Kasaysayan ng Pag-Asa
Kabanata 7 - Ang Tagapagligtas
Dumating ang panahon na isusuot na ni Jesus ang likas ng tao, magpapakababa bilang tao, at daranasin ang mga tukso ni Satanas. Isinilang Siyang walang makalupang karangalan, sa silungan ng mga hayop at sa duyan ng sabsaban. Gayunma'y pinarangalan ang Kanyang pagsilang nang higit pa sa sinuman. Ipinaalam ng mga anghel mula sa langit sa mga pastol ang pagdating ni Jesus. Dinaluhan ng liwanag at kaluwalhatiang mula sa Diyos ang kanilang patotoo. Pinatunog ng hukbo ng kalangitan ang kanilang mga alpa at niluwalhati ang Diyos. Matagumpay nilang ibinalita ang pagdating ng Anak ng Diyos sa isang nagkasalang daigdig upang isagawa ang gawain ng pagtubos, at sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay magdala ng kapayapaan, kaligayahan, at walang-hanggang buhay sa sangkatauhan. Pinarangalan ng Diyos ang pagdating ng Kanyang Anak. Sinamba Siya ng mga anghel. KP 51.1
Bautismo ni Jesus—Makalipas ang 30 taon, nagpaali-aligid ang mga anghel ng Diyos sa tagpo ng Kanyang bautismo. Bumaba ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati at dumapo sa Kanya, at habang nakatayo ang mga taong lubhang namamangha, na nakapako ang mga mata sa Kanya, narinig ang tinig ng Ama mula sa langit: “Ikaw ang minamahal Kong Anak, sa Iyo Ako lubos na nalulugod.” Marcos 1:11. KP 51.2
Hindi tiyak ni Juan kung ang Tagapagligtas na nga ang lumapit para magpabautismo sa kanya sa Ilog ng Jordan. Subalit pinangakuan siya ng Diyos ng isang tanda. Sa pamamagitan nito’y makikilala niya ang Kordero ng Diyos. Nakita ni Juan ang tandang iyon nang dumapo ang makalangit na kalapati kay Jesus at lumiwanag ang kaluwalhatian ng Diyos sa palibot Niya. Iniunat ni Juan ang kanyang kamay, itinuro si Jesus, at sumigaw, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” Juan 1:29. KP 51.3
Ministeryo ni Juan—Ipinaalam ni Juan sa kanyang mga alagad na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, ang Tagapagligtas. Sa pagtatapos ng gawain ni Juan, tinuruan niya ang kanyang mga tagasunod na tumingin kay Jesus at sumunod sa Kanya bilang Dakilang Guro. Ipinahayag niya ang unang pagdating ni Cristo ngunit hindi siya pinahintulutang saksihan ang Kanyang mga himala ni masiyahan man sa kapangyarihang ipinakita Niya. Nang maging kilala na si Jesus bilang tagapagturo, batid ni Juan na mamamatay na siya. Bihirang marinig ang kanyang tinig, maliban sa ilang. Mapanglaw ang kanyang buhay. Hindi siya nanatili sa sambahayan ng kanyang ama upang magsaya sa piling nila. Iniwan niya sila upang tuparin ang kanyang misyon. Maraming mga tao ang iniwan ang mga lunsod at kanayunan at dumagsa sa ilang, marinig lamang ang mga salita ng kamangha-manghang propeta. Natumbok ni Juan ang ugat ng problema ng mga tao. Walang-takot niyang sinaway ang kanilang mga kasalanan at inihanda ang daan para sa Kordero ng Diyos. KP 51.4
Naantig ang damdamin ni Herodes habang nakikinig siya sa mga makapangyariha’t tuwirang patotoo ni Juan. Taimtim siyang nagtanong kung ano’ng dapat niyang gawin upang maging alagad ni Juan. Alam ng propetang pakakasalan ni Herodes ang asawa ng kapatid niya samantalang buhay pa ang lalaki, at buong katapatang sinabi ni Juan kay Herodes na ito'y hindi matuwid. Ngunit ayaw magsakripisyo ni Herodes. Pinakasalan niya ang asawa ng kanyang kapatid at, sa impluwensya ng babae, ay ipinadakip si Juan at ibinilanggo. Gayun- paman, balak niyang palayain ito. Habang nakakulong, narinig ni Juan sa kanyang mga alagad ang mga makapangyarihang gawa ni Jesus. Hindi siya makaalis para mapakinggan ang mabiyaya Niyang mga salita, ngunit ikinukuwento ito sa kanya ng mga alagad at inaaliw siya ng kanilang mga napakinggan. Di nagtagal, pinugutan ng ulo si Juan sa sulsol ng asawa ni Herodes. Ang pinakamababang mga alagad na sumunod kay Jesus, na nakasaksi sa Kanyang mga himala, at nakarinig ng Kanyang mga nakaaaliw na salita ay nakahihigit nga kay Juan Bautista (tingnan ang Mateo 11:11). Sila nga’y nagkaroon ng higit na katuwaan sa kanilang buhay. KP 52.1
Dumating si Juan sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ipahayag ang unang pagdating ni Jesus. Lucas 1:17. Kinatawan ni Juan ang mga taong sa huling mga araw ay hahayo sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ipahayag ang araw ng kagalitan at ang Ikalawang Pagdating. KP 52.2
Pagtukso—Pagkabautismo kay Jesus sa Jordan, dinala Siya ng Espiritu sa ilang para tuksuhin ng diyablo. Naihanda na Siya ng Banal na Espiritu para sa espesyal na tagpong iyon. Apatnapung araw Siyang tinukso ni Satanas, at sa mga araw na iyon ay wala Siyang kinain. Walang anumang nakatutuwa sa Kanyang paligid. Iiwasan ito ng sinuman. Sa isang dakong mapanglaw at malungkot, kapiling Niya ang mababangis na hayop at ang diyablo. Maputla at nangangayayat na ang Anak ng Diyos dahil sa pag-aayuno at pagdurusa. Subalit nailatag na ang landas para sa Kanya, at dapat Niyang gampanan ang gawaing ipinarito Niya. KP 53.1
Sinamantala ni Satanas ang pagdurusa ng Anak ng Diyos. Naghanda siyang ligaligin Siya ng maraming tukso sa pag-asang magtatagumpay siya dahil nagpakababa si Jesus bilang tao. Dumating si Satanas dala ang tuksong ito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ipag- utos Mo na ang batong ito ay maging tinapay.” Hinamon niya si Jesus na magpamalas ng banal na kapangyarihan bilang katibayan na Siya nga ang Mesiyas. Mahinahon siyang sinagot ni Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang, kundi sa bawat salita ng Diyos.’” Lucas 4:3, 4. KP 53.2
Nais makipagtalo ni Satanas kay Jesus tungkol sa Kanyang pagiging Anak ng Diyos. Tinukoy niya ang Kanyang kahinaan at pagdurusa at may pagmamalaking iginiit na mas malakas siya kaysa kay Jesus. Ngunit ang patotoo ng Diyos mula sa langit na, “Ikaw ang pinakamamahal Kong Anak, sa Iyo Ako lubos na nalulugod” (Lucas 3:22), ay sapat na upang itaguyod si Jesus sa lahat ng Kanyang pagdurusa. Hindi obligasyon ni Cristo na kumbinsihin si Satanas tungkol sa Kanyang kapangyarihan o pagiging Tagapagligtas. Napakarami nang katibayan ni Satanas tungkol sa mataas na kalagayan at awtoridad ng Anak ng Diyos. Itinaboy siya sa langit dahil ayaw niyang magpasakop sa awtoridad ni Cristo. KP 53.3
Para ipakita ang sarili niyang kapangyarihan, dinala ni Satanas si Jesus sa Jerusalem at inilagay Siya sa tuktok ng templo. Doo’y tinukso niya Siyang patunayan na Siya nga ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatihulog. Ginamit ni Satanas ang mga kinasihang salita ng Biblia: “Sapagkat nasusulat, ‘Ipagbibilin ka Niya sa Kanyang mga anghel na ikaw ay ingatan,’ at, ‘Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato.’” Sumagot si Jesus, “Sinasabi, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’” Lucas 4:10-12. Nais ni Satanas na pangahasan ni Jesus ang kahabagan ng Kanyang Ama at isapanganib ang Kanyang buhay bago pa Niya matupad ang Kanyang misyon. Umasa siyang ang panukala ng kaligtasan ay mabibigo, subalit napakalalim ng pagkakalatag ng piano para lamang mapabagsak o masira ni Satanas. KP 53.4
Si Cristo ang halimbawa ng lahat ng Kristiyano. Kapag sila’y tinutukso, kapag inaapakan ang kanilang mga karapatan, dapat nila itong pagtiisan nang may tiyaga. Hindi nila dapat isiping meron silang karapatang tawagan ang Panginoon para ipamalas ang Kanyang kapangyarihan upang magtagumpay sila sa kanilang mga kaaway, maliban na lamang kung direktang mapaparangalan at maluluwalhati ang Diyos sa gayong paraan. Kung nagpatihulog si Jesus mula sa tore ng templo, hindi nito maluluwalhati ang Kanyang Ama sapagkat walang sinumang makakasaksi maliban kay Satanas at sa mga anghel ng Diyos. At iyon ay magiging pagtukso sa Panginoon na ipamalas ang Kanyang kapangyarihan sa pinakamatindi Niyang kaaway. Pagbaba iyon sa lebel ng kaaway na ipinarito ni Jesus upang lupigin. KP 54.1
“Pagkatapos ay dinala Siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita sa Kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan. At sinabi sa Kanya ng diyablo, ‘Ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito’y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig. Kaya’t kung sasamba Ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging Iyo.’ KP 54.2
“At sumagot si Jesus sa kanya, ‘Lumagay ka sa likod Ko, Satanas! Sapagkat nasusulat, “Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at Siya lamang ang iyong paglingkuran.”’” Lucas 4:5-8. KP 54.3
Ipinakita ni Satanas kay Jesus ang mga kaharian ng sanlibutan sa pinakamaganda nilang anyo. Kung sasambahin lang daw siya ni Jesus, bibitiwan niya ang kanyang pag-aangkin sa pagmamay-ari ng lupa. Kapag naisagawa ang panukala ng kaligtasan at si Jesus ay namatay upang tubusin ang mga makasalanan, alam ni Satanas na ang sarili niyang kapangyarihan ay malilimitahan at sa wakas ay aalisin din, at siya'y pupuksain. Kaya’t pinag-aralan niyang maigi ang kanyang piano, na kung maaari, ay hadlangan si Jesus na matapos ang dakilang gawaing Kanyang pinasimulan. Kapag nabigo ang plano ng pagtubos ng Diyos, kay Satanas pa rin ang kahariang inaangkin niya sa sandaling iyon. Pinaniwala niya ang kanyang sarili na pagkatapos nito'y maghahari siyang kalaban ng Diyos sa langit. KP 54.4
Sinaway ang Manunukso—Tuwang-tuwa si Satanas nang isinan- tabi ni Jesus ang Kanyang kapangyariha’t kaluwalhatian at iwanan ang langit. Iniisip niya na nailagay nito ang Anak ng Diyos sa kanyang kapangyarihan. Madaling gumana ang tukso sa banal na mag-asawa sa Eden anupa’t inaasahan niya na sa pamamagitan ng makademonyo niyang kapangyarihan at katusuhan, maibabagsak niya pati na ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y maililigtas ang sarili niyang buhay at kaharian. Kung matutukso niya si Jesus na lumihis sa kalooban ng Kanyang Ama, makakamit niya ang kanyang mithiin. Subalit hinarap ni Jesus ang manunukso sa saway na, “Lumagay ka sa likod Ko, Satanas!” Siya’y dapat na yumukod sa Kanyang Ama lamang. KP 55.1
Inangkin ni Satanas ang kaharian ng lupa bilang kanya at iminungkahi kay Jesus na puwede Niyang maiwasan ang lahat ng pagdurusa, na hindi na Niya kailangang mamatay pa makuha lamang ang mga kaharian ng mundong ito. Kung sasamba lang Siya sa kanya, mapapasa-Kanya na ang buong pagmamay-ari sa lupa at ang kaluwalhatian ng paghahari sa mga ito. Pero hindi natinag si Jesus. Alam Niyang darating ang panahong kapalit ng sarili Niyang buhay, tutubusin Niya ang kaharian kay Satanas. Paglaon, ang lahat sa langit at sa lupa ay magpapasakop sa Kanya. Pinili Niya ang buhay ng pagdurusa at malagim na kamatayan bilang daang itinakda ng Kanyang Ama para maging makatuwirang tagapagmana ng mga kaharian sa lupa at maibigay ang mga ito sa Kanyang mga kamay bilang walang-hanggang pag-aari. Pati si Satanas ay mapapasakamay Niya upang lipulin ng kamatayan at di na muling manggulo pa. KP 55.2