Masayang Pamumuhay

22/62

Kapitulo 9—Walang Ibang Higit na Mahalaga

ANG mga pagpapala ng tumutubos na pag-ibig ay inihahalintulad ng ating Tagapagligtas sa isang mahalagang perlas. Kanyang inilalarawan ang Kanyang liksiyon sa pamamagitan ng talinhaga ng taong mangangalakal na humahanap ng magagandang perlas, “na pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ya-on.” Si Kristo na rin ang mahalagang perlas. Sa Kanya'y natitipong lahat ang kaluwalhatian ng Ama, ang kapuspusan ng Diyos. Siya ang ningning ng kaluwalhatian ng Ama at ang hayag na larawan ng persona Nito. Ang kaluwalhatian ng mga katangian ng Diyos ay ipinahahayag sa Kanyang likas o karakter. Ang bawa't dahon ng Mga Banal na Kasulatan ay nagniningning sa Kanyang liwanag. Ang katwiran ni Kristo, bilang isang dalisay at maputing perlas, ay walang kasiraan, walang dungis o mantsa. Walang gawa ng tao na makapagpapabuti sa dakila at mahalagang kaloob ng Diyos. Iyon ay walang kapintasan. Kay Kristo natatago ang “lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” Siya “sa atin ay ginawang karunungang mula sa Diyos, at katwiran, at kabanalan, at katubusan.”1 Lahat ng makapagbibigay-kasiyahan sa mga pangangailangan at mga nilulunggati ng kaluluwa ng tao, sa sanlibutang ito at sa sanlibutang darating, ay nasusumpungan kay Kristo. Ang ating Manunubos ay siyang perlas na lubhang napakahalaga na anupa't kung ihahambing ang lahat ng mga bagay pa ay maibibilang na kalugihan. MP 109.1

Si Kristo'y “naparito sa sariling Kanya, at Siya'y hindi tinanggap ng mga sariling Kanya.” Ang liwanag ng Diyos ay sumisinag sa kadiliman ng sanlibutan, at “ito'y hindi napag-unawa ng kadiliman.”1 Subali't hindi lahat ay nasumpungang nagwalang-bahala sa kaloob ng langit. Ang taong mangangalakal sa talinhaga ay kumakatawan sa isang uri ng tao na buong katapatang naghahangad ng katotohanan. Sa iba't ibang mga bansa ay nagkaroon ng masisikap at mapag-isip na mga tao na nagsipagha; nap sa mga babasahin at sa siyensiya at sa mga relihiyon ng sanlibutang hentil ng bagay na yaong matatanggap nila bilang kayamanan ng kaluluwa. Sa mga Hudyo ay nagkaroon ng mga nagsipaghanap ng bagay na wala sa kanila. Sa kawalan-ng-kasiyahan sa pormal na relihiyon, nilunggati nila yaong bagay na espirituwal at nakapag-aangat. Ang mga hinirang na alagad ni Kristo ay kabilang sa huling uri ng mga tao, si Cornelio at ang bating na taga-Etiyopia ay kabilang naman sa una. Nilunggati nila at idinalangin ang liwanag na buhat sa langit; at nang si Kristo'y ihayag sa kanila, ay kanilang tinanggap Siya nang buong kagalakan. MP 110.1

Sa talinhaga, ang perlas ay hindi inilalarawan bilang isang kaloob o handog. Binili ito ng taong mangangalakal sa halaga ng buo niyang tinatangkilik. Marami ang nag-aalinlangan sa kahulugan nito, sapagka't si Kristo ay inilalarawan sa Mga Kasulatan bilang isang kaloob, nguni't doon lamang sa mga nagbibigay ng kanilang mga sarili, kaluluwa, katawan, at espiritu, sa Kanya nang walang pagpapataan. Dapat nating ibigay ang ating mga sarili kay Kristo, dapat tayong mamuhay ng isang kabuhayang may maibiging pagsunod sa lahat Niyang mga hinihingi. Ang kabuuan natin, ang lahat ng mga talen- to at mga kakayahang angkin natin, ay sa Panginoon, at dapat italaga sa paglilingkod sa Kanya. Kapag lubusang ibinibigay natin nang ganito ang ating mga sarili sa Kanya, ibinibigay naman ni Kristo sa atin ang Kanyang sarili, kasama ang lahat ng mga kayamanan ng langit. Natatamo natin ang mahalagang perlas. MP 110.2

Ang kaligtasan ay isang kaloob na walang-bayad, at gayunpaman ito'y dapat bilhin at ipagbili. Sa pamilihang doo'y ang habag ng Diyos ang nangangasiwa, ang mahalagang perlas ay inilalarawan bilang binibili nang walang salapi at walang halaga. Sa pamilihang ito ay maaaring matamo ng lahat ang mga pag-aari ng langit. Ang kabang-yaman ng mga hiyas ng katotohanan ay bukas sa lahat. “Narito, inilagay Ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas,” sinasabi ng Panginoon, “na di mailalapat ng sinuman.” Walang tabak na nagbabantay sa daang patungo sa pintuang ito. Ang mga tinig na nagmumula sa loob at sa pintuan ay nagsisipagsabing, Halika. Ang tinig ng Tagapagligtas ay buong sikap at buong pag-ibig na nag-aanyaya sa atin: “Ipinapayo Ko sa iyo na ikaw ay bumili sa Akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman.”1 MP 112.1

Ang ebanghelyo ni Kristo ay isang pagpapala na maaaring maangkin ng lahat. Ang pinakadukha ay makabibili ng kaligtasan na gaya ng pinakamayaman; sapagka't walang halaga ng kayamanan sa sanlibutan na makakukuha niyon. Ito'y natatamo sa pamamagitan ng maibiging pagsunod, sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating mga sarili kay Kristo bilang Kanyang sariling biniling pag-aari. Ang karunungan, maging ng pinakamataas na uri ng tao, ay hindi makapaghahatid sa tao nang lalong malapit sa Diyos. Ang mga Pariseo ay biniyayaan ng bawa't kapakinabangang panlupa at pang-espirituwal, at kanilang sinabi nang may buong kapalaluan at pagyayabang, Kami ay “mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi nangangailangan ng anuman;” gayunman sila'y “aba, at maralita, at dukha, at bulag, at hubad.”1 Inialok ni Kristo sa kanila ang mahalagang perlas; nguni't may paghamak na tinanggihan nila ito, at Kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga maniningil ng buwis at ang mga patutot ay nangauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.”2 MP 112.2

Hindi natin matatamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa, gavunma'y kailangan nating hanapin ito nang may malaking pagmamalasakit at pagtitiyaga na para bagang itatakwil natin ang lahat ng bagay sa sanlibutan dahil dito. MP 113.1

Dapat nating hanapin ang perlas na mahalaga, nguni't hindi sa mga pamilihan ng sanlibutan o sa mga paraang makasanlibutan. Ang halagang hinihingi sa ating ibayad natin ay hindi ginto o pilak, sapagka't ito'y sa Diyos. Iwan ninyo ang kuru-kuro na ikapagtatamo ninyo ng kaligtasan ang mga kapakinabangang panlupa o pang-espirituwal. Hinihingi ng Diyos ang inyong kusang pagsunod. Hinihiling Niya sa invo na iwan ang inyong mga pagkakasala. “Ang magtagumpay,” wika ni Kristo, “ay Aking pagkakaloobang umupong kasama Ko sa Aking luklukan, gaya Ko naman na nagtagumpav, at umupong kasama ng Aking Ama sa Kanyang luklukan.”3 MP 113.2

May ilang mandi'y lagi nang naghahanap ng perlas ng langit. Datapwa't di sila gumagawa ng ganap na pagsusuko ng mali nilang mga ugali. Hindi sila namamatay sa sarili upang si Kristo ang mabuhay sa kanila. Dahil dito'y hindi nila masumpungan ang mahalagang perlas. Hindi nila napananagumpayan ang walang-kabanalan nilang ambisyon at ang kanilang pag-ibig sa mga pang-akit ng sanlibutan. Hindi nila pinapasan ang krus at hindi sumusunod kay Kristo sa landas ng pagtanggisa-sarili at pagpapakasakit. Halos Kristiyano na, gayunma'y hindi lubos na mga Kristiyano, sila'y waring malapit na sa kaharian ng langit, nguni't hindi sila makapapasok doon. Ang halos ligtas nguni't hindi lubos na ligtas, ay nangangahulugang halos hindi waglit nguni't lubos na waglit. MP 113.3

Ang talinhaga ng taong mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas ay may dalawang kahulugan: ito'y ikinakapit hindi lamang sa mga taong naghahanap ng kaharian ng langit, kundi kay Kristo rin naman na naghahanap ng Kanyang nawalang mana. Nakita ni Kristo, na siyang mangangalakal ng langit na naghahanap ng magagandang perlas, sa nawaglit na sangkatauhan ang perlas na mahalaga. Nakita Niya sa tao, na pinarumi at giniba ng kasalanan, ang mga posibilidad na matubos. Ang mga pusong naging larangan ng digmaan sa pakikibaka kay Satanas, at siyang sinagip at iniligtas ng kapangyarihan ng pag-ibig, ay higit na mahalaga sa Manunubos kaysa mga hindi kailanman nagkasala. Tiningnan ng Diyos ang sangkatauhan, hindi bilang imbi at walang-halaga; tiningnan Niya ito kay Kristo, nakita ito gaya ng maaaring mangyari rito sa pamamagitan ng tumutubos na pag-ibig. Kanyang tinipon ang lahat ng mga kayamanan ng sansinukob, at iniwan ang mga ito upang bilhin ang perlas. At nang masumpungan ito ni Jesus, muli itong inilagay sa Kanyang sariling diyadema. “Sapagka't magiging gaya ng mga bato ng isang putong, na nataas sa mataas sa Kanyang lupain.” “Sila'y magiging Akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na Aking gawin, sa makatwid baga'y isang tanging kayamanan.”1 MP 114.1

Datapwa't si Kristo bilang ang mahalagang perlas, at ang ating karapatan na maangkin ang kayamanang ito, ay siyang paksang kailangang-kailangan nating pagtuunan ng pansin. Ang Banal na Espiritu ang naghahayag sa mga tao ng kahalagahan ng magandang perlas. Ang panahon ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay siyang panahon na sa isang tanging kahulugan ang kaloob ng langit ay hinahanap at nasusumpungan. Noong mga kaarawan ni Kristo ay marami ang nakarinig ng ebanghelyo, at hindi nila nakilala sa mapagpakumbabang Guro ng Galilea ang Isinugo ng Diyos. Nguni't pagkaakyat ni Kristo sa langit ang Kanyang pagkaluklok sa trono sa Kanyang kahariang ukol sa pamamagitan ay sinagisagan ng pagbubuhos ng Banal na Espiritu. Nang araw ng Pentekostes ay ipinagkaloob ang Espiritu. Itinanyag ng mga saksi ni Kristo ang kapangyarihan ng nagbangong Tagapagligtas. Naglagusan ang liwanag ng langit sa nagdidilim na pag-iisip ng mga nadaya ng mga kaaway ni Kristo. Kanila ngayong nakita Siya na itinataas upang maging “Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.”1 Kanilang nakita Siya na napaliligiran ng kaluwalhatian ng langit, na may mga walang-hanggang kayamanan sa Kanyang mga kamay upang ibigay sa lahat ng mga tatalikod sa kanilang paghihimagsik. Nang itanyag ng mga apostol ang kaluwalhatian ng Tanging Bugtong ng Ama, tatlong libong kaluluwa ang nangasumbatan. Naipakita sa kanila kung ano sila, na makasalanan at marumi, at si Kristo bilang kanilang kaibigan at Manunubos. Si Kristo'y naitaas, si Kristo'y naluwalhati, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung tumatahan sa mga tao. Sa pamamagitan ng pananampalataya'y nakita Siya ng mga nagsisisampalatayang ito bilang isa na nagdala ng kapakumbabaan, kahirapan, at kamatayan upang sila'y huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Ang pagkahayag ni Kristo sa pamamagitan ng Espiritu ay naghatid sa kanila ng isang tunay na pagkadama ng Kanyang kapangyarihan at kamaharlikaan, at kanilang iniunat ang kanilang mga kamay sa Kanya sa pananampalataya, na nagsasabi, “Ako'y sumasampalataya.” MP 114.2

Pagkatapos ang masayang balita ng isang nagbangon na Tagapagligtas ay nadala hanggang sa kadulu-duluhang mga hangganan ng tinitirhang sanlibutan. Nakita ng iglesya ang mga nahihikayat na langkay-langkay sa pag- tungo sa kanya buhat sa lahat ng dako. Ang mga nagsisisampalataya ay muling nahikayat. Ang mga makasalanan ay nakipagkaisa sa mga Kristiyano sa paghahanap ng napakahalagang perlas. Ang hula ay natupad, Ang mahina ay magiging “gaya ni David,” at ang sambahayan ni David ay “parang anghel ng Panginoon.”1 Nakita ng bawa't Kristiyano sa kanyang kapatid ang banal na wangis ng kagandahang-loob at pag-ibig. Iisang interes ang naghari. Nilagom ng iisang pakay ang lahat ng iba. Lahat ng mga puso ay tumibok sa pagkakaisa. Ang naging tanging hangarin ng mga nagsisisampalataya ay ang maihayag ang wangis ng karakter ni Kristo, at ang gumawa para sa ikalalawak ng kaharian Niya. “Ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkaisa ang puso at kaluluwa. . . . Pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus; at dakilang biyaya ang sumakanilang lahat.” “At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.”2 Pinasigla ng Espiritu ni Kristo ang buong kapulungan; sapagka't kanilang natagpuan ang perlas na napakahalaga. MP 115.1

Ang mga tagpong ito ay dapat maulit, at nang may dakilang kapangyarihan. Ang pagbubuhos ng Banal na Espiritu nang araw ng Pentecostes ay siyang unang ulan, subali't ang huling ulan ay magiging higit na sagana. Hinihintay ng Espiritu ang ating paghingi at pagtanggap. Si Kristo ay muling mahahayag sa Kanyang kapuspusan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Makikita ng mga tao ang halaga ng mahalagang perlas, at kasama ni Apostol Pablo ay kanilang sasabihin, “Ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan alang-alang kay Kristo. Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko.”3 MP 116.1