Kasaysayan ng Pag-Asa
Ministeryo Ni Cristo
Nang matapos si Satanas sa panunukso, iniwan niyang saglit si Jesus. Hinainan Siya ng pagkain ng mga anghel sa ilang at pinalakas, at suma-Kanya ang pagpapala ng Kanyang Ama. Ang pinakamalulupit na tukso ni Satanas ay hindi nagtagumpay, gayunma’y inabangan niya ang ministeryo ni Jesus at ang mga pagkakataong muling isagawa ang kanyang mga pakana. Umasa pa rin siyang talunin Siya sa pamamagitan ng pagsulsol sa mga ayaw tumanggap kay Jesus na Siya’y kamuhian at pagsikapang patayin. KP 55.3
Naging abalang-abala si Satanas at ang kanyang mga anghel noong panahon ng ministeryo ni Cristo. Inudyukan nila ang mga tao ng kawalang-paniniwala, pagkamuhi, at panlalait. Madalas na kapag nagsasalita si Jesus ng masasakit na katotohanan, kapag itinuturo Niya ang kanilang mga kasalanan, nagagalit ang mga tao. Sinusulsulan pa sila ni Satanas at ng kanyang mga anghel. Di miminsang dumampot sila ng mga bato para ihagis sa Kanya pero binantayan Siya ng mga anghel at dinala Siya sa isang ligtas na lugar. Minsan, habang lumalabas sa mga banal Niyang labi ang katotohanan, sinunggaban Siya ng mga tao at dinala sa gilid ng bangin upang ihulog Siya. Nagtatalo sila kung ano'ng dapat gawin sa Kanya nang itago na naman Siya ng mga anghel sa paningin ng mga tao, at dumaan Siya sa kalagitnaan nila at nagpatuloy sa Kanyang lakad. KP 56.1
Umasa pa rin si Satanas na mabibigo ang dakilang plano ng kaligtasan. Ginamit niya ang lahat ng kanyang kapangyarihan para patigasin ang puso ng mga tao at galitin sila laban kay Jesus. Umasa siyang iilan lang ang tatanggap sa Kanya bilang Anak ng Diyos anupa’t maiisip Niyang napakalaki ng Kanyang pagdurusa’t sakripisyo para lamang sa iilan. Pero kung may dadalawa lamang na tatanggap kay Jesus bilang Anak ng Diyos at maniniwala sa Kanya para sa kaligtasan, itutuloy pa rin Niya ang plano. KP 56.2
Ginhawa sa mga Nagdurusa—Sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng paglagot sa kapangyarihan ni Satanas sa mga nagdurusa. Pinagaling Niya ang mga maysakit, binigyan ng paningin ang mga bulag, at pinalakad ang mga pilay, dahilan para sila’y magluksuhan sa katuwaan at luwalhatiin ang Diyos. Ibinalik Niya ang kalusugan sa mga matagal nang may-karamdaman, sa ilang taon nang bilanggo ng kalupitan ni Satanas. Sa Kanyang mapagpalang mga salita, inaliw Niya ang mahihina, ang natatakot, at ang nanlulupaypay. Hinaltak ni Jesus ang mahihina't nagdurusang binihag ni Satanas mula sa mahigpit niyang pagkakahawak at hina- tiran sila ng katuwaa’t kaligayahan. Binuhay Niya ang mga patay, at niluwalhati nila ang Diyos. Makapangyarihan Siyang kumilos para sa lahat ng sumampalataya sa Kanya. KP 56.3
Punung-puno ng mga salita at gawa ng kabutihan, pakikiramay, at pagmamahal ang buhay ni Cristo. Lagi Siyang handang makinig at pagaanin ang mga problema ng mga lumalapit sa Kanya. Nasa katawan ng mga napakaraming napagaling Niya ang katibayan ng Kanyang banal na kapangyarihan. Ngunit sa kabila ng mga ginawa Niya para sa kanila, marami ang ikinahiya ang hamak ngunit makapangyarihang Mangangaral. Dahil hindi naniwala ang mga pinuno sa Kanya, hindi tinanggap ng mga tao si Jesus. Siya’y isang Taong puspos ng pagdurusa at sanay sa pighati. Hindi nila matiis na pamunuan ng Kanyang buhay na mapagtimpi’t mapagkait sa sarili. Nais nilang magpasasa sa karangalang ibinibigay ng sanlibutan. Gayunma'y marami ang sumunod sa Anak ng Diyos, nakinig sa Kanyang mga aral, at nagpakabusog sa mga mga salitang namutawi sa Kanyang mga labi. Ang Kanyang mga salita ay makahulugan ngunit napakalinaw anupa’t kayang intindihin maging ng pinakamahina. KP 57.1
Walang Saysay na Pagsalungat—Binulag ni Satanas at kanyang mga anghel ang mga mata ng mga Judio at pinadilim ang kanilang pang-unawa, at sinulsulan ang mga pinuno upang patayin ang Tagapagligtas. Nagsugo ang mga pinuno ng dadakip kay Jesus, pero nang marating nila Siya, lubhang namangha sila. Nakita nilang napuspos Siya ng pakikiramay at habag nang masaksihan Niya ang pagdurusa ng tao. Narinig nila Siyang nagsalita nang may pagmamahal at kabaitan upang palakasin ang loob ng mahihina at naghihirap. Narinig din nila Siyang sinasaway, nang may awtoridad, ang kapangyarihan ni Satanas at inuutusan ang mga bihag nitong lumaya. Nakinig sila sa mga salita Niya ng karunungan, at nabighani sila. Hindi nila magawang arestuhin Siya. Bumalik sila sa mga pari at matatanda nang hindi dala si Jesus. KP 57.2
Nang sila’y tanungin, “Bakit hindi ninyo Siya dinakip?” sinabi nila ang kanilang nakita at narinig. Wala silang nasabi kundi, “Kailanma’y walang taong nagsalita nang gaya sa Taong ito!” Juan 7:45, 46. Inakusahan sila ng mga punong pari na mga nadaya rin. May mga opisyales ngang napahiya dahil hindi nila Siya hinuli. May panlalait na nagtanong ang mga pari kung may sinuman sa mga pinuno ang naniniwala sa Kanya. Marami sa mga hukom at matatanda ang naniwala nga kay Jesus ngunit pinigilan sila ni Satanas na umamin. Mas natakot sila sa panlalait ng mga tao kaysa sa Diyos. KP 57.3
Hanggang sa puntong ito, hindi napatigil ng mga pakana at pagkamuhi ni Satanas ang panukala ng kaligtasan. Nalalapit na ang panahon para tapusin ni Jesus ang layuning ipinarito Niya sa sanlibutan. Nag-usap-usap si Satanas at ang kanyang mga anghel at ipinasya nilang sulsulan ang sariling bansa ni Cristo upang hingin ang Kanyang dugo at buntunan Siya ng kalupitan at panlilibak. Umasa silang dadamdamin ni Jesus ang gayong pagtrato at bibitiwan Niya ang kapakumbabaan at kaamuan. KP 58.1
Habang inilalatag ni Satanas ang kanyang mga piano, mataman namang inihahayag ni Jesus sa Kanyang mga alagad ang mga pag- durusang dapat Niyang pagdaanan—na Siya'y ipapako sa krus at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Subalit tila mapurol ang kanilang pang-unawa at hindi nila maintindihan ang sinasabi Niya sa kanila. KP 58.2
Pagbabagong-anyo—Lubhang napalakas ng pagbabagong-anyo ang pananampalataya ng mga alagad. Pinahintulutan silang makita ang kaluwalhatian ni Cristo at marinig ang tinig mula sa langit na nagpapatunay sa Kanyang banal na karakter (tingnan ang Mateo 17:18). Pinili ng Diyos na bigyan sila ng matibay na patunay na Siya na nga ang ipinangakong Mesiyas, upang sa mapait nilang kalungkutan at kabiguan sa pagkapako Niya sa krus, ay hindi ganap na maglaho ang kanilang pananampalataya. Sa pagbabagong-anyo, isinugo ng Panginoon sina Moises at Elias para makipag-usap kay Jesus tungkol sa Kanyang pagdurusa't kamatayan. Sa halip na pumili ng mga anghel, pinili ng Diyos ang mga nakaranas mismo ng mga pagsubok sa lupa. KP 58.3
Si Elias ay lumakad kasama ng Diyos. Naging napakasaklap at mabigat ng kanyang gawain sapagkat sa pamamagitan niya ay ibinulgar ng Panginoon ang mga kasalanan ng Israel. Bagaman isang propeta ng Diyos, kinailangan niyang tumakas at magpalipat-lipat ng lugar para iligtas ang kanyang buhay. Tinugis siya ng sarili niyang bansa na gaya ng isang mabangis na hayop upang patayin. Ngunit kinuha ng Diyos si Elias. Dinala siya ng mga anghel sa langit nang may kaluwalhatian at pagtatagumpay, nang hindi nakakatikim ng kamatayan. KP 58.4
Si Moises ay mas dakila kaysa sinumang naunang nabuhay sa kanya. Labis siyang pinarangalan ng Diyos. Nagkaroon siya ng pribilehiyong makausap nang mukhaan ang Panginoon, gaya ng taong nakikipag-usap sa isang kaibigan. Pinayagan siyang makita ang maningning na liwanag at napakagandang kaluwalhatiang lumulukob sa Ama. Sa pamamagitan ni Moises, pinalaya ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto. Si Moises ang tagapamagitan ng Kanyang bayan, na kadalasang tumatayo sa pagitan nila at ng galit ng Diyos. Nang ang galit ng Panginoon ay mag-alab laban sa Israel dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, pagrereklamo, at nakapanlulumong mga kasalanan, nasubukan ang pag-ibig ni Moises para sa kanila. Iminungkahi ng Diyos na lipulin na sila at gumawa na lang ng makapangyarihang bansa galing sa kanya. Ipinakita ni Moises ang pagmamahal niya sa Israel sa masugid niyang pagsusumamo para sa kanila. Sa labis na pag-aalala, nanalangin siyang iurong ng Diyos ang matindi Niyang galit at patawarin ang Israel, o kaya’y burahin na lang ang kanyang pangalan sa Kanyang aklat. KP 58.5
Dumanas si Moises ng kamatayan, subalit bumaba si Miguel at binigyan siya ng buhay bago pa mabulok ang kanyang katawan. Tinangkang pigilan ni Satanas ang katawan, sinasabing ito’y kanya, ngunit muling binuhay ni Miguel si Moises at dinala siya sa langit. Nagreklamo si Satanas laban sa Diyos at inakusahan Siyang di- makatarungan sa pagkunsinting maagaw ang biktima niya sa kanya. Ngunit hindi sinumbatan ni Cristo ang Kanyang kaaway, kahit pa bumagsak ang lingkod ng Diyos dahil na rin sa tukso ni Satanas. Buong kaamuan Niyang itinuro siya sa Kanyang Ama, na nagsasabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon!” Judas 9. KP 59.1
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na may mga nakatayo sa harapan Niyang hindi makakatikim ng kamatayan hangga’t di nakikitang dumarating ang kaharian ng Diyos sa kapangyarihan. Natupad ang pangakong ito sa pagbabagong-anyo. Doo’y nagbago ang mukha ni Jesus at nagningning tulad ng araw. Ang Kanyang damit ay naging maputi at kumikinang. Naroon si Moises upang kumatawan sa mga ibabangon sa mga patay sa ikalawang pagparito ni Jesus. Si Elias naman ay kumatawan sa mga babaguhin tungo sa kawalang- kamatayan sa pagbabalik ni Cristo at dadalhin sa langit nang hindi nakararanas ng kamatayan. Sa panggigilalas at takot, nakita ng mga alagad ang kahanga-hangang kadakilaan ni Jesus at ang ulap na lumilim sa kanila. Narinig nila ang tinig ng Diyos sa nakakasindak nitong karingalan: “Ito ang Minamahal Kong Anak, Siya ang inyong pakinggan!” KP 59.2