ANG KASAYSAYAN NG MGA PROPETA AT MGA HARI

26/69

Kabanata 22—“Ninive, Ang Dakilang Siyudad”

Kabilang sa mga siyudad ng matandang sanlibutan sa panahon ng nahating Israel isa sa pinakadakila ay ang Ninive, ang kapitolyo ng kaharian ng Asyria. Natatag sa mabungang lupain ng ilog ng Tigris, matapos ang pangangalat ng tao mula sa tore ng Babel, ito ay lumago at yumabong sa paglakad ng mga daangtaon hanggang naging “totoong malaking bayan, na tadong araw na lakarin.” Jonas 3:3. PH 220.1

Sa panahon ng kanyang pansamantalang kasaganaan ang Ninive ay sentro ng krimen at kasamaan. Ito ay nilalarawan sa kasulatang isang “mabagsik na bayan,...puspos na lubos ng kabulaanan at mga agaw.” Inihambing ni propeta Nahum ang siyudad sa isang leong mabagsik. Siya’y nagtanong, “sinong hindi nadaanan ng iyong kasamaan?” Nahum 3:1, 19. PH 220.2

Bagaman gayon kasama ang Ninive, hindi naman ito lubusang nadala sa kasamaan. Siya na “minamasdan ang lahat ng anak ng tao” (Awit 33:13) at “nakakakita ng bawat mahalagang bagay” (Job 28:10) ay nakita pa rin sa siyudad na ito ang maraming nais umabot sa lalong mabuting bagay, at siya, at kung mabibigyang pagkakataon lamang na maalaman ang tungkol sa Dios na buhay, ay magwawaksi ng kanilang ginagawang kasamaan at sasamba sa Kanya. Kung kaya’t sa karunungan ng Dios Siya ay nagpahayag sa paraang di mapagkakamalan, upang akayin sila, kung maaari, sa pagsisisi. PH 220.3

Ang instrumentong napili ukol dito ay ang propetang Jonas, na anak ni Amittai. Ang salita nga ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap Ko.” Jonas 1:1,2. PH 220.4

Habang iniisip ng propeta ang kahirapan at parang napakaimposible ng gawaing nabigay sa kanya, natukso siyang magtanong sa karunungan ng kanyang pagkatawag. Sa isipang tao ay parang walang pakinabang sa paghahayag ng pabalita sa siyudad na itong mayabang at mapagmataas. Nakalimutan niyang sa sandaling iyon na ang Dios na kanyang pinaglilingkuran ay marunong at makapangyarihan sa lahat. Habang nag-aatubili, at nag-aalinlangan, ginupo siya ni Satanas ng panglulupaypay. Ang propeta ay nalupig ng sindak, at siya ay “bumangon upang tumakas na patungo sa Tarsis.” Sa pagtungo sa Joppa, at nakasumpong doon ng sasakyang handa ng umalis, “nagbayad siya ng upa niyaon, at siya’y lumulan, upang yumaong kasama nila.” Talatang 3. PH 220.5

Sa kapanagutang ibinigay sa kanya, si Jonas ay pinagkatiwalaan ng dakilang kapanagutan; gayunman Siyang tumawag sa kanya na humayo ay nagpalakas sa Kanyang lingkod at nagkaloob ng tagumpay. Kung ang propeta ay sumunod na walang alinlangan, di sana siya dumaan sa mga mapapait na karanasan, at pinagpalang lubos. Datapuwat kahit na sa oras ng kalumbayan ni Jonas ay di siya iniwan ng Dios. Sa sunud-sunod na pagsubok at kakatuwang paglalaan, ang pagtidwala ng propeta sa Dios at sa Kanyang walang katapusang kapangyarihan ay nabuhay. PH 221.1

Kung, sa unang pagtawag sa kanya, ay nilimi itong mataman ni Jonas, nakita sana niya ang kahangalan ng anumang pagsisikap niyang tumakas sa kapanagutang nabigay sa kanya. Datapuwat hindi matagal na siya ay pinayagang hindi masawata sa kanyang kahangalan. “Ang Panginoon ay nagpasapit ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, na anupa’t ang sasakyan ay halos masira. Nang magkagayo’y nangatakot ang mga taong dagat at dumaing ang bawat tao sa kani-kanyang diyos, at kanilang inihagis sa dagat ang mga dala-dalang nangasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Ngunit si Jonas ay bumaba sa pinakaloob na bahagi ng sasakyan; at siy'y nahiga, at nakatulog ng mahimbing.’’ Talatang 4, 5. PH 221.2

“Habang ang mga nasa sasakyan ay tumatawag sa kanilang mga diyos, ang puno ng sasakyang bagabag, ay lumapit kay Jonas at sinabi, “Ano ang inaakala mo, O matutulugin? bumangon ka, tumawag ka sa iyong Dios, baka sakaling alalahanin ng Dios tayo upang huwag tayong mangamatay.” Talatang 6. PH 221.3

Ngunit ang dalangin ng taong lumiko mula sa landas ng tungkulin ay di nagdala ng tulong. Ang mga marino, sa pag-iisip na ang malakas na bagyo ay tanda ng galit ng kanilang mga diyos, ay nagmungkahi ng huling paraan ng palatuntunan, “upang ating maalaman,” sabi nila, “kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin. Sa gayo’y nangagsapalaran sila, at ang palad ay nahulog kay Jonas. Nang magkagayo’y sinabi nila sa kanya, Isinasamo namin sa iyo na iyong saysayin sa amin, kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin; ano ang iyong hanap-buhay? at saan ka nanggaling?, ano ang iyong lupain? at taga saang bayan ka? PH 221.4

“At kanyang sinabi sa kanila, Ako ay isang Hebreo; at ako’y may takot sa Panginoon, ang Dios ng langit, na Siyang gumawa ng dagat at ng tuyong lupa. PH 222.1

“Nang magkagayo’y nangatakot na mainam ang mga tao, at sinabi sa kanya, Ano itong iyong ginawa? Sapagkat talastas ng mga tao na siya’y tumakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagkat isinaysay niya sa kanila. PH 222.2

“Nang magkagayo’y sinabi nila sa kanya, Anong gagawin namin sa iyo, upang ang dagat ay tumahimik sa adn? sapagkat ang dagat ay lalo’t lalong umuunos. At sinabi niya sa kanila, Ako’y inyong buhatin, at ihagis ninyo ako sa dagat; sa gayo’y ang dagat ay tatahimik sa inyo: sapagkat talastas ko na dahil sa akin dumating ang malaking unos na ito sa inyo. PH 222.3

“Gayon ma’y ang mga lalaki ay nagsisigaod na mainam upang bumalik sa lupa; ngunit hindi nila magawa: sapagkat ang dagat ay lalo’t lalong umuunos laban sa kanila. Kaya’t sila’y nagsidaing sa Panginoon, at nangagsabi, Ipinamamanhik namin sa Iyo, Oh Panginoon, ipinamamanhik namin sa Iyo, huwag Mong ihulog sa amin ang walang salang dugo: sapagkat Ikaw, Oh Panginoon, Iyong ginawa ang nakalulugod sa Iyo. Sa gayo’y kanilang binuhat si Jonas, at inihagis sa dagat: at ang dagat ay tumigil sa kanyang poot. Nang magkagayo’y nangatakot na mainam ang mga tao sa Panginoon, at sila’y nangaghandog ng isang hain sa Panginoon, at nagsipanata. PH 222.4

“At inihanda ng Panginoon ang isang malaking isda upang lamunin si Jonas. At si Jonas ay napasa tiyan ng isda na tatlong araw at tatlong gabi. PH 222.5

“Nang magkagayo’y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Dios mula sa tiyan ng isda, at kanyang sinabi: PH 222.6

” Tinatawagan ko ang Panginoon dahil sa aking pagdadalamhati,
At Siya’y sumagot sa akin;
Mula sa tiyan ng Sheol ako’y sumisigaw,
At Iyong dininig ang aking tinig.
PH 222.7

“Sapagkat inihagis Mo ako sa kalaliman, Sa gitna ng dagat;
At ang tubig ay nasa palibot ko:
Ang lahat ng Iyong alon at lahat ng Iyong malalaking
alon ay umaapaw sa akin.

“At aking sinabi, ako’y nahagis mula sa harap ng Iyong mga mata;
Gayon may titingin ako uli sa Iyong banal na templo.
Kinukulong ako ng tubig sa palibot, Hanggang sa kaluluwa:

“Ang kalaliman ay nasa palibot ko,
Ang mga damong dagat ay pumipilipit sa aking ulo.
Ako’y bumaba sa mga kaiba-ibabaan ng mga bundok;
Ang lupa sangpu ng kanyang halang ay tumakip sa akin
magpakailanman:

“Gayon ma’y isinasampa Mo ang aking buhay mula
sa hukay, Oh Panginoon kong Dios.
Nang ang aking kaluluwa ay nanlulupaypay sa loob
ko, naaalala ko ang Panginoon:
At ang aking dalangin ay umabot, Sa loob ng Iyong banal na templo.

“Ang nagsisilingap ng mga walang kabuluhang magdaraya
Binabayaan ang kanilang sari+ling kaawaan.
Ngunit ako’y maghahain sa Iyo ng tinig ng pagpapasalamat;
Aking tutuparin yaong aking ipinanata.
Kaligtasa’y sa Panginoon. Talatang 7 hanggang 2:9.
PH 223.1

Sa wakas ay natutuhan ni Jonas na ang “pagliligtas ay ukol sa Panginoon.” Awit 3:8. May pagsisisi at pagkakilala ng nagliligtas na biyaya ng Dios, dumating ang pagliligtas. Iniligtas si Jonas mula sa mga panganib ng dagat at dinala sa tuyong lupa. PH 223.2

Minsan pa ang lingkod ng Dios ay inatasang magbigay babala sa Ninive. “At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Ngayon siya ay sumunod ng walang pag-aalinlangan. “Bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon.” Jonas 3:1-3. PH 223.3

Nang pumasok si Jonas sa bayan, nagpasimula kaagad siya, at siya’y “sumigaw,” at nagsasabi, “Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” Talatang 4. Sa bawat lugar siya ay nagtungo, at pinaabot ang babala. PH 223.4

Ang pabalita ay di nasayang. Ang tinig na umalingawngaw sa mga lansangan ng siyudad na walang pagkakilala sa Dios ay nagpalipatlipat sa mga labi hanggang sa ang buong siyudad ay nakarinig ng nakakagulat na pahayag na ito. Ang Espiritu ng Dios ang nagdiin ng pabalita sa bawat puso at umakay sa karamihan upang manginig dahilan sa kanilang mga kasalanan at magsisi sa malalim na kahihiyan. PH 224.1

“At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios, at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay?” Talatang 5-9. PH 224.2

Habang ang mga marangal at karaniwang tao, mataas at mababa ay “nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas” (Mateo 12:41) at nagsanib sa pagtangis sa Dios ng langit, ang Kanyang habag ay ipinagkaloob. At “nakita ng Dios ang kanilang mga gawa,” na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.” Jonas 3:10. Ang kanilang pagkawasak ay nahadlangan, ang Dios ng Israel ay naitaas at naparangalan sa buong lupain ng mga pagano, at ang Kanyang kautusan ay iginalang. Dumaan pa ang maraming taon bago ang Ninive ay bumagsak sa mga kalapit na bansa dahilan sa pagkalimot nila sa Dios at dahilan sa kanilang pagmamataas. [Sa tala ng pagbagsak ng Asyria, tingnan ang kabanata 30.] PH 224.3

Nang malaman ni Jonas ang adhikain ng Dios na iligtas ang bayan, sa kabila ng kasamaan nito, ay nadala sa pagsisising may basahan at abo, siya sana ang dapat na naunang nagalak dahilan sa kahangahangang biyayang ito ng Dios; datapuwat sa halip ay binayaan niyang ang isip ay malagak sa posibilidad na siya ay tanghaling isang bulaang propeta. Sa pagtatanggol sa sariling reputasyon, nawala sa kanya ang lalong malaking halaga ng mga kaluluwa sa dustang siyudad na ito. Dahil sa habag na ipinakita ng Dios sa nagsipagsising taga Ninive “naghinanakit na mainam si Jonas, at siya’y nagalit.” Di baga ito ang aking sinabi,” tanong niya sa Panginoon, “nang ako’y nasa aking lupain pa? Kaya’t ako’y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis: sapagkat talastas ko na Ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang loob, at nagsisisi Ka sa kasamaan.” Jonas 4:1, 2. PH 224.4

Muli ay naakay siya sa pag-aalinlangan at pagtatanong, at muli siya ay nagapi ng panlupaypay. Nawala ang tanawin ng interes para sa iba, at pagkadama ng naising mabuting mamatay na kaysa makita ang siyudad na maligtas, naibulalas niya, “Kaya nga, Oh Panginoon, isinasamo ko sa Iyo, na kitlin Mo ang aldng buhay; sapagkat mabuti sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.” PH 225.1

“Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit?” ang sagot ng Panginoon. “Nang magkagayo’y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo’y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kanyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Pangmoong Dios ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang iligtas siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo’y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon.” Talatang 3-6. PH 225.2

At binigyan ng Panginoon si Jonas ng isang liksyon. “Naghanda ang Dios ng isang uod nang mag-umaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anupa’t natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anupa’t siya’y nanlupaypay, at hiniling niya tungkol sa kanya na siya’y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.” PH 225.3

At sinabi muli ng Dios sa Kanyang propeta, “Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.” PH 225.4

“At sinabi ng Panginoon, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: at hindi baga Ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawampung libong katao na hindi marunong magmuni-muni ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Talatang 7-11. PH 225.5

Nagugulumihanan, napahiya, at hindi maunawaan ang layunin ng Dios sa pagliligtas sa Ninive, gayunman ay nagampanan ni Jonas ang gawaing ibinigay sa kanya upang bigyang babala ang dakilang siyudad na yaon; at bagaman ang mga pangyayaring ipinopropesiya ay di naganap, gayunman ang babala ay walang pagsalang nagmula sa Dios. At naisagawa nito ang layunin ng Dios sa pagbibigay babala. Ang kaluwalhatian ng Kanyang biyaya ay nahayag sa mga pagano. Silang matagal nang tumatahan sa “kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw,” “nang magkagayo’y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,” at “iniligtas Niya sila sa kanilang kahirapan. Inilabas Niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali.” “Sinugo Niya ang Kanyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.” Awit 107:10, 13, 14,20. PH 226.1

Si Kristo noong panahon ng Kanyang ministervo sa lupa ay binanggit Niya ang kabutihang nagawa ng pangangaral ni Jonas sa Ninive, at inihambing ang mga naninirahan sa sentrong ito ng kawalang pagkakilala sa Dios sa nagpapanggap na bayan ng Dios sa Kanyang kapanahunan. Kanyang ipinahayag, “Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama sa lahing ito, at ito’y hahatulan: sapagkat sila’y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at, narito, dito’y may isang lalong dakila kaysa kay Jonas.” Mateo 12:40, 41. Sa abalang mundo, puno ng masigabong komersyo at magulong kalakalan, na kung saan ang mga tao ay nagsisikap na makuha ang lahat para sa kanyang sarili, si Kristo ay dumating; at higit sa kalituhan ang Kanyang tinig, gaya ng trumpeta ng Dios, ay narinig: “Ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapapahamak ang kanyang buhay? sapagkat anong ibibigav ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” Marcos 8: 36, 37. PH 226.2

Kung paanong ang pangangaral ni Jonas ay tanda para sa mga taga Ninive, ang pangangaral ni Kristo ay tanda sa Kanyang saling lahi. Datapuwat anong kaibahang pananaw ng pagtanggap sa babala! Gayunman sa harap ng paglibak at pagwawalang bahala ang 1 agapagligtas ay patuloy na gumawa, hanggang sa magampanan ang Kanyang misyon. PH 226.3

Ang liksyon ay ukol sa mga mensahero ng Dios ngavon, na ang mga siyudad ng mga bansa ay nangangailangan din ng pagkaalain ng mga likas at adhikain ng tunay na Dios tulad ng sa Ninive noon. Ang mga einbahador ni Kristo ay dapat ituro ang tao sa lalong marangal na sanlibutan, na nawala na sa pananaw ng tao. Ayon sa turo ng Banal na Kasulatan, ang tanging siyudad na mananatili ay yaong ang nagtayo at gumawa ay ang Dios. Sa mata ng pananampalataya ay maaanng matanaw ng tao ang pintuan ng langit, na nagniningning sa buhay na kalmvalhatian ng Dios. Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod ang Panginoong Jesus ay tumatawag sa mga tao na may binanal na adhikain ay matamo ang walang kamatayang pamana. Nag-aanyaya Siyang maglagak ng kayamanan sa tabi ng trono ng Dios. PH 227.1

Mabilis at tivakang may dumarating na pansanlibutang pagkadama ng kasalanan sa mga nananahan sa siyudad, dahilan sa patuloy na pagdami ng katampalasanan. Ang kabulukang nagaganap ay higit pa sa kakayahan ng panulat ng taong ilarawan. Bawat araw ay naghahatid ng bagong paghahayag ng kaguluhan, pagsuhol, at pandaraya; bawat araw ay may taglay na nakakarimarim na karahasan at paglabag sa batas, ng kawalang malasakit sa pagdurusa ng tao, ng brutal at makademonyong pagwasak ng buhay. Bawat araw ay patotoo ng kabaliwan, pagpatay, at pagkitil sa sariling buhay. PH 227.2

Sa bawat panahon ay sinikap ni Satanas na alisin sa tao ang pagkaunawa tungkol sa masaganang panukala ng Jehova. Inaalis niya sa kanilang pamngin ang mga dakilang bagay ng utos ng Dios—mga simulain ng katarungan, kahabagan, at pag-ibig na siyang nilalaman nito. Ipinagmamalaki ng mga tao ang kahanga-hangang pagsulong ng liwanag ng panahong kinabubuhayan natin; datapuwat nakikita ng Dios ang lupa na puno ng kasamaan at karahasan. Inihahayag ng mga tao na ang utos ng Dios ay lumipas na, na ang Biblia ay hindi kapani-paniwala; at bilang bunga, ang anod ng kasamaang, di pa nakita mula sa mga kaarawan ni Noe at Israel na tumalikod, ay lumalaganap sa buong sanlibutan. Ang karangalan ng kaluluwa, kaamuan, kabanalan, ay ipinagpapalit upang sapatan ang pita sa mga ipinagbabawal na bagay. Ang maitim na ulat ng krimeng nagagawa para sa kapakinabangan ay sapat upang magpalamig sa dugo at punuin ang kaluluwa ng hilakbot. PH 228.1

Ang adng Dios ay Dios ng kahabagan. May pagpapahinuhod at malumanay na kahabagan na Siya ay nakikitungo sa mga tagasalangsang sa Kanyang utos. Gayunman, sa adng panahon, kapag ang mga lalaki at mga babae ay mayroong mga pagkakataong maging bihasa sa Banal na Sulat, ang dakilang Han ng sansinukob ay di makatinging may kasiyahan sa mga siyudad, na doo’y naghahan ang krimen at karahasan. Ang wakas ng pagtitiyaga ng Dios sa kanilang patuloy na pagsuway ay mabilis na lumalapit. PH 228.2

Magugulat na lamang ba ang mga tao sa bigla at di inaasahang pagbabago ng pakikitungo ng Dakilang Pinuno sa mga nananahan sa sanlibutang nahulog sa kasalanan? Dapat ba silang magtaka kapag ang parusa ay kasunod ng paglabag at paglago ng krimen? Dapat ba silang magulat na ang Dios ay magdadala ng pagkawasak at kamatayan sa kanilang ang kayamanan ay nakamit sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan? Sa kabila ng lumalaking liwanag tungkol sa mga kahilingan ng Dios sa kanilang mga landas, marami ang tumangging kilalanin ang pagiging hari ni Jehova, at pinili pang manatili sa ilalim ng maitim na bandila ng nagpasimula ng lahat ng paghihimagsik laban sa pamahalaan ng langit. PH 228.3

Ang pagpapahinuhod ng Dios ay napakadakila—gayon kadakila na kung iisipin naon ang patuloy na insulto sa Kanyang mga banal na utos, tayo ay magtataka. Ang Makapangyarihan sa lahat ay Siya na ring pumipigil sa kapangyarihan ng Kanyang likas. Datapuwat tiyak namang Siya ay babangon upang parusahan ang masama, na matapang pa sa paglaban sa mga tumpak na pag-aangkin ng Dekalogo. PH 229.1

Ipinahihintulot ng Dios sa mga tao ang isang takda ng palugit; ngunit may puntong sa kabila nito ang pasensya ng Dios ay ubos na, at ang mga hatol ng Dios ang tiyak na kasunod. .Ang Panginoon ay matagal na nakikipagpunyagi sa mga tao at mga siyudad, may kahabagang nagbibigay ng mga babala upang maligtas sila sa galit na banal; datapuwat darating ang oras na ang mga pagsamo sa kahabagan ay di na pakikinggan pa, at ang mapanghimagsik na elemento na patuloy na tumatanggi sa liwanag ng katotohanan ay buburahin, sa kahabagan na rin sa kanila at doon sa madadala pa ng kanilang impluwensya. PH 229.2

Dumarating ang panahon na magkakaroon ng kapanglawan sa mundo na hindi magagamot ng gamot ng tao. Ang Espintu ng Dios ay binabawi na. Mga sakuna sa dagat at lupa ay madalas na nagaganap. Malimit nating nababalitaan ang mga lindol at tornado, ang pangwawasak ng apoy at baha, na may malaking pinsala sa buhay at ari-arian! Sa malas ang mga kalamidad na ito ay kapritso ng walang kaayusang kalikasan, na wala na sa kontrol ng tao; datapuwat sa lahat ng mga ito, mababasa natin ang layunin ng Dios. Kabilang ito sa mga ahensyang ginagamit ng Dios upang gisingin ang mga lalaki at mga babae sa pagkadama ng panganib. PH 229.3

Ang mga mensahero ng Dios sa mga dakilang siyudad ay di dapat manghina ang loob sa mga kasamaan, sa walang katarungan, sa kababaang moral na kanilang kinakaharap samantalang nagsisikap maghayag ng mabuting balita ng kaligtasan. Palalakasin ng Panginoon ang loob ng gayong manggagawa tulad ng pabalitang ipinagkaloob Niya kay apostol Pablo sa masamang Corinto: “Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik: sapagkat Ako’y sumasaiyo, at sinuma’y hindi ka madadaluhong upang saktan ka: sapagkat makapal ang mga tao Ko sa bayang ito.” Mga Gawa 18:9, 10. Silang nasa paglilingkod ng pagliligtas ng kaluluwa ay tandaang kung marami man ang di makikinig sa payo ng Dios sa Kanyang salita, ang buong sanlihutan ay hindi tatalikod mula sa liwanag at katotohanan, mula sa paanyaya ng Isang matiyaga, at mapagpahinuhod na Tagapagligtas. Sa bawat siyudad, puspos man ito ng karahasan at krimen, marami rin ang sa pamamagitan ng tumpak na pagtuturo ay matututuhang maging mga tagasunod ni Jesus. Libu-Iibo ang maaabot ng nagliligtas na katotohanan at maaakay sa pagtanggap kay Kristo bilang personal na Tagapagligtas. PH 229.4

Ang pabalita ng Dios sa mga nananahan sa lupa ngayon ay, “Kaya nga kayo’y magsihanda naman: sapagkat paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” Mateo 24:44. Ang mga kalagayan ng lipunan ngayon, lalo na sa mga dakilang siyudad ng mga bansa, ay naghahayag na parang kulog na ang oras ng paghatol ng Dios ay dumating na at ang wakas ng lahat ng bagay sa sanlibutan ay narito na. Nakatayo tayo ngayon sa pintuan ng krisis ng buong kapanahunan. Sa mabilis na pagkakasunod-sunod ang mga hatol ng Dios ay patuloy na darating—apoy, at baha, at lindol, digmaan at pagdanak ng dugo. Hindi tayo dapat magtaka sa panahong ito sa mga pangyayaring dakila at nagaganap; sapagkat ang anghel ng kahabagan ay hindi maaaring ikanlong pa ang hindi nagsisisi. PH 230.1

“Narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa Kanyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kanyang dugo, at hindi na tatakpan ang kanyang nangapatay.” Isaias 26:21. Ang bagyo ng galit ng Dios ay namumuo; at tanging silang tumugon sa paanyaya ng kahabagan, tulad ng mga taga Ninive sa pangangaral ni Jonas, at napabanal sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng banal na Hari ang makatatayo. Ang matuwid lamang ang matatago kay Kristo sa Dios hanggang ang pagkawasak ay lumipas. Bayaan natin ang pangungusap ng ating kaluluwa ay maging: PH 230.2

“Ibang kanlungan ay wala ako,
Ang kaluluwa kong walang lakas ay nasanding sa Iyo;
Huwag, huwag Mo akong iiwan!
Tangkilikin at paginhawahin ako.

“Itago Mo ako, o Tagapagligtas ko!
Hanggang ang bagyo ay makalipas;
Panatag hanggang sa kanlungan, At sa wakas ako sa Iyo ay manahan!”
PH 230.3