Masayang Pamumuhay

30/62

Ang Nawalang Putol ng Pilak

Pagkatapos maibigay ang talinhaga ng nawalang tupa, nagsalita pa ng iba si Kristo, na sinasabi, “Aling babae na may sampung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito'y masumpungan niya?” MP 195.1

Sa Silangan ang mga bahay ng mga dukha ay karaniwan nang binubuo ng isang silid, kadalasa'y walang bintana at madilim. Ang silid ay bihirang mawalisan, at ang isang piraso ng salaping mahulog sa sahig ay madaling matatakpan ng alikabok at yamutmot. Upang ito ay makita, kahit na araw, ay dapat magsindi ng isang ilawan, at ang bahay ay dapat walisin nang buong sikap. MP 195.2

Ang bahaging ukol sa pag-aasawa ng babae ay karaniwan nang binubuo ng mga putol na salapi, na maingat niyang iniingatan bilang pinakamamahal niyang pag-aari, upang ilipat o ibigay sa kanyang sariling mga anak na babae. Ang pagkawala ng isa sa mga putol na ito ay ituturing na isang malubhang kasakunaan, at ang pagkakuhang-muli rito ay magiging sanhi ng malaking pagsasaya o pagkakatuwaan, na doo'y kaagad na nakikibahagi ang mga kapitbahay na mga babae. MP 196.1

“Pagka nasumpungan niya,” wika ni Kristo, “ay tinitipon niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin; sapagka't nasumpungan ko ang isang putol na nawala sa akin. Gayundin, sinasabi Ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.” MP 196.2

Ang talinhagang ito, katulad ng nauuna, ay naglalahad ng pagkawala ng isang bagay na sa pamamagitan ng wastong paghahanap ay maaaring muling matagpuan, at yaon ay may kasamang malaking pagkagalak. Subali't ang dalawang talinhaga ay naglalarawan ng magkaibang uri. Nalalaman ng nawawalang tupa na ito ay nawawala. Iniwan nito ang pastor at ang kawan, at hindi ito makabalik sa sarili nito. Kinakatawanan nito yaong mga nakadarama na sila'y napahiwalay sa Diyos, at mga nasa ulap ng kagulumihanan, nasa pangangayupapa, at mahigpit na tinutukso. Ang nawalang pilak ay kumakatawan sa mga nawawaglit sa mga pagsalansang at mga pagkakasala, nguni't hindi nakadarama ng kanilang kalagayan. Sila'y hiwalay sa Diyos, subali't hindi nila ito nalalaman. Ang kanilang mga kaluluwa ay nasa kapanganiban, nguni't sila'y mga walang-malay at di-nababalisa. Sa talinhagang ito ay itinuturo ni Kristo na maging yaong mga nagwawalang-bahala sa mga inaangkin ng Diyos, ay mga pinagtutuunan ng Kanyang mahabaging pag-ibig. Sila ay dapat hanapin, upang sila ay madalang pabalik sa Diyos. MP 196.3

Ang tupa ay napalayo sa kulungan; ito ay nawala sa ilang o sa kabundukan. Ang putol na pilak ay nawala sa bahay. Ito ay malapit na sa kamay, gayunma'y makukuha lamang itong muli sa pamamagitan ng masikap na paghahanap. MP 197.1

Ang talinhagang ito ay may ibinibigay na liksiyon sa mga pamilya. Sa sambahayan ay madalas na nagkakaroon ng malaking kapabayaan tungkol sa mga kaluluwa ng mga kaanib nito. Maaaring sa bilang nila ay may isa na nalalayo sa Diyos; nguni't gaano kaliit na pagkabalisa o pag-aalaala ang nadarama na baka, sa pagkakaugnay na pansambahayan, ay may mawalang isa sa mga ipinagkatiwalang kaloob ng Diyos. MP 197.2

Ang salapi, bagama't nasa gitna ng alikabok at yamutmot, ay nananatili pa ring isang putol na pilak. Hinahanap ito ng may-ari nito sapagka't ito'y may halaga. Kava ang bawa't kaluluwa, gaanuman pinasama ng kasalanan, ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Kung paanong ang salapi ay nagtataglay ng larawan at ng superskripsiyon ng naghaharing kapangyarihan, ang tao ay gayundin namang nagtataglay ng larawan at superskripsiyon ng Diyos nang ito ay lalangin; at bagama't ngayo'y sinira at pinadilim ng impluwensiya ng kasalanan, ang mga bakas naman ng inskripsiyong ito ay nananatili sa bawa't kaluluwa. Nais ng Diyos na mabawi ang kaluluwang yaon, at muling mailagay dito ang Kanyang sariling larawan sa katwiran at kabanalan. MP 197.3

Ang babae sa talinhaga ay masikap na naghanap sa kanyang nawalang salapi. Pinaningasan niya ang ilawan at winalisan ang bahay. Inalis niyang lahat ang maaaring makahadlang sa kanyang paghahanap. Bagama't iisang putol lamang ang nawawala, siya'y hindi titigil ng kanyang pagsisikap hanggang sa matagpuan ang putol na yaon. Ganyan din sa pamilya o sambahayan, kung ang isang kaanib ay nawawala sa Diyos, bawa't paraan ay dapat gamitin sa ikapanunumbalik niya. Ukol sa bahagi ng lahat ng iba, ay dapat magkaroon ng masikap at maingat na pagsisiyasat-ng-sarili. Dapat siyasatin ang ginawa ng buhay. Tingnan kung hindi nagkakaroon ng ilang mali, ng ilang pagkakamali sa pangangasiwa, na sa pamamagitan nito ang kaluluwang yaon ay nagtutumibay sa dipagsisisi. MP 197.4

Kung sa pamilya ay may isang anak na di-nakadarama ng makasalanang kalagayan nito, ang mga magulang ay hindi dapat na tumigil. Dapat sindihan ang ilawan. Saliksikin ang salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng liwanag nito ay masikap na siyasatin ang lahat ng bagay sa tahanan, upang malaman kung bakit ang anak na ito ay nawawala. Dapat saliksikin ng mga magulang ang kanilang sariling mga puso, siyasatin ang kanilang mga ugali at mga ginagawa. Ang mga anak ay pamana ng Panginoon, at tayo ay mananagot sa Kanya sa ating pangangasiwa ng Kanyang pag-aari. MP 198.1

May mga ama at mga inang naghahangad na gumawa sa bukiran ng misyon sa ibang lupain; marami ang masisigla sa paggawa ng gawaing Kristiyano sa labas ng tahanan, samantalang ang kanilang sariling mga anak ay banyaga sa Tagapagligtas at sa Kanyang pag-ibig. Ang gawain ng paghikayat sa kanilang mga anak para kay Kristo ay ipinagkakatiwala ng maraming magulang sa ministro o kaya'y sa tagapagturo ng Paaralang Pansabado; datapwa't sa paggawa nito ay kanilang kinaliligtaan ang kanilang sariling kapanagutang kaloob ng Diyos. Ang pagtuturo at pagsasanay sa kaniiang mga anak na maging mga Kristiyano ay siyang pinakamataas na paglilingkod na maibibigay ng mga magulang sa Diyos. Ito ay isang gawaing humihingi ng tnatiyagang pagpapagal, isang panghabang-buhay na masigasig at matiyagang pagsusumikap. Sa pamamagitan ng pagkaligta o pagpapabaya sa ipinagkatiwalang ito ay ating pinatutunayan na ang ating mga sarili ay mga di-tapat na katiwala. Ang anumang dahilan sa ganitong pagkaligta o pagpapabaya ay hindi tatanggapin ng Diyos. MP 198.2

Gayunman ang mga nagkakasala ng pagpapabaya ay hindi dapat mawalan ng pag-asa. Ang babaing nawalan ng salapi ay naghanap hanggang kanyang masumpungan ito. Kaya sa pag-ibig, pananampalataya, at pananalangin ay dapat gumawa ang mga magulang sa kanilang mga sambahayan, hanggang sa taglay ang kagalakang sila'y makalalapit sa Diyos na nagsasabi, “Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin.”1 MP 199.1

Ito ay tunay na gawaing misyonero sa tahanan, at ito'y nakatutulong sa gumagawa nito at sa ginagawan din naman nito. Sa pamamagitan ng ating matapat na pagmamalasakit sa sirkulo ng tahanan ay iniaangkop natin ang ating mga sarili na makagawa sa mga kaanib ng Panginoon, na kasama ng mga ito, kung tayo'y tapat kay Kristo, ay mabubuhay tayo sa buong mga panahong walang-hanggan. Sa ating mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae kay Kristo ay dapat nating ipakita ang gayunding pagmamalasakit na dapat mapasaatin sa isa't isa bilang mga kaanib ng iisang sambahayan. MP 199.2

At panukala ng Diyos na ang lahat na ito ay magaangkop sa atin sa paggawa para sa iba pa. Sa paglawak ng ating mga pakikiramay at paglago ng ating pagibig, ay makakasumpong tayo sa lahat ng dako ng gawaing magagawa. Ang malaking sambahayan ng sangkatauhan ng Diyos ay sumasaklaw sa sanlibutan, at walang dapat kaligtaan o pabayaan sa mga kaanib nito. MP 199.3

Saan man tayo mapapunta, doo'y naghihintay ng ating paghahanap ang nawawalang putol na pilak. Hinahanap ba natin ito? Araw-araw ay nakakatagpo natin yaong mga walang interes sa mga bagay na ukol sa relihiyon; nakikipag-usap tayo sa kanila, dumadalaw tayo sa kanila; tayo ba'y nagpapakita ng interes o ng pagmamalasakit sa kanilang espirituwal na ikabubuti? Atin bang ipinakikilala si Kristo sa kanila bilang ang nagpapatawad-ng-kasalanang Tagapagligtas? Taglay ang sarili nating mga pusong nag-aalab sa pag-ibig ni Kristo, sinasabi ba natin sa kanila ang tungkol sa pag-ibig na yaon? Kung hindi, paano natin masasalubong o tatagpuin ang mga kaluluwang ito—na waglit, waglit magpakailanman, —kapag tumayo na tayo sa harap ng luklukan ng Diyos na kasama nila? MP 199.4

Ang halaga ng isang kaluluwa, sino ang makatataya? Kung nais ninyong malaman ang halaga nito, magtungo kayo sa Gethsemane, at doo'y magmasid kayo na kasama ni Kristo sa buong mga oras na yaon ng paghihirap at pagkahapis ng loob, nang Siya'y pagpawisang gaya ng malalaking patak ng dugo. Masdan ninyo ang Tagapagligtas na nakabayubay sa krus. Pakinggan ninyo ang nawawalan-ng-pag-asang sigaw, “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?”1 Masdan ninyo ang sugatang ulo, ang inulos na tagiliran, ang naluray na mga paa. Inyong alalahanin na isinapanganib ni Kristo ang lahat. Alang-alang sa ikatutubos natin, ang langit na rin ay napasapanganib. Sa paanan ng krus, na inaalaalang dahil sa isang makasalanan ay iaalay ni Kristo ang Kanyang buhay, ay matataya ninyo ang halaga ng isang kaluluwa. MP 200.1

Kung kayo ay nakikipag-usap kay Kristo, ay ilalagay ninyo ang Kanyang pagtaya sa bawa't taong kinapal. Inyong madarama para sa iba ang taimtim na pag-ibig ding iyon na nadama ni Kristo para sa inyo. Kung magkagayo'y magagawa na ninyong makahikayat, hindi makapagtaboy, makaakit, hindi makapagpalayas, ng mga pinagkamatayan Niya. Wala kailanmang madadalang pabalik sa Diyos kung hindi gumawa si Kristo ng personal na pagsisikap para sa kanila; at sa pamamagitan ng personal na gawaing ito makapagliligtas tayo ng mga kaluluwa. Kapag nakikita ninyo ang mga sumasakabilang- buhay, ay hindi kayo mananatili sa matahimik na pagwawalang-bahala at kaalwanan. Lalong malaki ang kanilang kasalanan at lalong malalim ang kanilang paghi hirap, ay lalo namang magiging masigasig at magiliw ang inyong mga pagsisikap upang sila'y mapanumbalik. Inyong makikita ang pangangailangan ng mga nagdurusa, ng mga nagkakasala laban sa Diyos, at ng mga nasisiil sa taglay na bigat ng pagkakasala. Ang inyong puso ay titibok ng pakikiramay sa kanila, at inyong ilalawit sa kanila ang isang tumutulong na kamay. Sa mga bisig ng inyong pananampalataya at pag-ibig ay dadalhin ninyo sila kay Kristo. Inyong babantayan at palalakasin-ang-loob nila, at ang inyong pakikiramay at pagtitiwala ay magpapahirap sa kanila na mahulog sa kanilang pagtatapat at paglutumibay. MP 200.2

Sa gawaing ito ang lahat ng mga anghel sa langit ay handang makipagtulungan. Ang buong kayamanan ng langit ay nasa pag-uutos ng mga nagsisipagsikap na iligtas ang nawawala. Tutulungan kayo ng mga anghel na maabot ang napakawalang-ingat at ang napakatigas. At kapag ang isa ay nadadalang pabalik sa Diyos, ang buong kalangitan ay nagagalak; hinahawakan ng mga serapin at mga kerubin ang kanilang mga ginintuang alpa. at nagsisiawit ng mga papuri sa Diyos at sa Kordero dahil sa kanilang kaawaan at kagandahang-loob sa mga anak ng mga tao. MP 201.1