ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

38/69

Kabanata 32—Manases at Josias

Ang kaharian ng Juda, na masagana sa buong kapanahunan ni Ezechias, ay muli pang bumaba sa mahabang taon ng masamang paghahari ni Manases, nang ang paganismo ay muling binuhay, at marami sa bayan ay naakay sa idolatriya. “At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anupa’t sila’y nagsigawa ng higit na sama kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.” 2 Cronica 33:9. Ang maluwalhating liwanag ng mga sinundang saling lahi ay nasundan ng kadiliman ng pamahiin at kamalian. Malaganap na kasamaan ay lumitaw at yumabong—ang pagmamalupit, pang-aapi, pagkamuhi sa lahat ng mabuti. Ang katuwiran ay pinilipit; ang karahasan ay namayani. PH 316.1

Gayunman ang panahon ng kasamaang iyon ay hindi nawalan ng mga saksi para sa Dios at sa matuwid. Ang sumusubok na mga karanasang nadanas sa panahon ni Ezechias ay nabuo sa puso ng marami, ng katatagan ng likas na ngayon ay nagsilbing tanggulan laban sa namamayaning kasamaan. Ang patotoo nila para sa katotohanan at katuwiran ay nagpainit ng galit ni Manases at kanyang mga kasama sa otoridad, na nagsisikap itatag ang mga sarili sa paggatwa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa bawat tinig na di kaayon. “Bukod dito’y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kanyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila.” 2 Hari 21:16. PH 316.2

Isa sa mga unang bumagsak ay si Isaias, na sa loob ng mahigit sa limampung taon ay tumayo sa harapan ng Juda bilang kinatawan ni Jehova. “At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman: sila’y pinagbabato, pinaglalagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabakj sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing; na mga salat, nangapipighad, tinatampalasan; (na sa mga yaon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan:) na nangaliligaw sa mga ilang, at sa mga kabundukan, at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.” Hebreo 11:36-38. PH 316.3

Ang ilan sa mga nagdanas ng pag-uusig sa paghahari ni Manases ay naatasang magdala ng tanging mga pabalita ng sansala at ng paghatol. Ang hari ng Juda, ang mga propeta ay nagsabi “gumawa ng kasamaan na higit...na una sa kanya.” Dahil sa kasamaang ito, ang kanyang kaharian ay napapalapit sa isang krisis; di maglalaon ang mga nakatira sa lugar na yaon ay madadalang bihag sa Babilonia, na maging “bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.” 2 Han 21:11, 14. Datapuwat ang Panginoon ay di lubusang tatalikod sa kanila kahit na sa ibang lupain kung kikilalanin Siya bilang kanilang Hari; maaaring magdanas sila ng dakilang kahirapan, gayunman ay ipagkakaloob Niya sa kanila ang pagliligtas sa Kanyang takdang panahon at paraan. Silang maglalagak ng pagtitiwala sa Kanya ay makasusumpong ng tiyak na tanggulan. PH 317.1

May katapatang nagpatuloy ang mga propeta sa kanilang mga babala at kanilang mga payo; walang takot na sinabihan nila si Manases at ang Kanyang bayan; datapuwat ang mga pabalita ay inismiran lamang; ang tumatalikod na Juda ay ayaw makinig. Bilang pauna ng parusang tatanggapin ng bayan kung patuloy silang di magsisisi, ipinahintulot ng Panginoon na ang kanilang hari ay mabihag ng isang pulutong ng mga kawal Asyrio, na “may tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kanya sa Babilonia,” ang pansamantalang kabisera. Ang kapighatiang ito ang nagdala sa hari sa kanyang katinuan; “siya’y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kanyang mga magulang, at dumalangin sa Kanya: at siya’y dininig, at pinakinggan ang kanyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo ',y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay Siyang Dios.” 2 Cronica 33:11-13. Datapuwat ang pagsisising ito, bagama’t katangi-tangi ay huli na upang mailigtas ang kaharian mula sa mga nagpapasamang impluwensya ng mga taon ng gawaing idolatriya. Marami ang nadapa at nahulog, na hindi na muling bumangon. PH 317.2

Kabilang doon na ang kanilang karanasan sa buhay ay lubusang nahubog ng nakamamatay na pagtalikod ni Manases, ay ang sariling anak, na sa edad na dalawampu’t-dalawang taon ay umakyat sa trono. Kay Haring Amon ay nasusulat: “Siya’y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kanyang ama, at naglingkod sa mga diyus-diyusan na pinaglingkuran ng kanyang ama, at sinamba niya ang mga yaon: at binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanyang mga magulang” (2 Hari 21:21, 22); “siya’y hindi nagpakumbaba sa harap ng Panginoon, na gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama; kundi ang Amon ding ito ay siyang sumalangsang ng higit at higit.” Ang masamang hari ay hindi pinahintulutang maghari ng matagal. Sa gitna ng kanyang walang takot sa kasamaan, dalawang taon lamang mula ng malukluk sa trono, siya’y napatay sa palasyo ng kanyang sariling mga lingkod; at “ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kanyang anak na kahalili niya.” 2 Cronica 33:23, 25. PH 317.3

Sa pag-upo ni Josias sa trono, na kung saan siya ay maghahari sa loob ng tadumpu’t-isang taon, ang mga nag-ingat ng kadalisayan ng kanilang pananampalataya ay nagsimulang umasa na ang pabulusok na landas ng kaharian ay mapipigil; sapagkat ang bagong hari, gayong walong taong gulang lamang, ay takot sa Dios, at mula pa sa pasimula “siya’y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kanyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.” 2 Hari 22:2. Ipinanganak ng masamang hari, nakaharap sa mga tuksong sundin ang yapak ng ama, at may iilang tagapayo na magmumungkahi ng tamang landas, gayunman si Josias ay tapat sa Dios ng Israel. Nababalaan ng mga kamalian ng nakaraang mga saling lahi, pinili niyang gumawa ng matuwid, sa halip na pumaibaba sa antas ng kasalanan at kawalan ng kahihiyang kinahulugan ng kanyang ama at kanyang lolo. “Hindi siya bumaling sa kanan o sa kaliwa man.” Bilang isang nasa posisyon ng pagkakatiwala, nagpasya siyang sundin ang mga tagubilin na ibinigay para sa patnubay ng mga pangulo ng Israel, at ang pagsunod niya ay naging posible para sa Dios na gamitin siya bilang sisidlang ikararangal. PH 318.1

Sa panahong nagsimulang maghari si Josias, at sa maraming taon bago nito, ang tunay na Judiong tapat ang puso ay nagtatanong na kung ang mga pangako ng Dios sa matandang Israel ay matutupad nga. Sa isipan ng tao ay parang imposibleng matupad ang mga banal na adhikain ng Dios para sa bayang pinili. Ang pagtalikod ng mga nakaraang daang taon ay lumakas pa sa paglakad ng mga taon; ang sampung tribo ay nangalat sa mga pagano; tanging ang mga tribo ng Juda at Benjamin ang nalabi, at kahit na ngayon ay nasa bingit na rin ng moral at pambansang pagkawasak. Ang mga propeta ay nagsimulang magpropesiya tungkol sa pagkawasak ng kanilang magandang siyudad, na doon nakatayo ang templong ginawa ni Solomon, at doon lahat ng kanilang mga makalupang pag-asa ng pambansang kadakilaan ay nakasentro. Maaari kaya na ang Dios ay tatalikod na sa Kanyang inaaming adhikaing magdadala ng kaligtasan sa kanilang maglalagak ng pagtitiwala sa Kanya? Sa harap ng patuloy na mahabang pag-uusig sa mga matuwid, at nakikitang kasaganaan ng masama, maaari kaya na silang mga nanatiling tapat sa Dios ay umasa ng lalong mabuting mga panahon? PH 318.2

Ang nakakasakit na mga katanungang ito ay naibulalas ni propeta Habacuc. Minamasdan ang kalagayan ng mga tapat sa kanyang kapanahunan, ibinulalas niya ang pasanin ng kanyang puso sa pag- uusisa: “Oh Panginoon, hanggang kailan dadaing ako, at hindi Mo didinggin! ako’y dadaing sa Iyo dahil sa pangdadahas, at hindi Ka magliligtas! Bakit pinagpapakitaan Mo ako ng kasamaan, at Iyong pinamamasdan ang kasamaan? sapagkat ang kasiraan at pangdadahas ay nasa harap ko: at may pakikipag-alit at pagtatalong bumabangon. Kaya’t ang kautusan ay natitigil, at ang katarungan ay hindi lumalabas kailanman: sapagkat kinukulong ng masama ang matuwid; kaya’t ang kahatulan ay lumalabas na liko.” Habacuc 1:2-4. PH 319.1

Tinugon ng Dios ang daing ng Kanyang mga tapat na anak. Sa pamamagitan ng Kanyang piling tagapagsalita inihayag Niya ang Kanyang kapasyahang magdala ng parusa sa mga bansang tumalikod sa Kanya upang maglingkod sa mga diyos ng pagano. Kahit na sa panahon nilang nagtatanong tungkol sa hinaharap, mahimalang huhubugin Niya ang mga gawa ng mga bansang naghahari sa lupa at dadalhin ang Babilonia sa paghahari. Ang mga Caldeong ito, “mabagsik at nakakatakot,” ay biglang raragasa sa lupain ng Juda bilang sumpang sugo ng langit. Talatang 7. Ang mga prinsipe ng Juda at ang pinakamainam sa bayan ay madadalang bihag sa Babilonia; ang mga siyudad ng Juda at mga bayan at mga bukirin ay matitiwangwang; walang maliligtas. PH 320.1

Tiwala na kahit na ang nakakatakot na hatol na ito ang layunin ng Dios para sa Kanyang bayan ay maaaring maganap sa ibang paraan, si Habacuc ay yumuko na may pagpapasakop sa nahayag na kalooban ni Jehova. “Di baga Ikaw ay mula sa walang hanggan, Oh Panginoon kong Dios, aking Banal?” kanyang ipinahayag. At pagkatapos, ang kanyang pananampalataya na umaabot sa kabila ng nananakot na pangitain ng malapit na hinaharap, at mabilis na kakapit sa mahahalagang mga pangako na naghahayag ng pag-ibig ng Dios para sa Kanyang nagtitiwalang mga anak, idinagdag ng propeta, “Hindi kami mangamamatay.” Talatang 12. Sa paghahayag na ito ng pananampalataya ay isinuko niya ang kanyang usapin, at ng bawat mananampalatayang Israelita sa mga kamay ng mahabaging Dios. PH 320.2

Hindi lamang ito ang karanasan ni Habacuc sa pagsasanay ng matibay na pananampalataya. Sa isang okasyon, noong nagmumunimuni tungkol sa hinaharap, kanyang sinabi, “Ako’y tatayo sa aking bantayan, at lalagay ako sa moog, at tatanaw upang maalaman ko kung ano ang Kanyang sasalitain sa akin.” Mabiyayang sumagot ang Panginoon sa kanya: “Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato, upang makatakbo ang bumabasa niyaon. Sapagkat ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat, ay hintayin mo; sapagkat walang pagsalang daradng hindi magtatagal. Narito, ang kanyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kanya: ngunit ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” Habacuc 2:1-4. PH 320.3

Ang pananampalatayang nagpalakas kay Habacuc at sa mga banal at sa matuwid sa mga araw na iyon ng dakilang pagsubok ay siya ring pananampalatayang nagpapanatili sa bayan ng Dios ngayon. Sa pinakamadidilim na oras, sa mga pangyayaring hindi kanais-nais, ang mananampalatayang Kristiano ay maaaring maglagak ng kanyang sarili sa bukal ng lahat na liwanag at kapangyarihan. Sa bawat araw, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Dios, ang kanyang pag-asa at tapang ay mananariwa. “Ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.” Sa paglilingkod sa Dios ay hindi kailangan ang kawalan ng pag-asa, ng pag-aalinlangan, ng takot. Tutuparin ng Panginoon nang higit ang pinakamataas na inaasahan nilang naglagay ng kanilang tiwala sa Kanya. Ipagkakaloob Niya ang karunungang kailangan sa mga iba’t ibang bagay. PH 321.1

Sa masaganang pagpapalang nagawa para sa bawat natuksong kaluluwa, si apostol Pablo ay naghayag ng patotoo. Sa kanya ay ibinibigay ang kasiguruhan ng langit, “Ang Aking biyava ay sapat para sa iyo: sapagkat ang Aking kalakasan ay ginagawang sakdal sa kahinaan.” Sa pagpapasalamat at pagtitiwala ang subok na lingkod ng Dios ay tumugon: “Ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan, kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan, upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan m Kristo. Kaya ng ako’y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis dahil kay Kristo: sapagkat pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas.” 2 Corinto 12:9, 10. PH 321.2

Dapat nating mahalin at bungkalin ang pananampalatayang dito ay nagpatotoo ang mga propeta at mga apostol—ang pananampalatayang nanghahawakan sa mga pangako ng Dios at naghihintay ng pagliligtas sa Kanyang takdang panahon at paraan. Ang tiyak na salita ng propesiya ay matutupad sa wakas sa maluwalhating pagdating ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ang panahon ng paghihintay ay maaaring nagtatagal, ang kaluluwa ay maaaring mabigatan ng mga nakapanglulupaypay na pangyayari, marami sa kanilang pinagkatiwalaan ay bumagsak; datapuwat kasama ng propetang nagsikap na pasiglahin ang Juda sa panahon ng di mapantayang pagtalikod, may pagtitiwalang ihayag natin, “Ngunit ang Panginoo’y nasa Kanyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap Niya.” Habacuc 2:20. Lagi nating alalahanin ang nagpapasiglang pabalita, “Sapagkat ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating, hindi magtatagal.... Ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” Talatang 3, 4. PH 321.3

“Oh Panginoon, buhayin Mo ang Iyong gawa sa gitna ng mga taon,
Sa gitna ng mga taon ay Iyong ipabatid;
Sa kapootan ay alalahanin Mo ang kaawaan.

“Ang Dios ay nanggaling mula sa Teman,
At ang Banal ay mula sa Bundok ng Paran.
Ang Kanyang kaluwalhatia’y tumakip sa langit,
At ang lupa’y napuno ng Kanyang kapunhan.
At ang Kanyang ningning ay parang liwanag;
Siya’y may mga sinag na nagbubuhat sa Kanyang kamay:
At doo’y nakukubli ang Kanyang kapangyarihan.
Sa unahan Niya’y nagpapauna ang salot.
At nagmmngas na baga ang lumalabas sa Kanyang mga paa.
Siya’y tumayo, at sinuka ang lupa:
Siya’y tumingin, at pinaghiwalay ang mga bansa;
At ang mga walang hanggang bundok ay nangalat,
Ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod:
Ang Kanyang mga lakad ay gaya noong araw.”

“Ikaw ay lumabas sa ikaliligtas ng Iyong bayan,
Sa ikaliligtas ng Iyong pinahiran ng langis.”

“Sapagkat bagama’t ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
Ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
Ang bunga ng olivo ay maglilikat,
At ang mga bulad ay hindi magbibigay ng pagkain;
Ang kawan ay mahihiwalay sa kulungan,
At hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan:
Gayon ma',y magagalaka ko sa Panginoon,
PH 322.1

Ako’y magagalak sa Dios ng aking kaligtasan.
Si Jehova, na Panginoon, Siyang aking lakas.” Habacuc 3:2-6, 13, 17-19.
PH 323.1

Si Habacuc ay hindi lamang nag-iisa na sa pamamagitan niya ay binigyan ng maliwanag na mensahe ng pag-asa at ng darating na tagumpay gayun din ng kasalukuyang hatol. Sa panahon ng paghahari ni Josias ang salita ng Panginoon ay dumating kay Zefanias, na nagtitiyak na malinaw sa mga bunga ng patuloy na pagtalikod, at tinatawagan ng pansin ang tunay na iglesia sa maluwalhating tanawin sa dako pa roon. Ang mga propesiya niya ng darating na hatol sa Juda ay angkop at may kapantay na puwersa sa mga hatol na igagawad sa sanlibutang di magsisisi hanggang sa oras ng ikalawang pagparito ni Kristo: PH 323.2

“Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na,
At nagmamadaling mainam,
Sa makatuwid baga',y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon:
Ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagim-lagim.

“Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan,
Kaarawan ng kabagabagan at kahapisan,
Kaarawan ng kawakasan at kasiraan,
Kaarawan ng kadiliman at kalumbayan,

“Kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman,
Kaarawan ng pakakak at ng hudyatan
Laban sa mga bayang nakukutaan,
At laban sa mataas na kuta.” Zefanias 1:14-16.
PH 323.3

“At Aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao, na sila’y magsisilakad na parang mga bulag, sapagkat sila’y nangagkasala laban sa Panginoon: at ang kanilang dugo ay mabububo na parang alabok.... Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng Kanyang paninibugho: sapagkat wawakasan Niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” Talatang 17, 18. PH 323.4

“Kayo’y magpipisan, oo, magpipisan,
Oh bansang walang kahihiyan;
PH 323.5

Bago ang pasya’y lumabas,
Bago dumaang parang dayami ang kaarawan,
Bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon,
Bago dumating sa inyo ang kaarawan ng galit ng Panginoon.

“Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa,
Na nagsigawa ng ayon sa Kanyang kahatulan;
Hanapin ninyo ang katuwiran,
Hanapin ninyo ang kaamuan:
Kaypala ay malilingid kayo Sa kaarawan ng galit ng Panginoon.” Zefanias 2:1-3.
PH 324.1

“Narito, sa panahong yao’y Aking parurusahan ang lahat na mga dumadalamhati sa iyo: at Aking ililigtas ang napipilay, at Aking pipisanin ang pinalayas; at Aking gagawin silang kapurihan at kabantugan, na ang kahihiyan nila ay napasa buong lupa. Sa panahong yao',y Aking ipapasok kayo, at sa panahong yao',y Aking pipisanin kayo: sapagkat Aking gagawin kayong kabantugan at kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, pagka Aking ibinalik kayo sa harap ng inyong mga mata mula sa inyong pagkabihag, sabi ng Panginoon.” Zefanias 3:19, 20. PH 324.2

“Umawit ka, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh Israel;
Ikaw ay matuwa at magalak ng buong puso,
Oh anak na babae ng Jerusalem.
Inalis ng Panginoon ang mga kahatulan sa iyo,
Kanyang iniwaksi ang iyong kaaway:
Ang Hari sa Israel, samakatuwid baga’y ang Panginoon,
Ay nasa gitna mo:
Hindi ka na matatakot pa sa kasamaan.

“Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem, Huwag kang matakot:
Oh Sion, huwag manghina ang iyong mga kamay.
Ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo
Na makapangyarihan na magliligtas,
Siya’y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan;
Siya’y magpapahinga sa Kanyang pag-ibig,
Siya’y magagalak sa iyo na may pag-awit.” Talatang 14-17.
PH 324.3