ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

54/69

Kabanata 46—“Ang Mga Propeta ng Dios ay Tumutulong sa Kanila”

Malapit sa mga Israelita samantalang muling itinatayo ang templo, ay ang mga Samaritano, isang lahing halo mula sa sampung tribong naiwan sa Samaria at Galilea na lumago sa pakikipag-asawahan sa mga pagano mula sa mga probinsya ng Asyria. Sa mga taong darating ay aangkinin ng Samaria na sila ay sumasamba sa tunay na Dios, gayong sa katotohanan ay mananamba sa mga diyus-diyusan. Tunay, na sinasabi nilang ang mga imahen ay paalala lamang sa kanila ng buhay na Dios, ang Hari ng sansinukob; gayunman ay madali silang maakay sa paggalang sa mga rebultong ito. PH 460.1

Sa panahon ng pagsasauli, ang mga Samaritanong ito ay nakilala bilang “mga kaaway ng Juda at Benjamin.” Nang mabalitaan na ang “mga anak sa pagkabihag ay nangagtatayo ng templo na ukol sa Panginoong Dios ng Israel,” “nagsilapit nga sila kay Zorobabel, at sa mga pangulo ng mga sambahayan ng mga magulang,” at nangagsabi sa kanila ang kanilang kagustuhang makiisa sa pagpapatayo, “Papagtayuin ninyo kami na kasama ninyo,” kanilang iminumungkahi; “sapagkat aming hinahanap ang inyong Dios, na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay nangaghahain sa Kanya mula ng mga kaarawan ni Esarhaddon na hari ng Assur, na nag-ahon sa amin dito.” Subalit tinanggihan ang kanilang hininging pagkakataon. “Kayo’y walang ipakikialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay na ukol sa aming Dios,” ang pahayag ng mga pinuno ng mga Israelita; “kundi kami rin na magkakasama ay aming ipagtatayo ang Panginoon, ang Dios ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari sa Persia.” Ezra 4:1-3. PH 460.2

Isang nalabi lamang ang nagpasyang bumalik mula sa Babilonia, at ngayon, habang gumagawa ng isang gawaing sa tingin ay labas sa kanilang kalakasan, ang pinakamalapit na kapitbahay ay nag-alok ng tulong. Ang mga Samaritano ay binanggit ang kanilang pagsamba sa tunay na Dios, at naghayag ng naising makabahagi sa mga karapatan at pagpapalang kaugnay ng mga serbisyo sa templo. “Hinahangad din namin ang pakikisama ng Dios, na tulad ninyo,” kanilang ipinahayag. “Bayaan ninyong tumulong kami sa pagtatayo.” Kung pumayag ang mga pinuno sa alok na ito, nabuksan sana nila ang pintuan sa pagpasok ng idolatriya. Nabasa nila ang kawalang kataimtiman ng mga Samaritano. Nadama nila ang tulong na buhat sa pakikipag-alyansa sa mga taong ito ay di maihahambing sa pagpapalang matatanggap nila sa payak na pagsunod sa mga utos ni Jehova. PH 460.3

Tungkol sa ugnayang dapat panatilihin ng Israel sa mga nakapalibot na bansa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises: “Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mong pagpakitaan ng kaawaan sila: ni mag-aasawa sa kanila;...sapagkat kanyang ihihiwalay ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa Akin, upang sila’y maglingkod sa ibang mga diyos: sa gayo’y mag-aalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at Kanyang lilipulin kang madali.” “Ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa Kanyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.” Deuteronomio 7:24; 14:2. PH 461.1

Ang bunga ng pakikipag-ugnayan sa mga kanugnog na bansa ay malinaw na ibinigay. “At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hang-gang sa kabilang dulo ng lupa,” pahayag ni Moises; “at doo’y maglilingkod ka sa ibang mga diyos, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, samakatuwid baga’y sa mga diyos na kahoy at bato. At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makasusumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa: kundi bigbigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panlalambot ng kaluluwa: at ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi’t araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay: sa kinaumagaha’y iyong sasabihin, Kahit manawari ay gumabi na! at sa kinagabiha’y iyong sasabihin, Kahit manawari ay umumaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.” Deuteronomio 28:64-67. “Ngunit mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios,” ang pangako ay, “iyong masusumpungan Siya, kung iyong hahanapin Siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa.” Deuteronomio 4:29. PH 461.2

Si Zorobabel at ang mga kasama niya ay alam ang mga tagubiling ito pati ng iba pang sulat; at sa katatapos na pagkabihag ay nagkaroon sila ng sapat na katibayan ng katotohanan nito. At ngayong, nakapagsisi na sa mga kasamaang naghatid sa kanila at kanilang mga magulang ng mga kahatulang ipinopropesiya sa pamamagitan ni Moises; ngayong buong puso nang nanumbalik sa Dios, at muling nakipagtipan sa Kanya, sila ay pinabalik na sa Juda, upang muling itayo ang mga nawasak. Sila ba ngayon, sa pasimula ng panibagong pagsisikap, ay papasok sa pakikipagtipan sa mga mananamba sa mga diyus-diyusan? PH 461.3

“Huwag kayong makikipagtipan sa kanila,” wika ng Dios; at silang bagong nagtalaga sa Panginoon sa dambanang itinayo sa harapan ng mga guho ng Kanyang templo, ay nakadamang ang linya ng pagkakabukod ng Kanyang bayan sa sanlibutan ay dapat na malinaw na makita. Tumanggi silang makipag-alyansa sa kanilang, gayong alam ang mga kahilingan ng Dios, ay ayaw naman pailalim sa mga pag-aangkin nito. PH 462.1

Ang mga simulaing nalahad sa Deuteronomio upang turuan ang Israel ay dapat masunod ng bayan ng Dios hanggang sa katapusan ng panahon. Ang tunay na kasaganaan ay nakasalig sa patuluyang pagiingat ng ating tipanan sa Dios. Kailanman ay di natin maikokompromiso ang simulain sa pagpasok sa ugnayan sa kanilang walang takot sa Kanya. PH 462.2

May palaging panganib sa mga nag-aangking Kristiano para sa kanilang nag-iisip na upang magkaroon ng impluwensya sa mga nasa sanlibutan, ay dapat silang makiayon sa mundo sa isang paraan. Bagaman ang ganitong hakbang ay maaaring magbigay ng ilang pakinabang, lagi na lamang na ito ay magbubunga ng kawalan sa espirituwal. Laban sa matalinong impluwensyang naghahangad pumasok sa pamamagitan ng papuring mga tukso mula sa mga kaaway ng katotohanan, ang bayan ng Dios ay dapat na maingat na magbantay. Sila ay mga manlalakbay at mga estranghero sa lupang ito, at ang daan ay puno ng panganib. Sa mga matalinong daya at mapang-akit na tukso na inilalahad ng kaaway, dapat na mag-ingat. PH 462.3

Hindi ang mga lantaran at tuwirang kaaway ng Dios ang dapat higit na katakutan. Silang, tulad sa mga naging kaaway ng Juda at Benjamin, ay dumating na may matamis na dila at naghahangad ng pakikipag-alyansa sa bayan ng Dios, ang higit na may kapangyarihang mandaya. Laban sa mga ito ang kaluluwa ay dapat magbantay, kung hindi ay makakalawit ng mga tago at di inaasahang paribong. At lalo na ngayong, nagtatapos ang kasaysayan ng lupa, ay inaasahan ng Panginoon sa Kanyang bayan ang higit na pagbabantay na hindi magpapabaya. Bagaman ang tunggalian ay walang dgil, gayunman ay walang sinumang babayaang mag-isa sa pakikihamok. Ang mga anghel ay tumutulong at nagsasanggalang sa kanilang lumalakad na mababa sa harapan ng Dios. Kailanman ay hindi ipagkakanulo ang sinumang nagtitiwala sa Kanya. Sa paglapit sa Kanya ng mga anak upang humiling ng proteksyon mula sa kasamaan, sa kahabagan at pag-ibig ay tinatayo Niya ang bandila laban sa kaaway. Huwag ninyo silang salingin, wika Niya; sapagkat sila ay Akin. Nililok Ko sila sa palad ng Aking mga kamay. PH 462.4

Walang pagod sa kanilang oposisyon, ang mga Samaritano ay “pinahina ng bayan ng lupain ang mga kamay ng bayan ng Juda, at binagabag sila sa pagtatayo, at umupa ng mga tagapayo laban sa kanila, upang iurong ang kanilang akala, sa lahat ng kaarawan ni Ciro na hari sa Persia, hanggang sa paghahari ni Dario na hari sa Persia.” Ezra 4:4, 5. Sa mga huwad na balita ay nagbangon sila ng alinlangan sa isipang madali silang maghinala. Datapuwat sa loob ng maraming taon, ang kapangyarihan ng kasamaan ay napigilan, at ang bayang Juda ay may kalayaang nagpatuloy sa paggawa. PH 463.1

Samantalang si Satanas ay nagsisikap na bigyang impluwensya ang mga pinakamataas na kapangyarihan ng Medo-Persia upang magpakita ng kasamaan sa bayan ng Dios, ang mga anghel ay gumagawa sa kapakanan ng mga bihag. Sa tunggaliang ito ang buong langit ay kasangkot at nagmamalasakit. Sa pamamagitan ni propeta Daniel tayo ay binigyang pananaw sa dakilang paghahamok ng mga puwersa ng kabutihan at kasamaan. Sa loob ng tatlong linggo si Gabriel ay nakipaghamok sa mga puwersa ng kasamaan, upang labanan ang mga puwersang gumagawa sa isipan ni Ciro; at bago nagtapos ang paghahamok na ito, si Kristo na rin ang tumulong sa panig ni Gabriel. “Ang prinsipe ng kaharian ng Persia ay nakipagpunyagi sa akin na dalawampu’t isang araw,” pahayag ni Gabriel; “ngunit, narito, si Miguel, ay isa sa mga punong prinsipe, dumating upang tulungan ako; at ako’y natira doon na kasama ng mga hari sa Persia.” Daniel 10:13. Lahat ng maaaring gawin ng langit sa kapakanan ng bayan ng Dios ay nagawa na. Ang tagumpay sa wakas ay natamo; ang mga puwersa ng kasamaan ay napigilan sa buong paghahari ni Ciro, at ng kanyang anak na si Cambyses, na nagharing pito at kalahating taon. PH 463.2

Ito ay panahon ng kahanga-hangang pagkakataon sa bansang Judio. Ang pinakamataas na ahensya ng langit ay gumagawa sa mga puso ng mga hari, at nasa bayan ng Dios ang paggawang lubusan upang maisagawa ang utos ni Ciro. Hindi sana sila nag-aksaya ng pagsisikap upang muling maitayo ang templo at mga serbisyo nito, at muli silang makapagtatag ng kanilang mga tahanan sa Judea. Datapuwat sa panahon ng paghahayag ng Dios ng Kanyang kapangyarihan marami ang napatunayang hindi laan. Ang oposisyon ng kaaway ay malakas at determinado, at unti-unti ang mga nagtatayo ng templo ay nanghinawa. Marami ang di malimutan ang tanawin sa paglalagay ng panulok na bato, na marami ang naghayag ng kawalang pagtitiwala sa gawaing ito. At habang lalong tumatapang ang mga Samaritano, marami sa mga Judio ang nag-alinlangan kung panahon na nga ng pagtatayo ng templo. Ang damdaming ito ay lumaganap. Marami sa mga gumagawa ang nanghina ang loob, at nagbalik sa mga tahanan upang gawin ang mga karaniwang gawain nila. PH 464.1

Sa panahon ni Cambyses ay naging mabagal ang pagtatayo ng templo. At sa panahon naman ng huwad na Smerdis (Artaxerxes sa Ezra 4:7) ang mga Samaritano ay nagtagumpay na ipagawa sa walang konsensyang impostor ang utos na nagbabawal sa mga Judio na magtayo ng templo at ng siyudad. PH 464.2

Sa loob ng higit sa isang taon ay nadwangwang ang templo at halos nakalimutan na. Ang bayan ay tumahan sa kanilang mga tahanan at nagsikap magpayaman sa sarili, datapuwat gaanong sikap man ang gawin, hindi sila umunlad. Ang mga elemento na rin ng kalikasan ay parang laban sa kanila. Sapagkat iniwan nilang tiwangwang ang templo, ipinadala sa kanila ng Dios ang nagwawasak na pagkatuyot. Ipinagkaloob sa kanila ng Dios ang mga bukid ng prutas at mais at alak at ang langis, bilang pabor ng Dios; ngunit sapagkat kanilang ginamit ang mga kaloob na ito sa makasariling paraan, ang mga pagpapala ay inalis. PH 464.3

Ito ang mga kondisyon ng unang taon ng paghahari ni Dario Hystaspes. Sa kabuhayang espirituwal at temporal, ang mga Israelita ay nakahahabag. Matagal na silang bumubulong at nag-aalinlangan; matagal na nilang pinili ang pag-uuna ng sariling mga interes, habang walang pakiramdam na minamasdan ang tiwangwang na templo ng Panginoon, na nawala na sa marami ang adhikain ng Dios sa pagsasauli sa kanila sa Judea; at ang mga ito ay nagsabing, “Hindi pa ang panahon ng pagtatayo ng bahay ng Panginoon.” Hagai 1:2. PH 464.4

Datapuwat kahit na ang madilim na panahong ito ay di kinulang ng pag-asa para sa kanilang ang pagtitiwala ay nasa Dios. Ang mga propetang Hagai at Zacarias ay ibinangon upang harapin ang krisis. Sa mga nagpapakilos na patotoo ay inihayag ng mga itinalagang mensaherong ito ang mga dahilan ng kanilang mga kahirapan. Ang kakulangan sa mga bagay na materyal ay bunga ng pagpapabaya sa mga adhikain ng Dios, wika ng mga propeta. Kung pinarangalan ng Israelita ang Dios, kung nagpakita sila ng respeto at paggalang sa pag-uuna sa pagpapatayo ng Kanyang bahay, naanyayahan sana nila ang Kanyang presensya at pagpapala. PH 465.1

Sa mga nanlupaypay, ang katanungan ni Hagai ay, “Panahon baga sa inyo, na tumahan sa inyong mga nakikisamihang bahay, samantalang ang bahay na ito ay namamalaging wasak? Ngayon nga’y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Gunitain ninyo ang inyong mga lakad.” Bakit maliit lang ang nagawa ninyo? Bakit nagaalala kayo sa sarili ninyong mga bahay kaysa sa bahay ng Panginoon? Saan ang inyong sigasig na nadama ninyo sa pagtayo ng bahay ng Panginoon? Anong napapala ninyo sa pagsilbi sa sarili? Ang naising takasan ang kahirapan ay inakay kayong bayaan ang templo, subalit dinala kayo niyon sa inyong kinatatakutan. “Kayo’y nangaghasik ng marami, at nagsisi-ani ng kaunti; kayo’y nagsisikain, ngunit hindi kayo nagkaroon ng kahustuhan; kayo’y nagsisiinom, ngunit hindi kayo nangapapatirang-uhaw; kayo’y nangananamit, ngunit walang mainit; at yaong kumikita ng mga pinag-arawan ay kumikita ng mga pinang-arawan upang ilagay sa supot na may mga butas.” Talatang 4-6. PH 465.2

At, sa mga pangungusap na hindi nila maaaring di maunawaan, ang Panginoon ay naghayag ng dahilan ng kakulangang dumaring sa kanila: “Kayo’y nangaghintay ng marami, at, narito, ang dumating ay kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, Aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa ang Aking bahay ay nahahandusay na wasak, samantalang tumatakbo bawat isa sa inyo sa kani-kanyang sariling bahay. Kaya’t dahil sa inyo, pinipigil ng langit ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang kanyang bunga. At Ako’y nagpasapit ng pagkatuyo sa lupa, at sa mga bundok, at sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa sumisibol sa lupa, at sa mga tao, at sa baka, at sa lahat ng pinagpagalan ng mga kamay.” Talatang 9-11. PH 465.3

“Gunitain ninyo ang inyong mga lakad,” sabi ng Panginoon. “Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, at mangagtayo kayo ng bahay; at Aking kalulugdan, at Ako’y luluwalhati.” Talatang 7, 8. PH 466.1

Ang pabalita ng payo at sansala sa pamamagitan ni Hagai ay isinapuso ng mga pangulo ng Israel at ng bayan ng Israel. Nadama nilang ang Dios ay tapat sa kanila. Hindi nila masasalangsang ang mga patuloy na aral na dumarating sa kanila—na ang kanilang kasaganaang temporal at espirituwal, ay nakasalig sa tapat na pagsunod sa mga utos ng Dios. Nakilos ng mga babala ng propeta, sina Zorobabel at Josue, “sampu ng buong nalabi sa bayan, nagsitalima sa tinig ng Panginoon nilang Dios, at sa mga salita ni Hagai na propeta.” Talatang 12. PH 466.2

Pagkatapos na ang Israel ay nagpasyang sumunod, ang mga salita ng sansala ay sinundan ng mga salita ng kasiglahan. “Nang magkagayo’y nagsalita si Hagai...sa bayan, na nagsasabi, Ako’y sumasainyo, sabi ng Panginoon. At kinilos ng Panginoon ang kalooban ni Zorobabel” at si Josue, at ang “buong nalabi sa bayan; at sila’y nagsiparoon at nagsigawa sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Dios.” Talatang 13, 14. PH 466.3

Wala pang isang buwan matapos na muling magsimula ang mga gumagawa sa templo, ang mga manggagawa ay muling tumanggap ng nagpapaginhawang pabalita. “Gayon ma’y magpakalakas ka ngayon, Oh Zorobabel,” sabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta; “magpakalakas ka, Oh Josue;...at mangagpakalakas kayo, kayong buong bayan sa lupain, sabi ng Panginoon, at kayo’y magsigawa: sapagkat Ako’y sumasa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Hagai 2:4. PH 466.4

Sa Israel na nagkakampo sa Bundok ng Sinai ang Panginoon ay naghayag: “Ako’y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at Ako’y magiging kanilang Dios. At kanilang makikilala na Ako ang Panginoon nilang Dios, na kumuha sa kanila sa lupain ng Egipto, upang Ako’y tumahan sa gitna nila: Ako ang Panginoon nilang Dios.” Exodo 29:45, 46. At ngayon sa kabila na ang katotohanan na paulit-ulit nilang; “Ngunit sila’y nanganghimagsik, at namanglaw ang Kanyang banal na Espiritu. (Isaias 63:10), muli sa pamamagitan ng propeta ay inilalahad ng Dios ang Kanyang kamay upang magligtas. Bilang pagkilala sa kanilang pakikipagkaisa sa Kanyang adhikain, muling itinatag sa kanila ang tipan upang ang Kanyang Espiritu ay manatili sa kanila; at sinabihan silang, “Huwag kayong matakot.” PH 466.5

Sa Kanyang mga anak ngayon ay sinabi ng Panginoon, “Magpakalakas kayo,...at kayo',y magsigawa: sapagkat Ako',y sumasa inyo.” Ang Kristiano ay laging may malakas na katulong sa Panginoon. Maaaring di natin malaman ang paraan ng pagtulong ng Panginoon; datapuwat ito ang alam natin: kailanman ay di Niya bibiguin ang nagtitiwala sa Kanya. Kung malalaman lamang ng Kristiano kung ilang ulit na binigo ng Panginoon ang pakana ng kaaway upang hindi siya madapa sa landas, ay hindi sila malulugmok na nagrereklamo. Ang pananampalataya nila ay magiging matibay sa Dios at walang pagsubok na maaaring magpakilos sa kanila. Kikilalanin nila Siya bilang kanilang karunungan at kagalingan, at Kanya namang isasagawa ang hinahangad Niya para sa kanila. PH 467.1

Ang mga taimtim na pagsamo at pampasiglang ibinigay sa pamamagitan ni Hagai ay dinagdagan ng pagdidiin ni Zacarias, na itinayo ng Dios sa kanyang tabi upang ang Israel ay maisakatuparan ang utos na bumangon at magtayo. Ang unang pabalita ni Zacarias ay katiyakan na ang salita ng Dios ay di kailanman mabibigo at may pangakong pagpapala sa kanilang didinig sa mga salita ng propesiya. PH 467.2

Sa harap ng mga bukiring walang ani, at sa kakarampot na naimbak na pagkaing mabilis nauubos, at napapalibutan ng mga taong walang pakundangan sa kanila, ang mga Israelita ay humayong may pananampalataya bilang tugon sa panawagan ng mga mensahero ng Dios, at masipag na gumawa sa pagtatayong muli ng templong wasak. Ito ay gawaing nangangailangan ng matatag na pagtitiwala sa Dios. Habang ang bayan ay nagsasagawa ng kanilang bahagi, at nagsikap na magpanibagong tatag ng puso at buhay sa biyaya ng Dios, mga pabalita ay naibigay sa kanila sa pamamagitan ni Hagai at Zacarias, taglay ang kasiguruhan na ang pananampalataya nila ay gagantimpalaang mainam at ang salita ng Dios tungkol sa kaluwalhatiang darating sa pamamagitan ng templong ito na ang mga pader ay kanilang itinatayo ay hindi mabibigo. Sa gusaling ito rin magpapakita, sa ganap na panahon, ang ninanais ng mga bansa bilang Guro at Tagapagligtas ng sangkatauhan. PH 467.3

Kung kaya ang mga nagtatayo ay di pinabayaan; “kasama nila ang mga propeta ng Dios, na nagsisitulong sa kanila;” maging ang Panginoon mismo ng mga hukbo ay nagpahayag, “Mangagpakalakas kayo,...at kayo’y magsigawa: sapagkat Ako’y sumasa inyo. Ezra 5:2; Hagai 2:4. PH 467.4

Bilang tugon sa pagsisi sa puso at pagiging laang lumakad sa pananampalataya, ay dumating ang pangako ng kasaganaang temporal. “Mula sa araw na ito,” sabi ng Panginoon, “ay pagpapalain Ko kayo.” Talatang 19. PH 468.1

Kay Zorobabel na pinuno nila—siya, na mula pa sa pagbabalik mula sa Babilonia, ay talagang nasubok—ay binigyan ng napakamahalagang mensahe. Ang araw ay dumarating, ang sabi ng Panginon, na ang lahat ng kaaway ng Kanyang piniling bayan ay sisirain. “Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kita’y kukunin, Oh Zorobabel, na Aking lingkod,...at gagawin kitang pinaka panatak: sapagkat pinili kita.” Talatang 23. Ngayon ay nakita ng pinuno ng Israel ang paglalaan ng Dios na umakay sa kanya sa panahon ng kabiguan at bagabag; sa lahat ng mga kahirapang ito ay nakita ng lider ang adhikain ng Dios. PH 468.2

Ang personal na pampasiglang ito kay Zorobabel ay nakatala upang maging kalakasan ng mga anak ng Dios sa buong panahon. May layunin ang Dios sa pagbibigay sa Kanyang mga anak ng mga pagsubok. Hindi Niya sila aakayin sa nais nila kung makikita lamang nila ang katapusan sa pasimula, at makilala ang kaluwalhatiang adhikain ng Dios sa kanila na kanilang tinutupad. Ang ipinagkakaloob sa kanila ng Dios sa mga pagsubok at kahirapan ay ang kalakasang gumawa at magdusang kasama Niya. PH 468.3

Ang mga pabalita ni Hagai at Zacarias ay nagpagising sa bayan upang ibigay ang buong makakaya sa muling pagtatayo ng templo; ngunit, habang sila ay gumagawa, patuloy pa rin ang mga Samaritano sa pang-aabala sa kanila kasama pa ng ibang nagpapanukala ng mga hadlang. Sa isang pagkakataon ay dumalaw ang mga opisyales ng Medo-Persia sa Jerusalem at hinihingi ang pangalan ng nagbigay pahintulot sa muling pagtatayo ng gusali. Nang panahong iyon kung ang mga Judio ay di pa lubusang nagtitiwala sa pag-akay ng Dios, ang pagtatanong na ito ay maaaring naging malaking pinsala sa kanila. “Ngunit ang mata ng kanilang Dios ay nakaringin sa mga matanda ng mga Judio, at hindi nila pinatigil, hanggang sa ang bagay ay dumaring kay Dario.” Ezra 5:5. Naging matalino ang tugon sa mga opisyales anupa’t nagpasya silang sumulat kay Dario Hystaspes, na hari noon ng Medo-Persia, na nagbibigay pansin sa orihinal na utos ni Ciro, na nagpapatayo ng bahay ng Dios sa Jerusalem, at ang gastusin nito ay kukunin sa kabangyaman ng hari. PH 468.4

Hinanap ni Dario ang utos na ito, at nasumpungan; at sa ganito ay nag-utos siyang pahintulutan ang pagtatayo ng gusali. “Pabayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Dios,” iniutos niya; “ipahintulot ninyo na itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng mga matanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Dios sa kanyang dako. PH 469.1

“Bukod dito’y,” sabi ni Dario, “gumagawa ako ng pasya kung ano ang inyong gagawin sa mga matandang ito ng mga Judio sa pagtatayo ng bahay na ito ng Dios: na sa mga pag-aari ng hari, samakatuwid baga’y sa buwis sa dako roon ng ilog, ang mga magugugol ay ibigay ng buong sikap sa mga taong ito upang huwag mangagluwat. At ang kanilang kakailanganin, mga guyang toro, at gayon din ang mga tupa, at mga kordero, na ukol sa mga handog na susunugin para sa Dios ng langit; trigo, asin, alak, at langis, ayon sa salita ng mga saserdote na nangasa Jerusalem, ibigay sa kanila araw-araw na walang pagsala. Upang sila’y makapaghandog ng mga hain na pinakamasarap na amoy sa Dios ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.” Ezra 6:7-10. PH 469.2

Bukod dito ay nag-utos ang hari na mabigat na parusa ay ipapataw sa sinumang magbabago ng utos; at sinarhan ng ganitong pangungusap: “At lipulin ng Dios na nagpatahan ng Kanyang pangalan doon ang lahat ng mga hari at mga bayan, na mag-uunat ng kanilang kamay na baguhin, upang gibain ang bahay na ito ng Dios na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng pasya: isagawa ng buong sikap.” Talatang 12. Sa ganito ay inihanda ng Dios ang daan sa pagpapatapos ng templo. PH 469.3

Sa loob ng ilang buwan bago ang utos na ito, ang mga Israelita ay nagpatuloy sa pananampalataya, ang mga propeta ng Dios ay tumutulong pa rin sa kanila sa pamamagitan ng mga napapanahong mga mensahe, na ang banal na adhikain ng Dios para sa Israel ay maisakatuparan sa harapan ng mga manggagawa. Dalawang buwan matapos ang huling natalang pabalita ni Hagai, si Zacarias ay tumanggap ng sunud-sunod ng pangitain tungkol sa gawain ng Dios sa lupa. Ang mga pabalitang ito, naibigay sa porma ng mga talinhaga at simbulo, ay dumating sa panahon ng dakilang bagabag at kagulumihanan, at may tanging halaga sa mga lalaking nagpapasulong ng pangalan ng Dios sa Israel. Sa tingin ng mga pinuno ay parang binabawi ang pahintulot sa mga Judio sa pagpapatayo ng gusali; ang hinaharap ay madilim ang pananaw. Nakita ng Dios na kailangan ng bayan ang pagpapasigla at pagkagalak sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanyang di nauubos na awa at pag-ibig. PH 469.4

Sa pangitain narinig ni Zacarias ang anghel ng Panginoon na nagtatanong, “Oh Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan mawawalan Ka ng habag sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, laban sa Iyong mga kinagalitan nitong pitumpung taon? At ang Panginoo’y sumagot sa anghel na nakikipag-usap sa akin,” pahayag ni Zacarias, “ng mga mabuting salita, ng mga salitang pang-aliw.” PH 470.1

“Sa gayo’y ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, Ikaw ay humiyaw, na iyong sabihin; Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Ako’y naninibugho sa Jerusalem at sa Sion ng malaking paninibugho. At Ako’y totoong naghihinanakit sa mga bansa na mga tiwasay: sapagkat Ako’y naghinanakit ng kaunti, at sila’y nagsitulong ng pagbubungad ng kadalamhatian. Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoon; Ako’y nagbalik sa Jerusalem na may taglay na mga pagkakahabag, ang Aking bahay ay matatayo roon,...at isang pising panukat ay mauunat sa ibabaw ng Jerusalem.” Zacarias 1:1216. PH 470.2

Ang propeta ay binigyang tagubilin, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo; Ang Aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at pipiliin pa ang Jerusalem.” Talatang 17. PH 470.3

Matapos ay nakita ni Zacarias ang mga kapangyarihang nagpangalat sa Juda, sa Israel at sa Jerusalem,” sa sagisag ng apat na sungay. Nakita rin niya ang apat na karpenterong kumakatawan sa mga ahensyang ginamit ng Dios sa pagsasauli sa Kanyang bayan at sa bahay ng Kanyang pagsamba. Tingnan ang mga Talatang 18-21. PH 470.4

“At aking itinanaw muli ang aking mga mata,” sinabi ng Zacarias, “at aking nakita, at nanto, ang isang lalaki na may panukat na pisi sa kanyang kamay. Nang magkagayo’y sinabi ko, Saan ka paroroon? At sinabi niya sa akin, Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung gaaano ang luwang, at kung gaano ang haba. At, narito, ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay umalis, at ibang anghel ay lumabas na sumalubong sa kanya, at sinabi sa kanya, Tumakbo ka, iyong salitain sa binatang ito, na sabihin, ang Jerusalem ay tatahanan na parang mga nayon na walang mga kuta dahil sa karamihan ng mga tao at hayop doon: sapagkat Ako, sabi ng Panginoon, ay magiging sa kanya’y isang kutang apoy sa palibot, at Ako’y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.” Zacarias 2:1-5. PH 470.5

Ang Dios ay nag-utos na ang Jerusalem ay muling itayo; ang pangitain ng pagsukat ng siyudad ay kasiguruhang Siya ay magkakaloob ng kaginhawahan at lakas sa Kanyang mga anak na nagdurusa, at tutuparin sa kanila ang mga pangako ng tipan. Ang Kanyang nagsasanggalang na malasakit, Kanyang pahayag, ay matutulad sa “isang kutang apoy sa palibot;” at sa pamamagitan nila ang Kanyang kaluwalhatian ay makikilala sa lahat ng mga anak ng tao. Na ang Kanyang pagtatapos para sa Kanyang bayan ay malalaman ng buong lupa. “Humiyaw ka ng malakas at sumigaw ka, ikaw na nananahan sa Sion: sapagkat dakila ang Isang Banal ng Israel sa gitna mo.” Isaias 12:6. PH 471.1