Masayang Pamumuhay

28/62

Kapitulo 15—Ang Tupang Waglit

NANG magkatipon ang “mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan” sa palibot ni Kristo, ay nagpahayag ng di-pagkalugod ang mga rabi o mga tagapagturo. “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan,” wika nila, “at sumasalo sa kanila.” MP 185.1

Sa pamamagitan ng bintang na ito ay kanilang ipinamarali na ibig ni Kristong makisalamuha sa makasalanan at imbi, at Siya'y walang nalalaman sa kasamaan ng mga ito. Nabigo ang mga rabi kay Jesus. Bakit kaya ang isang ito na nag-aangking may napakatayog na karakter ay hindi nakisama sa kanila at hindi sinunod ang kanilang mga pamamaraan ng pagtuturo? Bakit kaya Siya'y naglilibot nang lubhang walang pagpapakunwari, na gumagawa sa gitna ng lahat ng uri ng mga tao? Kung Siya'y isang tunay na propeta, sabi nila, Siya'y makikiisa sa kanila, at pakikitunguhan ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan nang may pagwawalangbahala na siyang dapat sa mga ito. Ikinagalit ng mga bantay ng lipunang ito na Siya na patuloy nilang nakakatunggali, gayunma'y ang angking kalinisan ng buhay ay nagpangimi at sumumbat sa kanila, ay nakikipagtagpo, nang sa malas ay may pakikiramay, sa mga itinatakwil ng lipunan. Hindi nila sinang-ayunan ang Kanyang mga pamamaraan. Kanilang itinuring ang kanilang mga sa- rili na edukado o nag-aral, nalinang, at sukdulan ng relihiyoso; subali't inilantad ng halimbawa ni Kristo ang kanilang pagiging-makasarili. MP 185.2

Ikinagalit din nila na yaong mga nagpakita ng paghamak sa mga rabi, at mga di-kailanman nakita sa mga sinagoga, ay siyang nagkakalipumpon sa palibot ni Jesus, at buhos na buhos ang pansing nagsisipakinig sa Kanyang mga salita. Nakadama lamang ng sumbat ang mga eskriba at mga Pariseo sa lantay na pulutong na yaon; paano nga ang nangyari, na ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay naaakit kay Jesus? MP 186.1

Hindi nila batid na ang paliwanag ay nasa pangungusap mismong kanilang binigkas bilang isang panlilibak, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan.” Nadama ng mga kaluluwang nagsilapit kay Jesus na sa Kanyang harapan, sila man, ay makatatakas mula sa balon ng kasalanan. Paglibak at paghatol lamang sa mga ito ang nasa mga Pariseo; nguni't binati ni Kristo ang mga ito bilang mga anak ng Diyos, na tunay na nahiwalay sa bahay ng Ama, gayunma'y hindi naman nalilimutan ng puso ng Ama. At ang paghihirap at pagkakasala na rin ng mga ito ang siyang gumawa upang lalo lamang silang mapag-ukulan ng Kanyang habag. Lalo silang napalayo sa Kanya sa paglalagalag, lalo namang umalab ang pananabik o pagnanasa at lalong lumaki ang pagpapakasakit sa ikaliligtas nila. MP 186.2

Ang lahat na ito ay dapat sanang natutuhan o naalaman ng mga tagapagturo ng Israel mula sa mga banal na balumbon na tungkol dito sila'y nakapagmamalaki sa pagiging mga tagapag-ingat at mga tagapagpaliwanag. Hindi ba isinulat ni David,—ni David, na nahulog sa nakamamatay na pagkakasala,—”Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin Mo ang Iyong lingkod”?1 Hindi ba ipinahayag ni Mikas ang pag-ibig ng Diyos sa makasalanan, na sinasabi, “Sino ang Diyos na gaya Mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalag- pas ang pagsalansang ng nalabi sa Kanyang mana? Hindi Niya pinipigil ang Kanyang galit nang magpakailanman, sapagka't Siya'y nalulugod sa kagandahang-loob”?1 MP 186.3