Kasaysayan ng Pag-Asa
Santuwaryo Sa Lupa
Ang tabernakulo ay ginawa ayon sa utos ng Diyos. Nagbangon ang Panginoon ng mga tagagawa at sa pamamagitan ng higit pa sa natural na kakayahan ay ginawa silang marapat na gawin ang pinakanakakapagod na trabaho. Si Moises o ang mga mang- gagawang iyon ay hindi pinahintulutang magplano sa hubog at kayarian ng gusali. Ang Diyos mismo ang gumawa ng plano at ibinigay ito kay Moises, kasama ang mga partikular na tagubilin sa laki nito at anyo at sa mga materyales na gagamitin, at idinetalye Niya ang bawat piraso ng kasangkapang ilalagay dito. Ipinakita Niya kay Moises ang munting modelo ng santuwaryo sa langit at inutusan siyang gawin ang lahat ayon sa huwarang ipinakita sa kanya sa bundok. Isinulat ni Moises ang lahat ng tagubilin sa isang aklat at binasa ito sa mga pinakamaimpluwensyang tao. KP 45.1
At pagkatapos ay inutusan ng Panginoon ang mga tao na magdala ng kusang-loob na handog para magawan Siya ng isang santuwaryo, upang Siya'y makapanirahan sa gitna nila. “Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises. At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa Panginoon upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan. Kaya’t sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa Panginoon.” KP 45.2
Malaki’t magastos na mga paghahanda ang kinakailangan. Pambihira’t mamahaling mga materyales ang dapat matipon. Pero ang tinanggap lang ng Panginoon ay mga kusang-loob na handog. Ang unang kinakailangan sa paghahanda ng lugar para sa Diyos ay ang pagtatalaga sa gawain ng Diyos at sakripisyong mula sa puso. At habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng santuwaryo at dinadala ng mga tao ang kanilang mga handog kay Moises, at ibinibigay ang mga ito sa mga manggagawa, lahat ng matalinong taong nagtatrabaho sa gawain ay siniyasat ang mga kaloob at ipinasyang sapat na ang dinala ng mga tao, at lubhang higit pa nga sa kailangan nilang gamitin. Kaya’t nagbigay ng anunsyo si Moises sa buong kampamento, na sinasabi, “‘Huwag nang gumawa ang lalaki o babae man ng anumang higit pa para sa handog sa santuwaryo.’ Kaya’t pinigilan ang taong-bayan sa pagdadala.” KP 45.3
Isinulat Para sa mga Susunod na Henerasyon—Ang paulit- ulit na pagrereklamo ng mga Israelita at ang mga parusa ng galit ng Diyos dahil sa kanilang mga pagsalangsang ay isinulat sa sagradong kasaysayan para pakinabangan ng bayan ng Diyos na mabubuhay sa lupa pagkalipas nito. At lalo na, ang mga ito’y magbibigay ng babala sa mga mabubuhay malapit sa katapusan ng panahon. Bukod dito, ang mga asal nila ng pagtatalaga at kanilang sigasig at pagkamatulungin sa pagdadala ng mga kusang-loob nilang handog kay Moises ay isinulat din para sa kapakinabangan ng bayan ng Diyos. Ang masaya nilang paghahanda ng materyales para sa tabernakulo ay isang halimbawa para sa lahat ng gusto talagang sumamba sa Diyos. Kapag maghahanda ng isang gusali para katagpuin Niya sila, ang mga nagpapahalaga sa pagpapala ng sagradong presensya ng Diyos ay dapat magpakita ng mas malaking interes at sigasig sa banal na gawain na kasukat ng mas mataas nilang pagpapahalaga sa mga makalangit nilang pagpapala kaysa sa mga makalupa nilang kaginhawahan. Dapat nilang makita na ang inihahanda nila ay isang bahay para sa Diyos. KP 46.1
Mahalaga na ang isang gusaling malinaw na inihahanda para makatagpo ng Diyos ang Kanyang bayan ay dapat isaayos nang maingat—gawing komportable, malinis, at maginhawa, sapagkat itatalaga nila ito sa Diyos at ihaharap sa Kanya, na hinihiling na Siya’y manahanan sa bahay na iyon at gawin itong sagrado sa pamamagitan ng banal Niyang presensya. Dapat maluwag sa loob silang magbigay ng sapat sa Panginoon upang bukas-palad na maisagawa ang gawain, at sa gayo’y masasabi ng mga trabahador, “Tama na ang pagbibigay ng mga handog.” KP 46.2
Ayon sa Huwaran—Nang matapos nila ang pagtatayo ng tabernakulo, siniyasat ito ni Moises, inihahambing sa huwaran at mga tagubiling natanggap niya sa Diyos. Nakita niya na ang bawat bahagi nito ay ayon sa huwaran, kaya’t binasbasan niya ang mga tao. KP 47.1
Ibinigay ng Diyos ang huwaran ng kaban kay Moises, na may espesyal na mga tagubilin kung paano ito gagawin. Ang kaban ay ginawa para paglagyan ng mga tapyas ng batong pinag-ukitan ng Diyos ng Sampung Utos gamit ang sarili Niyang daliri. Ang hitsura nito’y parang isang kahon at binalutan ng purong ginto sa loob at sa labas. Ito’y nadedekorasyunan ng mga koronang ginto paikot sa buong ibabaw. Ang takip ng sagradong kahong ito ay tinatawag na luklukan ng awa, at ito’y yari sa purong ginto. Nakalagay sa magkabilang dulo ng luklukan ng awa ang mga kerubing yari sa puro’t solidong ginto. Sila’y nakaharap sa isa't isa at buong galang na nakatingin pababa sa luklukan ng awa. Ito’y kumakatawan sa lahat ng anghel sa langit na buong pananabik at pitagang nakatingin sa kautusan ng Diyos na nakalagay sa kaban sa santuwaryo sa langit. Ang mga kerubing ito ay may mga pakpak. Ang isang pakpak ng bawat anghel ay nakabuka paitaas, habang ang isa pang pakpak ay nakatakip sa kanyang katawan. Ang kaban ng santuwaryo sa lupa ay ginaya sa totoong kabang nasa langit. Doon, sa tabi ng makalangit na kaban, nakatayo ang mga buhay na anghel sa magkabilang dulo ng kaban, bawat isa’y nakalilim ang isang pakpak sa luklukan ng awa, at nakaunat sa ibabaw nito, habang ang isa pang pakpak ay nakatiklop sa kanilang mga katawan bilang pagpapahayag ng paggalang at kapakumbabaan. KP 47.2
Si Moises ay inutusang ilagay ang mga tapyas ng bato sa makalupang kaban. Ang mga ito’y tinawag na mga tapyas ng patotoo, at ang kaban ay tinawag na kaban ng patotoo, dahil nakalagay dito ang patotoo ng Diyos na nasa Sampung Utos. KP 47.3
Kasaysayan ng Pag-asa
Dalawang Silid—Binubuo ang tabernakulo ng dalawang silid na pinaghihiwalay ng kurtina. Lahat ng kasangkapan ng tabernakulo ay yari sa purong ginto o kaya’y binalutan ng ginto. Iba-iba ang kulay ng mga kurtina, napakaganda ng pagkakaayos, at may mga nakaburdang mga kerubin, gamit ang mga kulay ginto’t pilak na sinulid. Kinakatawanan nito ang napakaraming mga anghel, na kaugnay ng gawain ng santuwaryo sa langit at ang mga nagmiministeryong anghel sa bayan ng Diyos sa lupa. KP 48.1
Nakalagay ang kaban sa loob ng ikalawang kurtina, at nakalaylay sa harap ng sagradong kaban ang maganda’t eleganteng kurtina. Ang kurtina ay hindi abot sa taas ng gusali. Ang kaluwalhatian ng Diyos, na nasa ibabaw ng luklukan ng awa, ay makikita sa dalawang silid, subalit mas hindi gaano ang liwanag sa unang silid. KP 48.2
Katapat sa harap ng kaban, pero ibinubukod ng kurtina, ay ang gintong altar ng insenso. Ang Panginoon ang nagsindi ng apoy sa altar, at buong kabanalang iningatan sa pamamagitan ng paggatong dito ng insenso, na pumupuno sa santuwaryo ng mahalimuyak na usok araw at gabi. Ang bango nito’y nakakaabot nang milya-milya sa palibot ng tabernakulo. Kapag naghahandog ang pari ng insenso sa harap ng Panginoon, tumitingin siya sa luklukan. Bagama’t hindi nakikita, alam niyang naroon ito, at habang ang insenso ay pumapailanglang na tulad sa ulap, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay bumababa sa luklukan ng awa at pinupuspos ang kabanal- banalang dako at nakikita ito sa banal na dako. Kadalasang pinupuno ng kaluwalhatian ang parehong silid anupa't hindi makapaglingkod ang pari at kailangang tumayo sa may pintuan ng tabernakulo. KP 48.3
Ang paring nasa banal na dako, na sa pamamagitan ng pana- nampalataya ay iniuukol ang kanyang panalangin sa luklukan ng awang hindi niya nakikita, ay kumakatawan sa bayan ng Diyos na iniuukol ang kanilang mga panalangin kay Cristo sa luklukan ng awa sa santuwaryo sa langit. Hindi nila nakikita ang Tagapamagitan nila gamit ang kanilang mata. Pero sa mata ng pananampalataya ay nakikita nila si Cristo na nakatayo sa luklukan ng awa. Iniuukol nila ang kanilang mga panalangin sa Kanya, at taglay ang katiyakan ay inaangkin nila ang mga pakinabang ng Kanyang pamamagitan. KP 49.1
Ang mga sagradong silid na ito ay walang mga bintanang papasukan ng liwanag. Ang kandelero, o ilawan, ay yari sa pina- kapurong ginto at pinananatiling nagniningas gabi at araw, at nagbibigay-liwanag sa parehong silid. Ang liwanag ng mga ilawan sa kandelero ay tumatama sa mga tablang nababalot ng ginto sa magkabilang gilid ng gusali at sa mga sagradong kasangkapan at sa magagandang kulay na kurtinang nabuburdahan ng mga kerubin gamit ang mga ginto’t pilak na sinulid. Ang hitsura nito’y hindi mailarawan ang kaluwalhatian. Walang salitang makapaglalarawan sa kagandahan, karilagan, at banal na kaluwalhatiang natanghal sa mga silid na ito. Ibinabato ng ginto sa santuwaryo ang mga kulay ng mga kurtina, na parang iba't ibang kulay ng bahaghari. KP 49.2
Isang beses lang sa isang taon makakapasok ang punong pari sa kabanal-banalang dako, pagkatapos ng pinakamaingat at taimtim na paghahanda. Walang mata ng taong mortal kundi ang sa punong pari lamang ang makatitingin sa sagradong karingalan ng silid na iyon, dahil iyon ang espesyal na tahanang lugar ng nakikitang kaluwalhatian ng Diyos. Pumapasok ang punong pari rito na laging nanginginig, habang ang mga tao ay naghihintay na may taimtim na katahimikan sa pagbalik niya. Taos-puso nilang hinihiling sa Diyos ang Kanyang pagpapala. Sa luklukan ng awa ay nakikipag-usap ang Diyos sa punong pari. Kapag hindi na karaniwan ang tagal niya sa kabanal-banalang dako, ang mga tao ay kalimitang nahihintakutan, nangangamba na baka pinatay na siya ng kaluwalhatian ng Panginoon dahil sa kanilang mga kasalanan o dahil sa kasalanan ng pari. Pero kapag narinig na nila ang mataginting na tunog ng mga kampanilya sa kanyang kasuotan, nakakahinga na sila nang maluwag. Lalabas na siya ngayon at babasbasan ang mga tao. KP 49.3
Pagkatapos ng trabaho sa tabernakulo, “tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo. Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.” Sapagkat “sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel.” KP 50.1
Niyari ang tabernakulo na puwedeng pagkalas-kalasin at dala- dalahin nila sa lahat nilang paglalakbay. KP 50.2
Gumagabay na Ulap—Pinangunahan ng Panginoon ang mga Israelita sa lahat nilang lakbayin sa ilang. Kung para sa ikabubuti ng mga tao at ikaluluwalhati ng Diyos ang sila'y magkampo sa isang lugar at manatili roon, ipinahihiwatig ng Diyos sa kanila ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagpapababa sa haliging ulap sa ibabaw mismo ng tabernakulo. At ito'y mananatili roon hanggang gusto na ng Diyos na maglakbay na naman sila. Kung gayo’y tataas ang ulap ng kaluwalhatian nang matayog sa ibabaw ng tabernakulo, at pagkatapos ay tuloy na uli ang kanilang paglalakbay. KP 50.3
Pinananatili nila sa lahat nilang paglalakbay ang napakagandang kaayusan. Bawat tribo ay may dala-dalang bandila na nasusulatan ng sagisag ng sambahayan ng kanilang ninuno, at inuutusang magtayo ang bawat tribo ng kanilang mga tolda sa tabi ng sarili nilang bandila. At kapag sila'y naglakbay na, nagmamartsa sila nang nakaayos, bawat tribo'y nasa ilalim ng sarili nilang bandila. Kapag huminto sila sa kanilang paglalakbay, itinatayo ang tabernakulo, at nagtatayo sila ng kanilang mga tolda nang nasa ayos sa palibot ng tabernakulo, ayon sa iniutos ng Diyos at sa distansya mula rito. KP 50.4
Kapag naglalakbay ang bayan, pasan-pasan sa unahan ang kaban ng tipan. “At ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo. At kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, ‘Bumangon Ka, O Panginoon, at mangalat nawa ang mga kaaway Mo, at tumakas sa harap Mo ang napopoot sa Iyo.’ At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, ‘Bumalik Ka, O Panginoon ng laksang libu-libong Israelita.’” KP 50.5