ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 48—“Hindi sa Lakas ni sa Kapangyarihan”
Matapos ang pangitain ni Zacarias tungkol kay Josue at sa Anghel, ang propeta ay tumanggap ng pabalita tungkol sa gawain ni Zorobabel. “At ang anghel na nakipag-usap sa akin,” pahayag ni Zacarias, “ay bumalik, at ginising ako, na gaya ng tao na nagigising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi niya sa akin, Ano ang iyong nakikita? At aking sinabi, Ako’y tumingin, at, narito isang kandelero na taganas na ginto, na may tasa sa ibabaw niyaon, at ang pitong ilawan niyaon sa ibabaw, at may pitong tubo sa bawat isa sa mga ilawan, na nasa ibabaw niyaon: at may dalawang puno ng olibo sa siping niyaon, isa sa dakong kananng tasa, at ang isa’y sa dakong kaliwa niyaon. PH 480.1
“At ako’y sumagot at nagsalita sa Anghel na nakikipag-usap sa akin, na aking sinabi, Anong mga bagay ito, Panginoon ko?... Nang magkagayo’y Siya’y sumagot at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Ito ang salita ng Panginoon kay Zorobabel, na sinasabi, Hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” PH 480.2
“Nang magkagayo’y sumagot ako, at nagsabi sa Kanya, Ano itong dalawang puno ng olibo sa dakong kanan ng kandelero at sa dakong kaliwa? At ako’y sumagot na ikalawa, at nagsabi sa Kanya, Ano ang dalawang sangang olibong ito na nasa siping ng dalawang gintong padaluyan na dinadaluyan ng langis na ginintuan?... Nang magkagayo’y sinabi Niya, Ito ang dalawang anak na pinahiran ng langis, na nakatayo sa siping ng Panginoon ng buong lupa.” Zacarias 4:1-6, 11-14. PH 480.3
Sa pangitaing ito ang dalawang puno ng olibo ay nakatayo sa harapan ng Dios na ang ginintuang langis ay umaagos sa mga tubo tungo sa kopa ng kandelero. Mula rito ang mga kandelero ng santuwaryo ay kumukuha ng langis, upang magbigay ng maliwanag, at patuloy na tanglaw. Kung kaya’t mula sa mga hinirang na nakatayo sa harapan ng Dios ang liwanag ng langit at pag-ibig at lapangyarihan ay naibahagi sa Kanyang bayan, upang kanila namang maibahagi sa iba ang liwanag at kagalakan at kaginhawahan. Silang napasagana ng Dios ay marapat magbahagi ng kayamanan ng pag-ibig ng Dios. PH 480.4
Sa muling pagtatayo ng bahay ng Panginoon, si Zorobabel ay gumawa sa harap ng maraming kahirapan. Sa pasimula pa, ang mga kaaway ay “pinahina ng mga kamay ng bayan ng Juda, at binagabag sila sa pagtatayo,” “at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.” Ezra 4:4, 23. Datapuwat ang Panginoon ay namagitan para sa mga nagtatayo, at ngayon ay nangusap Siya sa pamamagitan ng Kanyang propeta para kay Zorobabel, na nagsasabi, “Sino ka, oh malaking bundok? sa harap ni Zorobabel ay magiging kapatagan ka: at kanyang ilalabas ang pangulong bato na may hiyawan, Biyaya, biyaya sa Kanya.” Zacarias 4:7. PH 481.1
Sa buong kasaysayan ng bayan ng Dios malalaking bundok ng kahirapan, na parang hindi maaakyat, ang nasagupa nilang nagsasagawa ng adhikain ng Langit. Ang mga sagabal na ito ay ipinahihintulot ng Panginoon bilang pagsubok ng pananampalataya. Kapag tayo ay naiipit sa lahat ng panig, ito ang panahon higit sa lahat na dapat magtiwala sa Dios at sa kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Ang pag-ehersisyo ng pananampalataya ay nangangahulugang dagdag na kalakasang espirituwal at ang paghubog ng hindi masisirang pagtitiwala. Sa ganito ang kaluluwa ay nagiging mananagumpay. Sa harapan ng pananampalataya, ang mga hadlang na iniumang ni Satanas sa daanan ng isang Kristiano ay mawawala; sapagkat ang mga kapangyarihan ng langit ay tutulong sa kanya. “Sa inyo’y hindi may pangyayari.” Mateo 17:20. PH 481.2
Ang paraan ng sanlibutan ay ang magpasimula sa karangyaan at pagyayabang. Ang paraan ng Dios ay bigyang daan ang maliliit na bagay bilang pasimula ng maluwalhating tagumpay ng katotohanan at katuwiran. Kung minsan ay sinasanay Niya ang Kanyang mga manggagawa sa pamamagitan ng mga kabiguan at sa tingin ay pagkatalo. Adhikain Niya na sila ay matutong magtagumpay sa mga kahirapan. PH 481.3
Kung minsan ang tao ay natutuksong manghinawa dahilan sa mga kagulumihanan at hadlang na humaharap sa kanila. Datapuwat kung sila ay patuloy na manghahawakang may pagtitiwala hanggang sa wakas, ang Dios ang magliliwanag ng landas. Ang tagumpay ay darating sa kanila habang nakikipagtunggali sa mga kahirapan. Sa harap ng di matinag na pananampalataya at matapang na diwa ni Zorobabel, ang mga dakilang bundok ng kahirapan ay mapapatag; at ang mga kamay niyang naglagay ng mga tatagang-baon, ang “kanyang mga kamay ay siya ring tatapos.” “Kanyang ilalabas ang pangulong bato na may hiyawan, Biyaya, biyaya sa kanya.” Zacarias 4:9, 7. PH 481.4
Hindi ang kapangyarihan at lakas ng tao ang nagtatag ng iglesia ng Dios, at hindi rin ito ang wawasak. Hindi sa bato ng lakas ng tao, kundi kay Jesu-Kristo, ang Bato ng mga Kapanahunan, na ang iglesia ay natatag, “at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kanya.” Mateo 16:18. Ang presensya ng Dios ay nagbibigay katatagan sa Kanyang layon. “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao,” ang salita sa atin. Awit 146:3. “Sa katahimikan at sa pag-asa ay magiging ang inyong lakas.” Isaias 30:15. Ang kaluwalhatiang gawain ng Dios, itinayo sa walang hanggang prinsipyo ng katotohanan, ay hindi mauuwi sa wala. Susulong ito mula sa lakas tungong lakas, “hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Zacarias 4:6. PH 482.1
Ang pangako, “Ang mga kamay ni Zorobabel ay siyang naglagay ng mga tatagang-baon ng bahay na ito; ang kanyang mga kamay ay siya ring tatapos,” ay literal na natupad. Talatang 9. “Ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo, at nangapasulong ayon sa propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo, at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa utos ni Ciro at ni Dario, at ni Artaxerxes na hari sa Persia. At ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar [ang ikalabing dalawang buwan], nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari.” Ezra 6:14, 15. PH 482.2
Hindi nagtagal ang muling itinayong templo ay pinasinayaan. “At ang mga anak ni Israel, ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga nalabi sa mga anak sa pagkabihag, ay nangagdiwang ng pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios na may kagalakan;” at “nangagdiwang ng paskua nang ikalabing apat ng unang buwan.” Talatang 16, 17, 19. PH 482.3
Ang ikalawang templo ay hindi katumbas ng una sa kagandahan, o pinabanal man ng mga simbulo ng banal na presensyang naroroon sa unang templo. Walang paghahayag ng kahima-himalang kapangyarihan nang ito ay italaga. Walang ulap ng kaluwalhatiang nakita upang magpuno ng templo. Walang apoy mula sa langit ang bumaba upang supukin ang handog sa dambana. Ang Shekinah ay hindi na nagningning sa pagitan ng mga kerubin sa kabanal-banalang dako; ang kaban, ang luklukan ng awa, at ang mga tapyas ng patotoo ay di na nasumpungan doon. Walang tanda mula sa langit ang nagpahayag sa mga nagtatanong na saserdote kung ano ang kalooban ni Jehova. PH 482.4
Gayunman, ito ang gusaling ukol dito ay nagpahayag ang Panginoon kay Hagai, “Ang kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging lalong dakila kaysa dad. “At Aking uugain ang lahat na bansa; at dartidng ang mga bagay na Nais ng lahat na bansa: at Aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Hagai 2:9, 7. Sa mga daang taon ay sinikap ng mga pantas na lalaking alamin kung sa anong paraan natupad ang mga pangako ng Dios kay Hagai; datapuwat sa pagdating ni Jesus ng Nazaret, ang Ninanasa ng mga bansa, na sa Kanyang personal na presensya ay pinabanal ang mga silid ng templo, marami ang matatag na tumangging makita rito ang tanging kahalagahan. Pagmamataas at kawalang paniniwala ang nagpabulag ng kanilang mga paningin at isipan sa tunay na kahulugan ng mga salita ng propeta. PH 483.1
Ang ikalawang templo ay pinarangalan hindi ng ulap ng kaluwalhatian ng Jehova kundi ng presensya ng Isang sa Kanya’y nananahan “ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman”—ang Dios mismo ay yaong “nahayag sa laman.” Colosas 2:9; 1 Timoteo 3:16. Sa pamamagitan ng personal na ministri ni Kristo sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa, at dito lamang, na ang ikalawang templo ay nakahigit sa una sa kaluwalhatian. Ang “Ninanasa ng mga bansa” ay tunay ngang dumating sa Kanyang templo, nang ang Lalaki ng Nazaret ay nagturo at nagpagaling sa mga banal na looban nito. PH 483.2