Masayang Pamumuhay

18/62

Halaga ng Kayamanan

Nakita ng Tagapagligtas na ang mga tao ay buhos na buhos ang isipan sa pagtatamo ng pakinabang, at nawawala na sa alaala ang tungkol sa walang-hanggang mga katotohanan. Pinagsikapan Niyang iwasto ang kasamaang ito. Sinakit Niyang sirain ang pagkahaling na nagpapamanhid sa kaluluwa. Itinataas ang Kanyang tinig na Siya'y nagwika, “Ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan at mawawalan siya ng kanyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?”3 Iniharap Niya sa nagkasalang sangkatauhan ang lalong dakilang sanlibutan na kanila nang nalimutan, upang kanilang makita ang walang-hanggang mga katotohanan. Kanyang dinala sila sa pinto ng Walang-hanggan, na sagana sa di-mailarawang kaluwalhatian ng Diyos, at ipinakita sa kanila ang kayamanan doon. MP 98.2

Ang halaga ng kayamanang ito ay higit sa ginto at pilak. Ang mga kayamanan ng mga mina sa lupa ay hindi maihahambing dito. MP 98.3

“Sinasabi ng kalaliman, Wala sa akin;
At sinasabi ng dagat, Hindi sumasaakin.
Hindi mabibili ng ginto,
Ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.
Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, Ng mahahalagang onix, o ng sapiro.
Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon;
Ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na
ginto.
Hindi mabibilang ang koral o ang kristal,
Sapagka't ang halaga ng karunungan ay higit sa mga
rubi.”1
MP 98.4

Ito ang kayamanang nasusumpungan sa Mga Kasulatan. Ang Biblia ay dakilang aklat-aralin ng Diyos, Kanyang dakilang tagapagpanuto o edukador. Ang saligan o patibayan ng lahat ng tunay na siyensiya ay nakalaman sa Biblia. Ang bawa't sanga ng kaalaman ay maaaring matagpuan sa pamamagitan ng pagsasaliksik ng salita ng Diyos. At higit sa lahat ng bagay pa ito'y naglalaman ng siyensiya ng lahat ng mga siyensiya, ang siyensiya ng kaligtasan. Ang Biblia ay mina ng di-malirip na mga kayamanan ni Kristo. MP 99.1

Ang tunay at lalong mataas na karunungan ay natatamo sa pamamagitan ng pag-aaral at pagganap ng salita ng Diyos. Subali't kapag ang salita ng Diyos ay isinasaisantabi upang palitan ng mga aklat na hindi nakapag-aakay patungo sa Diyos at sa kaharian ng langit, ang karunungang natatamo ay isang maling-pagpapakahulugan sa pangalan. MP 99.2

May mga kahanga-hangang katotohanan sa katalagahan. Ang lupa, ang dagat, at ang himpapawid ay puno ng katotohanan. Ang mga ito ang siya nating mga guro. Pinamumutawi ng katalagahan ang kanyang tinig sa mga aralin ng makalangit na karunungan at walang-hanggang katotohanan. Nguni't hindi makauunawa ang nagkasalang tao. Pinalabo ng kasalanan ang kanyang paningin, at siya sa kanyang sarili ay hindi makapagpaliwanag ng tungkol sa katalagahan nang hindi ito ilalagay na higit sa Diyos. Ang mga tumpak na aralin ay hindi makagagawa ng pagkikintal sa mga pag-iisip ng mga nagsisitang- gi sa salita ng Diyos. Ang pagtuturo ng katalagahan ay lubhang isininsay o pinasama nila na anupa't pinatatalikod nito ang pag-iisip na palayo sa Lumalang. MP 99.3

Sa marami, ang karunungan ng tao ay ipinalalagay na higit pang mataas kaysa karunungan ng Diyos na Guro, at ang aklat-aralin ng Diyos ay itinuturing na makaluma, nakaiinip, at di-nakawiwili. Datapwa't sa mga pinasigla ng Banal na Espiritu ay hindi ganito ang kanilang pagtuturing o pagkakilala dito. Kanilang nakikita ang napakahalagang kayamanan, at nanaisin nilang ipagbili ang lahat upang mabili naman ang bukid na kinaroroonan nito. Sa halip na mga aklat na naglalaman ng mga pala-palagay ng mga inaakalang dakilang mangangatha, ay kanilang pinipili ang salita Niyaong pinakadakilang awtor at pinakadakilang guro na kailanma'y nakilala na ng sanlibutan, na nagbigay ng Kanyang buhay dahil sa atin, upang sa pamamagitan Niya ay magkaroon tayo ng walang-hanggang buhay. MP 100.1