ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI
Kabanata 34—Si Jeremias
Kabilang sa mga umasa para sa permanenteng pagpapanibagong siglang pang-espirituwal bilang resulta ng repormasyon sa ilalim ni Josias ay si Jeremias, na tinawagan ng Dios upang maging propeta habang isang kabataan pa, sa ikalabing-tatlong taong paghahari ni Josias. Isang kaanib ng pagiging saserdoteng Levita, si Jeremias ay nasanay mula pagkabata para sa banal na paglilingkod. Sa mga masasayang taong yaon ng paghahanda hindi niya naisip na siya ay itinalaga mula pagsilang upang maging “propeta sa mga bansa;” at nang dumating ang panawagan ng langit, siya ay nabigla at sa pagkadama ng kawalang karapatan. “Ah, Panginoong Dios!” kanyang nasambit, “narito, hindi ako marunong magsalita: sapagkat ako’y bata.” Jeremias 1:5, 6. PH 337.1
Sa kabataang Jeremias, nakita ng Dios ang isang magiging tapat sa kanyang katungkulan at tatayo para sa matuwid laban sa malaking oposisyon. Sa pagkabata ay napatunayang tapat siya; at ngayon siya ay dadanas ng kahirapan, bilang mabuting kawal ng krus. “Huwag mong sabihin, Ako’y bata,” sinabi ng Panginoon sa Kanyang piling sugo; “sapagkat saan man kita susuguin ay paroroon ka, at anumang iutos Ko sa iyo ay sasalitain mo. Huwag kang matakot dahil sa kanila: sapagkat Ako’y sumasaiyo upang iligtas kita.” “Ikaw nga’y magbigkis ng iyong mga balakang, at ikaw ay bumangon, at salitain mo sa kanila ang lahat na iniuutos Ko sa iyo: huwag kang manlupaypay sa kanila, baka ikaw ay panlupaypayin Ko sa harap nila. Sapagkat, narito, ginawa kita sa araw na ito, na nakukutaang bayan, at pinaka haliging bakal, at pinaka kutang tanso, laban sa buong lupain, laban sa mga hari sa Juda, laban sa mga prinsipe niyaon, laban sa mga saserdote niyaon, at laban sa bayan ng lupain. At sila’y magsisilaban sa iyo; ngunit hindi sila mangananaig laban sa iyo; sapagkat Ako’y sumasa iyo, sabi ng Panginoon, upang iligtas ka.” Talatang 7, 8, 1719. PH 337.2
Sa loob ng apatnapung taon si Jeremias ay tatayo sa harapan ng bansa bilang isang saksi sa katotohanan at katuwiran. Sa panahon ng di mapapantayang pagtalikod siya ay magiging huwaran sa pamumuhay at likas sa pagsamba sa tunay na Dios lamang. Sa nakalulunos na pagkubkob sa Jerusalem siya ay magiging tagapagsalita ni Jehova. Ipopropesiya niya ang pagbagsak ng sambahayan ni David at ang pagkawasak ng magandang templo na itinayo ni Solomon. At kung mabilanggo dahilan sa kanyang matapang na pananalita, siya ay mangungusap pa ring malinaw laban sa mga kasalanan sa matataas na dako. Kinamuhian, tinanggihan ng tao, sa wakas ay mamamalas niya ang literal na katuparan ng sariling mga propesiya tungkol sa darating na pagkapahamak, at makakabahagi sa kalungkutan at pagkaaba na susunod sa pagkawasak ng siyudad. PH 338.1
Gayunman sa gitna ng pangkalahatang pagkawasak na mabilis na nagdaraan sa bansa, si Jeremias ay madalas na pahintulutang tumanaw sa kabila ng mga nakalulunos na pangyayaring pangkasalukuyan tungo sa mga maluwalhating tanawin ng hinaharap, na ang bayan ng Dios ay matutubos mula sa lupain ng kaaway at matatanim na muli sa Sion. Nakita niya ang panahong ang Panginoon ay muling pagtitibayin ang tipan sa kanila. “Ang kanilang kaluluwa ay magiging parang dinilig na halamanan; at hindi na sila mangamamanglaw pa sa anuman.” Jeremias 31:12. PH 338.2
Tungkol sa pagkatawag sa kanya sa pagiging propeta, si Jeremias na rin ang sumulat: “Iniunat ng Panginoon ang Kanyang kamay, at hinipo ang aking bibig. At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, inilagay Ko ang Aking mga salita sa iyong bibig. Tingnan mo, Aking pinapagpupuno ka sa araw na ito sa mga bansa at sa mga kaharian, upang mag-alis, at magbagsak, at upang magsira, at magwasak, upang magtayo, at magtatag.” Jeremias 1:9, 10. PH 338.3
Salamat sa Dios sa mga salitang, “pagtatayo, at pagtatanim.” Sa mga salitang ito si Jeremias ay nabigyang kasiguruhan ng adhikain ng Dios upang magsauli at magpagaling. Matigas ang mga mensaheng dadalhin niya sa mga kasunod na taon. Mga propesiya ng mabilisang parusa ay walang takot na ipahahatid. Mula sa kapatagan ng Shinar ay “lalabasin ng kasamaan ang lahat ng nananahan sa lupain.” “Aking sasalitain ang Aking mga kahatulan laban sa kanila,” pahayag ng Panginoon, “tungkol sa lahat nilang kasamaan, sa kanilang nangagpabaya sa Akin.” Talatang 14, 16. Gayunman ang mga mensaheng ito ng propeta ay may kasamang kasiguruhan ng pagpapatawad sa lahat ng manunumbalik mula sa paggawa ng kasamaan. PH 338.4
Bilang matalinong tagapagtayo ng bahay, sa pasimula pa lamang ay pinasigla na ni Jeremias ang mga lalaki ng Juda na maglagay ng pundasyon ng kanilang espirituwal na buhay na malalim at malawak, sa pamamagitan ng lubusang pagsisisi. Matagal nang sila ay nagtatayo sa pamamagitan ng kahoy, dayami, at putik, na kay Jeremias na rin ay walang saysay. Ipinahayag niya “Tatawagin silang pilak na itinakwil, sapagkat itinakwil sila ng Panginoon.” Jeremias 6:30. Ngayon sila ay pinasisiglang magsimulang magtayong may katalinuhan at ukol sa walang hanggan, na inilalagay sa isang tabi ang pagtalikod at kawalang pananampalataya, at sa pundasyon ay gumamit ng gintong lantay, ng pinong pilak, at mahahalagang bato—pananampalataya at pagsunod at mabubuting gawa—na siyang tinatanggap sa paningin ng banal na Dios. PH 339.1
Sa pamamagitan ni Jeremias ang salita ng Panginoon sa Kanyang bayan ay: “Ikaw ay manumbalik, ikaw na tumatalikod na Israel,...hindi Ako titinging may galit sa inyo: sapagkat Ako’y maawain, sabi ng Panginoon, hindi Ako mag-iingat ng galit magpakailan man. Kilalanin mo lamang ang iyong kasamaan, na ikaw ay sumalansang sa Panginoon mong Dios.... Kayo’y manumbalik, Oh tumatalikod na mga anak, sabi ng Panginoon; sapagkat Ako’y asawa ninyo.” “Inyong tatawagin Ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa ng pagsunod sa Akin.” “Kayo’y manunumbalik, kayong nagsisitalikod na mga anak, Aking pagagalingin ang inyong mga pagtalikod.” Jeremias 3:12-14, 19,22. PH 339.2
At karagdagan sa ganitong mga kahanga-hangang pagsamo, nagbigay ang Panginoon ng mga salitang marahil ay makakapanumbalik sa kanila sa Kanya. Kanilang sasabihin: “Narito, kami ay nagsiparito sa Iyo; sapagkat Ikaw ay Panginoon naming Dios. Tunay na walang kabuluhan ang tulong na maasahan sa mga burol, ang kagulo sa mga bundok: tunay na nasa Panginoon naming Dios ang kaligtasan ng Israel.... Tayo’y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kalituhan: sapagkat tayo’y nangagkasala laban sa Panginoon nating Dios, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito, at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Dios.” Talatang 22-25. PH 339.3
Ang repormasyon sa ilalim ni Josias ay naglinis sa lupain ng mga dambana ng pagsamba sa mga diyos, ngunit ang mga puso ng karamihan ay di pa nabago. Ang mga binhi ng katotohanan na tumubo at binigyang pangako ng masaganang pag-aani ay nasakal ng mga tinik. Isa pang pagtalikod ay magiging kasawian; at sinikap ng Panginoong gisingin ang bansa sa pagkadama ng kanilang panganib. Tanging kung magiging tapat sila kay Jehova na sila ay makaaasa sa pabor ng langit at sa kasaganaan. PH 339.4
Paulit-ulit na tinawagan sila ni Jeremias sa mga payong ibinigay sa Deuteronomio. Higit sa kaninumang mga propeta ay idiniin niya ang mga turo ng batas ni Moises at ipinakita kung paanong ito ay maaaring maghatid sa pinakamataas na pagpapalang espirituwal sa bansa at sa bawat puso. “Ipagtanong ninyo ang mga dating landas, kung saan nandoon ang mabuting daan; at magsilakad kayo roon,” ang kanyang samo, “at kayo’y mangakasusumpong ng kapahingahan sa inyong mga kaluluwa.” Jeremias 6:16. PH 340.1
Sa isang pagkakataon, sa utos ng Panginoon, ang propeta ay tumayo sa isang pangunahing pasukan sa siyudad at doon ay nanawagan sa kahalagahan ng pangingilin ng Sabbath bilang banal na araw. Ang mga nananahan sa Jerusalem ay nasa panganib na mawalan ng pananaw sa kabanalan ng Sabbath, at sila ay mapayapang binalaan laban sa pagsunod sa kanilang mga sekular na gawain sa araw na iyon. Isang pagpapala ang ibinigay ayon sa pagiging masunurin. “Kung kayo’y mangakinig na maingat sa Akin,” sabi ng Panginoon, at “ipangilin ang araw ng Sabbath, upang huwag gawan ng anumang gawain; kung magkagayo’y magsisipasok sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nanga-uupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalaki ng Juda, at ang mga taga Jerusalem: at ang bayang ito ay mananatili magpakailanman.” Jeremias 17:24, 25. PH 340.2
Ang pangakong ito ng kasaganaan bilang pabuya ng katapatan ay sinamahan ng propesiya ng nakalulunos na hatol na babagsak sa siyudad kung ang mga tumatahan dito ay hindi magtatapat sa Dios at sa Kanyang utos. Kung ang mga payo upang sundin ang Panginoong Dios ng kanilang mga magulang at banalain ang Kanyang araw ng Sabbath ay hindi pakikinggan, ang siyudad at mga palasyo dito ay lubusang mawawasak sa apoy. PH 340.3
Sa ganito ay matatag na tumayo ang propeta sa mga simulain ng matuwid na pamumuhay na malinaw na inihanay sa aklat ng kautusan. Ngunit kung gayon ang mga kalagayang namamayani sa lupain ng Juda na sa pamamagitan lamang ng tiyak na hakbangin na ang pagbabago para sa ikabubuti ay maisasagawa; kung kaya’t higit siyang gumawang may sigasig para sa mga hindi nagsisisi. “Inyong bungkalin ang inyong pinabayaang bukiran,” kanyang samo, “at huwag kayong maghasik sa gitna ng mga tinik.” “Oh Jerusalem, hugasan mo ang iyong puso sa kasamaan, upang ikaw ay maligtas.” Jeremias 4:3,14. PH 340.4
Datapuwat sa maraming bilang ng tao ang panawagan sa pagsisisi at pagbabago ay hindi pinakinggan. Mula sa kamatayan ng mabuting haring Josias, silang namumuno sa bayan ay hindi naging tapat sa kanilang tungkulin at umaakay sa marami sa pagkaligaw. Si Joachaz, na naalis sa pakikialam ng hari ng Egipto, ay sinundan ni Joacim, mas matandang anak ni Josias. Sa pasimula pa ng paghahari ni Joacim, ay di gaanong umaasa si Jeremias sa kaligtasan ng kanyang mahal na lupain sa pagkawasak at ang bayan sa pagkabihag. Gayunman ay hindi siya tumahimik samantalang ang lubos na pagkawasak ay nakabanta sa kaharian. Silang nananatiling tapat sa Dios ay dapat mapasiglang magpatuloy sa mabubuting gawa, at ang makasalanan ay kinakailangan, kung maaari, na mahikayat na tumalikod mula sa pagkakasala. PH 341.1
Ang krisis ay nangangailangan ng hayagan at malawakang pagsisikap. Si Jeremias ay inatasan ng Panginoon na tumayo sa korte ng templo at magsalita sa mga taga Juda na maaaring dumaan papasok at palabas. Sa mga pabalitang ibinigay sa kanya ay di siya dapat magbawas ng isa mang salita, upang ang mga makasalanan sa Sion ay magkaroon ng buong pagkakataong makadinig at tumalikod sa kanilang masasamang gawa. PH 341.2
Sumunod ang propeta; tumayo siya sa pintuan ng bahay ng Panginoon at doon ay ibinigay ang babala at pagsamo sa malakas na tinig. Sa ilalim na pagkasi ng Kataastaasan, siya ay nagpahayag: PH 341.3
“Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pagbutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at Akin kayong patatahanin sa dakong ito. Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, Ang templo ng Panginoon, Ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito. Sapagkat kung inyong lubos na pagbubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo’y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kanyang kapwa; kundi hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaeng balo, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa inyong sariling kapahamakan: ay patatahanm Ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay Ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan.” Jeremias 7:2-7. PH 341.4
Ang pagnanais ng Panginoong huwag magpataw ng parusa ay malinaw na inihayag dito. Pinipigil Niya ang Kanyang mga hatol upang Siya ',y sumamo sa di nagsisisi. Siya na nagsasagawa ng “kagandahang loob, kahatulan, at katuwiran, sa lupa” ay nananabik sa Kanyang naliligaw na mga anak; at sa bawat posibleng paraan ay sinisikap Niyang ituro sa kanila ang daan ng buhay na walang hanggan. Jeremias 9:24. Inilabas Niya ang mga Israelita mula sa pagkabihag upang sila ay makapaglingkod sa Kanya, ang siya lamang tunay at buhay na Dios. Matagal man silang naglimayon sa idolatriya at di pinansin ang Kanyang mga babala, gayunman ay Kanya ngayong inihayag ang Kanyang pagsang-ayon na ipagpaliban ang pagpaparusa at ipagkaloob ang isa pang pagkakataon para sa pagsisisi. Nililinaw Niya ang katunayan na tanging ang pinakabuong pagbabago ng puso ang hahadlang sa dumarating na pagkawasak. Walang kabuluhan ang pagtitiwalang ilalagay sa templo at mga serbisyo nito. Ang mga ritwal at mga seremonya ay hindi makatutubos sa kasalanan. Liban sa pag-aangkin nilang bayan ng Dios, ang pagbabago ng puso at kabuhayan lamang ang makapagliligtas sa kanila mula sa di matatakasang bunga ng patuloy na pagsalangsang. PH 342.1
Sa gayon, “sa mga siyudad ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem” ang mensahe ni Jeremias kay Juda ay, “Inyong dinggin ang mga salita ng tipang ito,“—ang malinaw na palatuntunan ni Jehovang natala sa Banal na Kasulatan,—“at inyong isagawa.” Jeremias 11:6. At ito ang pabalita niya nang tumayo siya sa mga korte ng templo sa pasimula ng paghahari ni Joacim. PH 342.2
Ang karanasan ng Israel mula sa mga kaarawan ng Exodo ay nirepaso. Ang tipan sa kanila ng Dios ay, “Inyong dinggin ang Aking dnig, at Ako’y magiging inyong Dios, at kayo’y magiging Aking bayan: at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos Ko sa inyo, sa ikabubud ninyo.” Walang kahihiyan at paulit-ulit na sinira ang kanilang tipanan. Ang piniling bansa ay “nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong, at hindi pasulong.” Jeremias 7:23, 24. PH 342.3
“Bakit,’ ang tanong ng Panginoon, “ang bayang ito na Jerusalem ay tumatalikod ng walang hanggang pagtalikod?” Jeremias 8:5. Sa wika ng propeta ay dahilan iyon sa di pagsunod sa tinig ng Panginoon nilang Dios at tumangging iwasto. Tingnan ang Jeremias 5:3. “Katotohanan ay nawala,” ang kanyang hinagpis, “at nahiwalay sa kanilang bibig.” “Oo, nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang kanyang mga takdang kapanahunan; at ang batu-bato at ang langay-langayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; ngunit hindi nalalaman ng Aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.” “Hindi Ko baga dadalawin sila dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon: hindi baga maghihiganti Ako sa isang bansa na gaya nito?” Jeremias 7:28; 8:7; 9:9. PH 343.1
Dumating ang panahon ukol sa malalim na pagsisiyasat ng puso. Habang si Josias ang kanilang hari, ang bayan ay may natitirang pagasa. Datapuwat hindi na siya makapamagitan para sa kanila, sapagkat bumagsak na siya sa digmaan. Ang mga kasalanan ng bansa ay gayon na lamang na lagpas na sa panahon ng pamamagitan. “Bagaman si Moises at si Samuel ay tumayo sa harap Ko,” pahayag ng Panginoon, “gayon ma ',y ang pag-iisip Ko ay hindi sasa bayang ito: iyong itakwil sila sa Aking paningin, at iyong palabasin sila. At mangyayari, pagka kanilang sinabi sa iyo, Saan kami magsisilabas? sasaysayin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang sa kamatayan ay sa kamatayan; at ang sa tabak, ay sa tabak at ang sa kagutom, ay sa kagutom; at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag.” Jeremias 15:1, 2. PH 343.2
Ang pagtanggi sa alok ng habag na ngayon ay inihahndog ng Dios ay magbibigay sa bayang di nagsisisi ng mga hatol na dumating sa kaharian ng Israel sa hilaga mahigit na sandaang taon ang lumipas. Ang pabalita sa kanila ngayon ay: “Kung hindi ninyo didinggin Ako, na magsilakad sa Aking kautusan, na Aking inilagay sa harap ninyo, na makinig sa mga salita ng Aking mga lingkod na mga propeta, na Aking sinusugo sa inyo, na bumabangon Akong maaga, at sinusugo Ko sila, ngunit hindi ninyo pinakinggan; ay Akin ngang gagawin ang bahay na ito na gaya ng Silo, at gagawin Ko ang bayang ito na sumpa sa lahat ng mga bansa sa lupa.” Jeremias 26:4-6. PH 343.3
Silang nakatayo sa korte ng templo na nakikinig sa mga salita ni Jeremias ay nakaunawa ng pagbanggit tungkol sa Silo, at sa panahon ng mga kaarawan ni Eli nang ang mga Filisteo ay nagtagumpay sa Israel at tinangay palayo ang kaban ng opan. PH 343.4
Ang kasalanan ni Eli ay kasama ng pagmamaliit sa mga kasalanan ng kanyang mga anak sa banal na tungkulin. at sa mga kasamaang laganap sa buong lupain. Ang kanyang pagbaliwala na iwasto ang mga kasamaang ito ay nagdala sa Israel ng nakatatakot na kalamidad. Ang mga anak niya ay namatay sa digmaan, si Eli na rin ay namatay, ang kaban ng Dios ay naagaw mula sa lupain ng Israel, tatlumpung libong katao ang napaslang—ang lahat ay sapagkat pinahintulutang ang kasalanan ay yumabong na hindi sinasansala o pinipigil. Walang kabuluhang inisip ng Israel na sa kabila ng kanilang mga makasalanang gawi, ang pananatili ng kaban ay magtitiyak ng tagumpay sa mga Filisteo. Sa katulad ding paraan, sa mga panahon ni Jeremias, ang mga nananahan sa Juda ay naniniwalang ang mahigpit na pagsunod sa mga banal na serbisyong talaga ng Dios sa templo ay pipigil sa matuwid na parusa sa kanilang masamang landas. PH 344.1
Anong liksyon ito para sa mga lalaking humahawak ng matataas na tungkulin ngayon sa iglesia ng Dios! Anong taimtim na babala sa tamang pakikitungo sa mga kamaliang nagdungis sa gawain ng katotohanan! Walang sinumang dapat mag-isip na siyang sisidlan ng kautusan ng Dios ay purihin ang kanilang mga sarili na sa pamamagitan ng pagpapakita ng panlabas na paghahayag sa kautusan ay maiingatan sila mula sa pagsasagawa ng banal na hatol. Huwag tanggihan ng sinuman ang sansala tungkol sa kasamaan, ni ipalagay na ang mga lmgkod ng Dios ay sobra ang sigasig sa pagsisikap na linisin ang kampo mula sa masamang gawa. Ang Dios na namumuhi sa kasalanan ay nananawagan sa kanilang nagsasabing mag-iingat ng utos na lumayo mula sa kasamaan. Ang pagpapabayang magsisi at magkusang loob na sumunod ay maghahatid sa mga lalaki at mga babae ngayon ng mga bungang tinanggap ng matandang Israel. May hangganan ang pagpigil ni Jehova sa Kanyang kahatulan. Ang pagkawasak ng Jerusalem sa panahon ni Jeremias ay isang maselang babala sa makabagong Israel, na ang mga payo at mga pagsamong kaloob sa kanila sa pamamagitan ng mga piling instrumento ay di dapat ipagwalang bahala nang gayon lamang. PH 344.2
Ang pabalita ni Jeremias sa mga saserdote at bayan ay nagpagalit sa marami. May pagtangging isinigaw nila, “Bakit ka nagpropesiya sa pangalan ng Panginoon, na iyong sinasabi, Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Silo, at ang bayang ito ay magiging sira na mawawalan ng mananahan? At ang bayan ay nagpipisan kay Jeremias sa bahay ng Panginoon.” Jeremias 26:9. Ang mga saserdote, mga bulaang propeta, at mga bayan ay galit na binalingan siya na ayaw magsalita ng mga malalambot na mga bagay o mapandayang propesiya. Sa ganito hinamak ang mensahe ng Dios, at ang Kanyang lingkod ay binantaan ng kamatayan. PH 344.3
Ang balita ng mga salita ni Jeremias ay nakarating sa mga prinsipe ng juda, at sila’y sumugod mula sa palasyo ng hari tungo sa templo, upang alamin para sa kanilang sarili ang tungkol sa katotohanan. “Nang magkagayo’y nagsalita ang mga saserdote at ang mga propeta sa mga prinsipe at sa buong bayan, na sinasabi, Ang lalaking ito ay marapat patayin; sapagkat siya’y nagpropesiya laban sa bayang ito, gaya ng inyong narinig ng inyong mga pakinig.” Talatang 11. Subalit matapang na nagsalita si Jeremias sa harapan ng mga prinsipe at sa bayan, na sinasabi: “Sinugo ako ng Panginoon upang magpropesiya laban sa bahay na ito at laban sa bayang ito ng lahat na salita na inyong narinig. Kaya’t ngayo’y pagbutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at inyong talimahin ang tinig ng Panginoon ninyong Dios; at pagsisisihan ng Panginoon ang kasamaan na Kanyang sinalita laban sa inyo. Ngunit tungkol sa akin, narito, ako',y nasa inyong kamay: inyong gawin sa akin ang minamabuti at minamatuwid sa harap ng inyong mga mata. Talastasin lamang ninyong mabuti na kung ako’y inyong ipapatay, kayo’y magdadala ng walang salang dugo sa inyo at sa bayang ito, at sa mga nananahan dito: sapagkat katotohanang sinugo ako ng Panginoon sa inyo upang magsalita ng lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pakinig.” Talatang 12-15. PH 345.1
Kung ang propeta ay natakot sa banta ng nasa mataas na otondad, ang pabalita niya ay nawalan sana ng saysay, at ang kanyang buhay ay nawala din; datapuwat ang tapang ng pagdala ng solemneng babala ay nagbunsod ng paggalang ng bayan at kumuha ng pabor ng mga prinsipe. Nakipagkatuwiranan sila sa mga saserdote at sa mga bulaang propeta, na ipinakita sa kanila ang kahangalan ng ipinapayo nilang dapat gawin, at ang mga salita nila ay nagbunga sa mga isipan ng bayan. Sa ganito ay nagbangon ang Dios ng tagapagtanggol para sa Kanyang lingkod. PH 345.2
Ang mga matatanda ay nakiisa rin sa pagprotesta laban sa desisyon ng mga saserdote tungkol sa kapalaran ni Jeremias. Binanggit nila ang tungkol kay Mikas, na nagpropesiya din tungkol sa kapalaran ng Jerusalem, na nagsasabi, “Ang Sion ay aararuhing parang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa gubat.” Sila ay nagtanong: “Si Ezechias bagang hari sa Juda at ang buong Juda ay nagpapatay sa kanya? hindi baga siya natakot sa Panginoon, at dumalangin ng lingap ng Panginoon, at ang Panginoon ay nagsisi sa kasamaan na Kanyang sinalita laban sa kanila? Ganito gagawa tayo ng malaking kasamaan laban sa ating sariling mga kaluluwa.” Talatang 18, 19. PH 345.3
Sa pamamagitan ng mga maimpluwensyang lalaking ito, ang buhay ng propeta ay nailigtas, bagaman marami sa mga saserdote at mga bulaang propeta, na hindi matagalan ang katotohanang kanyang sinalita, ay magalak sanang makita siyang mailagay sa kamatayan sa bintang na panggugulo sa bayan. PH 346.1
Mula sa araw ng kanyang pagkatawag hanggang sa pagtatapos ng kanyang ministeryo, si Jeremias ay tumayo sa harapan ng Juda bilang “isang moog at ng kuta” na dito ang galit ng tao ay di makatayo. “Sila'y magsisilaban sa iyo,” nagbabala ang Panginoon sa Kanyang lingkod, “ngunit hindi sila magsisipanaig laban sa iyo: sapagkat Ako’y sumasaiyo upang iligtas kita at upang papaging layain kita, sabi ng Panginoon. At ililigtas kita sa kamay ng masama, at tutubusin kita sa kamay ng kakila-kilabot.” Jeremias 6:27; 15:20, 21. PH 346.2
Likas na mahiyain at di makaharap sa tao, si Jeremias ay nagnasa ng kapayapaan at tahimik na pamumuhay sa pagpapahinga, na hindi niya kailangang makita ang patuloy na kawalang pagsisisi ng kanyang mahal na bansa. Ang kanyang puso ay nabagbag ng dalamhati dahil sa pagkawasak na gawa ng kasalanan. “Oh kung ang aking ulo lamang ay maging tubig, at ang aking mga mata ay bukalan ng mga luha,” ang kanyang hinagpis, “upang ako’y makaiyak araw at gabi dahil sa pagkamatay ng anak na babae ng aking bayan! Oh kung magkaroon ako sa ilang ng patuluyan sa mga naglalakad; upang aking maiwan ang aking bayan, at lisanin ko sila!” Jeremias 9:1, 2. PH 347.1
Malupit ang mga pagtuya na doon siya ay tinawagan upang magtiis. Ang kanyang kaluluwang sensitibo ay paulit-ulit na tinurok ng mga palaso ng pagtuya na ibinunton sa kanya noong mga humamak sa kanyang mga pabalita at nagpagaan ng kanyang pasanin para sa kanilang pagkahikayat “Ako’y naging kakutyaan sa along buong bayan,” kanyang pahayag, “at kanilang awit buong araw.” “Ako’y nagiging katatawanan lahat ng araw, bawat isa’y tumutuya sa akin.” “Sabi ng lahat ng mga kasama-sama kong kaibigan na nagsisipaghintay ng aking pagbaksak, marahil siya’y mahihikayat, at tayo’y mangananaig laban sa kanya, at tayo’y mangakakaganti sa kanya.” Panaghoy 3:14; Jeremias 20:7, 10. PH 347.2
Subalit ang tapat na propeta ay pinalalakas araw-araw upang tumagal. “Ang Panginoon ay sumasaakin na parang makapangyarihan at kakilakilabot,” kanyang ipinahayag na may pananampalataya; “kaya’t ang mga mang-uusig sa akin ay mangatitisod, at sila’y hindi mangananaig: sila’y lubhang mangapapahiya; sapagkat sila',y hindi nagsisigawang may karunungan, ng walang hanggang kapintasan na hindi malilimutan.” “Kayo’y magsiawit sa Panginoon, magsipuri kayo sa Panginoon: sapagkat Kanyang iniligtas ang kaluluwa ng mapagkailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.” Jeremias 20:11,13. PH 347.3
Ang mga karanasang nalagpasan ni Jeremias sa kanyang kabataan gayon din sa mga huling taon ng kanyang paglilingkod ay nagturo sa kanya ng liksyong “ang lakad ng tao ay hindi sa kanyang sarili: hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.” At dumalangin siya, “Oh Panginoon, sawayin Mo ako, ngunit sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa Iyong galit, baka ako’y iuwi Mo sa wala.” Jeremias 10:23, 24. PH 347.4
Nang tawagan upang inumin ang saro ng kapighatian at kalumbayan, at nang tuksuhin sa kanyang kahirapan na sabihing, “Ang lakas ko’y nawala, at ang aking pag-asa ay nawala sa Panginoon,” naalaala niya ang mga paglalaan ng Dios sa kapakanan niya at matagumpay na kanyang nasabi, “Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagkat ang Kanyang mga habag ay hindi nauubos. Ang mga yao’y bago tuwing umaga: dakila ang Iyong pagtatapat. Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya’t ako’y aasa sa Kanya. Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa Kanya, sa kaluluwa na humahanap sa Kanya. Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.” Panaghoy 3:18, 22-26. PH 348.1