ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

53/69

Kabanata 45—Ang Pagbabalik ng mga Nadalang Bihag

Ang pagdating ng mga hukbo ni Ciro sa mga pader ng Babilonia ay tanda para sa mga Judio na ang kanilang pagkaligtas ay malapit na. Mahigit sa isang daang taon bago isinilang si Ciro, ay binanggit na ng Inspirasyon ang kanyang pangalan, at ang tala ng kanyang gagawin ay nasulat tungkol sa pagkabihag ng siyudad ng Babilonia na hindi namamalayan nito, at ang paghahanda ng daan ng kaligtasan ng mga anak ng pagkabihag. Sa pamamagitan ni Isaias ay sinalita: PH 447.1

“Ganito ang sabi ng Panginoon sa Kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay Aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya;...upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya; at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan; Ako’y magpapauna sa iyo, at, papatagin Ko ang mga baku-bakong dako: Aking pagwawaray-warayin ang mga pintuang tanso, at Aking puputulin ang mga halang na bakal: at ibibigay Ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang iyong maalaman na Ako, ang Panginoon, na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, samakatuwid baga’y ang Dios ng Israel.” Isaias 45:1-3. PH 447.2

Sa hindi inaasahang pagpasok ng hukbo ng Persia sa pinakapuso ng Babilonia sa pamamagitan ng pag-iiba ng daloy ng ilog, at sa panloob ng pintuang hindi man lamang nilagyan ng bantay, ang mga Judio ay may sapat na katibayan ng literal na katuparan ng propesiya ni Isaias tungkol sa biglang pagbagsak ng mga mang-aapi. At ito sana ay naging tiyak na tanda nga sa kanila na ang Dios ang humuhugis ng mga gawa ng mga bansa sa kanilang kapakanan; sapagkat hindi maiwawalay sa propesiyang naghahanay ng paraan ng pagkabihag ng Babilonia ang mga salitang ito: PH 447.3

“Ciro, siya’y Aking pastor, at isasagawa ang lahat Kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya’y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.” “Aking ibinangon siya sa katuwiran, at Aking tutuwirin ang lahat niyang lakad: kanyang itatayo ang Aking bayan, at kanyang palalayain ang Aking mga natapon, hindi sa halaga o sa kagantihan man, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Isaias 44:28; 45:13. PH 447.4

At hindi lamang ito ang mga propesiyang dahilan sa kanila ay nailagak ng mga bihag ang kanilang pag-asa ng mabilisang pagkaligtas. Ang mga sulat ni Jeremias ay nasa kanila rin, at sa mga ito ay malinaw na inihanay ang haba ng panahong gugugulin bago maisauli ang Israel mula sa Babilonia. “Pagkaganap ng pitumpung taon,” ang sabi ng Panginoon sa Kanyang mensahero, “na Aking parurusahan ang han sa Babilonia, at ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, dahil sa kanyang kasamaan, at ang lupain ng mga Caldeo, at Aking gagawing sira magpakailanman.” Jeremias 25:12. Ang pabor ay ipapakita sa nalabi ng Juda, bilang tugon sa taimtim na panalangin. “At Ako’y masusumpungan sa inyo, sabi ng Panginoon: at Aking ibabalik uli kayo na mula sa inyong pagkabihag, at Aking pipisanin kayo mula sa lahat ng bansa, at mula sa lahat ng dako na Aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon; at Aking ibabalik kayo uli sa dakong mula sa Aking pinagdalhang bihag sa inyo.” Jeremias 29:14. PH 448.1

Madalas na si Daniel at ang mga kasama niya ay pinag-aralan ang propesiyang ito at ang iba pa na naghahanay ng adhikain ng Dios para sa Kanyang bayan. At ngayon, habang mabilis na ang mga pangyayari ay nagbibigay tanda na ang kamay ng Dios ang gumagawa sa mga bansa, si Daniel ay nagbigay ng tanging isipan sa mga pangakong nabigay sa Israel. Ang pananampalataya niya sa salita ng propesiya ang umakay sa kanya sa mga karanasang pinopropesiya ng mga naunang banal na manunulat. “Pagkatapos na maganap ang pitumpung taon sa Babilonia,” sabi ng Panginoon, “Aking dadalawin kayo, at Aking tutuparin ang Aking mabuting salita sa inyo, sa pagpapabalik sa inyo.... Sapagkat nalalaman Ko ang mga pag-iisip na Aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pag-iisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pag-asa sa inyong huling wakas. At kayo’y magsisitawag sa Akin, at kayo’y magsisiyaon at magsisidalangin sa Akin, at Aking didinggin kayo. At inyong hahanapin Ako, at masusumpungan Ako, pagka inyong siyasatin Ako ng inyong buong puso.” Talatang 10-13. PH 448.2

Bago bumagsak ang Babilonia, samantalang si Daniel ay nagbubulay-bulay sa mga propesiyang ito at idinadalangin sa Dios ang pagkaunawa sa mga panahon, isang serye ng pangitain ang nabigay sa kanya tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng mga kaharian. Sa unang pangitain na natala sa Daniel 7, ang paliwanag ay ibinigay; ngunit hindi lahat ay niliwanag sa propeta. “Binabagabag akong mabuti ng aking mga pag-iisip,” sinulat niya ang kanyang karanasan sa panahong yaon, “at ang aking pagmumukha ay nabago: ngunit iningatan ko ang bagay sa along puso.” Daniel 7:28. PH 448.3

Sa kasunod na pangitain ay karagdagang liwanag ang ibinigay sa kanya tungkol sa hinaharap; at sa pagtatapos ng pangitaing ito na nadinig ni Daniel “ang isang banal na nagsalita, at ibang banal ay nagsabi sa isang yaon na nagsalita, Hanggang kailan magtatagal ang pangitain?” Daniel 8:13. Ang sagot na ibinigay, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo’y malilinis ang santuwaryo” (talatang 14), nagbigay sa kanya ito ng kagulumihanan. Taimtim na hiniling niya ang pagkaunawa sa pangitain. Hindi niya maunawaan ang kaugnayan nito sa pitumpung taon ng pagkabihag, na inihayag kay Jeremias, sa dalawang libo at tatlong daang taon na sa pangitain ay nakita niyang atubili ang mensahero ng langit na ihayag bago matapos ang paglilinis ng santuwaryo ng Dios. Ibinigay ng anghel Gabriel ang bahagi ng paliwanag; datapuwat nang marinig ng propeta ang mga salita, “Ang pangitain...ay ukol sa maraming araw na darating,” siya ay nanglupaypay. “Akong si Daniel ay nanglupaypay,” itinala niya ang kanyang karanasan, “at nagkasakit ng ilang araw; nang magkagayon ako’y nagbangon, at ginawa ko ang mga gawain ng hari; at ako’y natigilan sa pangitain, ngunit walang nakakaunawa.” Talatang 26, 27. PH 449.1

Taglay pa rin ang pasanin para sa Israel, muling pinag-aralan ni Daniel ang mga propesiya ni Jeremias. Ang mga ito',y napakaliwanag— maliwanag na naunawaan niya ang mga patotoo na, nakatala sa mga aklat na, “ang bilang ng mga taon, na sinalita ng Panginoon kay Jeremias na propeta, dahil sa pagkaganap ng pagkasira ng Jerusalem, pitumpung taon.” Daniel 9:2. PH 449.2

May pananampalataya sa tiyak na salita ng propesiya, si Daniel ay sumamo sa Panginoong madali nang tuparin ang mga pangako. Dumalangin siyang maingatan ang karangalan ng Dios. Sa kanyang panalangin ay ibinilang niya ang kanyang sarili sa mga hindi nakaabot ng adhikain ng Dios, nagkumpisal ng kanilang mga kasalanan bilang kanyang sarili. PH 449.3

“At aking itiningin ang aking mukha sa Panginoong Dios,” ipinahayag ng propeta, “upang humanap sa pamamagitan ng panalangin at ng mga samo, ng pag-aayuno, at pananamit ng magaspang, at ng mga abo: at ako’y nanalangin sa Panginoon kong Dios, at ako’y nagpahayag ng kasalanan.” Talatang 3, 4. Bagaman matagal na sa paglilingkod si Daniel sa Dios, at ayon sa langit na siya',y “tunay na minamahal,” gayunman sa harapan ng Dios ay humaharap siyang isang makasalanan, at nagsusumamo ukol sa dakilang pangangailangan ng bayang kanyang minamahal. Ang dalangin niya ay simple, datapuwat marubdob at taimtim. Pakinggan ang samo niya: PH 450.1

“Oh Panginoon, Dios na dakila at kakila-kilabot, na nag-iingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa Iyo, at nangag-iingat ng Iyong mga utos; kami ay nangagkasala, at nangag-asal ng kasuwailan, at nagsigawang may kasamaan, at nanganghimagsik, samakatuwid baga’y nagsitalikod sa Iyong mga utos at sa Iyong mga kahatulan; na hindi man kami nangakimg sa Iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsalita sa Iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga magulang, at sa buong bayan ng lupain. PH 450.2

“Oh Panginoon, katuwira’y ukol sa Iyo, ngunit sa amin ay pagkagulo ng mukha, gaya sa araw na ito; sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa buong Israel, na malapit, at malayo, sa lahat na lupain na Iyong pinagtabuyan dahil sa kanilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa Iyo.... PH 450.3

“Sa Panginoon naming Dios ukol ang kaawaan at kapatawaran, sapagkat kami ay nanganghimagsik laban sa Kanya.” “Oh Panginoon, ayon sa Iyong buong katuwiran, isinasamo ko sa Iyo, na ang Iyong galit at kapusukan ay mahiwalay sa Iyong bayang Jerusalem, na Iyong banal na bundok: sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang Iyong bayan ay naging kakutyaan sa lahat na nangasa palibot namin. PH 450.4

“Kaya nga, Oh aming Dios, Iyong dinggin ang panalangin ng Iyong lingkod, at ang kanyang mga samo, at paliwanagin Mo ang Iyong mukha sa Iyong santuwaryo na sira, alang-alang sa Panginoon. Oh Dios ko, ikiling Mo ang Iyong tainga, at Iyong dingin; idilat Mo ang Iyong mga mata, at masdan Mo ang aming mga kasiraan, at ang bayan na tinatawag sa Iyong pangalan: sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga samo sa harap Mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa Iyong dakilang mga kaawaan. PH 450.5

Oh Panginoon, dinggin Mo; Oh Panginoon, patawarin Mo; Oh Panginoon, Iyong pakinggan at gawin; huwag Mong ipagpaliban, alang-alang sa Iyong sarili, Oh Dios ko: sapagkat ang Iyong bayan at ang Iyong mga tao ay tinatawag sa Iyong pangalan.” Talatang 4-9, 16-19. PH 451.1

Ang langit ay yumukod na mababa upang dinggin ang dalanging ito ng propeta. Bago pa man matapos ang pagdalangin ukol sa patawad at pananauli, ang makapangyarihang Gabriel ay muling napakita sa kanya at tinawag ang kanyang pansin sa pangitaing nakita niya bago bumagsak ang Babilonia at ang kamatayan ni Belsasar. At inihanay ng anghel sa kanya ang mga detalye ng panahon ng pitumpung sanlinggo, na nabigay at magsisimula “sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem.” Talatang 25. PH 451.2

Ang dalangin ni Daniel ay sa “unang taon ni Dario” (talatang 1), ang hari ng Media na ang heneral, nitong si Ciro ang umagaw ng setro ng paghahari ng Babilonia sa lupa. Ang paghahari ni Dario ay pinarangalan ng Dios. Sa kanya ay isinugo ang anghel na si Gabriel, “upang patibayin at palakasin siya.” Daniel 11:1. Sa kanyang kamatayan, sa loob ng dalawang taon ng pagkabagsak ng Babilonia, si Ciro ang pumalit sa trono, at ang pasimula ng paghaharing nagtakda ng kabuuan ng pitumpung taon mula ng ang unang pulutong ng bihag ay dinala ni Nabucodonosor mula sa kanilang tahanan sa Judea tungo sa Babilonia. PH 451.3

Ang pagkaligtas ni Daniel sa yungib ng leon ay ginamit ng Dios upang gumawa ng mabuting impresyon sa isipan ni Cirong Dakila. Ang namumukod na katangian ng lalaking ito ng Dios na may malayuang pananaw ang umakay sa haring Persiano upang ito ay igalang at parangalan sa kanyang mga kahatulan. At ngayon, sa panahong sinabi ng Dios na ang Kanyang templo at ang Jersusalem ay dapat nang muling itayo, kinilos ng Dios si Ciro bilang Kanyang kasangkapan upang makita nito ang bahagi ng mga propesiya tungkol sa kanyang sarili, na alam na alam ni Daniel, at upang ang mga Judio ay mabigyang kalayaan. PH 451.4

Nang makita niya ang mga salitang pinopropesiya, nang daandaang taon bago pa siya ipanganak, kung paano masasakop ang Babilonia; sa pagbasa niya ng pabalitang iniukol ng Hari ng sansinukob sa kanya, “Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo Ako nakilala: upang kanilang maalaman mula sa sikatan ng araw, at mula sa kanluran, na walang iba liban sa Akin;” sa mismong pagkakita niya ng pahayag ng walang hanggang Dios, “Dahil sa Jacob na Aking lingkod, at sa Israel na Aking pinili, tinawag kita sa iyong pangalan: Aking pinamagatan ka, bagaman hindi mo nakilala Ako;” sa pagbasa niya ng kinasihang talaan, “Aking ibinangon siya sa katuwiran, at Aking tutuwirin ang lahat niyang lakad: kanyang itatayo ang Aking bayan, at kanyang palalayain ang Aking mga natapon, hindi sa halaga o sa kagantihan man,” nakilos ng lubos ang kanyang puso, at handa siyang gampanan ang banal na tungkuling naatas sa kanya. Isaias 45:5, 6, 4, 13. At ngayon ay palalayain niya ang mga Judio; at tutulungan silang muling itayo ang templo ni Jehova. PH 451.5

Sa pabalitang nasulat at nailathala “sa kanyang buong kaharian,” ipinaalam ni Ciro ang kanyang naising maglaan para sa pagbabalik ng mga Hebreo at muling itayo ang kanilang templo. “Ibinigay sa akin ng Panginoong Dios ng langit ang lahat na kaharian sa lupa,” natuwa ang hari sa ganitong pagpapahayag sa publiko; “at ibinilin Niya sa akin na ipagtayo ko Siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo sa Kanyang buong bayan? sumakanya nawa ang kanyang Dios, at umahon siya sa Jerusalem,...at itayo ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (Siya',y Dios,) na nasa Jerusalem. At sinumang naiwan sa alin mang dako na kanyang pinakikipamayanan, tulungan siya ng mga lalaki sa kanyang kinaroroonan ng pilak, at ng ginto, at ng mga pag-aari, at ng mga hayop, bukod sa kusang handog.” Ezra 1:1-4. PH 452.1

“Ipahintulot na matayo ang bahay,” dagdag na iniutos niya tungkol sa hitsura ng templo, “ang dako na kanilang pinaghahandugan ng mga hain, at ipahintulot na malagay na matibay ang mga tatagangbaon; ang taas niyao’y anim na pung siko, at ang luwang niyao’y anim na pung siko, na may tatlong hanay na mga malaking bato, at isang hanay ng bagong kahoy: at ang magugugol ay ibigay na mula sa bahay ng hari: at ang ginto at pilak na mga sisidlan din naman ng bahay ng Dios, na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa Babilonia, masauli, at ipasok uli sa templo na nasa Jerusalem.” Ezra 6:3-5. PH 452.2

Ang balita ng utos na ito ay kumalat hanggang sa mga liblib na dako ng kaharian, at saan mang dakong kinalatan ng Israel ay nagkaroon ng dakilang pagdiriwang. Marami, ang katulad ni Daniel ay nagbabasa ng propesiya, at inaasam na ang Dios ay tutupad sa pangako at gagawa para sa Sion. At ngayon ay nasasagot ang kanilang mga dalangin; at sa buong pusong kagalakan ay magsasanib sa pagawit PH 452.3

“Nang dalhin muli ng Panginoon yaong nangagbalik sa Sion,
Tayo ay gaya niyaong nangananaginip.
Nang magkagayo’y napuno ang bibig natin ng pagtawa,
At ang dila natin ng awit:
Nang magkagayo’y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
Ginawan sila ng Panginoon ng mga dakilang bagay.
Ginawan tayo ng Panginoon ng mga dakilang bagay;
Na siyang ating ikinatutuwa.” Awit 126:1-3.
PH 453.1

“Ang mga pangulo ng mga sambahayan ng mga magulang ng Juda at Benjamin, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, samakatuwid baga’y lahat na ang diwa’y kinilos ng Dios”—ito yaong mga mabubuting nalabi, na abot limampung libong malalakas, mula sa mga Judio sa mga lupang pinagtapunan, na nagsamantala ng magandang pagkakataon “na magsiahong itayo ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem.” Di sila hinayaan ng kanilang mga kaibigang humayong walang dala. “Lahat na nangasa palibot nila ay nangagpatibay sa kanilang mga kamay ng mga sisidlang pilak, ng ginto, ng mga pagaari, at ng mga hayop, at ng mga mahalagang bagay.” At sa mga ito at iba pang mga laang inihandog ay idinagdag “ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon, na inilabas ni Nabucodonosor sa Jerusalem;... yaong mga inilabas ni Ciro na hari sa Persia sa pamamagitan ng kamay ni Mitridates na taga-ingat-yaman,...ay limang libo at apat na raan” sa bilang, upang magamit sa pagtatayo ng templo. Ezra 1:511. PH 453.2

Kay Zorobabel (na kilala ding Sesbassar), na kaanak ni Haring David, ay nilagay ni Ciro ang kapanagutang maging gobernador ng pulutong na nagbalik sa Judea; at kasama niya ang punong saserdoteng si Josue. Ang mahabang paglalakbay sa disyerto ay naging panatag, at ang masayang pulutong na nagagalak at nagpapasalamat sa Dios sa Kanyang mga kahabagan, ay agad nagsimula na muling itatag at itayo ang mga nawasak. “Ang mga pangulo ng mga magulang” ang nanguna sa paghahandog ng kanilang mga kayamanan upang tumulong sa gastusin sa pagpapatayo ng templo; at ang bayan, ay sumunod sa halimbawang ito sa malayang pagkakaloob ng kanilang maliliit na bahagi. Tingnan ang Ezra 2:64-70. PH 453.3

Sa lalong madaling panahon, isang altar ang itinayo sa lugar ng dating altar sa patyo ng templo. Sa kinaugalian sa pagtatalaga ng altar, ang bayan ay “nagpipisan na parang isang tao;” at doon sila’y nagkaisa sa pagpapanumbalik ng banal na mga serbisyo na naabala ng panahon ng pagkawasak ng Jerusalem ni Nabucodonosor. Bago naghiwahiwalay tungo sa kanilang mga tahanan sila'y nagsisikap na ibalik, “kanila ding iningatan ang Pista ng Tabemakulo.” Ezra 3:1-6. PH 454.1

Ang pagtatayo ng dambanang pang-araw-araw na handog na susunugin ay nagpasiglang gayon sa tapat na nalabi. May sigla sa pusong ginawa ang mga paghahanda sa muling pagtatayo ng templo, at lalo pang sumigla sa pagdaan ng mga buwan. Sa loob ng maraming taon ay nawala sa kanila ang mga nakikitang tanda ng presensya ng Dios. At ngayon, na parang napalilibutan sila ng mga malungkot na palatandaan ng mga pagtalikod ng kanilang mga magulang, nanabik silang makita ang nanatiling katibayan ng pagpapatawad at kagandahang loob ng Dios. Higit sa pagkabawi ng mga pag-aari at sinaunang mga karapatan, higit nilang pinahalagahan ang pabor ng Dios. Kahanga-hangang ang Dios ay gumawa para sa kanila, at nadama nila ang katiyakan ng Kanyang presensya sa kanila; ngunit higit pang pagpapala ang hinahangad nila. May kagalakang tumingin sila sa panahong makikita nila ang kaluwalhatian ng Dios na magningning sa loob ng templo sa muli nitong pagtayo. PH 454.2

Ang mga manggagawang abala sa paghahanda ng mga materyales, ay nasumpungan sa mga guhong malalaking batong dinala sa lugar ng templo sa panahon ni Solomon. Ang mga ito ay inihanda kasama pa ng mga bagong materyales; at di nagtagal ay handa na silang ilagay ang saligang bato. Ito ay ginawa sa harap ng libong nagkakatipon upang saksihan ang progreso ng paggawa at magbigay pampasigla sa mga manggagawa. Habang ang panulok na bato ay inilalagay, ang bayan, kasabay ng mga trumpeta ng mga saserdote at mga batingaw ng mga anak ni Asaph, “sila’y nag-awitang isa’t isa sa pagpuri at pagpapasalamat sa Panginoon, na nangagsasabi; sapagkat Siya’y mabuti, sapagkat ang Kanyang kaawaan ay magpakailanman sa Israel.” Talatang 11. PH 454.3

Ang bahay na muling itinatayo ay suheto ng maraming propesiya tungkol sa pabor ng Dios na nais na ipakita sa Sion, at lahat na papuri ay may narinig pa ring kakaibang nota. “Marami sa mga saserdote at mga Levita at mga pangulo ng mga sambahayan ng mga magulang, mga matanda, na nangakakita ng unang bahay, ng ang tatagang-baon ng bahay na ito ay malagay sa harap ng kanilang mga mata, ay nagsiiyak ng malakas.” Talatang 12. PH 454.4

Likas lamang na ang matatandang ito ay makadama ng kalungkutan sa nakita nilang bunga ng mahabang kawalang pagsisisi. Kung ang kanilang saling lahi lamang ay naging masunurin sa Dios, at isinagawa ang adhikain ng Dios para sa Israel, ang templong itinayo ni Solomon ay di sana nawasak at ang pagkabihag ay di sana kinailangan pa. Ngunit dahilan sa kawalang turing at di pagtatapat sila ay nangalat sa lupain ng mga pagano. PH 457.1

Ang mga kundisyon ay nabago na ngayon. Sa kahabagan ay muling dinalaw ng Panginoon ang Kanyang bayan at pinabalik sila sa sariling lupain. Ang kalungkutan sa kasalanang nakaraan ay dapat sanang tinabunan ng mga damdamin ng dakilang kagalakan. Ang Dios ang kumilos sa puso ni Ciro upang tulungan silang muling itayo ang templo, at ito sana ay gumising ng damdamin ng malalim na pagpapasalamat. Sa halip na magdiwang, inalala nila ang mga isipan ng kawalang kasiyahan at kabiguan. Nakita nila ang kaluwalhatian ng templo ni Solomon, at nalungkot sila sa mababang uring templo na itatayo nila ngayon. PH 457.2

Ang bulung-bulungan at pagrereklamo, at di magandang paghahambing, ay nagpalungkot sa isipan ng marami at nagpahina ng kamay ng mga nagtatayo. Ang mga manggagawa’y nagsimulang magalinlangan kung ipagpapatuloy pa nila ang pagtatayo na sa pasimula ay pinintasan na at naging dahilan ng maraming kapanglawan. PH 457.3

Gayunman, ay marami sa nagkakatipon, ang may mas malaking pananampalataya at malawak na pananaw na hindi naakay sa kawalang kasiyahan. “Marami ay nagsihiyaw ng malakas dahil sa kagalakan: na anupa’t hindi makilala ng bayan ang kaibhan ng ingay ng hiyaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan: sapagkat ang bayan ay humiyaw ng malakas na hiyaw, at ang ingay ay narinig sa malayo.” Talatang 12, 13. PH 457.4

Kung silang hindi nagalak sa paglalagay ng panulok na bato ay nakita ang naging bunga ng kanilang kakulangan ng pananampalataya, sila sana ay kinilabutan. Hindi nila nadama ang bigat ng kanilang mga salita ng di pagsang-ayon at kabiguan; hindi nila nadamang ang kanilang inihayag na kawalang kasiyahan ay magpapatagal sa pagtatapos ng bahay ng Panginoon. PH 457.5

Ang karangyaan at kagandahan ng unang templo, at ang mga serbisyo nito, ay naging dahilan ng pagmamalaki ng Israel bago sila nabihag; datapuwat ang mga paglilingkod dito ay kulang sa kalidad ng mga bagay na pinagpapahalagahan ng Dios. Ang luwalhati ng unang templo, at karangyaan ng mga serbisyo, dito ay hindi rekomendasyon para sa Dios; sapagkat ang tanging binibigyang halaga ng Dios, ang hindi nila inihandog. Hindi nila inialay ang handog ng diwang maamo at mapagpakumbaba. PH 458.1

Sa panahong ang mahalagang simulain ng kaharian ng Dios ay nawawala sa pananaw, na ang mga seremonya ay nagiging marangya at marami. Kapag ang pagtatayo ng likas ay napabayaan, kapag ang mga kagayakan ng kaluluwa ay nagkukulang, kapag ang payak na kabanalan ay tinatatwa, na ang pagmamataas at pag-ibig sa kayabangan ay naghahangad ng mararangyang gusali, mamahaling kagayakan at magagarang seremonya ay pinahahalagahan. Datapuwat sa lahat ng mga ito ay hindi nalulugod ang Dios. Pinapahalagahan Niya ang Kanyang iglesia, hindi sa mga panlabas na pakinabang nito, kundi sa taimtim na kabanalan nitong kakaiba sa sanlibutan. Pinapahalagahan Niya ito sa paglago ng mga kaanib sa pagkakilala kay Kristo, ayon sa pagsulong ng karanasang espirituwal. Tinitingnan Niya ang mga prinsipyo ng pag-ibig at kabutihan. Ang lahat ng kagandahan ng sining ay di maihahambing sa kagandahan ng likas at ugaling nahahayag sa mga kinatawan ni Kristo. PH 458.2

Ang isang kongregasyon ay maaaring pinakamahirap sa balat ng lupa. Maaaring wala itong pang-akit na panlabas; datapuwat kapag ang mga kaanib nito ay nagtataglay ng likas ni Kristo, ang mga anghel ng Dios ay sasanib sa kanila sa pagsamba. Ang papuri at pagpapasalamat mula sa mga pusong may pagtanaw ng utang na loob ay paiitaas sa Dios bilang mabangong samyo. PH 458.3

“Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat Siya’y mabuti:
Sapagkat ang Kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.
Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
Na Kanyang tinubos sa kamay ng kaaway.”

“Magsi-awit kayo sa Kanya, magsi-awit kayo sa Kanya ng mga pagpuri:
Salitain ninyo ang lahat Niyang kagilagilalas na mga gawa.
PH 458.4

Lumuwalhati kayo sa Kanyang banal na pangalan:
Mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.”

“Sapagkat Kanyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa,
At ang gutom na kaluluwa ay binusog Niya n£ kabutihan.” Awit 107:1,2; 105:2, 3; 107:9.
PH 459.1