Masayang Pamumuhay
Paghanap sa Kayamanan
Ang salita ng Diyos ay dapat nating pag-aralan. Dapat nating turuan ang ating mga anak sa mga katotohanang nasusumpungan doon. Ito'y isang kayamanang di-nauubos; subali't hindi matagpuan ng mga tao ang kayamanang ito, sapagka't hindi sila naerhahanan o napsa- saliksik hanggang sa iyon ay mapasakanila. Napakarami ang nasisiyahan na sa isang pala-palagay tungkol sa katotohanan. Sila'y nasisiyahan na sa mababaw na paggawa, na inaakalang nasa kanila na ang lahat na kailangan. Tinatanggap nilang katotohanan ang mga sinasabi ng iba, palibhasa'y totoong napakatamad ang kanilang mga sarili sa masikap at masigasig na paggawa, na inilalarawan sa salita bilang naghuhukay ng nakatagong kayamanan. Nguni't ang mga imbensiyon ng mga tao ay hindi lamang di-maaasahan, ang mga ito ay mapanganib; sapagka't inilalagay ng mga ito ang tao sa dapat kalagyan ng Diyos. Inilalagay nila ang mga sinasabi ng mga tao sa lugar na doon ang dapat sanang mapalagay ay “Ganito ang sabi ng Panginoon.” MP 101.2
Si Kristo ang katotohanan. Ang Kanyang mga salita ay katotohanan, at ang mga ito ay may lalong malalim na kahulugan kaysa nakikita sa ibabaw. Lahat ng mga pananalita ni Kristo ay may halagang nasa kabila pa ng di-nagkukunwaring anyo ng mga ito. Ang mga isipang pinasigla o binuhay ng Banal na Espiritu ay makakakita sa kahalagahan ng mga pananalitang ito. Kanilang makikita ang mahahalagang hiyas ng katotohanan, kahima't ang mga ito ay mga nakabaong kayamanan. MP 102.1
Ang mga haka-haka at mga pala-palagay ng mga tao ay hindi kailanman hahantong sa pagkaunawa ng salita ng Diyos. Yaong mga nagpapalagay na sila'y nakakaunawa ng pilosopiya ay nagsisipag-akalang ang kanilang mga paliwanag ay kinakailangan upang mabuksan ang mga kayamanan ng karunungan at upang mahadlangan ang pagpasok sa iglesya ng mga erehiya. Nguni't ang mga paliwanag na ito ang nagpasok ng mga maling teorya at mga erehiya. Gumawa ang mga tao ng lampas na mga pagsisikap na ipaliwanag ang ipinalalagay nilang masisikot na mga kasulatan; subali't napakadalas na ang kanilang mga pagsisikap ay nakapagpadilim lamang sa bagay na sinisikap nilang paliwanagin. MP 102.2
Ang akala ng mga saserdote at mga Pariseo ay gumagawa sila ng mga dakilang bagay bilang mga guro, sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang sariling paliwanag o pakahulugan sa salita ng Diyos; nguni't tungkol sa kanila ay ganito ang winika ni Kristo, “Hindi ninyo nalalaman ang Mga Kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Diyos.”1 Tinuligsa Niya sila sa pagkakasala ng “pagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao.”2 Bagama't sila'y mga tagapagturo ng mga orakulo ng Diyos, bagama't sila'y mga ipinalalagay na nakakaunawa ng Kanyang salita, ay hindi naman sila mga gumaganap ng salita. Binulag ni Satanas ang kanilang mga paningin, upang hindi nila makita ang tunay na kahulugan nito. MP 103.1
Ito ang ginagawa ng marami sa ating kapanahunan. Maraming iglesya ang nagkakasala ng kasalanang ito. May panganib, malaking panganib, na uulitin ng mga ipinalalagay na mga pantas na mga tao ngayon ang karanasan ng mga Hudyong tagapagturo. Buong kamalian nilang ipinaliliwanag ang mga orakulo ng Diyos, at ang mga kaluluwa ay nadadala sa kagulumihanan at nalalambungan ng kadiliman dahil sa kanilang maling-pagkaunawa ng banal na katotohanan. MP 103.2
Ang Mga Kasulatan ay hindi kailangang basahin sa pamamagitan ng malabong ilawan ng sali't saling sabi o pala-palagay ng tao. Makabubuting subukin nating magbigay ng liwanag sa araw sa pamamagitan ng isang sulo na tulad ng pagpapal;wanag ng mga Kasulatan sa pamamagitan ng sali't saling sabi o haka ng tao. Hindi kailangan ng banal na salita ng Diyos ang aandap-andap na liwanag ng sulo ng lupa upang makitang namumukod ang mga kaluwalhatian nito. Ito'y liwanag sa sarili nito— ang nahayag na kaluwalhatian ng Diyos; at sa tabi nito ang bawa't ibang liwanag ay malabo. MP 103.3
Datapwa't dapat magkaroon ng masigasig na pag-aaral at ng masusing pagsiyasat. Ang matalas at malinaw na mga pagkaunawa ng katotohanan ay hindi kailanman magiging gantimpala ng tamad. Walang pagpapalang ukol sa lupa na matatamo nang walang masikhay, mapagtiis at matiyagang pagsusumikap. Kung nais ng mga taong magtagumpay sa hanapbuhay o pangangalakal, dapat silang magkaroon ng isang kalooban na gagawa, at ng isang pananampalatayang tumitingin o naghihintay sa mga ibubunga. At hindi tayo makaaasang magtatamo ng karunungang espirituwal nang walang masikhay na paggawa. Ang mga nagnanais na makatagpo ng mga kayamanan ng katotohanan ay dapat humukay nito na gaya ng minerong humuhukay ng kayamanang nakabaon sa lupa. Ang dimasigla at ang mapagwalang-bahalang paggawa ay walang mangyayari. Kailangan sa matanda at kabataan, hindi lamang ang pagbabasa ng salita ng Diyos, kundi ang pagaaral din naman nito nang may buong-pusong kasigasigan, na nananalangin at nagsasaliksik ng katotohanang tulad ng nakatagong kayamanan. Ang mga gumagawa nito ay gagantimpalaan; sapagka't bubuhayin ni Kristo ang pangunawa. MP 103.4
Ang ating kaligtasan ay nakabatay sa pagkaalam ng katotohanang nakalaman sa Mga Kasulatan. Kalooban ng Diyos na dapat tayong magkaroon nito. Saliksikin ninyo, o saliksikin ninyo ang mahalagang Biblia nang may gutom na mga puso. Galugarin ninyo ang salita ng Diyos na gaya ng panggagalugad ng minero sa lupa sa paghahanap ng ginto. Huwag ninyo kailanmang ititigil ang pagsasaliksik hanggang sa matiyak ninyo ang inyong kaugnayan sa Diyos at ang Kanyang kalooban tungkol sa inyo. Sinabi ni Kristo, “Ang anumang inyong hingin sa Aking pangalan, ay yaon ang Aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak. Kung kayo y magsisihingi ng anuman sa pangalan Ko, ay yaon ang Aking gagawin.”1 MP 104.1
Nahahagip ng pananaw ng mga taong may kabanalan at mav talento ang mga walang-hanggang katotohanan, subali't madalas na nabibigo sila na umunawa, sapagka't pinadidilim ng mga bagay na nakikita ang kaluwalhatian ng di-nakikita. Siya na nagnanais magtagumpay sa paghahanap ng natatagong kayamanan ay dapat maging lalong masigasig na makapaibabaw sa mga bagay ng sanlibutang ito. Ang kanyang pag-ibig at ang buo niyang mga kakayahan ay dapat italaga sa pagsasaliksik. MP 104.2
Ipinipinid ng pagsuway ang pinto sa napakalawak na halaga ng karunungan na dapat sana'y natatamo mula sa Mga Kasulatan. Ang pagkaunawa ay nangangahulugang pagtalima o pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang Mga Kasulatan ay hindi dapat iagpang upang matugunan ang maling-pagkakilala at ang paninibugho ng mga tao. Ang mga ito ay mauunawaan lamang ng mga buong kapakumbabaang nagsisikap na makaalam ng katotohanan upang ang mga ito ay kanilang matalima. MP 105.1
Itinatanong ba ninyo, Ano ang dapat kong gawin upang maligtas? Dapat ninyong ilagay sa pinto ng pagsisiyasat ang inyong nauna nang mga palagay, ang inyong namana at nalinang na mga kuru-kuro. Kung sinasaliksik ninyo ang Mga Kasulatan upang ipagsanggalang ang inyong sariling mga palagay, hindi kailanman ninyo maaabot ang katotohanan. Magsaliksik kayo upang mabatid kung ano ang sinasabi ng Panginoon. Kung sa inyong pagsasaliksik ay dumating sa inyo ang kombiksiyon o paniniwala, kung inyong makita na ang pinahahalagahan ninyong mga palagay o mga kuru-kuro ay hindi natutugma sa katotohanan, ay huwag ninyong bibigyan ng maling pakahulugan ang katotohanan upang maibagay lamang sa inyong sariling paniniwala, bagkus ay tanggapin ninyo ang liwanag na nabigay. Buksan ninyo ang puso't isipan, upang inyong makita ang mga kagilagilalas na bagay mula sa salita ng Diyos. MP 105.2
Ang pagsampalataya kay Kristo bilang Manunubos ng sanlibutan ay humihingi ng pagkilala sa naliwanagang diwa, na sinusupil ng pusong nakakaunawa at nagpapaihalaga sa kayamanang ukol sa langit. Ang pananampa- latayang ito ay di-maihihiwalay sa pagsisisi at pagbabago ng karakter. Ang magkaroon ng pananampalataya ay nangangahulugang natagpuan at tinanggap ang kayamanan ng ebanghelyo, na kasama ang lahat ng mga tungkuling ipinapataw nito. MP 105.3
“Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Diyos.”1 Maaari siyang magpalagay at maghinuha, subali't kung wala ang mata ng pananampalataya ay hindi niya makikita ang kayamanan. Ibinigay ni Kristo ang Kanyang buhay upang matamo para sa atin ang di-matatayang kayamanang ito; subali't kung walang pagbabago sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanyang dugo, ay walang kapatawaran ng mga kasalanan, at walang kayamanan para sa sinumang napapahamak na kaluluwa. MP 106.1
Kailangan natin ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu upang makita at maunawaan ang mga katotohanan sa salita ng Diyos. Ang maririkit na bagay ng daigdig ng katalagahan ay hindi namamalas hanggang sa ang mga ito ay laganapan ng liwanag ng araw, na siyang nagtataboy sa kadiliman. Ganyan hindi napahahalagahan ang mga kayamanang nasa salita ng Diyos hang-gang sa ang mga ito ay ihayag ng maningning na sinag ng Araw ng Katwiran. MP 106.2
Ang mga bagay ng Diyos ay hinahawakan ng Banal na Espiritung isinusugo mula sa langit sa kagandahang-loob ng walang-hanggang pag-ibig, at ang mga ito ay inihahayag sa bawa't kaluluwang may lubos na pananampalataya kay Kristo. Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay naikikintal sa pag-iisip ang mahahalagang katotohanan doon nakasalalay ang kaligtasan ng kaluluwa, at ang daan ng buhay ay ginagawang lubhang maliwanag upang walang sinumang magkamali sa bagay na ito. Sa ating pag-aaral ng mga Kasulatan, ay da- pat nating idalangin na nawa'y suminag sa salita ang liwanag ng Banal na Espiritu ng Diyos, upang ating makita at pahalagahan ang mga kayamanan nito. MP 106.3