ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 6—Ang Paghahati ng Kaharian
“At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David na kanyang ama: at si Roboam, na kanyang anak ay naghari na kahalili niya.” 1 Hari 11:43. PH 75.1
Di nagtagal matapos umupo sa trono, si Roboam ay nagtungo sa Sichem, na doon ay inasahan niya ang pormal na pagtanggap na gagawin ng lahat ng mga tribo. “Ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.” 2 Cronica 10:1. PH 75.2
Naroon si Jeroboam na anak ni Nebat—siya ring Jeroboam na sa panahon ni Solomon ay nakilala bilang “lalaking may tapang,” at sa kanya rin ay ibinigay ni propeta na Shilomita ang nakagigimbal na pabalita, “Narito, Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay Ko ang sampung lipi sa iyo.” 1 Hari 11:28, 31. PH 75.3
Sa pamamagitan ng mensahero ay ipinaalam ng Panginoon kay Jeroboam ang pangangailangan ng paghahati ng kaharian. Ang paghahati ay kailangang maganap, wika Niya “sapagkat kanilang pinabayaan Ako, at sinamba si Astoroth na diyosa ng mga Sidonio, si Chemos na diyos ng Moab, at si Milcon na diyos ng mga anak ni Ammon, at hindi sila lumakad sa Aking landas, upang gawin ang matuwid sa Aking paningin, at ingatan ang Aking mga palatuntunan at mga kahatulan, tulad ni David.” Talatang 33. PH 75.4
May karugtong pang instruksyon kay Jeroboam na ang paghahati ng kaharian ay di magaganap bago magtapos ang paghahari ni Solomon. “Gayon ma’y hindi Ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay,” pahayag ng Panginoon; “kundi Along gagawin siyang prinsipe sa lahat ng kaarawan ng kanyang buhay, dahil kay David na Along lingkod na Aking pinili, sapagkat kanyang iningatan ang Aking mga utos at ang Aking mga palatuntunan: kundi Aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak, at ibibigay Ko sa iyo, samakatuwid baga’y ang sampung lipi.” Talatang 34, 35. PH 75.5
Bagama’t nanabik si Solomon na maihanda ang isipan ni Roboam, ang napiling kahalili niya, upang haraping may karunungan ang krisis na ipinopropesiya ng propeta ng Dios, hindi niya nagawang magbigay ng malakas na impluwensya sa kabutihan sa isipan ng kanyang anak, na ang maagang pagsasanay nito ay napabayaan. Tinanggap ni Roboam mula sa kanyang ina, isang Amonita, ang tatak ng isang likas na pabago-bago. Kung minsan ay sinikap nitong maglingkod sa Dios at ginantimpalaan naman ng kasukat na kasaganaan; datapuwat hindi siya matatag, at sa huli ay napatangay sa mga impluwensya ng kasamaan na nakapalibot sa kanya mula pa ng pagkasanggol. Sa mga pagkakamali ng buhay ni Roboam at sa kanyang pagtalikod sa bandang huli ay nahayag ang nakakatakot na bunga ng pakikipamatok ni Solomon sa mga babaeng sumasamba sa mga diyus-diyusan. PH 75.6
Ang mga tribo ay matagal nang dumadanas ng masasamang kamalian sa mapangsiil na batas ng dating hari. Ang kaluhuan ni Solomon sa panahon ng kanyang pagtalikod ay umakay sa kanya upang magtaas ng buwis at pilitin ang bayang maglingkod sa kaharian. Bago magkaroon ng koronasyon ng bagong hari, ang mga pangunahing lalaki ng mga tribo ay nagsikap na tiyakin kung adhikain o hindi ng anak ni Solomon na pagaanin ang kanilang mga pasan. “At si Jeroboam at ang buong Israel ay nagsiparoon, at sila’y nagsisipagsalita kay Roboam, na nagsisipagsabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga’y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay magsisipaglingkod sa iyo.” PH 76.1
Sa kagustuhang humingi ng payo mula sa kanyang mga tagapayo bago ipahayag ang kanyang mga patakaran, si Roboam ay sumagot, “Magsiparito uli kayo sa akin pagkatapos ng tadong araw. At ang bayan ay yumaon. PH 76.2
“At ang Haring Roboam ay humingi ng payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya’y nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin upang magbalik ng sagot sa bayang ito? At sila’y nagsipagsalita sa kanya, na nagsisipagsabi, Kung ikaw ay magmagandang loob sa bayang ito, at iyong pagbigyang loob sila, at magsalita ng mga mabuting salita sa kanila, iyo ngang magiging lingkod sila magpakailanman.” 2 Cronica 10:3-7. PH 76.3
Hindi nasiyahan, si Roboam ay nakipagsanggunian sa mga kabataang kasama niya mula pagkabata, at nagtanong sa kanila, “Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?” 1 Hari 12:9. Ang mga kabataang ito ay nagpayong dapat na maging mahigpit siya sa pakikitungo sa mga nasasakupan at gawing maliwanag sa kanila na mula pa sa pasimula ng kanyang paghahari ay hindi siya tatanggap ng pakikialam sa kanyang mga personal na naisin. PH 76.4
Nahibok sa pag-asam na magharing may lubusang otoridad, ipinasiya ni Roboam na isantabi ang payo ng mga matatanda ng kanyang kaharian at ginawang mga tagapayo ang mga kapwa kabataan. Kung kaya’t nangyari na sa takdang araw, nang si “Jeroboam at ang buong bayan ay naparoon kay Roboam” upang humingi ng paliwanag tungkol sa patakarang nais niyang ipairal, si Roboam ay “sumagot sa bayan na may katigasan,...nagsasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, ngunit dadagdagan ko pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng along ama ng mga panghagupit, ngunit parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.” Talatang 12-14. PH 77.1
Kung naunawaan lamang ni Roboam at mga walang karanasang tagapayo niya ang panukala ng Dios para sa Israel, nakinig sana sila sa panawagan ng reporma sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Ngunit sa oras na yaong pagkakataong kaloob sa kanila sa Sichem, nagkulang silang makita ang bunga mula sa dahilan, at sa gayon ay pangwalang hanggang humina ang kanilang impluwensya sa malaking bilang ng bayan. Ang kanilang inihayag na pasyang ipagpatuloy at dagdagan pa ang pahirap na ipinasok ni Solomon ay tuwirang laban sa panukala ng Dios para sa Israel, at nagbigay sa bayan ng sapat na okasyong mag-alinlangan sa katapatan ng kanilang motibo. Sa walang muwang at damdaming pagsisikap na magpairal ng kapangyarihan, ang hari at mga napiling tagapayo niya ay naghayag ng pagmamataas ng posisyon at otoridad. PH 77.2
Hindi pinahintulutan ng Panginoon na isagawa ni Roboam ang patakarang inihanay niya. Sa mga tribo ay may libong tunay nang napagalit ng mapang-aping batas sa paghahari ni Solomon, at ngayon ay nadama nilang wala na silang magagawa pa kundi mag-alsa laban sa bahay ni David. “At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, ay sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? at wala man kaming mana sa anak ni Isai: sa iyong mga tolda, Oh Israel: ngayon ikaw ang bahala ng iyong sariling sambahayan, David. Sa gayo’y yumaon ang Israel sa kanya-kanyang tolda.” Talatang 16. PH 77.3
Ang pagitang nagawa ng pabiglang salita ni Roboam ay hindi na nagamot pa. Mula noon ang labing-dalawang tribo ng Israel ay nahati, ang mga tribo ng Juda at Benjamin ay bumuo ng kaharian ng Juda sa timog, sa ilalim ni Roboam; samantalang ang sampung tnbo sa hilaga ay bumuo ng hiwalay na pamahalaan, at nakilalang kaharian ng Israel, at si Jeroboam bilang hari. Sa ganito ay natupad ang propesiya tungkol sa pagkahati ng kaharian. “Sapagkat bagay na buhat sa Panginoon.” Talatang 15. PH 78.1
Nang makita ni Roboam na ang sampung tribo ay inaalis na ang katapatan sa kanya, siya ay kumilos. Sa pamamagitan ng isang may impluwensya sa kaharian, “si Adoram, na nasa pagpapaatag,” sinikap niyang magkaroon ng pagkakasundo. Ngunit ang embahador ng kapayapaan ay pinakitunguhan sa paraang patotoo ng kanilang damdamin kay Roboam. “At binato ng buong Israel siya ng mga bato, na anupa’t siya ay namatay.” Nagulat sa ebidensyang ito ng lakas ng pag-aklas, “Nagmamadali ang haring Roboam na sumakay sa kanyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.” Talatang 18. PH 78.2
Sa Jerusalem “kanyang pinisan ang buong sambahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walumpung libo na piling lalaki, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sambahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam, na anak ni Solomon. Ngunit ang salita ng Dios ay dumating kay Semeias na lalala ng Dios, na nagsasabi, Salitain mo kay Roboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, at ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo’y huwag magsisiahon, o magsisilaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel: bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa Akin. Sa gayo’y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila’y nagsibalik at nagsiyaon, ayon sa salita ng Panginoon.” Talatang 21-24. PH 78.3
Sa loob ng tatlong taon sinikap ni Roboam na makinabang mula sa malungkot na karanasang ito sa pasimula ng kanyang paghahari; at sa pagsisikap na ito ay sumagana naman siya. At siya ay “nagtayo ng mga bayan na pinakasanggalang sa Juda,” at “kanyang pinagtibay ang mga katibayan, at mga nilagyan ng mga pinunong kawal, at saganang pagkain, at ng langis at alak” Maingat na ginawa niya ang mga matibay na bayang ito na “matibay na mainam.” 2 Cronica 11:5, 11, 12. Datapuwat ang lihim ng kasaganaan ng Juda sa mga unang taon ng paghahari ni Roboam ay wala sa mga ginawang ito. Ang pagkilala ng Juda at Benjamin sa Dios bilang Haring Supremo ang naglagay sa kanila sa mataas na dako. Sa kanilang bilang ay naparagdag ang maraming may pagkatakot sa Dios mula sa mga tnbo sa hilaga. “Sa lahat ng mga lipi ng Israel,” mababasa sa tala, “na naglagak ng kanilang puso na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsiparoon sa Jerusalem, upang maghain sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang. Sa gayo’y kanilang pinagtibay ang kaharian ng Juda, at pinalakas si Roboam na anak ni Solomon, na tadong taon: sapagkat sila’y nagsilakad na tadong taon sa lakad ni David at ni Solomon.” Talatang 16, 17. PH 78.4
Sa pagpapatuloy ng bagay na ito nakasalalay ang pagkakataon ni Roboam na tubusin sa malaking bahagi ang mga pagkakamali ng nakaraan at maisauli ang pagtitiwala sa kanyang kakayahang maghari na may karunungan. Datapuwat ang kinasihang panulat ay inihanay ang malungkot na tala ng pumalit kay Solomon bilang isa na nabigong magbigay ng malakas na impluwensya sa pagtatapat kay Jehova. May likas na matigas ang ulo, mapagtiwala sa sarili, may sariling pag-iisip, at may hilig sa pagsamba sa mga diyos, gayunman, kung inilagak lamang niya ang buong pagtitiwala sa Dios, napalago sana niya ang lakas ng likas, matatag na pananampalataya, at pagpapasakop sa kahilingan ng langit. Ngunit sa pagdaan ng panahon, inilagak ng hari ang tiwala sa posisyon at sa mga tanggulang itinayo niya. Untiunting natangay siya ng mga namanang kahinaan, hanggang sa lubusang napasakop na siya sa panig ng mananamba sa mga diyos. “At nangyari, nang matatag ang kaharian ni Roboam at siya’y malakas, na kanyang iniwan ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.” 2 Cronica 12:1. PH 79.1
At gaano kalungkot ang kahulugan ng mga pangungusap, “At ang buong Israel ay kasama niya”! Ang bayang pinili ng Dios bilang ilaw sa palibot na mga bansa ay tumatalikod sa Bukal ng kalakasan, at nagsisikap na makatulad sa mga bansang nakapalibot sa kanya. Kung paano kay Solomon, gayon din kay Roboam—ang impluwensya ng maling halimbawa ay nagpaligaw sa marami. Kung paano sa kanila noon, gayon din naman ngayon, sa malaki o maliit na paraan, sa bawat isang pasasailalaim sa gawa ng kasamaan—ang impluwensya ng kamalian ay hindi lamang doon sa gumagawa nito. Walang taong nabubuhay na mag-isa. Walang sinumang mag-isang namamatay sa kanyang kasamaan. Bawat buhay ay isang tanglaw na magpapaliwanag at magpapasigla sa daanan ng iba, o kaya ay isang madilim at mapanirang impluwensya na aakay sa kapanglawan at pagkawasak. Umaakay tayo sa iba pataas sa kaligayahan at walang hanggang buhay, o pabulusok sa kapanglawan at walang hanggang kamatayan. At kung sa ating mga gawa ay pinalalakas natin o pinakikilos ang mga kapangyarihan ng kasamaan sa palibot natin, kasama tayo sa kanilang mga kasalanan. PH 80.1
Hindi ipinahihintulot ng Dios na ang pagtalikod ng mga pinuno ng Juda ay hindi napaparusahan. “Nang ikalimang taon ng Haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem, sapagkat sila’y nagsisalangsang laban sa Panginoon, na may isang libo at dalawang daang karo, at anim na pung libong mangangabayo: at ang bayan ay walang bilang na naparoong kasama niya mula sa Egipto.... At sinupok niya ang mga bayang nakukutaan na nauukol sa Juda, at naparoon sa Jerusalem. PH 80.2
“Si Semeias nga na propeta ay naparoon kay Roboam, at sa mga prinsipe ngjuda, na pagpipisan sa Jerusalem dahil kay Sisac, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inyo Akong pinabayaan, kaya’t iniwan Ko naman kayo sa kamay ni Sisac.” Talatang 2-5. PH 81.1
Ang bayan ay hindi pa umabot sa ganoong kalalang pagtalikod na kanilang hinamak ang paghatol ng Dios. Sa mga pagkatalo na natamo sa pakikipagdigma ni Sisac, kanilang nakilala ang kamay ng Dios at sila’y nangagpakumbaba. “Ang Panginoon ay matuwid,” kanilang sinasabi. PH 81.2
“At nang makita ng Panginoon na sila’y nangagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias, na sinasabi, Sila’y nangagpakumbaba; hindi Ko gigibain sila, kundi Aking bibigyan sila ng kaunting pagliligtas; at ang Aking galit ay hindi mabubugso sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Sisac. Gayon ma’y sila’y magiging kanyang alipin; upang kanilang makilala ang paglilingkod sa Akin, at ang paglilingkod sa mga kaharian ng mga lupain. PH 81.3
“Sa gayo’y umahon si Sisac na hari sa Egipto laban sa Jerusalem, at dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at mga kayamanan ng bahay ng hari; kanyang kinuhang lahat: kanyang kinuha pati ng mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon. At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso, na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal ng bantay, na nagsisipag-ingat ng pintuan ng bahay ng hari.... At nang siya’y magpakumbaba, ang galit ng Panginoon ay nahiwalay sa kanya, na anupa’t siya’y hindi lubos na pinatay: at bukod dito’y may nasumpungan sa Juda na mga mabuting bagay.” Talatang 6-12. PH 81.4
Ngunit nang ang kamay na nagpaparusa ay naalis, at ang bayan ay muling sumagana, marami ang nakalimot sa kanilang lanatatakutan at muling sumamba sa mga diyus-diyusan. Isa dito ay si Haring Roboam mismo. Bagama’t nangagpakumbaba dahilan sa sakunang bumagsak sa kanya, hindi niya ginawa ang karanasang ito na magpabago sa kanyang buhay. Kinalimutan ang liksyon na sinikap ng Dios na ituro sa kanya, siya’y nahulog muli sa pagkakasala na naghatid ng mga paghatol sa bansa. Pagkatapos ng ilang kahiyahiyang mga taon, noong ang hari ay “gumawa ng masama, sapagkat hindi niya inilagpak ang kanyang puso na hanapin ang Panginoon,” “Si Roboam ay natulog na kasama ng kanyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David: at si Abias na kanyang anak ay naghari na kahalili niya.” Talatang 14, 16. PH 81.5
Sa pagkahati ng kaharian maaga pa sa paghahari ni Roboam ang kaluwalhatian ng Israel ay nagsimulang lumisan, na hindi na muli pang maitatatag. Kung minsan sa paglakad ng daantaong sumunod, ang trono ni David ay may naluklok na mga lalaking may halagang moral at mga kapasiyahang malayo ang naaabot, at sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lalaking ito ang mga pagpapalang suma Israel ay naibahagi sa mga bansang nakapalibot. Kung minsan ang pangalan ni Jehova ay naitaas higit sa kaninumang huwad na diyos, at ang Kanyang kautusan ay naitaas din at naigalang. Paminsan-minsan ay bumangon ang makapangyarihang mga propeta na nagpalakas ng kamay ng mga pinuno at nagpasigla sa bayan upang magpatuloy sa pagtatapat. Datapuwat ang binhi ng kasamaang naipunla na nang si Roboam ay lumuklok sa trono ay di na kailanman mabubunot pa; at kung minsan ang dating bayang pinaboran ng Dios ay bumabang napakababa anupa’t naging bukang bibig sa mga nakapalibot na walang pagkakilala sa Dios. PH 82.1
Gayunman sa kabila ng kasamaan nilang nahilig sa pagsamba sa mga diyus-diyusan, ang Dios sa Kanyang kahabagan ay gagawa ng lahat sa Kanyang kapangyarihan upang iligtas ang nahating kaharian mula sa lubusang pagkawasak. Sa paglakad ng mga taon at sa tingin ay nahahadlangan ang Kanyang adhikain sa Israel ng mga taong ang mga pakana ay udyok ng mga ahensya ni Satanas, patuloy pa rin Niyang ipinapahayag ang Kanyang mabiyayang panukala sa pamamagitan ng pagkabihag at pagsasauli sa bayang pinili. PH 82.2
Ang pagkahati ng kaharian ay pasimula pa lamang ng kahangahangang kasaysayan, na dito’y nahayag ang mahabang pagtitiis at malumanay na habag ng Dios. Mula sa mga pagdurusang dinaanan nila dahilan sa mga namana at pinalagong hilig sa kasamaan, silang sinisikap ng Dios na madalisay sa Kanya bilang bayang naiiba, maningas sa mabubuting gawa, sa wakas ay inaming: PH 82.3
“Walang gaya mo, Oh Panginoon; Ikaw ay dakila, at ang Iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan. Sinong hindi matatakot sa Iyo, o Hari ng mga bansa?... Sa lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya Mo.” “Ang Panginoon ay tunay na Dios; Siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari.” Jeremias 10:6, 7, 10. PH 82.4
At ang mga mananamba sa mga diyus-diyusan ay makikilala din ang liksyong ang mga huwad na diyos ay walang kapangyarihang magligtas. “Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga diyos na hindi gumagawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.” Talatang 11. Tanging sa pagtatapat sa Dios na buhay, ang Lumalang ng lahat at Hari sa lahat, na ang tao ay makasusumpong ng kapahingahan at kapayapaan. PH 83.1
Sa iisang tinig ang nagsisising Israel at Juda sa wakas ay muling itatatag ang kanilang ugnayang tipan kay Jehova ng mga hukbo, ang Dios ng kanilang mga magulang; at tungkol sa Kanya ay ipahahayag nila: PH 83.2
“Kanyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan,
Kanyang itinatag ang sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang karunungan.
At Kanyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng Kanyang pagkaunawa.
“Pagka Siya’y nag-uutos, may hugong ng tubig sa langit,
At Kanyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa;
Siya’y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga
kinalalagyan.
“Bawat tao ay naging tampalasan at walang kaalaman:
Bawat panday ay nalagay sa kahihiyan sa kanyang larawang inanyuan:
Sapagkat ang kanyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga
ang mga yaon.
“Sila’y walang kabuluhan, gawang karayaan:
Sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.
Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
“Sapagkat Siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay,
At ang Israel ay siyang lipi ng Kanyang mana:
Ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang Kanyang pangalan.” Talatang 12-16.
PH 83.3