Kasaysayan ng Pag-Asa

13/28

Paglilitis Kay Cristo

Abala si Satanas at ang kanyang mga anghel sa bulwagan ng hukuman sa pagsira sa damdamin at simpatya ng tao. Naging ma- bigat at salaula ang paligid. Inudyukan nila ang mga punong pari’t matatanda na insultuhin at abusuhin si Jesus sa pinakamahirap na paraan. Umasa si Satanas na mapipiga ng ganoong paghamak at karahasan ang anumang reklamo o pagmamaktol mula sa Anak ng Diyos, o kaya nama’y ipapakita Niya ang banal Niyang kapangyarihan at pakakawalan ang Kanyang sarili sa kapit ng nagkakagulong mga tao. Mabibigo sa wakas ang panukala ng kaligtasan sa ganitong paraan. KP 63.1

Pagkakaila ni Pedro—Sinundan ni Pedro ang kanyang Panginoon matapos Siyang ipagkanulo. Nababahala, nais niyang makita kung ano ang mangyayari kay Jesus. Pero nang siya’y paratangang isang alagad, itinulak siya ng takot para sa sarili niyang kaligtasan na sabihing hindi niya Siya kilala. Kilala ang mga alagad sa kadalisayan ng kanilang pananalita. Para kumbinsihin ang mga nag-aakusa sa kanya, itinanggi ni Pedro ang bintang nang may pagmumura’t pagsumpa sa ikatlong pagkakataon. Sinulyapan siya nang may lungkot at pagsumbat ni Jesus, na ilang agwat lang ang layo kay Pedro. Pagkatapos, naalala ng disipulo ang mga salitang sinabi ni Jesus sa silid sa itaas, maging ang sarili niyang mapusok na paggiit na, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa Iyo, ako kailanma’y hindi tatalikod.” Mateo 26:33. Ipinagkaila niya ang kanyang Panginoon, may pagmumura’t pagsumpa pa nga, ngunit tinunaw ng tingin ni Jesus ang puso ni Pedro at iniligtas siya. Humikbi siya at nagsisi sa malaki niyang kasalanan, at siya’y nagbalik-loob. Sa gayo’y nahanda siyang palakasin ang kanyang kapatiran. KP 63.2

Sa Bulwagan ng Hukuman—Hiningi ng mga tao ang dugo ni Jesus. Malupit Siyang nilatigo ng mga sundalo, sinuotan ng lumang lilang damit-hari, at pinaikutan ng koronang tinik ang sagrado Niyang ulo. Ipinahawak nila sa Kanya ang isang tambo at yumukod sila sa Kanya nang may panlalait at bating, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Juan 19:3. Kinuha nila ang tambo sa Kanyang kamay at inihampas ito sa Kanyang ulo. Nabaon ang mga tinik sa Kanyang sentido at umagos ang dugo pababa sa Kanyang mukha at balbas. KP 64.1

Batid ni Jesus na nasasaksihan ng mga anghel ang Kanyang kahihiyan. Puwede sanang iligtas si Jesus maging ng pinakamahinang anghel, na ikakabuwal ng nanunuyang pulutong. Alam ni Jesus na kung hihilingin Niya sa Kanyang Ama, agad Siyang palalayain ng mga anghel. Subalit kailangan Niyang pagdusahan ang karahasan ng masasamang tao para maisagawa ang panukala ng kaligtasan. KP 64.2

May kaamuan at kapakumbabaang tumayo si Jesus sa harap ng mga taong galit na galit, habang ipinapataw nila sa Kanya ang pinakamasamang pang-aabuso. Dinuraan nila ang Kanyang mukha— ang mukhang iyon na balang araw ay gugustuhin nilang pagtaguan, na magbibigay-liwanag sa lunsod ng Diyos at magniningning nang mas maliwanag kaysa araw. Ni hindi tumingin nang pagalit si Cristo sa mga gumawa ng masama sa Kanya. Tinabunan nila ang Kanyang ulo ng lumang damit, piniringan Siya, at pagkatapos ay hinampas Siya sa mukha at nag-utos, “Hulaan Mo! Sino ang humampas sa Iyo?” Lucas 22:64. KP 64.3

May mga alagad na naglakas-loob na pumasok kung nasaan si Jesus at nasaksihan ang paglilitis sa Kanya. Umasa silang ipapakita Niya ang Kanyang banal na kapangyarihan, ililigtas ang Kanyang sarili sa kamay ng Kanyang mga kaaway, at parurusahan sila sa kanilang kalupitan. Taas-baba ang pag-asa nila habang nagaganap ang iba’t ibang eksena. Kung minsa'y nagdududa sila, natatakot na baka nga nadaya sila. Subalit ang tinig na narinig nila sa bundok ng pagbabagong-anyo, at ang kaluwalhatiang nakita nila roon, ay nagpalakas sa kanilang pananampalataya: Siya nga ang Anak ng Diyos. Inalala nila ang mga tagpong nasaksihan nila, ang mga himalang nakita nilang ginawa ni Jesus sa pagpapagaling ng mga maysakit, pagmulat sa mata ng mga bulag, pagbukas sa tainga ng mga bingi, pagsaway at pagpapalayas sa mga diyablo, muling pagbuhay sa mga patay, at pati pagpapakalma sa hangin at dagat. KP 64.4

Hindi sila makapaniwala na Siya’y mamamatay. Umasa silang magiging makapangyarihan pa rin Siya, na palalayasin Niya sa isang sigaw ang nagkakagulong mga taong uhaw sa dugo, gaya noong pumasok Siya sa templo at pinalayas ang mga nagtitinda’t nagpapalit ng pera na ginawang palengke ang bahay ng Diyos, kung saan sila’y nagtakbuhan palayo na para bang tinutugis ng mga armadong sundalo. Umasa ang mga alagad na ipapamalas ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan at kukumbinsihin ang lahat na Siya nga ang Hari ng Israel. KP 65.1

Pag-amin ni Judas—Napuno si Judas ng masaklap na pagsisisi at kahihiyan sa kanyang kataksilan sa pagkakanulo kay Jesus. Nang masaksihan niya ang kalupitang tiniis ng Tagapagligtas, siya'y bumigay. Minahal niya si Jesus. Mas minahal niya nga lang ang pera. Hindi niya akalaing hahayaan ni Jesus na hulihin Siya ng mga taong sinamahan niya. Umasa siyang gagawa ng himala si Jesus at ililigtas ang Kanyang sarili. Pero nang makita niya ang galit na mga tao sa bulwagan ng hukuman na nauuhaw sa dugo, lubha niyang nadama ang bigat ng kasalanan. Habang marami ang galit na galit na nagparatang kay Jesus, sumugod si Judas sa gitna nila at inaming nagkasala siya sa pagkakanulo ng inosenteng dugo. Isinauli niya sa mga pari ang perang ibinayad nila sa kanya, at nakiusap siyang palayain si Jesus dahil wala Siyang anumang kasalanan. KP 65.2

Saglit na pinatahimik ng galit at pagkataranta ang mga pari. Ayaw nilang malaman ng mga tao na binayaran nila ang isa sa mga alagad ni Jesus para ipagkanulo Siya sa kanilang mga kamay. Gusto nilang itago ang katotohanang tinugis nila si Jesus na parang magnanakaw at palihim Siyang dinakip. Pero ibinisto na ng pag-amin ni Judas at ng naliligalig at nakukonsensyang hitsura nito ang mga pari. Malinaw na pagkamuhi ang sanhi ng pag-aresto nila kay Jesus. Habang malakas na sinasabi ni Judas na walang-kasalanan si Jesus, sumagot ang mga pari, “Ano iyon sa amin? Bahala ka na diyan!” Mateo 27:4. Nasa kamay na nila si Jesus at desidido silang ituloy ang kanilang balak. Sinakmal ng labis na paghihirap, itinapon ni Judas sa paanan ng mga umupa sa kanya ang perang kinamumuhian na niya ngayon. Sa matinding dalamhati’t kilabot, umalis siya at nagbigti. KP 65.3

Maraming tagataguyod si Jesus sa kapulungang nakapalibot sa Kanya. Ipinagtaka ng siksikang mga tao ang di Niya pagsagot sa mga tanong. Sa harap ng lahat ng panghahamak at karahasan, walang simangot ni pagkabahala ang nabakas sa Kanyang mukha. Siya’y marangal at mahinahon. Namamanghang nakatingin sa Kanya ang mga nanonood. Inihambing nila ang Kanyang maayos na tindig at matatag at kapita-pitagang bikas sa hitsura ng mga humahatol sa Kanya. Nasabi nila sa isa’t isang mas mukha pa Siyang hari kaysa sa mga pinuno. Wala Siyang anumang palatandaan ng pagiging kriminal. Ang mata Niya’y mabait, malinaw, at walang-kinatatakutan. Ang Kanyang noo’y malapad at mataas. Kinakitaan ng kabaitan at karangalan ang bawat bahagi ng Kanyang mukha. Malayung-malayo sa karaniwan ang Kanyang pasensya at pagpipigil sa sarili anupa’t marami ang nangatal. Maging sina Herodes at Pilato ay nabahala sa Kanyang marangal at mala-Diyos na tindig. KP 66.1

Sa Harap ni Pilato—Sa una pa lang, kumbinsido na si Pilato na di-karaniwang tao si Jesus. Naniwala siyang Siya ay mabuting tao at walang kinalaman sa mga paratang laban sa Kanya. Napansin ng mga anghel na saksi sa tagpong iyon ang matibay na paniniwala ng Romanong gobernador. Para iligtas siya mula sa kakila-kilabot na hakbang ng pagpapapako kay Cristo, isang anghel ang ipinadala sa asawa ni Pilato. Sa panaginip, ipinaalam sa kanyang Anak ng Diyos ang nililitis ng kanyang asawa, at Siya’y inosenteng nagdurusa. Agad na nagpadala ng mensahe kay Pilato ang kanyang asawa na sinasabing nagdusa siya ng maraming bagay sa panaginip dahil kay Jesus. Binalaan siyang huwag pakialaman ang banal na Tao. Iniabot ng mensaherong dali-daling nakipagsiksikan sa mga tao ang sulat kay Pilato. Pagkabasa niya rito, nanginig siya at namutla, at agad na ipinasyang huwag makialam sa pagpapapatay kay Cristo. Kung hinihingi ng mga Judio ang dugo ni Jesus, hindi niya ibibigay ang kanyang impluwensya rito, kundi magsisikap na Siya’y iligtas. KP 66.2

Pinapunta kay Herodes—Nang marinig ni Pilato na nasa Jerusalem si Herodes, para siyang nabunutan ng tinik. Inisip niyang makakalaya siya sa lahat ng pananagutan sa paglilitis at paghatol kay Jesus. Agad niyang ipinadala si Jesus kay Herodes, kasama ng mga nagpaparatang sa Kanya. Tumigas na sa kasalanan ang pinunong ito. Nag-iwan ng isang bahid sa kanyang konsensya ang pagpaslang kay Juan Bautista. Mula rito'y hindi na siya nakalaya. Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus at ang mga makapangyarihang gawa Niya, natakot siya sa paniniwalang Siya'y si Juan Bautista na muling nabuhay. Nang ibigay ni Pilato si Jesus sa kanya, itinuring ito ni Herodes na pagkilala sa kanyang kapangyarihan, awtoridad, at kapasyahan. Dahil dito, naging magkaibigan ang dalawang pinunong dating magkaaway. Natuwa si Herodes nang makita si Jesus, umaasang Siya'y gagawa ng himalang ikatutuwa niya. Pero hindi gawain ni Jesus ang pagbigyan ang pag-uusisa o kayay iligtas ang Kanyang sarili. Gagamitin Niya ang Kanyang banal at mahimalang kapangyarihan para sa kaligtasan ng iba, pero hindi sa sarili Niyang kapakanan. KP 66.3

Walang isinagot si Jesus sa maraming tanong ni Herodes o ng Kanyang mga kaaway, na marahas Siyang inaakusahan. Nagalit si Herodes dahil parang hindi takot si Jesus sa kanyang kapangyarihan. Kasama ng mga mandirigma niya, pinagtawanan, hinamak, at minaltrato niya ang Anak ng Diyos. Gayunma'y namangha siya sa marangal at mala-Diyos na hitsura ni Jesus nang kahiya-hiyang pagmalupitan. Sa takot na hatulan Siya, ipinabalik niya Siya kay Pilato. KP 67.1

Tinukso ni Satanas at ng kanyang mga anghel si Pilato at pinagsikapan siyang iligaw tungo sa sarili niyang pagkawasak. Kung hindi raw siya makikialam sa pagsentensya kay Jesus, may ibang gagawa nito. Uhaw na uhaw ang mga tao para sa Kanyang dugo, at kung hindi Siya ibibigay ni Pilato para ipako sa krus, mawawala raw ang kanyang kapangyarihan at pansanlibutang karangalan. Tutuligsain siya bilang mananampalataya ng impostor. Sa takot na mawala ang kanyang kapangyarihan at awtoridad, pumayag si Pilato sa kamatayan ni Jesus. At kahit pa ipinatong niya ang dugo ni Jesus sa mga nagpaparatang sa Kanya, at tinanggap naman ito ng mga taong sumisigaw, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang Kanyang dugo” (Mateo 27:25), may pananagutan pa rin si Pilato. Para sa sarili niyang interes, sa pagmamahal niya sa karangalang mula sa mga dakilang tao sa mundo, ipinapatay niya ang isang inosenteng Tao. Kung sinunod lang ni Pilato ang sarili niyang mga paniniwala, hindi sana siya nakialam sa paghatol kay Jesus. KP 67.2

Kumintal nang malalim sa isipan ng maraming naroroon ang hitsurat mga sinabi ni Jesus sa Kanyang paglilitis. Naging malinaw ang bunga ng impluwensyang ito matapos Siyang mabuhay muli. Kabilang sa mga dumagdag sa iglesia ang maraming taong unang nakilos noong paglilitis kay Jesus. KP 67.3

Tumindi ang galit ni Satanas nang makita niyang hindi nakapukaw ng kahit katiting na reklamo mula kay Jesus ang lahat ng kalupitang isinulsol niyang gawin ng mga Judio. Bagaman suot Niya ang likas ng tao, itinaguyod Siya ng maka-Diyos na pananalig, at ni bahagya'y hindi Siya lumihis sa kalooban ng Kanyang Ama. KP 68.1