Masayang Pamumuhay
Ang Nawalang Tupa
Sa pagkakataong ito ay hindi ipinagunita ni Kristo sa mga nagsisipakinig sa Kanya ang mga salita ng Kasulatan. Siya'y nanawagan na ginawang saksi ang kanilang sariling karanasan. Ang malalawak na talampas sa silangan ng Jordan ay nagbibigay ng masaganang pastulan sa mga kawan, at sa makikitid na landas at sa ibabaw ng makahoy na kaburulan ay nagsigala ang maraming nangawawalang tupa, na dapat hanapin at maibalik sa pag-aalaga ng pastor. Sa pulutong na nakapalibot kay Jesus ay mayroon doong mga pastor, at mga tao rin namang nagsipamuhunan ng salapi sa mga kawan ng tupa at mga bakahan, at pahahalagahan ng lahat ang Kanyang ilalarawan o ihahalimbawa: “Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kanyang masumpungan?” MP 187.1
Ang mga kaluluwang ito na inyong hinahamak, wika ni Jesus, ay pag-aari ng Diyos. Sa pamamagitan ng paglikha at pagtubos ay Kanya ang mga ito, at ang mga ito ay mahalaga sa Kanyang paningin. Kung paanong inibig ng pastor ang kanyang mga tupa, at hindi makatigil kung may kahit isang nawawala, ay gayundin naman, sa isang lalong lubos na mataas na antas, ay iniibig ng Diyos ang bawa't itinatakwil na kaluluwa. Maaaring tanggihan ng mga tao ang pag-aangkin ng Kanyang pag-ibig, maaari silang lumayo sa Kanya, maaari silang pumili ng ibang panginoon; gayunpaman sila ay sa Diyos, at labis ang pagnanais Niya na mabawi ang sariling Kanya. Sinasabi Niyang, “Kung paanong hinahanap ng pastor ang kanyang kawan sa kaarawan na siya'y nasa gitna ng kanyang mga tupa na nangangalat; gayon Ko hahanapin ang Aking mga tupa, at ililigtas Ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa maulap at madilim na araw.”1 MP 187.2
Sa talinhaga ang pastor ay humayo upang hanapin ang isang tupa,—ang pinakamaliit na maibibigay na bilang. Kaya nga kung nagkaroon lamang ng isang waglit na kaluluwa, nanaisin ni Kristong mamatay para sa isang yaon. MP 189.1
Ang tupang nawala sa kulungan ay siyang pinakawalang-kaya sa lahat ng mga nilalang. Dapat iyong hanapin ng pastor, sapagka't hindi niyon masusumpungan ang daang pauwi. Ganyan din sa kaluluwang napalayo sa Diyos; siya'y walang-kayang gaya ng nawalang tupa, at malibang dumating sa kanya ang banal na pag-ibig upang siya'y iligtas, hindi niya kailanman matatagpuan ang kanyang daang pabalik sa Diyos. MP 189.2
Ang pastor na nakatuklas na ang isa sa kanyang mga tupa ay nawawala, ay hindi titingin nang walang-bahala sa kawang ligtas na natitipon sa kulungan, at magsasabing, “Mayroon pa akong siyamnapu't siyam, at ako'y totoong mahihirapan sa paghahanap ng isang napaligaw. Babayaan ko siyang kusang umuwi, at aking bubuksan ang pintuan ng kulungan, at siya'y papapasukin.” Hindi; karaka-rakang ang tupa ay mawala ay nalilipos na ng pagkalumbay at pagkabalisa ang pastor. Binibilang niya nang paulit-ulit ang kawan. Sa sandaling matiyak niya na ang isang tupa ay nawawaglit, ay hindi siya nakakatulog. Iniiwan niya ang siyamnapu't siyam sa loob ng kulungan, at siya'y humahayo na hinahanap ang naligaw na tupa. Kapag lalong madilim at lalong masungit ang gabi, at kapag lalong mapanganib ang daan, ay lalo namang lumalaki ang pagkabalisa ng pastor, at lalong sumisigasig ang kanyang paghahanap. Gumagawa siya ng lahat na agsisikap upang makita ang isang nawawalang tupa. MP 189.3
Gaano nga ang kaginhawahan ng kanyang loob ka- pag narinig niya sa malayo ang unang mahinang iyak nito. Sinusundan ang iyak, kanyang inaakyat ang pinakamatarik na kataasan, kanyang pinupuntahan ang mismong gilid ng bangin, na isinasapanganib ang kanyang sariling buhay. Sa ganitong paraan siya naghahanap, habang ang pahina nang pahinang iyak ay nagpapahiwatig sa kanya na ang kanyang tupa ay handa nang mamatay. Sa wakas ay ginagantimpalaan ang kanyang pagsisikap; ang nawawala ay natatagpuan. Hindi nga niya ito pinagagalitan dahil sa ito'y nakapagdulot ng lubhang malaking kabagabagan sa kanya. Hindi niya ito itinataboy pauwi sa pamamagitan ng isang latiko o pamalo. Ni hindi niya ito sinusubukang akaying pauwi. Sa kanyang kagalakan ay pinapasan niya ang nanginginig na nilikha sa kanyang mga balikat; kung ito'y nagalusan o nasugatan, kanya itong kinakalong sa kanyang mga bisig, na hinahapit sa kanyang dibdib, upang ang init ng kanyang sariling puso ay makapagbigay rito ng buhay. Taglay ang pasasalamat na ang kanyang paghahanap ay hindi nabigo, kanya itong pinapasang pabalik sa kulungan. MP 189.4
Salamat sa Diyos, hindi Siya nagbigay sa ating diwa ng larawan ng isang nalulungkot na pastor na umuuwing walang-dalang tupa. Ang talinhaga ay hindi nagbabadya ng kabiguan, kundi ng tagumpay, at ng kagalakan sa nakuhang-muli. Narito ang garantiya o pangako ng Diyos na wala isa man sa nawawalang tupa sa kulungan ng Diyos na kinaliligtaan, wala isa mang pinababayaang di-nasaklolohan. Ang bawa't isang nagpapasakop upang patubos, ay ililigtas ni Kristo sa balon ng kasamaan, at sa dawagan ng kasalanan. MP 190.1
Nawawalan-ng-pag-asang kaluluwa, laksan mo ang iyong loob, kahit na ikaw ay nakagawa nang masama. Huwag mong isipin na marahil ay patatawarin ng Diyos ang iyong mga pagsalansang, at pahihintulutan kang makalapit sa Kanyang harapan. Gumawa na ang Diyos ng unang paglapit. Nang ikaw ay naghihimagsik laban sa Kanya, Siya'y humayo upang hanapin ka. Taglay ang mapagmahal na puso ng pastor na iniwan Niya ang siyamnapu't siyam, at lumabas sa ilang upang hanapin ang nawala. Ang kaluluwang nagalusan at nasugatan at handa nang mamatay, ay Kanyang kinulong sa Kanyang mga bisig ng pag-ibig, at buong kagalakang dinala ito sa kulungan ng kaligtasan. MP 190.2
Iniaral ng mga Hudyo na bago ilawit sa makasalanan ang pag-ibig ng Diyos, ay dapat muna siyang magsisi. Sa kanilang kuru-kuro, ang pagsisisi ay isang gawaing sa pamamagitan nito ay natatamo ng mga tao ang paglingap ng langit. At ang isipang ito ang umakay sa mga Pariseo upang sa laki ng pagkakamangha at galit ay bumulalas ng, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan.” Ayon sa kanilang mga kuru-kuro ay wala Siyang dapat na pahintulutang lumapit sa Kanya kundi yaong mga nakapagsisi na. Nguni't sa talinhaga ng nawalang tupa, itinuturo ni Kristo na ang kaligtasan ay hindi dumarating sa pamamagitan ng ating paghahanap sa Diyos, kundi sa pamamagitan ng paghahanap ng Diyos sa atin. “Walang nakatatalastas, walang humahanap sa Diyos. Silang lahat ay nagsilihis.”1 Hindi tayo nagsisisi upang tayo'y ibigin ng Diyos, kundi ipinakikita Niya sa atin ang Kanyang pag-ibig upang tayo ay magsipagsisi. MP 191.1
Kapag ang naligaw na tupa ay maiuwi na sa wakas, ang pasasalamat ng pastor ay naipahahayag sa matataginting na awit ng katuwaan. Kanyang tinatawag ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, at sa kanila'y sinasabi, “Makipagkatuwa kayo sa akin; sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala.” Kaya nga kapag ang isang lagalag ay natatagpuan ng dakilang Pastor ng tupa, ang langit at lupa ay nagkakaisa o nagsasanib sa nagpapasalamat at pagsasaya. MP 191.2
“Magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid, na di nangailangang magsipagsisi.” Kayong mag Pariseo, wika ni Kristo, itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mga itinatangi ng langit. Ang akala ninyo sa inyong mga sarili ay ligtas na kayo sa inyong sariling katwiran. Alamin nga ninyo, na kung hindi ninyo kailangan ang pagsisisi, ang Aking misyon ay hindi sa inyo. Ang mga kahabag-habag na kaluluwang ito na nakadarama ng kanilang karukhaan at pagiging-makasalanan, ay sila mismo ang pinaparituhan Ko upang iligtas. Ang mga anghel ng langit ay nagmamalasakit sa mga waglit na ito na inyong hinahamak. Kayo'y nagrereklamo at nanunuva kapag ang isa sa mga kaluluwang ito ay nakikisama sa Akin; datapwa't alamin ninyo na ang mga anghel ay nangagkakatuwa, at ang awit ng tagumpay ay tumataginting sa buong korte ng kalangitan. MP 191.3
May isang kasabihan ang mga rabi na mayroon daw pagkakatuwaan sa langit kapag ang isang nagkasala laban sa Diyos ay pinupuksa; subali't itinuro ni Jesus na sa Diyos ang gawang pagpuksa ay isang kakaibang gawain. Na ang kinaluluguran ng buong kalangitan ay ang pagsasauli ng sariling larawan ng Diyos sa mga kaluluwang Kanyang nilikha. MP 192.1
Kapag ang isa na napalayo nang lubha sa pagkakasala, ay nagsisikap na manumbalik sa Diyos, siya'y makakasagupa ng pagpuna at di-pananalig. May mga magsisipag-alinlangan kung ang pagsisisi niya ay tunay, o kava'y bubulong ng, “Wala siyang katatagan; hindi ako naniniwalang siya'y makatatagal o makapagpapatuloy.” Ang mga taong ito ay gumagawa, hindi ng gawain ng Diyos, kundi ng gawain ni Satanas, na tagapagsumbong o tagapagsakdal ng mga kapatid. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagpuna ay umaasa ang diyablo na masisiraan-ng-loob ang kaluluwang yaon, at iyon ay patuloy na maitataboy na palayo sa pag-asa at sa Diyos. Bayaang bulav-bulayin ng nagsisising makasalanan ang pagkakatuwaan sa langit dahil sa pagbabalik ng isa na nawala. Bayaan siyang magpahingalay sa pag-ibig ng Diyos, at sa anumang paraan ay huwag masiraan-ng-loob sa paglibak at paghihinala ng mga Pariseo. MP 192.2
Naunawaan ng mga rabi ang talinhaga ni Kristo na inilalapat sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan; subali't ito ay mayroon din namang lalong malawak na kahulugan. Sa nawalang tupa ay inilalarawan ni Kristo hindi lamang ang taong makasalanan, kundi ang isang sanlibutan din naman na tumalikod, at ginigiba ng kasalanan. Ang sanlibutang ito ay isa lamang pinakamaliit na butil sa napakalawak at napakalaking dominyo na pinangangasiwaan ng Diyos; gayunpaman ang munting nagkasalang sanlibutang ito—ang isang nawalang tupa—ay higit na mahalaga sa Kanyang paningin kaysa sivamnapu't siyam na hindi nangaligaw o nangawalay sa kulungan. Si Kristo, ang pinakaiibig na Komandante sa mga korte sa langit, ay nagpakababa sa Kanyang mataas na kalagayan, na isinaisantabi ang kaluwalhatiang nasa Kanya na kasama ng Ama, upang iligtas ang isang nawawalang sanlibutan. Dahil dito'y iniwan Niya ang mga walang-salang sanlibutan sa itaas, ang siyamnapu't siyam na umiibig sa Kanya, at naparito sa lupang ito, upang “masugatan dahil sa ating mga pagsalansang” at “nabugbog dahil sa ating mga kasamaan.”1 Ibinigav ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang Anak upang magkaroon Siya ng kagalakan na tanggaping pabalik ang tupang nawala. MP 193.1
“Masdan ninyo, kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tavo'y mangatawag na mga anak ng Diyos.” At sinasabi ni Kristo, “Kung paanong Ako'y Iyong sinugo sa sanlibutan, sila'y gayunding sinusugo Ko sa sanlibutan,“—upang punan “ang kakulangan ng mga hirap ni Kristo, . . . dahil sa Kanyang katawan, na siyang iglesya.”2 Ang bawa't kaluluwang iniligtas ni Kristo ay tinatawagan upang gumawa sa Kanyang pangalan sa ikaliligtas ng nawawala. Ang gawaing ito ay nakaligtaan o napabayaan sa Israel. Hindi ba kinalilig- taan ito ngayon ng mga nagpapanggap na mga tagasunod ni Kristo? MP 193.2
Kayo na bumabasa, ilan sa mga naglalagalag ang inyo nang hinanap at naibalik sa kulungan o sa iglesya? Sa sandaling tinatalikuran ninyo yaong mga tila mandin walang-ipinangangako at di-kaakit-akit, inyo bang nadarama na kinaliligtaan ninyo ang mga kaluluwang hinahanap ni Kristo? Sa panahong yaon nang inyong talikuran sila, ay maaaring sila'y nasa pinakamalaking pangangailangan ng inyong habag o pagdamay. Sa bawa't kapulungang para sa pagsamba, ay may mga kaluluwang naglulunggati ng kapahingahan at kapayapaan. Maaaring sa malas ay sila'y namumuhay ng walang-habas na mga pamumuhay, gayunma'y hindi sila walang-pakiramdam sa impluwensiya ng Banal na Espiritu. Marami sa kanila ang maaaring mahikayat para kay Kristo. MP 194.1
Kung ang nawawalang tupa ay hindi naibabalik sa kulungan, ito'y nagpapagala-gala hanggang sa ito ay mamatay. At maraming kaluluwa ang nalilibing sa pagkapahamak dahil sa kakulangan o kawalan ng kamay na nakaunat upang magligtas. Maaaring sa malas ang mga nagkakamaling ito ay matitigas at walang-taros; gayunman kung tumanggap lamang sila ng mga kapakinabangan o mga kabutihan ding iyon na napasa iba, maaaring sila'y nakapagpakita ng higit pang kadakilaan ng kaluluwa, at ng higit pang malaking talento na pakikinabangan. Kinahahabagan ng mga anghel ang mga pagala-galang ito. Ang mga anghel ay nagsisitangis, samantalang ang mga mata ng tao ay tuyo at ang mga puso ay pinid sa pagkahabag. MP 194.2
O, ang kakulangan ng taimtim at ng nakaaantig-ngkaluluwang pakikiramay sa natutukso at nagkakamali! O maragdagan sanang higit ang espiritti ni Kristo, at mabawasan, higit na mabawasan, ang sa sarili! MP 194.3
Naunawaan ng mga Pariseo ang talinhaga ni Kristo bilang isang sumbat sa kanila. Sa halip na tanggapin ang kanilang pagpuna sa Kanyang gawain, ay Kanyang sinuwatan ang kanilang pagkaligta sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Hindi Niya ito hayagang ginawa, baka ito ang magpinid ng kanilang mga puso sa Kanya; datapwa't ang Kanyang paglalarawan ay naglagay sa harapan nila ng gawain mismong hinihingi ng Diyos sa kanila, at siyang hindi naman nila nagawa. Kung sila lamang ay naging mga tunay na pastor, ang mga lider na ito sa Israel ay nakagawa sana ng gawain ng isang pastor. Naipakita sana nila ang habag at pag-ibig ni Kristo, at sana'y nangakipagkaisa sa Kanya sa Kanyang misyon. Ang kanilang pagtangging gumawa nito ay nagpatunay na ang kanilang mga pag-aangkin ng kabanalan ay hindi tunay. Ngayo'y marami ang tumanggi sa sumbat ni Kristo; gavunman sa ilan ay naghatid ng paniniwala o kombiksiyon ang Kanyang mga salita. Sa mga ito dumating ang Banal na Espiritu, pagkatapos na makaakyat si Kristo sa langit, at sila'y nakipagkaisa sa Kanyang mga alagad sa gawain mismong inilahad sa talinhaga ng nawalang tupa. MP 194.4