Masayang Pamumuhay

21/62

Gantimpala sa Pagsasaliksik

Huwag isipin ng sinuman na wala nang kaalaman o karunungang matatamo sila. Ang lalim ng katalinuhan ng tao ay maaaring masukat; ang mga obra o mga sinulat ng mga taong mangangatha ay maaaring mapagaralang mabuti; subali't ang pinakamatayog, pinakamalalim, at pinakamalawak na paglalakbay ng guniguni ay hindi makalulurok sa Diyos. May kawalang-hanggan sa kabila ng lahat na maaari nating maunawaan. Nakita lamang natin ang babahagyang kislap ng kaluwalhatian ng Diyos at ang kawalang-hanggan ng kaalaman at karunungan; tayo'y gumagawa lamang, gaya ng nangyayari, sa ibabaw ng mina, gayong ang mayamang gintong inambato ay nasa ilalim ng balat ng lupa, upang gantimpalaan ang isa na huhukay niyon. Ang lagusan ay dapat laliman pa nang laliman sa minahan, at ang ibubunga ay maluwalhating kayamanan. Sa pamamagitan ng isang tumpak na pananampalataya, ang karunungan ng Diyos ay magiging karunungan ng tao. MP 107.1

Walang sinumang makapagsasaliksik ng mga Kasulatan sa diwa o espiritu ni Kristo nang hindi ginagantimpalaan. Kapag ang tao ay handang paturo na gaya ng isang maliit na bata, kapag siya'y lubusang napasa sakop sa Diyos, kanya ngang masusumpungan ang katotohanan sa salita Nito. Kung ang tao lamang ay magiging masunurin, kanilang mauunawaan ang panukala ng pamahalaan ng Diyos. Bubuksan ng sanlibutan sa langit ang mga silid nito ng biyaya at kaluwalhatian upang magalugad. Ang mga taong kinapal ay magiging ganap na kaiba sa kanilang katayuan ngayon; sapagka't sa pamamagitan ng paggagalugad o pagsasaliksik sa mga mi- na ng katotohanan ay magiging dakila ang mga tao. Ang hiwaga ng pagtubos, ang pagkakatawang-tao ni Kristo, ang Kanyang tumutubos na hain o pagpapakasakit, ay hindi magiging gaya ng mga ito ngayon, na malabo sa ating mga pag-iisip. Ang mga ito ay hindi lamang magiging higit na mauunawaan, kundi lubos at higit na pahahalagahan. MP 107.2

Sa Kanyang panalangin sa Ama, si Kristo'y nagbigay sa sanlibutan ng isang aral na dapat mapaukit sa isip at kaluluwa. “Ito ang buhay na walang-hanggan,” wika Niya, “na Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at Siyang Iyong sinugo, samakatwid baga'y si Jesukristo.”1 Ito ang tunay na karunungan. Ito'y nagkakaloob ng kapangyarihan. Ang pangkaranasang pagkakilala sa Diyos at kay Jesukristo na Kanyang sinugo, ay binabago ang tao sa pagiging kalarawan ng Diyos. Ipinagkakaloob nito sa tao ang pagsupil sa sarili, na naipaiilalim sa pagsupil ng lalong matataas na kapangyarihan ng pag-iisip ang bawa't udyok at silakbo ng mababang likas. Ginagawa nito ang nagtataglay nito na isang anak ng Diyos at isang tagapagmana ng kalangitan. Inihahatid siya nito sa pakikipagniig sa isipan ng Walanghanggan, at binubuksan sa kanya ang masaganang kayamanan ng sansinukob. MP 108.1

Ito ang kaalaman o karunungang nakakamtan sa pagsasaliksik ng salita ng Diyos. At ang kayamanang ito ay maaaring matagpuan ng bawa't kaluluwang magbibigay ng lahat upang ito'y makamtan. MP 108.2

“Kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pag-unawa; kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago; kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Diyos.”2 MP 108.3