Masayang Pamumuhay
Mga Bunga ng Pagpapabaya sa Kayamanan
Gumagawa si Satanas sa mga pag-iisip ng mga tao, na inaakay silang mag-akala na may kahanga-hangang karunungang makakamtan nang hiwalay sa Diyos. Sa pamamagitan ng madayang pangangatwiran ay inakay nito sina Adan at Eba na mag-alinlangan sa salita ng Diyos, at lagyan ang lugar nito ng isang teorya na humantong sa pagsuway. At ang madayang pangangatwiran nito ay gumagawa ngayon ng ginawa niyon sa Eden. Ang mga guro na hinahaluan ang kanilang itinuturo ng mga damdamin ng mga awtor na walang-relihiyon, ay nagpupunla sa mga pag-iisip ng mga kabataan ng mga isipang hahantong sa di-pagtitiwala sa Diyos at sa pagsalansang sa Kanyang kautusan. Bahagya na nilang nalalaman kung ano ang kanilang ginagawa. Bahagya na nilang madama kung ano ang ibubunga ng kanilang gawain. MP 100.2
Ang isang estudyante ay maaaring dumaan sa lahat ng mga baitang ng mga paaralan at mga kolehiyo ngayon. Maaaring iukol niya ang kanyang buong kapangyarihan sa ikapagtatamo ng karunungan. Subali't malibang siya'y may pagkakilala sa Diyos, malibang tinatalima ang mga kautusang namamahala ng kanyang pagkatao, ay sisirain niya ang kanyang sarili. Sa pamamagitan ng mga maling kaugalian ay nawawala sa kanya ang kanyang kapangyarihan ng pagpapahalaga-sa-sarili. Nawawalan siya ng pagpipigil-sa-sarili. Hindi siya makapangatwiran ng tumpak tungkol sa mga bagay na labis niyang ipinagaalaala. Siya'y walang-taros at kulang sa pagkaunawa sa kanyang paggamit ng isip at katawan. Sinisira niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga maling inuugali. Hindi siya magkaroon ng kaligayahan; sapagka't ang pagpapabaya niya na maglinang ng malilinis at nakapagpapalusog na mga simulain ay naglalagay sa kanya sa ilalim ng pagsupil ng mga bisyo o mga pag-uugaling nagwawasak ng kanyang kapayapaan. Ang kanyang mga taon ng mahirap na pag-aaral ay nawawala; sapagka't sinira niya ang kanyang sarili. Pinagmalabisan niya ang kanyang mga kapangyarihang pampisikal at pangkaisipan, at ang templo ng katawan ay giba. Giba siya sa buhay na ito at sa buhay na darating. Sa pamamagitan ng pagtatamo ng karunungang ukol sa lupa ay inakala niyang magtatamo siya ng isang kayamanan; subali't sa pagsasaisantabi ng kanyang Biblia ay isinakripisyo niya ang isang kayamanang kasinghalaga ng lahat ng bagay. MP 101.1