iyong anak!” Tapos, sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Juan 19:26, 27. Naunawaang maigi ni Juan ang mga sinabi ni Jesus at ang sagradong tungkuling ipinagkatiwala Niya sa kanya. Agad niyang inilayo ang ina ni Cristo sa malagim na tagpo ng Kalbaryo. Mula nang oras na iyon, inalagaan niya si Maria na parang isang responsableng anak at dinala siya sa sarili niyang tahanan. Tumatagos sa kaulapan ng panahon ang liwanag ng napakagandang halimbawa ng pagmamahal ni Cristo sa magulang. Habang tinitiis ang pinakamatinding pagpapahirap, hindi Niya kinalimutan ang Kanyang ina, kundi ginawa ang lahat ng kinakailangang paglalaan para sa kanyang kinabukasan. KP 71.3
Halos tapos na ngayon ang misyon ni Cristo sa lupa. Tuyung-tuyo na ang Kanyang dila, kaya’t sinabi Niya, “Nauuhaw Ako!” Inilubog nila ang isang espongha sa sukang may apdo at ibinigay ito sa Kanya para mainom. Nang ito’y Kanyang malasahan, tinanggihan Niya ito. Ngayon, naghihingalo na ang Panginoon ng buhay at kaluwalhatian, isang pantubos para sa lahi ng tao. Ang pagkadama sa kasalanan, na naghatid ng galit ng Ama sa Kanya bilang kahalili natin, ang siyang lubhang nagpapait sa kopang iniinom Niya, at dumurog sa puso ng Anak ng Diyos. KP 72.1
Ipinatong kay Cristo ang kasalanan ng lahi ng tao. Siya’y ibinilang na makasalanan upang matubos Niya ang mga mananalangsang sa sumpa ng kautusan. Ang pagkakasala ng bawat anak ni Adan mula sa lahat ng panahon ang pumitpit sa Kanyang puso. Pinuno ng galit ng Diyos at ng kakila-kilabot na kapahayagan ng Kanyang hinanakit dahil sa kasamaan ang kaluluwa ng Kanyang Anak ng panlulumo. Ang pagtalikod ng mukha ng Ama sa oras na ito ng sukdulang paghihirap ang tumarak sa Kanyang puso ng kalungkutang hindi kailanman lubos na mauunawaan ng tao. Bawat hapding tiniis ng Anak ng Diyos sa krus; ang mga patak ng dugong umagos sa Kanyang ulo, sa Kanyang mga kamay, at mga paa; ang mga pangingisay ng paghihingalong nagpahirap sa Kanyang katawan; at ang di-mabigkas na dalamhating pumuno sa Kanyang kaluluwa dahil sa pagkubli ng mukha ng Kanyang Ama, ay nangungusap sa atin, na nagsasabing, Dahil sa pagmamahal sa iyo kaya pumayag ang Anak ng Diyos na ipataw sa Kanya ang matitinding krimeng ito. Para sa iyo, nilooban Niya ang teritoryo ng kamatayan at binuksan ang mga pintuan ng Paraiso at ng walang-hanggang buhay. Siyang nagpatahimik sa nagagalit na mga alon sa pamamagitan ng Kanyang salita at lumakad sa mga bumubula-bulang daluyong, na nagpanginig sa mga diyablo at nagpalayaas ng karamdaman sa hipo lamang, na bumuhay sa mga patay at nagmulat sa mata ng mga bulag, ay inialay ang Kanyang sarili sa krus bilang huling sakripisyo para sa mga makasalanan. Tiniis Niyang tagapasan ng kasalanan ang kaparusahan para sa kasamaan at naging kasalanan mismo alang-alang sa atin. KP 72.2
Piniga ni Satanas ang puso ni Jesus ng kanyang matitinding mga tukso. Ibinunton sa Kanya ang kasalanan, na lubhang kamuhi-muhi sa Kanyang paningin, hanggang sa Siya'y mapaungol sa bigat nito. Hindi nakakapagtaka na nangatal ang Kanyang pagkatao sa nakakatakot na sandaling iyon. Nanggigilalas na sinaksihan ng mga anghel ang sukdulang paghihirap ng Anak, na lubhang mas matindi pa sa pisikal na hapdi anupa’t iyo’y halos hindi Niya nadama. Ikinubli ng mga hukbo ng langit ang kanilang mga mukha sa kalagim-lagim na tanawing iyon. KP 73.1
Maging ang kalikasan ay nagpahayag ng pakikiramay sa pinag- mamalupita’t naghihingalong Maygawa nito. Tumanggi ang araw na tingnan ang kakila-kilabot na tagpong iyon. Tumatanglaw sa daigdig sa katanghalian ang buo’t maliwanag na mga sinag nito nang biglang ito’y parang nabura. Ganap na kadiliman ang lumukob sa krus at sa buong kapaligiran ng dakong iyon, na tulad ng lambong sa paglilibing. Tumagal ang kadiliman nang tatlong oras. Nang mag-aalas tres na, naalis na ang matinding kadiliman sa mga tao, pero bumalot pa rin sa Tagapagligtas na para bang isang talukbong. Tila inihahagis sa Kanya ang nagagalit na mga kidlat habang Siya'y nakabayubay sa krus. “Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, ‘ Eloi, Eloi, lama sabacthani?’ na ang kahulugan ay, ‘Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”‘ Marcos 15:34. KP 73.2
Tapos Na—Tahimik na nanood ang mga tao sa pagtatapos ng nakakatakot na tagpong ito. Muling lumiwanag ang araw, ngunit nababalot ang krus ng kadiliman. Walang anu-ano'y nawala ang dilim sa krus, at kasinglinaw ng tunog ng trumpeta na para bang umaalingawngaw sa buong sangnilikha, sumigaw si Jesus, “Tapos na!” “Ama, sa mga kamay Mo ay inihahabilin Ko ang Aking espiritu.” Lucas 23:46. Pinalibutan ng liwanag ang krus, at nagningning ang mukha ng Tagapagligtas sa kaluwalhatiang tulad sa araw. Itinungo Niya ngayon ang Kanyang ulo sa Kanyang dibdib at Siya’y namatay. KP 73.3
Nang sandaling mamatay si Cristo, may mga paring naglilingkod sa templo sa harap ng tabing na humahati sa banal at kabanal-banalang dako. Biglang nadama nilang yumayanig ang lupa sa ilalim nila, at ang tabing ng templo, na yari sa matibay at eleganteng tela, ay napunit sa dalawa mula itaas hanggang ibaba sa pamamagitan ng walang-dugong kamay na iyon na sumulat ng kahatulan sa dingding ng palasyo ni Belshasar. KP 73.4
Hindi isinuko ni Jesus ang Kanyang hininga hangga't hindi pa Niya naisasagawa ang gawaing ipinarito Niya, at sa huling hininga Niya’y Kanyang ibinulalas, “Tapos na!” Nagdiwang ang mga anghel nang marinig ang mga salitang iyon. Matagumpay na naisagawa ang dakilang panukala ng katubusan. Nagkaroon ng kagalakan sa langit dahil ngayon, sa pamamagitan ng buhay ng pagsunod, maiaangat na sa wakas ang mga anak ni Adan sa presensya ng Diyos. Si Satanas ay nalupig. Batid niyang nawala na ang kanyang kaharian. KP 74.1
Libing—Di malaman ni Juan kung ano ang gagawin sa bangkay ng minamahal Niyang Panginoon. Natakot siya sa posibilidad na ito’y hahawakan ng magagaspang at manhid na mga sundalo at itapon lamang sa kahiya-hiyang libingan. Alam niyang wala siyang makukuhang pabor sa mga pinunong Judio, at wala siyang gaanong maasahan kay Pilato. Subalit nagkusa sina Jose at Nicodemo sa kagipitang ito. Kapwa sila miyembro ng Sanhedrin at kakilala ni Pilato. Pareho silang may yaman at impluwensya. Desidido silang magkaroon ng marangal na libing ang bangkay ni Jesus. KP 74.2
Buong tapang na lumapit si Jose kay Pilato at hiningi sa kanya ang bangkay ni Jesus para mailibing. Nagbigay naman si Pilato ng opisyal na utos upang ibigay ang bangkay kay Jose. Habang nag-aalala’t namumroblema ang alagad na si Juan sa sagradong labi ng minamahal Niyang Panginoon, bumalik si Jose na taga-Arimatea dala ang utos galing sa gobernador, at dumating si Nicodemo, na inaasahan na ang resulta ng pakikipag-usap ni Jose kay Pilato, dala ang pinaghalong mira at mga sabila, na halos isandaang libra ang timbang. Hindi mapapakitaan ang pinakamarangal na tao sa buong Jerusalem nang higit pang respeto kaysa rito. KP 74.3
Dahan-dahan at buong pitagan, gamit ang sarili nilang mga kamay, inalis nila ang bangkay ni Jesus sa krus. Mabilis na pumatak ang kanilang mga luha ng habag habang minamasdan ang lamog na lamog at sugatan Niyang hitsura. Buong ingat nila itong hinugasan at nilinis sa mga bahid ng dugo. May bagong libingan si Jose na tinibag sa bato. Inilaan niya ito para sa kanyang sarili. Malapit iyon sa Kalbaryo, at ngayo’y inihanda niya ang libingang ito para kay Jesus. Maingat na ibinalot sa telang lino ang bangkay, kasama ng mga pabangong dala ni Nicodemo, at binuhat ng tatlong tagasunod ang pinakamamahal nilang pasan sa bagong libingan, na wala pa dating naililibing. Doo’y itinuwid nila ang sugat-sugat na mga paa at itiniklop ang pasa- pasang mga kamay sa dibdib Niyang walang-tibok. Lumapit ang mga babaing taga-Galilea para siguruhing nagawa na ang lahat ng puwedeng gawin sa walang-buhay na katawan ng minamahal nilang Guro. Nakita nilang iginulong na ang mabigat na bato sa pasukan ng libingan, at iniwan na ang Anak ng Diyos sa kapahingahan. Ang mga babae ang kahuli-hulihan sa krus, at kahuli-hulihan din sa libingan ni Cristo. KP 74.4
Bagaman naisagawa na ng mga lider ng mga Judio ang maka- demonyo nilang balak na pagpatay sa Anak ng Diyos, hindi pa rin mawala ang kanilang pagkabalisa, ni namatay ang kanilang inggit kay Cristo. Kasabay ng kagalakan sa tagumpay ng paghihiganti, naramdaman nila ang walang-maliw na pangamba na baka muling mabuhay ang patay Niyang bangkay na nakahimlay sa libingan ni Jose. Kaya't “ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato, na nagsasabi, ‘Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa Siya, “Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon Akong muli.” Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang Kanyang mga alagad at Siya’y nakawin, at sabihin sa mga tao, “Siya’y bumangon mula sa mga patay,” at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.’” Mateo 27:62-64. Kagaya ng mga Judio, ayaw rin ni Pilatong bumangon si Jesus taglay ang kapangyarihan para parusahan ang kasalanan ng mga pumatay sa Kanya. Nagtalaga siya ng isang pulutong ng mga sundalong Romano sa utos ng mga pari. KP 75.1
Napagtanto ng mga Judio ang kalamangan ng pagkakaroon ng bantay sa palibot ng libingan ni Jesus. Tinatakan nila ang batong nagsasara sa libingan upang hindi ito mapakialaman nang hindi nalalaman, gamit ang lahat ng pag-iingat laban sa paggawa ng mga alagad ng anumang pandaraya tungkol sa bangkay ni Jesus. Subalit mas pinatibay lang ng lahat nilang panukala at pag-iingat ang pagtatagumpay ng pagkabuhay-muli at ang katotohanan nito. KP 75.2