Mga Tagapagdala ng Pag-asa

2/33

Panimula

Ang Seventh-day Adventist Churchay natatalaga at laang ipahayag ang pabalita ng tatlong anghel sa Apocalipsis 14 na may kasiglahan at kalakasan. Isang mahalagang paraan para magampanan itong utos na ibinigay ng Diyos ay sa pamamagitan ng nilimbag na pahina. Mula nang itatag ang ating iglesya, ang literature ministry at ang hukbo ng mga mapagpakumbabang manggagawa nito ay napatunayang kailangang-kailangan sa pagdadala ng pabalita ng Pagdating sa malalayong bahagi ng mundo. Dahil dito, inilimbag ng Trustees of the Ellen C. White Estate ang Colporteur Ministry noong 1953. MTP 9.1

Habang palapit nang palapit ang pagbabalik ng ating Panginoon at Tagapagligtas, patuloy na ginagampanan ng pagkukulpurtor ang kanyang papel sa pagpapasulong ng kaharian ng ating Panginoon sa mga puso at tahanan ng mga tao. Ang pagkabatid nito ang nagbigay ng inspirasyon sa amin para muling ilimbag ang aklat na ito sa isang bagong pamagat, Mga Tagapagdala ng Pag-asa. MTP 9.2

Ang paglilimbag ng aklat na ito ay isang pagsisikap na paalalahanan tayo sa kahalagahan at kaangkupan ng literature ministry bilang isang oportunidad na galing sa langit, na makikibahagi sa pinakahuling pagpapahayag ng ebanghelyo sa sanlibutan. Bukod dito, ang bagong pamagat ay isang panawagan sa bawat Kristiyanong Adventista na maging tagapagdala ng pagasa. MTP 9.3

Ang mga pagsisikap ay ginawa para ang aklat na ito ay madaling mabasa, maganda, at nakakawili. May mga ilustrasyon din para ipakilala ang pagsisimula ng bawat pangkat. Sana’y ang mga larawang ito ay malinaw na magpaalala sa atin noong mga pasimulang panahon ng ministeryo ng paglilimbag at ng patuloy na paglillingkod ng mga anghel sa gawain na pangalawa sa wala. MTP 9.4

Kasama din sa mga aklat na ito ay mga piniling tunay na karanasan ng mga kulpurtor na kumakatawan sa sundalo ng mga aklat ng tatlong Union ng Pilipinas. MTP 10.1

Para madaling makita, ang mahahalagang pahayag ay pinatingkad sa apat na kulay—pula sa mga babala, asul sa mga payo, berde sa mga pangako, at ube para sa mga paalala. Bukod dito, ilan sa mga kapansin-pansing pahayag ni Ellen G. White ay kinuha mula sa mga teksto para magsilbing “power quotes.” MTP 10.2

Madalas na mababasa ang salitang tulad ng “kulpurtor,” “nagkakambas,” “nagkakambas na mangangaral,” at iba pa. Ang mga salitang ito ay pangkalahatang tumutukoy sa mga instrumento ng Diyos sa bukiran ng pagkakambas. Ang mga ito ay sal in mula sa salitang English tulad ng “ literature evangelist,” “canvasser,” o “canvassing evangelist.” MTP 10.3

Para mas madaling maunawaan, ang bilang ng mga salitang mas malabo kung isasalin sa Tagalog ay hiniram na lamang. Ang mga salitang ito ay naka-italic. MTP 10.4

Sa katapusan ng bawat kabanata ay may pangkat ng “Mga tanong na dapat pag-isipan” para tulungan ang mga nagbabasa maaring mag-isa o isang grupo na magmuni-muni sa mga taos-pusong mensahe mula sa ating Panginoon. MTP 10.5

Umaasa ang mga tagapaglathala na makakapasok ang aklat na ito sa puso at buhay ng mga nagbabasa. Ang Diyos ay nagtatanong sa lahat ng mga sumasampalataya sa mapalad na pag-asa, “Sinong hahayo para sa Amin?” Nawa’y marinig niyang sinasabi mo, “Narito ako Panginoon, suguin Mo ako.” MTP 10.6

Ang mga Tagapaglathala