ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 49—Sa Mga Kaarawan ni Reyna Ester
Sa ilalim ng pabor ni Ciro, halos limampung libo sa mga anak ng pagkabihag ay kinuha ang pagkakataong makabalik sa Judea. Ngunit, kung ihahambing sa mga daang libong nakakalat sa mga probinsya ng Medo-Persia, ito ay maliit na nalabi lamang. Kalakhang bahagi ng mga Israelita ay nagpasyang manatili sa lupain ng kanilang pagkabihag sa halip na magdanas pa ng kahirapan ng paglalakbay pabalik at muling magtatag ng mga natiwangwang na siyudad at mga tahanan. PH 484.1
Mahigit sa dalawampung taon ang lumipas, na ang ikalawang utos na may gayon ding pabor na pinalabas si Dario Hystapses, na siya ngayong namumuno. Sa ganito ay muling binigyan ng Dios sa biyaya ng pagkakataon ang mga Judio sa kaharian ng Medo-Persia upang magbalik sa lupain ng kanilang mga magulang. Nakita ng Panginoon ang kahirapang dadanasin nila sa paghahari ni Xerxes,—Asasuero sa aklat ng Ester,—at hindi lamang Niya pinagbago ang damdamin sa mga puso ng mga tao sa otoridad, kundi nagtulak din kay Zacarias na sumamong magbalik na ang mga bihag. PH 484.2
“Oy, oy, magsitakas kayo, mula sa lupain ng hilagaan,” ang pabalitang ibinigay sa nagkalat na mga tribo ng Israel na tumira sa maraming lupain malayo sa kanilang unang tahanan. “Kayo’y Aking pinangalat na parang apat na hangin sa himpapawid, sabi ng Panginoon. Oy Sion, tumanan ka, ikaw na tumatahan na kasama ng anak na babae ng Babilonia. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Dahil sa kaluwalhatian ay sinugo Niya ako sa mga bansa na nanamsam sa inyo: sapagkat ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng Kanyang mata. Sapagkat, narito, aking ikukumpas ang aking kamay sa kanila, at sila’y magiging samsam niyaong nangaglilingkod sa kanila: at inyong malaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.” Zacarias 2:6-9. PH 484.3
Adhikain pa rin ng Panginoon, tulad pa sa simula na ang Kanyang bayan ay maging kapurihan sa lupa, sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan. Sa mahabang taon ng kanilang pagkabihag ay nagbigay Siya ng mga pagkakataon upang maibalik din ng bayan ang kanilang pagtitiwala sa Kanya. May nagpasyang makinig at matuto; mayroong naka-sumpong ng kaligtasan sa gitna ng kahirapan. Marami sa mga ito ay mabibilang sa nalabing magbabalik sa lupain. Inihalintulad sila ng Kasulatan sa “mataas na cedro,” itatanim sa “isang mataas na bundok at matayog: sa bundok na kaitaasan ng Israel.” Ezekiel 17:22, 23. PH 484.4
Silang “ang diwa',y kinilos ng Dios” (Ezra 1:5) ang nagbalik ayon sa utos ni Ciro. Datapuwat ang Dios ay hindi tumigil na magsumamo sa kanilang nanatili sa lupain ng pagkatapon, at sa maraming ahensya ay binigyan sila ng pagkakataong makabalik din. Ang kalakhang bilang, gayunman, ng mga tumangging makinig sa utos ni Ciro, ay tumanggi rin sa mga kasunod na impluwensyang ginamit ng Dios; at kahit na nagbabala si Zacarias na dapat na walang liwag na sila ay umalis na sa Babilonia, ay nanatili pa ring tumatanggi sa paanyaya. PH 485.1
Samantala ang mga kondisyon sa kaharian ng Medo-Persia ay mabilis na nagbabago. Si Dario Hystaspes, na sa kanyang paghahari ay nabigyang malaking pabor ang mga Judio ay napalitan ni Xerxes na Dakila. Sa panahon ng kanyang paghahari tinawagan ang mga nagpasyang manatili sa lupain upang humarap sa dakilang krisis. Sapagkat tumanggi silang tanggapin ang paraang inilagay ng Dios upang sila’y makatakas, ngayon ay napaharap sila sa kamatayan. PH 485.2
Sa pamamagitan ni Haman na Agageo, isang lalaking masama na nasa mataas na tungkulin sa Medo-Persia, si Satanas ay gumawa upang labanan ang mga adhikain ng Dios. Si Haman ay may malaking galit kay Mardocheo, isang Judio. Walang masamang nagawa si Mardocheo kay Haman, kundi tumanggi lamang itong sambahin si Haman. “Ngunit inakala niyang walang kabuluhan na pagbuhatan ng kamay si Mardocheo na mag-isa, inisip ni Haman na lipulin ang lahat na Judio na nangasa buong kaharian ni Assuero, samakatuwid baga’y ang bayan ni Mardocheo.” Ester 3:6. PH 485.3
Nadaya ng mga maling pangungusap ni Haman, si Xerxes ay nagayumang gumawa ng utos na nagpapapatay sa lahat ng mga Judio na “nakakalat at nakasabog sa gitna ng mga bayan sa lahat ng lalawigan” ng kaharian ng Medo-Persia. Talatang 8. Isang araw ay itinakda upang wasakin ang lahat ng Judio at ang kanilang ari-arian ay samsamin. Hindi naunawa ng hari ang malayuang bunga ng pagpapatupad ng utos na ito. Si Satanas na rin, na nakukubli sa likod ng pakanang ito, ang nagsisikap na maglipol sa lupa ng lahat ng nagiingat pa ng pagkakilala sa tunay na Dios. PH 485.4
“At sa bawat lalawigan, na kinararatingan ng utos ng hari at ng kanyang pasya, ay nagkaroon ng malakas na panangisan sa gitna ng mga Judio, at ng pag-aayuno, at ng iyakan, at ng taghuyan; at marami ay nagsipanamit ng kayong magaspang at mga abo.” Ester 4:3. Ang utos ng mga Medo at Persia ay di mababali; sa pangmasid ay wala nang pag-asa pa; lahat ng Israelita ay natalaga sa kamatayan. PH 486.1
Datapuwat ang mga pakana ng kaaway ay nagapi ng Kapangyarihang naghahari sa lahat ng anak ng tao. Sa paglalaan ng Dios, si Ester, na isang Judio na natatakot sa Kataastaasan, ay naging reyna ng kaharian ng Medo-Persia. Si Mardocheo ay isang malapit niyang kamag-anak. Sa kanilang kagipitan ay pinasiya nilang magsumamo kay Xerxes para sa bayan. Si Ester ay maglalakas ng loob na humarap sa han bilang tagapamagitan sa bayan. “Sinong nakakaalam,” sabi ni ,Mardocheo, “na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa bagay na ito?” Talatang 14. PH 486.2
Ang krisis na napaharap kay Ester ay nangangailangan ng madalian, masigasig na pagkilos; ngunit kapwa siya at ni Mardocheo ay nadadama nila na malibang ang Dios ang gumawa para sa kanila, ang kanilang mga pagsisikap ay walang kabuluhan. Kung kaya’t si Ester ay gumugol ng panahon sa pakikipag-ugnay sa Dios, ang bukal ng kanyang kalakasan. “Ikaw ay yumaon,” sinabihan niya si Mardocheo, “pisanin mo ang lahat na Judio na nangakaharap sa Susan, at ipagayuno ninyo ako, at huwag kayong magsikain o magsiinom man ng tatlong araw, gabi o araw: ako naman at ang aking mga dalaga ay mangag-aayuno ng gayon ding paraan; at sa gayo’y papasukin ko ang hari, na hindi ayon sa kautusan: at kung ako’y mamatay, ay mamatay.” Talatang 16. PH 486.3
Ang mga pangyayaring mabilis na nagkasunud-sunod,—ang pagharap ni Ester sa hari, ang tanging pabor na ipinakita sa kanya, ang mga bangkete ng hari at reyna na si Haman lamang ang panauhin, ang bagabag na pagtulog ng hari, ang parangal sa publiko na ibinigay kay Mardocheo, at ang kahihiyan at pagkabagsak ni Haman sa pagkatuklas ng kanyang pakana,—lahat ng ito ay bahagi ng isang kasaysayang alam natin. Ang Dios ang gumawang kahanga-hanga para sa Kanyang bayang nagsisisi; at isang katuwas na utos ang ipinalabas ng hari, na binibigyang karapatan ang mga Judio na ipagtanggol ang kanilang mga buhay, ay mabilis na pinakalat sa buong lupain sa pamamagitan ng mga nakasakay na mensahero na “nagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari.” “At sa bawat lalawigan, at sa bawat bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay suma kanila.” Ester 8:14, 17. PH 486.4
Sa natalagang araw ng pagwasak sa kanila, “ang mga Judio ay nagpipisan sa kanilang mga bayan sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, upang magbuhat ng kamay sa mga nagbabanta ng kanilang kapahamakan: at walang makatayo sa kanila; sapagkat ang takot sa kanila ay nahulog sa lahat ng mga bayan.” Ang mga anghel ng Dios ay inutusang ingatan ang Kanyang bayan habang “ipinagsanggalang ang kanilang buhay.” Ester 9:2, 16. PH 489.1
Si Mardocheo ay binigyan ng karangalang dati’y kay Haman. Siya ay “pangalawa ng Haring Asuero, at dakila sa gitna ng mga Judio, at kinalulugdan ng karamihan ng kanyang mga kapatid” (Ester 10:3); at gumawa para sa kapakanan ng Israel. Sa ganito ay dinalang muli ng Dios ang Kanyang bayan sa pabor ng korte ng Medo-Persia, upang maisagawa ang adhikaing sila ay maibalik sa kanilang sariling lupain. Ngunit kailangang lumipas pa ang ilang taon, sa ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes I, ang pumalit kay Xerxes na Dakila, na ang malaking bilang ng mga Judio ay nagbalik sa Jerusalem, sa ilalim ni Ezra. PH 489.2
Ang mga sumusubok na karanasang dumating sa bayan ng Dios sa mga kaarawan ni Ester ay hindi ukol sa kanila lamang. Inihayag ng rebelador, sa pagdngin sa pagdaan ng panahon, ay kanyang sinabi, “Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kanyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus.” Apocalipsis 12:17. Mayroong nabubuhay ngayon sa lupa ang makamamalas ng tanawing ito. Ang diwang umakay sa mga tao noong una pang usigin ang tunay na iglesia, ay siya ring sa huling panahon ay susunod sa katulad na hakbang laban sa kanilang nagtatapat sa Dios. Kahit na ngayon ay isinasagawa na ang mga paghahanda ukol sa huling dakilang tunggalian. PH 489.3
Ang utos na ipalalabas laban sa bayan ng Dios ay magiging katulad ng ipinalabas ni Asasuero laban sa mga Judio noon. Ngayon ay nakikita ng mga kaaway ng tunay na iglesia ang maliit na pulutong na nag-iingat ng utos ng Sabbath, bilang isang Mardocheo sa pintuan. Ang paggalang ng bayan ng Dios sa Kanyang kautusan ay isang palagiang tuligsa sa kanilang nag-alis ng takot sa Panginoon at tumatapak sa Kanyang Sabbath. PH 490.1
Ibabangon ni Satanas ang galit laban sa maliit na pulutong na tumangging tanggapin ang mga popular na gawi at tradisyon. Mga lalaki ng posisyon at reputasyon ay sasanib sa masasamang ito na lumalabag sa kautusan upang magpayuhan laban sa bayan ng Dios. Kayamanan, karunungan, edukasyon ay magsasanib upang sila ay manuya sa Dios. Mga pinuno, ministro, at kaanib ng iglesia ay magkakaisa upang usigin sila. Sa salita at panulat, sa banta, yabang, at tungayaw, sisikapin nilang itumba ang pananampalataya ng mga tapat Sa huwad na paratang at may galit na panawagan, ang mga lalaking ito ay gigisingin ang damdamin ng mga tao. Sapagkat wala sa kanila ang “Ito ang wika ng Kasulatan” na kanilang maihaharap sa mga nangingilin ng Sabbath, sila ay gagamit ng malulupit na mga batas upang mayroong maipalit. Upang magkaroon ng pagkakilala at pagtangkilik, ang mga mambabatas ay ipipilit na ipatupad ang Linggo. Datapuwat silang may takot sa Dios, ay hindi makatatanggap sa institusyong lumalabag sa isang utos ng Dekalogo. Sa larangang ito ng digmaan makikita ang huling tunggalian sa pagitan ng katotohan at kamalian. At tayo',y hindi iiwang nagdududa sa isyung ito. Ngayon, kung paano sa kaarawan ni Ester at Mardocheo, ang Panginoon ang magbabangong puri ng Kanyang katotohanan at Kanyang bayan. PH 490.2