ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

33/69

Kabanata 28—Si Ezechias

Kabaligtaran ng walang habas na paghahari ni Ahaz ay ang repormasyong nahayag sa mabungang paghahari ng kanyang anak. Umupo si Ezechias sa tronong may marubdob na layuning gawin ang buong makakaya niya upang iligtas ang Juda sa hantungang pasimulang nararanasan ng kaharian sa hilaga. Ang mga pabalita ng mga propeta ay hindi nagbibigay ng pag-asa sa mga kalahating pagsisikap lamang. Tanging sa may kapasyahang repormasyon mahahadlangan ang nagbabantang mga paghatol. PH 274.1

Sa krisis, si Ezechias ay napatunayang lalaki ng pagkakataon. Kauupo pa lamang sa trono ay sinimulan na niya ang pagpapanukala at pagsasagawa nito. Inuna niyang bigyang pansin ang pagbabalik ng mga serbisyo sa templo, na matagal nang napabayaan; at sa gawaing ito ay matamang hiningi niya ang pakikiisa ng mga saserdote at mga Levitang nanatiling tapat sa kanilang banal na pagkatawag. May tiwala sa kanilang tapat na suporta, inihayag niyang malaya sa kanila ang kanyang naising magpasok ng madalian at matagalang reporma. “Ang ating mga magulang ay nagsisalangsang,” kanyang sinabi, “at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan Siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.” “Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang Kanyang malaking galit ay maalis sa atin.” 2 Cronica 29:6, 10. PH 274.2

Sa ilang piling salita ay nirepaso ng hari ang kalagayang kinakaharap nila—ang templong sarado at pagkatigil ng mga serbisyo roon; ang malawakan at hayagang idolatriya na ginagawa sa mga lansangan ng siyudad at sa buong kaharian; ang pagtalikod ng karamihang nanatili sanang tapat sa Dios kung ang mga lider lamang sa Juda ay nagbigay sa kanila ng tamang halimbawa; at ang pagbaba ng kaharian at kawalan ng karangalan sa opinyon ng mga nakapalibot na bansa. Ang kaharian sa hilaga ay unti-unti nang nawawasak; marami ang namamatay sa tabak; isang karamihan ay nadala nang bihag; at di magtatagal ang Israel ay ganap na babagsak sa mga kamay ng taga Asyria, at lubusang mapapahamak; at ang kapalarang ito ay tiyak na daranasin din ng Juda, malibang ang Dios ay gagawang makapangyarihan sa pamamagitan ng mga piling kinatawan. PH 274.3

Tuwirang nanawagan si Ezechias sa mga saserdote upang makipagkaisa sa kanya sa pagpapasok ng mga kailangang reporma. “Huwag kayong mangagpabaya,” pinayuhan niya sila; “sapagkat pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap Niya, at kayo’y maging Kanyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.” “Ngayo’y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang.” Talatang 11,5. PH 275.1

Ito ay panahon para sa madaliang pagkilos. Ang mga saserdote ay agad-agad kumilos. Hiningi ang kooperasyon ng iba ng kanilang bahagi na hindi nakasama sa pulong, sila ay masiglang humarap sa gawain ng paglilinis at pagdadalisay sa templo. Dahilan sa mga taon ng walang paggalang at pagpapabaya, ito ay isinagawa ng may mga kahirapan; datapuwat ang mga saserdote at mga Levita ay walang pagod na gumawa, at sa madaling panahon lamang ay naiulat nilang ang kanilang gawain ay tapos na. Ang mga pintuan ng templo ay nakumpuni at nabuksan; ang mga banal na sisidlan ay natipon at nailagay sa mga angkop na lugar; at ang lahat ay handa na para sa muling pagtatatag ng mga serbisyo sa templo. PH 275.2

Sa unang serbisyong isinagawa, ang mga pinuno ng siyudad ay nakisanib kay haring Ezechias at sa mga saserdote at mga Levita sa paghingi ng tawad para sa kasalanan ng bansa. Sa dambana ay inilagay ang mga handog “upang itubos sa buong Israel.” “At nang sila’y makatapos ng paghahandog, ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.” Minsan pa ang mga korte ng templo ay narinig ang mga kataga ng pagpuri at pagsamba. Ang mga awit nina David at Asaph ay inawit ng may kagalakan, habang ang mga mananamba ay nabatid na sila ay pinalalaya sa pagkabihag sa kasalanan at pagtalikod. “Si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagkat ang bagay ay biglang nagawa.” Talatang 24, 29, 36. PH 275.3

Tunay na inihanda ng Dios ang puso ng mga lider ng Juda upang magsagawa ng tiyakang repormasyon, upang ang nag-uumapaw na pagtalikod ay mapigilan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay ipinadala Niya sa bayang Kanyang hirang ang mga magkakasunod na pabalita ng taimtim na pagsamo—mga pabalitang tinanggihan at inismiran ng sampling tribo ng kaharian ng Israel, na ngayon ay nasa kamay na ng kaaway. Datapuwat sa Juda ay may mabuting nalabi, at sa kanila ay patuloy na nanawagan ang mga propeta. Madirinig si Isaias na nakikiusap, “Kayo’y manumbalik sa Kanya na inyong pinaghimagsikang lubha, Oh mga anak ni Israel.” Isaias 31:6. Madirinig si Mikas na nagpapahayag na may pagtitiwala: “Ako’y maghihintay sa Dios ng aking kaligtasan: didinggin ako ng aking Dios. Huwag kang magalak laban sa akin, Oh aking kaaway: pagka ako’y mabuwal, ako’y babangon; pagka ako’y naupo sa kadiliman, ang Panginoo’y magiging ilaw sa akin. Aking babatahin ang kagalitan ng Panginoon, sapagkat ako’y nagkasala laban sa Kanya, hanggang sa Kanyang ipagsanggalang ang aking usap, at lapatan ako ng kahatulan: Kanyang ilalabas ako sa liwanag, at aking mamasdan ang Kanyang katuwiran.” Mikas 7:7-9. PH 275.4

Ang mga ito at iba pang katulad na mga pabalitang naghahayag ng pagsang-ayon ng Dios na magpatawad at tanggapin silang bumalik sa Kanya ng may taimtim na puso, ay nagdala ng pag-asa sa maraming naghihingalong kaluluwa sa mga panahon ng kadiliman nang ang mga pintuan ng templo ay nanadling nakasara; at ngayon, nang ang lider ay nagpasimulang magsagawa ng reporma, marami sa mga tao, pagod sa pagkabihag ng kasalanan, ay handa nang tumugon. PH 276.1

Ang mga pumasok sa mga korte ng templo upang humingi ng pagpapatawad at upang sariwain ang kanilang panata ng katapatan kay Jehova, ay may kahanga-hangang pampalakas-loob na inihain sa kanila mula sa mga bahagi ng propesiya ng Kasulatan. Ang mga maselang babala laban sa idolatriya, na sinalita sa pamamagitan ni Moises sa pandinig ng buong Israel, ay sinamahan ng mga propesiya ng pagsang-ayon ng Dios na dinggin at patawarin sila sa mga panahon ng pagtalikod ay hahanapin Siya ng buong puso. “Pagka ikaw ay magbabalik-loob sa Panginoon mong Dios,” wika ni Moises, “at iyong didinggin ang Kanyang tinig; (sapagkat ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios;) hindi ka Niya pababayaan, ni lilipulin ka Niya, ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na Kanyang isinumpa sa kanila.” Deuteronomio 4:30, 31. PH 276.2

At sa propesiyang panalanging inihandog sa pagtatalaga ng templo na doon ang mga serbisyo ay muling binubuhay ngayon ni Ezechias at ng mga kasama niya, si Solomon ay nanalangin, “Pagka ang Iyong bayang Israel ay nasaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila’y nagkasala laban sa Iyo, at kung sila’y bumalik sa Iyo, at ipahayag ang Iyong pangalan, at dumalangin at pumanhik sa Iyo sa bahay na ito: dinggin Mo nga sa langit at ipatawad Mo ang sala ng Iyong bayang Israel.” 1 Hari 8:33, 34. Ang tatak ng pagsang-ayon ng Dios ay nabigay sa dalanging ito; sapagkat sa pagtatapos nito ay bumaba ang apoy mula sa langit upang tupukin ang handog na susunugin at ang mga sakripisyo, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa templo. Tingnan ang 2 Cronica 7:1. At sa gabi ay napakita ang Panginoon kay Solomon upang sabihin sa kanya na ang dalangin niya ay nadinig, at ang kahabagan ay ipakikita para sa kanilang sasamba doon. Ang mabiyayang kasiguruhan ay naibigay: “Kung ang Aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng Aking pangalan, ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang Aking mukha, at talikuran ang kanilang masasamang lakad; Akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad Ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin Ko ang kanilang lupain.” Talatang 14. PH 276.3

Ang mga pangakong ito ay nakatanggap ng masaganang katuparan sa panahon ng repormasyon sa ilalim ni Ezechias. PH 278.1

Ang mabuting pasimulang naisagawa sa panahon ng pagdadalisay sa templo ay nasundan ng lalong malawak na ldlusan, na dito ay nakisama ang Israel pati ang Juda. Sa kanyang sigasig upang ang templo ay maging tunay na pagpapala sa bayan, ipinasya ni Ezechias na muling buhayin ang matandang kaugaliang tipunin ang mga Israelita na magkakasama para sa pagdiriwang ng kapistahan ng Paskua. PH 278.2

Sa maraming taon ang Paskua ay hindi ipinagdiriwang bilang pambansang kapistahan. Ang pagkahati ng kaharian sa katapusan ng pagha-hari ni Solomon ay nagawa itong tila impraktikal. Ngunit ang hatol na dumarating sa sampling tribo ay gumigising sa puso ng ilan na hangarin ang lalong maiinam na bagay; at ang nagpapakilos na mga pabalita ng mga propeta ay nagkakaroon ng epekto. Sa pamamagitan ng tagapagbalita ng palasyo ay pinakalat ang paanyaya sa buong lupain upang dumalo sa Paskua sa Jerusalem, “nagdaan sa bayan at bayan sa lupain ng Ephraim at Manases hanggang sa Zabulon.” Ang mga tagapagdala ng mabiyayang paanyaya ay madalas na tinuya. Ang mga di nagsisisi ay isinaisantabi; gayon pa man ang ilan, na nais saliksikin ang Dios para sa mas malinaw na kaalaman ng Kanyang kalooban, ay “nangagpakumbaba, at nagsiparoon sa Jerusalem.” 2 Cronica 30:10,11. PH 278.3

Sa lupain ng Juda ang tugon ay lubhang pangkalahatan; sapagkat nasa kanila ang “kamay ng Dios,” “upang papag-isahing puso sila upang gawin ang utos ng hari at mga prinsipe”—isang utos na kaayon ng kalooban ng Dios na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Talatang 12. PH 278.4

Ang okasyon ay isa sa pinakadakilang pakinabang sa karamihang nagkatipon. Ang nilapastangang mga lansangan ng siyudad ay nalinis mula sa mga grotong inilagay sa panahon ng paghahari ni Ahaz. Sa takdang araw ang Paskua ay ipinagdiwang, at ang sanlinggo ay ginugol sa paghahandog ng kapayapaang paghahandog at sa pag-aaral kung ano ang nais ng Dios na kanilang isagawa. Araw-araw ang mga Levita ay “matalino sa paglilingkod sa Panginoon;” at silang nahanda ang kanilang mga puso sa pagsasaliksik sa Dios, ay nakatagpo ng kapatawaran. Isang malaking kagalakan ang nagmay-ari sa sumasambang karamihan; “ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog;” lahat ay nagkaisa sa kanilang mithiing papurihan Siyang nagpatunay na mapagbiyaya at mahabagin. Talatang 22, 21. PH 278.5

Ang pitong araw na karaniwang ukol sa pista ng Paskua ay mabilis na nagdaan, at ang mga sumasamba ay nagpasyang gumugol pa ng pitong araw upang alaming lubusan kung ano ang daan ng Panginoon. Ang mga saserdoteng tagapagturo ay nagpatuloy sa kanilang gawain ng pagtuturo tungkol sa aklat ng kautusan; araw-araw ay nagtipon ang mga tao sa templo upang maghandog ng kanilang handog ng papuri at pagpapasalamat; at sa pagtatapos ng dakilang pagpupulong na ito, malinaw na nakitang ang Dios ay gumawang kahanga-hanga sa pagkahikayat ng tumalikod na Juda at sa pagpigil sa agos ng idolatriyang nagbantang mag-anod sa lahat bago ito. Ang malalim na mga babala ng mga propeta ay hindi nawalan ng kabuluhan. “Sa gayo’y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagkat mula sa panahon ni Solomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.” Talatang 26. PH 279.1

Dumating ang oras para sa mga mananambang magbalik sa kanilang mga tahanan. “Ang mga saserdote na mga Levita ay nagsidndig at binasbasan ang bayan: at ang kanilang tinig ay narinig, at ang kanilang dalangin ay umilanglang sa Kanyang banal na tahanan, hanggang sa langit.” Talatang 27. Tinanggap ng Dios silang may bagabag na puso na nangumpisal ng kanilang mga kasalanan at may matibay na pasyang bumalik sa Kanya sa patawad at tulong. PH 279.2

May natitira ngayong mahalagang gawain na dapat kasangkutan ng lahat ng babalik sa kanilang mga tahanan, at ang katuparan ng gawaing ito ay nagbigay patotoo sa katunayan ng repormasyong sinimulan. Mababasa sa tala: “Ang buong Israel na nakaharap ay lumabas sa mga bayan ng Juda, at pinagputol-putol ang mga haligi na pinakaalaala, at ibinuwal ang mga Asera, at iginiba ang mga mataas na dako at ang mga dambana mula sa buong Juda at Benjamin, sa Ephraim man at sa Manases, hanggang sa kanilang naigibang lahat. bawat isa’y sa kanyang pag-aari, sa kanilang sariling mga bayan.” 2 Cronica 31:1. PH 279.3

Itinatag ni Ezechias at ng mga kasama niya ang iba’t ibang reporma para sa pagtatayo ng espirituwal at temporal na interes ng kaharian. “Siya’y gumawa ng mabuti at matuwid at tapat sa harap ng Panginoon niyang Dios. At sa bawat gawain na kanyang pinasimulan,...kanyang ginawa ng buong puso niya, at guminhawa.” “Siya’y tumiwala sa Panginoon, na Dios ng Israel,...siya’y hindi humiwalay ng pagsunod sa Kanya, kundi iningatan ang Kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises. At ang Panginoon ay sumasa kanya; saan man siya lumabas ay gumi-ginhawa siya.” Talatang 20, 21; 2 Hari 18:5-7. PH 280.1

Ang paghahari ni Ezechias ay kinakitaan ng mga nakahanay na katangi-tanging mga paglalaan ng Dios na nagpakita sa mga palibot na mga bansa na ang Dios ng Israel ay kasama pa rin ng Kanyang bayan. Ang tagumpay ng Asyria sa pagbihag ng Samana at ang pangangalat ng nasirang nalabi ng sampung tribo sa mga bansa, sa unang bahagi ng kanyang paghahari, ay nagbigay isipan sa marami na magtanong tungkol sa kapangyarihan ng Dios ng mga Hebreo. Dulot ng kanilang mga tagumpay, ang mga taga Ninive ay matagal nang iniwan ang pabalita ni Jonas at naging rebelde sa kanilang oposisyon sa mga adhikain ng Langit Hang taon matapos bumagsak ang Samaria ang mga matagumpay na hukbo ay muling lumitaw sa Palestina, at ngayon ay nakatuon ang puwersa sa mga nakukutaang siyudad ng Juda, at nagkamit ng tagumpay, datapuwat umatras din sila ng isang panahon dahilan sa kahirapang bumabangon sa ibang bahagi ng kanilang kaharian. Hanggang sa makaraan ang ilang mga taon, sa pagtatapos ng paghahari ni Ezechias, mahahayag sa mga bansa sa lupa kung ang mga diyos ng mga pagano ay mangingibabaw nga sa wakas. PH 280.2