ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

39/69

Kabanata 33—Ang Aklat ng Kautusan

Ang tahimik datapuwat makapangyarihang impluwensya na itinakda sa pagsasagawa ng mga pabalita ng mga propeta tungkol sa Pagkabihag sa Babilonia ay malaki ang nagawa sa paghahanda ng daan sa repormasyong naganap sa ikalabing-walong taong paghahari ni Josias. Ang kilusang repormang ito, na ang hatol ng Dios ay napigilang pansamantala, ay naisagawa sa paraang di inaasahan sa pamamagitan ng pagkatuklas at pag-aaral ng bahagi ng Banal na Kasulatan na sa loob ng maraming taon ay kakatuwang nalagay kung saan at nawala. PH 325.1

Halos isang daang taong makaraan, sa panahon ng unang Paskua na ipinagdiwang ni Ezechias, ang paglalaan ay para sa pang-arawaraw na pampublikong pagbasa ng aklat ng kautusan sa bayan ng mga saserdoteng tagapagturo. Ang pagtupad sa mga kautusang itinala ni Moises, lalo na yaong ibinigay sa aklat ng tipan, na bahagi ng Deuteronomio, ang nagbigay ng kasaganaan sa paghahari ni Ezechias. Datapuwat isinaisantabi ni Manases ang mga kautusang ito; at sa panahon ng paghahari niya ang sipi ng aklat ng kautusan para sa templo, dahilan sa kapabayaan, ay nawala. Kung kaya’t sa loob ng maraming taon ang bayan ay nawalan ng pagtuturo nito. PH 325.2

Ang siping matagal nang nawala ay nasumpungan ni Hilkias sa templo, ang punong saserdote, samantalang ang gusali ay dumaranas ng malawakang pagsasaayos sang-ayon sa panukala ni Haring Josias na maingatan ang banal na gusali. Inabot ng punong saserdote ang mahalagang tomo kay Saphan, isang marunong na eskriba, na bumasa nito at dinala ito sa hari na taglay ang istorya ng pagkakatuklas nito. PH 325.3

Nakilos nang gayon si Josias nang mabasa niya sa unang pagkakataon ang mga payo at babalang nakatala sa matandang sulat na ito. Kailanman ay hindi niya nadamang lubos ang malinaw na inilahad ng Dios sa Israel ang “buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa” (Deuteronomio 30:19); at kung paanong paulit-ulit na sila ay pinayuhang piliin ang daan ng buhay, upang sila ay maging kapurihan sa lupa, isang pagpapala sa lahat ng mga bansa. Ipinayo ni Moises sa Israel, “Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila,” ang payo ni Moises sa Israel; “sapagkat ang Panginoon mong Dios ay Siyang yumayaong kasama mo; hindi ka Niya iiwan, ni pababayaan ka Niya.” Deuteronomio 31:6. PH 325.4

Ang aklat ay sagana sa kasiguruhan ng pagiging handa ng Dios na magligtas nang lubusan sa kanilang maglalagak ng lubos na tiwala sa Kanya. Kung paanong gumawa Siya sa pagliligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto, gayon din Siya ay malakas na gagawa sa pagtatatag sa kanila sa Lupang Pangako at sa paglalagay sa kanila sa unahan ng mga bansa sa lupa. PH 326.1

Ang mga pampasiglang alok bilang gantimpala ng pagsunod ay sinamahan ng mga propesiya ng mga paghatol laban sa mga masuwayin at nang marinig ng hari ang mga kinasihang salita, nakilala niya sa larawang iniharap sa kanya, ang mga kundisyong katulad noong talagang namamayani sa kanyang kaharian. Kaugnay ng mga propesiyang ito ng paglalarawan ng paglayo mula sa Dios, nagulat na makapagsalita siya ng malinaw na tumutukoy na ang araw ng kalamudad ay mabilis na dumarating at walang magiging lunas. Ang wika ay malinaw; di mapagkakamalan ang kahulugan ng mga salita. Sa katapusan ng tomo, sa pagbubuod ng pakikitungo ng Dios sa Israel at paulit-ulit na mga pangyayari sa hinaharap, ang mga bagay na ito ay higit pang niliwanag. Sa pandinig ng buong Israel, inihayag ni Moises: PH 326.2

“Makinig kayo, mga langit, at ako’y magsasalita;
At pakinggan, ng lupa, ang mga salita ng aking bibig.
Ang aking aral ay papatak na parang ulan,
Ang aking salita ay bababa na parang hamog,
Gaya ng ambon sa malambot na damo,
At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin:
Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon:
Dakilain ninyo ang ating Dios.
Siya ang Bato, ang Kanyang gawa ay sakdal:
Sapagkat lahat Niyang daan ay kahatulan:
Isang Dios na tapat at walang kasamaan,
Matuwid at banal Siya.” Deuteronomio 32:1-4.
PH 326.3

“Alalahanin mo ang mga araw ng una,
Isipin mo ang mga taon ng lahi’t lahi:
Itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo.
Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana,
Nang Kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
Kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan
Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay Kanyang bayan;
Si Jacob ang bahaging mana Niya.
Kanyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain,
At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
Kanyang kinanlungan sa palibot, Kanyang nilingap,
Kanyang iningatang parang salamin ng Kanyang mata.” Talatang 7-10.

PH 327.1

“Nang magkagayo’y kanyang pinabayaan ang Dios na lumalang sa kanya,
At niwalang kabuluhan ang Bato na kanyang kaligtasan.
Siya’y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos.
Sa pamamagitan ng mga karumaldumal, mmungkahi nila
Siya sa kagalitan.
Kanilang inihain sa mga demonyo, na hindi Dios;
Sa mga diyos na hindi nila nakilala,
Sa mga bagong diyos, na kalilitaw pa lamang,
Na hindi kinatakutan ng inyong mga magulang.
Sa Batong nanganak sa iyo ay nagwalang bahala ka,
At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo.

“At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila,
Dahil sa pamumungkahi ng Kanyang mga anak na lalaki,
at babae.
At Kanyang sinabi, Aking ikukubli ang Aking mukha sa kanila,
Aking titingnan kung anong mangyayari sa kanilang wakas:
Sapagkat sila’y isang napakasamang lahi,
Na mga anak na walang pagtatapat.
Kinilos nila Ako sa paninibugho doon sa hindi Dios;
Kanilang minungkahi Ako sa galit sa kanilang mga walang kabuluhan:
At Akin silang kikilusin sa paninibugho sa mga hindi bayan;
Aking ipamumungkahi sila sa galit, sa pamamagitan ng isang
mangmang na bansa.”

“Aking dadaganan sila ng mga kasamaan;
Aking gugugulin ang Aking busog sa kanila.
Sila’y mangapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init,
At ng mapait na pagkalipol.”

“Sapagkat sila’y bansang salat sa payo,
At walang kaalaman sa kanila.
Oh kung sila’y mga pantas, na kanilang tinalastas ito,
Kung nababatid nila ang kanilang wakas!

Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo,
At ang dalawa’y magpapatakas sa sampung libo,
Malibang ipagbili sila ng kanilang bato,
At ibigay sila ng Panginoon?
Sapagkat ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato,
Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.

“Di ba ito’y natatago sa Akin,
Na natatatakan sa Aking mga kayamanan?
Ang panghihiganti ay Akin, at gayon din ang gantimpala;
Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa:
Sapagkat ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit,
At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali.” Talatang 15-21, 23, 24, 28-31, 34, 35.
PH 327.2

Sa mga talatang ito at iba pang katulad ay inihayag kay Josias ang pag-ibig ng Dios para sa Kanyang bayan at ang pagkamuhi Niya sa kasalanan. Sa pagbasa ng hari sa mga propesiya ng mabilis na hatol sa kanilang pagpapatuloy sa rebelyon, nanginig siya para sa hinaharap. Ang kasamaan ng Juda ay naging dakila; ano na ang kalalabasan ng kanilang patuloy na pagtalikod? PH 328.1

Sa nakaraang mga taon ang hari ay di walang pakialam sa namamayaning idolatriya. “Sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya’y bata pa,” kanyang itinalaga ang kanyang sarili sa paglilingkod ng lubos sa Dios. Pagkaraan ng apat na taon, sa edad na dalawampu, sinikap niyang mabuti na alisin ang tukso mula sa kanyang nasasakupan sa “Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.” “At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at ang mga larawang araw, na nasa ibabaw nila, ay kanyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kanyang pinagputul-putol at dinurog at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila. At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.” 2 Cronica 34:3-5. PH 328.2

Hindi pa nasiyahan sa masinop na paggawa sa lupain ng Juda, ang kabataang hari ay pinalawak ang mga pagsisikap hanggang sa mga bahagi ng Palestinang dating inukupahan ng sampung tribo ng Israel, na iilang nalabi na lamang ang natitira. “At gayon ang ginawa niya,” ang mababasa sa tala, “sa mga bayan ng Manases, at Ephraim, at Simeon, hanggang sa Nepthali” Nang madaanan niya ang kahabaa’t luwang ng mga natupok na tahanan, at “kanyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputul-putol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel,” saka siya nagbalik sa Jerusalem. Talatang 6, 7. PH 329.1

Sa ganito si Josias, mula pa sa kanpng kabataan, na nagsikap na gawing bentahe ang kanyang katungkulan bilang hari na itaas ang mga prinsipyo ng banal na utos ng Dios. At ngayon, habang binabasa sa kanya ni Saphan na eskriba ang aklat ng kautusan, naunawaan ng hari sa tomong ito ang kapmanan ng kaalaman, isang makapangyarihang kasangkapan, sa gawaing reporma na labis niyang ninanais para makita ang gawa sa lupain. Ipinasiya niyang lumakad sa liwanag ng mga payo nito, at gawin din sa abot ng makakaya niya na ipaalam sa kanyang bayan ang mga turo nito at alalayan sila, kung maaari, na linangin ang paggalang at pag-ibig para sa kautusan ng langit. PH 329.2

Datapuwat posible ba na maisagawa ang kinakailangang reporma? Halos naabot na ng Israel ang hangganan ng banal na pagpapahinuhod; at di magtatagal ay tatayo ang Dios upang parusahan silang nagmantsa ng Kanyang pangalan. Nangyari na ang galit ng Panginoon ay nasindihan na laban sa Kanyang bayan. Napuno ng kalungkutan at kabiguan, hinapak ni Josias ang kanyang mga damit at yumukod sa Dios sa kalumbayan ng diwa, na humihingi ng patawad para sa mga kasalanan ng bayang hindi nagsisisi. PH 329.3

Sa panahong pon ang propetisang Hulda ay nakatira sa Jerusalem, malapit sa templo. Ang isipan ng hari na puno ng bagabag, ay natuon sa kanya, at nagpasyang magtanong tungkol sa Panginoon sa pamamagitan ng piling mensaherang ito na maalaman, kung maaari, kahit sa anong paraan na sakop ng kanyang kapangyarihan na mailigtas ang nagkakasalang Juda, na ngayon ay nasa bingit ng pagkawasak. PH 329.4

Ang bigat ng situwasyon at paggalang niya sa propetisa ang dahilan kung bakit pinili ng hari ang mga pangunahing lalaki sa kaharian upang maging mensahero niya. Inutos niya sa kanila, “Kayo’y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagkat hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.” 2 Hari 22:13. PH 329.5

Sa pamamagitan ni Hulda ay ipinaabot ng Panginoon kay Josias na ang dumarating na hatol sa pagkawasak ng Jerusalem ay di na mapipigil. Kahit na ang bayan ngayon ay magpakababa sa harapan ng Dios, hindi na sila makakatakas pa sa kanilang kaparusahan. Gayon namanhid ang kanilang damdamin sa pamamagitan ng masamang gawa, kung ang kahatulan ay di darating sa kanila, sila ay madali ring babalik sa katulad na makasalanang landas. “Saysayin ninyo sa lalaki na nagsugo sa inyo sa akin,” pahayag ng propetisa, “Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, Ako’y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, samakatuwid baga’y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda: sapagkat kanilang pinabayaan Ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga diyos upang ipamungkahi nila Ako sa galit sa lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya’t ang .Aking paginit ay mag-aalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.” Talatang 1517. PH 330.1

Ngunit dahilan sa ang hari ay nagpakababa sa Dios, ang Panginoon ay kikilalanin ang bilis ng kanyang paghingi ng patawad at habag. Ipinaabot sa kanya ang pabalita: “Sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang Aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito, na sila’y magiging kagibaan at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap Ko; ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon. Kaya’t narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa; at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na Aking dadalhin sa dakong ito.” Talatang 19, 20. PH 331.1

Dapat ipaubaya ng hari sa Dios ang mga kaganapan sa hinaharap; hindi niya mababago ang walang hanggang mga utos ng Jehova. Datapuwat sa paghahayag ng mga ganting hatol sa Langit, hindi binabawi ng Panginoon ang mga pagkakataong magsisi at magreporma; at si Josias, sa pagkadama sa isipang ito ng Dios na ang kahatulan ay lagyang kahabagan, ay nagpasyang gawin ang lahat ng makayanan upang magsagawa ng mga kinakailangang reporma. Isinaayos niya kaagad ang isang malaking kapulungan, na dito ay inanyayahan ang mga matatanda at mahistrado ng Jerusalem at Juda, kasama nang mga karaniwang tao. Ang mga ito, kasama ang mga saserdote at mga Levita, kinatagpo ang hari sa korte ng templo. PH 331.2

Sa malaking kapulungang ito’y binasa ng hari ang “lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.” 2 Hari 23:2. Ang haring nagbasa ay lubos na naapektuhan, at inihayag niya ang kanyang mesahe ng may pakikiramay ng pusong sawi. Ang mga nangakinig sa kanya ay tunay na nakilos. Ang nasa loob ng damdamin ng hari ay bakas sa kanyang mukha, ang kabanalan mismo ng mensahe, ang babala ng darating na paghatol—lahat ng ito’y may epekto, at marami ang lumapit upang makisama sa hari sa paghingi ng kapatawaran. PH 331.3

Ngayon ay nagpahayag si Josias sa kanilang may pinakamataas na katungkulan na makiisa sa bayan sa taimtim na pakikipagtipan sa Dios na makipagtulungan sa isa’t isa sa pagsisikap na isagawa ang mga pinagpasyahang pagbabago. “Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, at upang ingatan ang Kanyang mga utos, at ang Kanyang mga patotoo at ang Kanyang mga palatuntunan ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito.” Ang tugon ay mas makabagbag damdamin kaysa sa inaasahan ng hari: “Ang buong bayan ay nanayo sa tipan.” Talatang 3. PH 332.1

Sa repormasyong sumunod, binalingan ng hari ang pagwawasak ng lahat ng tanda ng idolatriyang nananatili pa. Matagal na ang ang mga naninirahan sa bayan ay sumusunod sa mga gawi ng mga lupaing nakapalibot sa pagyukod sa mga imaheng kahoy at bato, anupa’t halos hindi kaya ng kapangyarihan ng tao na alisin ang bawat bahid ng mga kasamaang ito. Datapuwat nagtiyaga si Josias sa pagsisikap na linisin ang lupain. Matigas na hinarap niya ang idolatriya sa pagpaslang ng “lahat na saserdote sa mga mataas na dako;” “bukod dito’y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diyus-diyusan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda at sa Jerusalem, ay pinag-aalis ni Josias, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilkias na saserdote sa bahay ng Panginoon.” Talatang 20, 24. PH 332.2

Sa panahon ng pagkahati ng kaharian, mga daang taong nauna, nang si Jeroboam na anak ni Nebat, sa matapang na paglaban sa Dios na pinaglingkuran ng Israel, ay nagsisikap na ilayo ang puso ng bayan palayo mula sa mga serbisyo sa templo sa Jerusalem tungo sa mga bagong porma ng pagsamba, nagtayo siya ng di itinalagang dambana sa Bethel. Sa pagtatalaga ng altar na ito, na marami sa mga panahong darating na magagayuma tungo sa mga idolatriyang gawain, may biglang lumitaw na lalaki ng Dios mula sa lupain ng Juda, na may salita ng sansala sa mga pamumusong na gawang ito. At siya’y “sumigaw laban sa dambana,” at nagsabi: PH 332.3

“Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon; Narito, isang bata’y ipanganganak sa sambahayan ni David, na ang pangalan ay Josias; at sa iyo’y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.” 1 Hari 13:2. Ang pahayag na ito ay sinamahan pa ng tanda na ang salita ay galing sa Panginoon. PH 332.4

Tatlong daang taon ang lumipas. Sa panahon ng repormasyon na ginawa ni Josias, natagpuan ng hari ang kanyang sanli sa Bethel, sa lugar na kung saan nakatayo ang matandang altar. Ang propesiyang binabanggit maraming taong nauna, sa harap ni Jeroboam ay matutupad na literal ngayon. PH 335.1

” Ang dambana na nasa Bethel, at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, samakatuwid baga’y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kanyang ibinagsak, at kanyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera. PH 335.2

“At pagpihit ni Josias, ay kanyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok, at siya’y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalaki ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito. PH 335.3

“Nang magkagayo’y kanyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalaki ng bayan sa kanya, Yao’y libingan ng lalaki ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel. At kanyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.” 2 Hari 23:15-18. PH 335.4

Sa burol ng Olivet sa timog, katapat ng magandang templo ni Jehova sa Bundok ng Mona ay naroroon ang mga groto at imahen na inilagay ni Solomon upang bigyang kasiyahan ang kanyang mga asawang mananamba sa diyus-diyusan. Tingnan ang 1 Hari 11:6-8. Sa loob ng tatlong daang taon ang mga malaki’t, depormadong mga imaheng ito ay nakatayo sa “Bundok ng Katitisuran,’’ bilang tahimik na mga saksi sa pagtalikod ng pinakapantas na hari ng Israel. Ang mga ito, rin, ay inalis at winasak ni Josias. PH 335.5

Dinagdagan pa ng hari ang pagsisikap na itatag ang pananampalataya ng Juda sa Dios ng kanilang mga magulang sa pagdaraos ng isang dakilang kapistahan ng Paskua, ayon sa mga paglalaang ginawa sa aklat ng kautusan. Paghahanda ay isinagawa noong mga nangangasiwa ng mga banal na paglilingkod, at sa dakilang araw ng kapistahan, mga paghahandog ay malayang isinagawa. “Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong Paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga han man sa Juda.” 2 Hari 23:22. Datapuwat ang sigasig ni Josias, na tinatanggap naman ng Dios ay hindi makababawi sa mga kasalanan ng nakaraang mga lahi; o ang kabanalang ipinakita ng mga tagasunod ng hari ay makapagpapabago ng puso ng marami na matigas na tumangging tumalikod mula sa idolatriya tungo sa pagsamba sa tunay na Dios. PH 335.6

Mahigit sampung taon matapos ang pagdiriwang ng Paskua, ay nagpatuloy si Josias na maghari. Sa gulang na tadumpu’t siyam ay namatay siya sa isang pakikidigma sa mga puwersa ng Egipto, “at nalibing sa mga libingan ng kanyang mga magulang.” “At ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias. At tinaghuyan ni Jeremias si Josias: at ang lahat na mang-aawit na lalaki at babae ay nagsipanambitan tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito; at sila’y nagsigawa ng alintuntunin sa Israel: at, narito, nangasusulat sa mga panaghoy.” 2 Cronica 35:24, 25. “At walang naging han na gaya na una sa kanya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kanya na gaya niya. Gayon ma’y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng Kanyang malaking pagiinit,...dahil sa lahat na pamumung-kahi na iminungkahi ni Manases sa Kanya.” 2 Hari 23:25, 26. Mabilis na lumalapit ang panahong ang Jerusalem ay lubusang mawawasak at ang mga nananahan sa lupain ay dadalhing bihag sa Babilonia, upang doon ay matutuhan ang mga liksyong tinanggihan nilang matutuhan sa mga pagkakataong mainam. PH 336.1