ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

55/69

Kabanata 47—Si Josue at ang Anghel

Ang patuloy na pagsulong ng paggawa ng templo ay nakabahala sa mga kampon ng kasamaan. Nagpasya si Satanas na dagdagan pa ang pagsisikap upang pahinain ang loob ng bayan ng Dios sa pamamagitan ng paghaharap sa kanila ng mga kahinaan ng kanilang likas. Kung silang matagal na nagdusa dahilan sa pagsalangsang ay muling maaakay sa pagwawalang bahala sa utos ng Dios, sila ay muling maaalipin ng kasalanan. PH 472.1

Sapagkat ang Israel ay piniling mag-ingat ng pagkakilala sa Dios dito sa lupa, sila naman ay naging obheto ng tanging galit ni Satanas; at determinado siyang sila ay wasakin. Habang sila ay masunurin, ay walang magagawa si Satanas upang sila ay saktan; kung kaya’t lahat ng pagsisikap ay ginagawa niya upang sila ay matukso sa pagkakasala. Nabitag ng mga tukso, sila ay lumabag sa utos ng Dios at naging biktima ng mga kaaway. PH 472.2

Gayunman gayong nadalang bihag sa Babilonia, sila naman ay di pinabayaan ng Dios. Isinugo Niya sa kanila ang Kanyang mga propeta taglay ang mga babala at sansala, at kinilos sila upang makita ang kanilang mga pagkakasala. Nang sila ay magpakababa sa Dios at nanumbalik sa Kanya na lubos na nagsisisi, nagpadala Siya ng mga pabalita ng kasiglahan, na naghahayag na Kanyang ililigtas sila mula sa pagkabihag, isasauli sila ng Kanyang pabor, at muling itatatag sila sa kanilang sariling lupain. At ngayong nagsimula na ang gawain ng pagsasauli, at isang nalabi ng Israel ay nagbalik na sa Judea, si Satanas ay nagpupuyos sa pasyang pigilan ang panukala ng langit, at dahil dito ay higit pa niyang ginagamit ang mga pagano upang maging kasangkapan niya sa lubos na pagkawasak ng Israel. PH 472.3

Datapuwat sa krisis na ito ay pinalakas ng Panginoon ang Kanyang bayan, sa pamamagitan “ng mga mabuting salita at ng mga salitang pang-aliw.” Zacarias 1:13. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng gawain ni Satanas at gawain ni Kristo, ipinakita Niya ang kapangyarihan bilang Tagapamagitan upang lupigin ang tagapagbintang sa bayan Niya. PH 472.4

Sa pangitain nakita niya “si Josue na pangulong saserdote,” na “nabibihisan ng maruming kasuotan” (Zacarias 3:1, 3), at nakatayo sa harap ng anghel ng Panginoon, na hinihiling ang kahabagan ng Dios sa kapakanan ng Kanyang bayang nagdadalamhati. Sa pagsumamong tuparin na ang mga pangako ng Dios, si Satanas naman ay matapang na tumayo upang siya’y labanan. Itinuro niya ang mga kasalanan ng Israel bilang dahilan kung bakit sila ay di dapat maisauli sa pabor ng Dios. Inaangkin niya sila bilang kanyang biktima, at himhingi silang mapasakamay niya. PH 473.1

Hindi maipagtanggol ng punong saserdote ang kanyang sarili o ang bayan sa mga bintang ni Satanas. Hindi niya maaangking ang Israel ay walang kapintasan. Sa mga maruming kasuotan, sagisag ng mga kasalanan ng bayan, at taglay niya bilang kanilang kinatawan, siya ay nakatayo sa harapan ng Anghel, nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan, gayunman ay itinuturo ang kanilang pagsisisi at kahihiyan, at umaasa sa habag ng Manunubos na nagpapatawad ng kasalanan. Sa pananampalataya ay inaangkin niya ang mga pangako ng Dios. PH 473.2

At ang Anghel, na si Kristo Mismo, ang Tagapagligtas ng makasalanan, ay pinatahimik ang tagapagbintang sa Kanyang bayan, sa pamamagitan ng pagpapahayag, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, Oh Satanas; oo, ang Panginoon na pumili ng Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo: di baga ito’y isang dupong na naagaw sa apoy?” Talatang 2. Matagal nang ang Israel ay namalagi sa humo ng kahirapan. Dahilan sa pagkakasala ay halos naubos na sila sa apoy na sinindihan ni Satanas at ng mga kampon niya para sa kanilang kawasakan, datapuwat ngayon ay nakaunat ang kamay ng Dios upang sila ay sagipin. PH 473.3

Sa pagtanggap sa pamamagitan ni Josue, ang utos ay nabigay, “Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kanya,” at kay Josue ay sinabi ng Anghel, “Narito, Aking pinaram ang iyong kasamaan at Aking susuutan ka ng mainam na kasuutan.” “Sa gayo’y sinuutan siya ng magandang mitra sa kanyang ulo.” Talatang 4, 5. Siya at ang Kanyang bayan ay pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Ang Israel ay binihisan ng “mainam na kasuutan”—napasa kanila ang katuwiran ni Kristo. Ang mitra na inilagay sa ulo ni Josue ay gaya ng sa mga saserdote, at may ukit ng isang panatak, “Banal sa Panginoon” (Exodo 28:36), na nangangahulugang siya ay pinatawad na, at siya ay kabilang na sa paglilingkod sa Dios sa Kanyang santuwaryo. PH 473.4

At sinabi ng Anghel kay Josue: “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Kung ikaw ay lalakad sa Aking mga daan, at kung iyong iingatan ang Aking bilin, iyo nga ring hahatulan ang Aking bayan, at iyo ring iingatan ang Aking mga looban, at bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.” Zacarias 3:7. Kung magiging masunurin, siya ay pararangalan bilang hukom, o pinuno sa buong templo at mga serbisyo nito; siya ay lalakad na kasama ng mga anghel na naglilingkod kahit na sa buhay na ito; at sa wakas ay sasama sa niluwalhadng karamihan sa palibot ng trono ng Dios. PH 474.1

“Dinggin mo ngayon, Oh Josue na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo: sapagkat, narito, Aking ilalabas ang Aking Lingkod na Sanga.” Talatang 8. Sa Sanga, ang darating na Tagapagligtas, ay nakasalig ang pag-asa ng Israel. Sa pananampalataya sa darating na Tagapagligtas nakatanggap si Josue at ang bayan ng kapatawaran sa kasalanan. Sa pananampalataya kay Kristo ay naibalik sila sa pabor ng Dios. Sa Kanyang kabutihan, kung sila ay lalakad sa Kanyang mga landas at mag-iingat ng Kanyang mga panuntunan, sila ay “hahangaan” bilang pinili ng Langit sa mga bansa dito sa lupa. PH 474.2

Sa pagbibintang ni Satanas kay Josue at sa kanyang bayan, gayon din sa buong kapanahunan ay binibintangan niya ang lahat ng nagsisikap hanapin ang pabor at habag ng Dios. Siya ang “tagapagsumbong sa ating mga kapatid,...na nagbibintang sa kanila sa harapan ng Dios araw at gabi.” Apocalipsis 12:10. Sa bawat kaluluwang nasagip sa kapang-yarihan ng kasamaan, at ang pangalan ay nasulat sa aklat ng buhay ng Kordero, ang tunggalian ay nauulit. Kailanman ay walang tina-tanggap sa pamilya ng Dios na hindi tumatanggap ng paglaban ng kaaway. Datapuwat Siya na pag-asa ng Israel noon, ang kanilang depensa, katuwiran, at katubusan, ay ang pag-asa ng iglesia ngayon. PH 474.3

Ang mga bintang ni Satanas laban sa kanilang lumalapit sa Panginoon ay hindi bunsod ng kanyang muhi sa kanilang kasalanan. Siya ay nagdiriwang sa kanilang mga mahinang likas; sapagkat alam niyang tanging sa paglabag nila sa kautusan ng Dios na sila ay mapasasailalim ng kanyang kapangyarihan. Ang pagbibintang niya ay bunga lamang ng kanyang pakikipag-alit kay Kristo. Sa pamamagitan ng piano ng kaligtasan ay nasisira ni Jesus ang hawak ni Satanas sa pamilya ng tao at naililigtas sila mula sa kanyang kapangyarihan. Lahat ng galit at muhi ng punong kaaway ay nakildlos habang nakilata niya ang kahigitan ng kapangyarihan ni Kristo; at may tusong pamamaraan at lakas na pilit niyang inaagaw sa Kanya ang mga anak ng tao silang tumanggap na ng kaligtasan. Inaakay niya ang tao sa pagaalinlangan, upang sila ay magkulang ng tiwala sa Dios at humiwalay sa Kanyang pag-ibig; tinutukso niya sila upang labagin ang utos at matapos ay aangkinin silang bihag, na nilalabanan ang katuwiran ni Kristo na sila’y angkinin. PH 474.4

Alam ni Satanas na ang humihingi ng patawad at biyaya sa Dios ay magtatamo nito; kung kaya’t inihaharap niya ang kanilang mga kasalanan upang sila’y papanghinain. Laban sa kanilang tumutupad sa utos ng Dios, ay lagi siyang naghahanap ng mairereklamo. Kahit na ang pinakamabuting gawa nila ay pinipilit niyang maging masama. Sa di mabilang na mga paraan ang matalino at malupit, sinisikap niyang sila ay maparusahan. PH 475.1

Sa sariling lakas, hindi mahaharap ng tao ang mga paratang ng kaaway. Siya ay nakatayo sa harapan ng Dios sa damit na may bahid ng dugo ng kasalanan at nagkukumpisal. Datapuwat si Jesus, na ating Tagapamagitan, ay naghaharap naman ng mabisang pagsamo para sa lahat na sa pagsisisi at pananampalataya ay nagtiwala ng kanilang kaluluwa sa Kanya upang maingatan. Siya ang nagtatanggol ng kaluluwa, at sa bisa ng Kalbaryo, Siya ay nagtatagumpay sa kaaway. Ang Kanyang sakdal na pagsunod sa utos ng Dios ang nagkaloob sa kanya ng buong kapangyarihan sa langit at sa lupa, at inaangkin Niya sa Ama ang kahabagan at pakikipagkasundo sa taong nagkasala. Sa tagapagsumbong ng Kanyang bayan ay sinasabi Niya: “Ang Panginoon ay nagagalit sa iyo, o Satanas. Sila ang binili ng Aking dugo, naiahon mula sa susunugin.” At sa kanilang umaasa sa Kanya sa pananampalataya, nagbibigay Siya ng kasiguruhan, “Narito, Aking pinaram ang iyong kasamaan, at Aking susuotan ka ng mainam na kasuotan.” Zacarias 3:4. PH 475.2

Lahat ng nagsuot ng damit ng katuwiran ni Kristo ay tatayo sa harap Niya na pinili at tapat at totoo. Si Satanas ay walang lakas na agawin sila sa kamay ng Tagapagligtas. Walang sinumang kaluluwang nagsisisi at may pananampalatayang napasakop sa proteksyon ni Kristo ang mahuhulog sa kapangyarihan ng kaaway. Siya ay nangako: “O manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya’y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin.” Isaias 27:5. Ang pangakong ibinigay kay Josue ay ibinigay sa lahat: “Kung iyong iingatan ang Aking bilin,...bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap.” Zacarias3:7. Ang mga anghel ng Dios ay lalakad sa magkabilang tabi nila, kahit na sa mundong ito, at sa wakas ay tatayong kasama ng mga anghel na nakapalibot sa trono ng Dios. PH 475.3

Ang pangitain ni Zacarias kay Josue at sa Anghel ay may tanging puwersa na malalagay sa karanasan ng bayan ng Dios sa mga nagtatapos na tanawin ng dakilang araw ng pagtubos. Ang iglesiang nalabi ay madadala sa mga dakilang pagsubok at bagabag. Silang nag-iingat ng utos at ng pananampalataya ni Jesus ay madadama ang galit ng dragon at ng kanyang mga kampon. Binibilang ni Satanas ang mga tao sa lupa sa kanyang kapangyarihan. Kung mapapalis niya sila sa lupa ay malulubos ang kanyang tagumpay. Kung paano naimpluwensyahan niya ang mga bansang pagano upang wasakin ang Israel, gayon sa malapit na hinaharap ay kikilusin niya ang mga puwersa ng kasamaan sa lupa upang wasakin ang bayan ng Dios. Ang tao ay aatasang sumunod sa mga utos ng tao bilang paglabag sa banal na utos. PH 476.1

Silang tapat sa Dios ay tatakutin, itatakwil, at pipigilan. Sila'y “ipagkakanulo ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan,” maging sa kamatayan. Lucas 21:16. Ang tanging pag-asa nila ay nasa habag ng Dios; ang tanging depensa ay nasa panalangin. Kung paano si Josue ay sumamo sa Anghel, gayon din ang iglesiang nalabi, may pusong bagbag at di matinag na pananampalataya, ay sasamo sa patawad at pagliligtas sa pamamagitan ni Jesus, ang kanilang Tagapamagitan. Talos nila ang pagkakasala ng kanilang buhay, nakikita nila ang kanilang mga kahinaan at pagiging di marapat; at handa silang malungkot. PH 476.2

Ang manunukso ay naroroon upang magbintang sa kanila, kung paanong tumayo ito upang labanan si Josue. Itinuturo niya ang kanilang maruruming damit, ang kanilang mga mahihinang likas. Ipinakikita niya ang kanilang kahinaan at kahangalan, ang kanilang mga kasalanan ng kawalang pagtanaw ng utang na loob, ang di pagiging tulad ni Knsto, na nag-alis ng karangalan sa Manunubos. Tinatakot niya sila na ang kanilang mga kaso ay walang pag-asa, na ang mga mantsa ng kanilang karumihan ay hindi na mahuhugasan. Umaasa siyang ang kanilang mga pananampalataya ay masisira at madadala sa kanyang mga tukso, at magbabalikwas sa pagtatapat sa Dios. PH 476.3

May hustong talaan si Satanas ng mga kasalanang doon ay naakay niya ang bayan ng Dios, at sa pagbibintang ay sinasabing sa mga kasalanang ito ay inalis nila ang karapatan sa proteksyon ng Dios, at mag-aangking may karapatan na siyang sila ay wasakin. Inihahayag niyang kung paano siya ay nawalay sa Dios ay gayon din silang mga makasalanan. “Ito ba,” ang kanyang sinabi, “ang mga taong kukuha ng aking lugar sa langit, at ng mga anghel na sumama sa akin? Nagpapanggap silang sumusunod sa utos ng Dios; datapuwat naingatan nga kaya nila ang mga sangkap nito? Hindi ba naging maibigin sila sa sarili higit sa Dios? Hindi ba inuna nila ang mga sariling interes kaysa paglilingkod sa Kanya? Hindi ba minahal nila ang mga bagay ng mundo? Masdan ang mga kasalanan ng kanilang mga buhay. Tingnan ang kanilang mga kasakiman, muhi, at masamang haka sa isa't isa. Palalayasin ba kami ng Dios sa Kanyang harapan upang tanggapin lamang ang mga ito na may katulad na kasalanan? Hindi mo magagawa ito, Ikaw na Panginoon, ng katarungan. Ang katarungan ay humihiling na ang sentensya ay ipapataw sa kanila.” PH 477.1

Ngunit bagama’t ang mga alagad ni Kristo ay nagkasala, hindi naman sila lubusang napasailalim ng mga ahensya ni Satanas. Nagsisi sila ng mga kasalanan at hinanap ang Panginoon sa kababaan at pagsisisi, at ang banal na Tagapamagitan ang nagsusumamo sa kanilang kapakanan. Siyang higit na inupasala ng kanilang kawalang utang na loob, na nakakaalam ng kanilang mga kasalanan at pagsisisi, ay nagpapahayag: “Sansalain ka ng Panginoon, O Satanas. Ibinigay Ko ang Aking buhay para sa mga kaluluwang ito. Sila’y nakalilok sa palad ng Aking mga kamay. Maaaring may kapintasan ang kanilang mga likas; maaaring nabigo sila sa kanilang mga gawain; ngunit sila ay nagsisi, at Akin naman silang pinatawad at tinanggap.” PH 477.2

Ang pagsalakay ni Satanas ay malakas, ang mga pandaya ay matalino; ngunit ang mata ng Panginoon ay nasa Kanyang bayan. Ang kanilang kapighatian ay dakila, ang apoy ng humo ay parang tutupukin na sila; datapuwat ilalabas sila ni Jesus bilang gintong dinalisay ng apoy. Ang kanilang pagiging makalupa ay aalisin, upang sa pamamagitan nila ang wangis ni Kristo ay sakdal na mahayag. PH 477.3

Kung minsan ay tila nakalimutan ng Panginoon ang mga panganib ng Kanyang iglesia at ang mga sugat na likha ng mga kaaway. Datapuwat ang Dios ay di nakakalimot. Walang ibang higit na mahal ang Dios sa mundong ito liban sa Kanyang iglesia. Hindi Niya kalooban na ang mga patakaran ng mundo ay magpasama ng kanyang tala. Hindi Niya pababayaang ang Kanyang bayan na magupo ng mga tukso ni Satanas. Parurusahan Niya silang mali ang pagpapahayag mla sa Kanya, ngunit Siya'y magiging mabiyaya sa lahat na taimtim na nagsisisi. Sa kanilang tumatawag sa Kanya para sa kalakasan ukol sa paglagong Kristiano, ipagkakaloob Niya ang lahat ng kailangang tulong. PH 477.4

Sa huling panahon ang bayan ng Dios ay tatangis dahilan sa mga kasamaan ng lupain. May luhang Kanyang bibigyang babala ang mga masama sa panganib ng kanilang pagyurak sa utos ng Dios, at may kalumbayang hindi masambitla na sila ay magpapakababa sa harapan ng Panginoon na may pagsisisi. Ang mga masasama ay tutuyain ang kanilang kalungkutan at pagtatawanan ang kanilang mga pagsamo. Datapuwat ang pagdadalamhati at kahirapan ng bayan ng Dios ay katibayang kanilang nababawi ang kalakasan at nobilidad ng likas na nawala bunga ng kasalanan. Sapagkat sila ay lumalapit kay Kristo, sapagkat ang kanilang paningin ay nakatuon sa Kanyang sakdal na kadalisayan, na kanilang malinaw na nakikita ang kalunus-lunos na kasamaan ng kasalanan. Kaamuan at kababaan ang mga kondisyon ng tagumpay at pagwawagi. Ang putong ng kaluwalhatian ang naghihintay sa kanilang nangangayupapa sa paanan ng krus. PH 478.1

Ang mga tapat ng Dios, na nananalangin, ay parang natatagong kasama Niya. Sila na rin ang nakakaalam kung gaano sila kapanatag. Sa amuki ni Satanas, ang mga pangulo ng mundong ito ay magsisikap na sila ay wasakin; datapuwat kung makikita lamang nila kung paanong nakita ni Elias sa Dothan, ang mga anghel ng Dios na nakapalibot sa kanila, at pinipigil ang mga kampon ng kadiliman. PH 478.2

Habang ang bayan ng Dios ay nagsusumamo sa kadalisayan ng puso, ang utos ay ibinigay. “Hubarin ninyo ang mga maruming suot sa kanya,” at sa kanya’y Kanyang sinabi, “Narito, Aking pinaram ang iyong kasamaan at Aking susutuan ka ng mainam na kasuutan.” Zacarias 3:4. Ang walang dungis na balabal ni Kristo na Kanyang katuwiran ay ilalagay sa mga nasubok na tapat na anak ng Dios. Ang nalabi ay madaramtan ng maluwalhating kasuutang kailanman ay di na marurumhan pa ng mga kasamaan ng mundong ito. Ang kanilang mga pangalan ay naingatan sa aklat ng Kordero ng buhay, at natala kasama ng mga banal sa buong kapanahunan. Nalabanan nila ang mga katusuhan ng kaaway; hindi sila naalis sa katapatan sa kabila ng atungal ng dragon. Sila ngayon ay may walang hanggang kapanatagan sa mga pakana ng manunukso. Ang kanilang mga kasalanan ay nalipat sa nagpasimula ng kasalanan. Isang “magandang korona” ang nalagay sa kanilang mga ulo. PH 478.3

Habang si Satanas ay kasalukuyang nagbibintang, ang mga di nakikitang banal na anghel ay nagpaparoo',t parito, inilalagay sa mga tapat ang tatak ng Dios na buhay. Sila ang nakatayo sa Bundok ng Sion kasama ang Kordero, na ang pangalan ng Ama ay nakasulat sa kanilang noo. Umaawit sila ng bagong awit sa harapan ng trono, na walang sinumang nakakaalam liban sa isang daan at apatnapu',t apat na libong tinubos mula sa lupa. “Ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Kordero. At sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis sa harapan ng trono ng Dios.” Apocalipsis 14:4, 5. PH 479.1

Ngayon ay nalubos ang katuparan ng salita ng Anghel: “Dinggin mo ngayon, Oh Josue na pangulong saserdote, dinggin mo, at ng iyong mga kasama na nangakaupo sa harap mo: sapagkat sila’y mga taong pinaka tanda: sapagkat, narito, Aking ilalabas ang Aking lingkod na Sanga.” Zacarias 3:8. Si Kristo ay nahayag bilang Manunubos at Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Ngayon ay tunay ngang mga nalabi na “pinagtakahan,” samantalang ang mga luha at kapighatian ng kanilang paglalakbay ay napalitan ng kagalakan at karangalan sa harapan ng Dios at ng Kordero. “Sa araw na yaon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay magiging magaling at mainam sa kanilang mga taga Israel na nangakatanan. At mangyayari, na siyang naiwan sa Sion, at siyang nalabi sa Jerusalem, tatawaging banal, samakatuwid baga’y bawat nasusulat sa mga nabubuhay sa Jerusalem.” Isaias 4:2, 3. PH 479.2