Masayang Pamumuhay
Kung Paano Natatago
Ang mga kayamanan ng ebanghelyo ay sinasabing natatago. Ang kagandahan at kapangyarihan at hiwaga ng panukala ng pagtubos ay hindi nauunawaan ng mga pantas sa kanilang sariling palagay, na mga palalo dahil sa pagtuturo ng walang-kabuluhang pilosopya. Marami ang may mga mata, nguni't hindi sila nakakakita; sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nakakarinig; sila'y may katalinuhan, nguni't hindi nila nahihiwatigan ang nakatagong kayamanan. MP 94.4
Maaaring ang isang tao ay maparaan sa pook na doon itinago ang kayamanan. Sa laki ng pangangailangan ay maaaring siya'y umupo upang mamahinga sa paanan ng isang punungkahoy, nang hindi nalalamang may natatagong mga kayamanan sa mga ugat nito. Ganyan ang nangyari sa mga Hudyo. Bilang isang gintong kayamanan, ang katotohanan ay ipinagkatiwala sa bansang Hudyo. Ang pangangasiwa ng mga Hudyo sa mga bagaybagay, na may lagda ng langit, ay itinatag mismo ni Kristo. Ang mga dakilang katotohanan ng pagtubos ay nilambungan sa mga anino at mga sagisag. Gayunman, nang si Kristo'y pumarito, ay hindi Siya nakilala ng mga Hudyo na siyang itinuturo ng mga sagisag na ito. Napasakamay nila ang salita ng Diyos; datapwat' itinago sa kanila ng mga sali't saling sabi o ng mga tradisyong nagpasalin-salin sa lahat ng saling-lahi, at ng pagpapaliwanag ng tao sa mga Kasulatan, ang katotohanang gaya ng na kay Jesus. Ang kahulugang espirituwal ng mga banal na sulat ay nawala. Ang kabang-yaman ng lahat ng kaalaman ay binuksan sa kanila, nguni't hindi nila iyon naalaman. MP 96.1
Hindi itinatago ng Diyos sa mga tao ang Kanyang katotohanan. Dahil sa kanilang sariling takbo ng gawain ay pinalabo nila iyon sa kanilang mga sarili. Binigyan ni Kristo ang mga Hudyo ng maraming katunayan na Siya ang Mesiyas; subali't ang Kanyang aral ay humihingi ng isang tiyak na pagbabago sa kanilang mga kabuhayan. Kanilang nakita na kung tatanggapin nila si Kristo, ay dapat nilang iwan ang kanilang mga pinaha- halagahang salawikain at mga tradisyon, ang kanilang makasarili at walang-kabanalang mga gawain. Kinakailangan ang isang pagpapakasakit upang matanggap ang walang-pagbabago at walang-hanggang katotohanan. Kaya nga ayaw nilang tanggapin ang pinakatiyak na katunayan na maibibigay ng Diyos upang matatag ang pananampalataya kay Kristo. Sila'y nagpanggap na naniniwala sa Mga Kasulatan ng Matandang Tipan, gayunma'y tinanggihan nilang tanggapin ang patotoong nakalaman doon tungkol sa buhay at karakter ni Kristo. Ikinatakot nila ang sila'y mapapaniwala, sapagka't baka sila'y mahikayat, at mapilitang itakwil ang kanilang nayari nang mga palagay o mga kuru-kuro. Ang kayamanan ng ebanghelyo, ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, ay napasagitna nila, subali't itinakwil nila ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng langit. MP 96.2
“Sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa Kanya,” ating mababasa; “datapwa't dahil sa mga Pariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga.”1 Sila'y kumbinsido; sila'y naniwalang si Jesus ay siyang Anak ng Diyos; subali't hindi kaayon ng kanilang ambisyosong mga hangarin na ipahayag Siya. Hindi sila nagkaroon ng pananampalatayang ikinapagtamo sana nila ng kayamanang ukol sa langit. Ang hinanap nila'y kayamanan ng sanlibutan. MP 97.1
At sa kasalukuyan ang mga tao ay sabik na naghahanap ng kayamanang ukol sa lupa. Ang kanilang mga pag-iisip ay puno ng makasarili't ambisyosong mga panukala. Alang-alang sa ikapagtatamo ng mga kayamanan, karangalan, o kapangyarihan ng sanlibutan, ay pinapangingibabaw nila ang mga salawikain, mga tradisyon, at ang mga hinihingi ng mga tao sa mga hinihingi ng Diyos. Napapatago sa kanila ang mga kayamanan ng Kanyang salita. MP 97.2
“Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos; sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kanya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.”1 MP 97.3
“Kung ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak; na binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Kristo, na siyang larawan ng Diyos.”2 MP 98.1