Masayang Pamumuhay

61/62

Kapitulo 28—Hindi Kung Ano ang sa lyo'y Nararapat

ANG katotohanan tungkol sa walang-bayad na biyaya ng Diyos ay halos di-napag-unawa ng mga Hudyo. Ayon sa turo ng mga rabi ay matatamo ang lingap o biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawang paglilingkod. Ang gantimpala sa mga matwid ay inasahan nilang makakamtan sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa. Kaya nga ang pagsamba nila ay udyok ng diwang mapag-imbot at naghihintay ng kaupahan. Pati mga alagad ni Kristo ay hindi lubos na nakaligtas sa diwang ito, kaya sa bawa't pagkakataon ay pinagsikapan ng Tagapagligtas na ipakilala sa kanila ang kanilang pagkakamali. Bago Niya binanggit ang talinhaga tungkol sa mga manggagawa, ay naganap ang isang pangyayari na siyang nagbukas ng daan sa Kanya upang Kanyang maipakilala ang mga tamang simulain. MP 422.1

Nang Siya'y naglalakad sa daan ay patakbong lumapit sa Kanya ang isang kabataang pinuno, at pagkaluhod, ay magalang na binati Siya. “Mabuting Guro,” wika nito, “ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang-hanggan?” MP 422.2

Kinausap ng pinuno si Kristo bilang isa lamang pinararangalang rabi o guro, at hindi Siya kinikilalang Anak ng Diyos. Sinabi ng Tagapagligtas, “Bakit tinatawag mo Akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang, ang Diyos.” Ano ang pinagbabatayan mo at tinatawag mo Akong mabuti? Ang Diyos ay siyang mabuti. Kung kinikilala mo Akong gayon, dapat mo Akong tanggapin na Kanyang Anak at kinatawan. MP 422.3

“Kung ibig mong pumasok sa buhay,” dugtong Niya, “ingatan mo ang mga utos.” Ang likas ng Diyos ay inihahayag sa Kanyang kautusan; at upang kayo'y maging kaayon ng Diyos, ang mga simulain ng Kanyang kautusan ang kailangang panggalingan ng bawa't kilos o bawa't gawa ninyo. MP 424.1

Hindi binabawasan ni Kristo ang mga hinihingi ng kautusan. Sa di-mapagkakamaliang pangungusap ay ipinakilala Niyang ang pagtalima rito ay siyang kondisyon sa buhay na walang-hanggan,—ito rin ang kondisyong hinihingi kay Adan noong bago siya nagkasala. Ang inaasahan ng Panginoon ngayon sa kaluluwa ay hindi kulang sa inasahan Niya sa taong nasa Paraiso noon, sakdal na pagtalima at walang-dungis na katwiran. Ang hinihingi sa ilalim ng tipan ng biyaya ay kasinlawak ng hiningi sa Eden,—pakikiisa o pakikiayon sa kautusan ng Diyos, na banal, matwid, at mabuti. MP 424.2

Sa mga salitang, “Ingatan mo ang mga utos,” ay ganito ang sagot ng binatang pinuno, “Alin-alin?” Ipinalagay niyang ang ibig sabihin ni Kristo ay ilang utos na seremonyal; nguni't ang sinasalita noon ng Tagapagligtas ay ang kautusang ibinigay sa Sinai. Binanggit Niya ang ilang utos na nasa ikalawang tapyas na bato ng Dekalogo, pagkatapos ay binuo ito sa utos na, “Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” MP 424.3

Walang pag-aatubiling sumagot ang binata, “Ginanap ko na ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata; ano pa ang kulang sa akin?” Mababaw at panlabas ang pagkaunawa niya sa kautusan. Kung hahatulan ayon sa pamantayan ng tao, ay nakapag-ingat nga siya ng isang likas na walang-dungis. Ang kabuhayan niyang nakikita o panlabas sa isang malaking antas ay wa- lang sala; tunay na naisip niyang ang kanyang pagtalima ay walang kapingas-pingas. Subali't sa kalooban niya'y may lihim siyang pangamba na baka sa Diyos at sa kanyang kaluluwa ay hindi lahat ay matwid. Ito ang nagudyok sa kanyang magtanong ng, “Ano pa ang kulang sa akin?” MP 424.4

“Kung ibig mong maging sakdal,” sabi ni Kristo, “humayo ka at ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at pumarito ka at sumunod ka sa Akin. Datapwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananal ta, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y may maraming pag-aari.” MP 425.1

Ang maibigin sa sarili ay sumasalansang sa kautusan. Ito'y ninais na ihayag ni Jesus sa binata, kaya binigyan Niya ito ng isang pagsubok na maglalantad sa kasakiman ng puso nito. Ipinakita Niya ang bahaging may-salot sa likas nito. Hindi na nagnasa pa ang binata ng higit na liwanag. Nag-aruga siya ng isang diyus-diyusan sa kanyang kaluluwa; ang sanlibutan ay siya niyang diyos. Nagpanggap siyang gumanap ng mga utos, subali't kulang siya sa simulaing siyang pinakadiwa at buhay ng lahat ng mga ito. Wala siyang tunay na pag-ibig sa Diyos o sa tao. Ang kakulangang ito ay siyang kakulangan ng lahat ng bagay na magpapagindapat sa kanya upang makapasok sa kaharian ng langit. Sa pag-ibig niya sa kanyang sarili at sa kapakinabangang pansanlibutan ay hindi siya naging kaayon ng mga simulain ng langit. MP 425.2

Nang lumapit kay Jesus ang binatang pinunong ito, nakaakit sa puso ng Tagapagligtas ang katapatan at kasigasigan nito. Sa “pagtitig dito ni Jesus ay giniliw ito.” Sa binatang ito ay nakita Niya ang isa na makapaglilingkod bilang mangangaral ng katwiran. Agad Niya sanang matatanggap ang may-talento at marangal na kabataang ito na gaya ng agad Niyang pagtanggap sa mga dukhang mangingisda na nagsisunod sa Kanya. Kung itinalaga la- mang at inilaan ng binata ang kanyang kakayahan sa gawain ng paglilitas ng mga kaluluwa, sana siya'y naging isang masikap at matagumpay na manggagawa ni Kristo. MP 425.3

Subali't dapat munang tanggapin nito ang mga kondisyon sa pagiging-alagad. Dapat munang ibigay nito ang kanyang sarili nang lubusan sa Diyos. Sa panawagan ng Tagapagligtas, ay “iniwan” nina Juan, Pedro, Mateo, at ng kanilang mga kasama “ang lahat, at nagtindig at sumunod sa Kanya.”1 Gayunding pagtatalaga ang kailangan ng binatang pinuno. At dito'y hindi humingi si Kristo ng higit na malaking pagpapakasakit kaysa ginawa Niya. “Siya'y mayaman, gayunma'y nagpakadukha dahil sa inyo, upang sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan ay magsiyaman kayo.”2 Ang kailangan lamang gawin ng binata ay sumunod sa pangunguna ni Kristo sa daan. MP 426.1

Tinitigan ni Kristo ang binata, at kinasabikan Niya ang kaluluwa nito. Kinasabikan Niyang isugo ito bilang tagapagbalita ng pagpapala sa mga tao. At bilang kapalit ng sinabi Niyang isuko nito, ay inialok ni Kristo ang karapatan na maging kasama Niya. “Sumunod ka sa Akin,” sabi Niya. Ang karapatang ito'y itinuring na kagalakan nina Pedro, Santiago, at Juan. May paghangang tumingin din ang binata kay Kristo. Nahihilang palapit sa Tagapagligtas ang kanyang puso. Nguni't hindi siya handang tanggapin ang simulain ng pagpapakasakit sa sarili na siyang simulain ng Tagapagligtas. Pinili niya muna ang kanyang mga kayamanan bago si Jesus. Ibig niya ang buhay na walang-hanggan, subali't ayaw naman niyang tanggapin sa kaluluwa ang di-sakim na pag-ibig na siya lamang buhay, at kaya nga namamanglaw na tinalikuran niya si Kristo. MP 426.2

Habang tumatalikod na palayo ang binata, ay sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Pagkahirap-hirap na makapasok sa kaharian ng Diyos ang mga may ka-yamanan!” Ang mga salitang ito ay ipinagtaka ng mga alagad. Sila'y niluto sa aral na ang mga mayayaman ay siyang mga itinatangi ng langit; sila na rin ay umaasang ang tatanggapin nila sa kaharian ng Mesiyas ay kapangyarihang pansanlibutan at mga kayamanan; kung ang mayayaman ay hindi makakapasok sa kaharian, ay ano pa ang maaasahan ng nalalabi sa mga tao? MP 426.3

“Si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kayhirap na magsipasok sa kaharian ng Diyos ang mga nagsisiasa sa mga kayamanan! Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos. At sila'y nangagtakang lubha.” Ngayo'y nadama nilang kasama na sila sa taimtim na binababalaan. Sa liwanag ng mga salita ng Tagapagligtas ay nahayag ang lihim nilang paghahangad ng kapangyarihan at mga kayamanan. Taglay ang pag-aagam-agam sa kanilang mga sarili na sila'y nangapabulalas, “Sino nga kaya ang makaliligtas?” MP 427.1

“Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapwa't hindi gayon sa Diyos; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Diyos.” MP 427.2

Ang taong mayaman, sa kanyang pagiging-mayaman, ay hindi makapapasok sa langit. Hindi nagbibigay sa kanya ang Kanyang kayamanan ng anumang titulo o karapatan sa mamanahin ng mga banal sa liwanag. Sa pamamagitan lamang ng biyaya ni Kristo makapapasok sa lungsod ng Diyos ang sinumang tao. MP 427.3

Sa mayayaman at sa mga dukha rin naman ay ipinahahayag ang mga salita ng Espiritu Santo, “Hindi kayo sa inyong sarili; sapagka't kayo'y binili sa halaga.”1 Kapag ito'y sinasampalatayanan ng mga tao, ay ituturing nilang ang mga tinatangkilik nila ay parang ipinagkatiwala sa kanila, na dapat gamitin ayon sa itutUro ng Diyos, para sa pagliligtas ng mga nawawaglit, at sa ikagiginhawa ng mga nagdurusa at ng mga dukha. Sa tao ay hindi ito mangyayari, sapagka't ang puso ay nangu- ngunyapit sa kayamanan nito sa lupa. Ang taong nakatali sa paglilingkod sa kayamanan ay hindi nakakarinig sa daing ng taong nangangailangan. Subali't sa Diyos ay maaaring mangyari ang lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan ng pagtingin sa walang-kapantay na pag-ibig ni Kristo, ay maaagnas at masusupil ang sakim na puso. Ang taong mayaman, gaya ni Saulo na Pariseo, ay maaakay na magsabing, “Ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan alang-alang kay Kristo. Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko.”1 Kung gayon nga ay hindi nila ituturing na kanila ang anumang bagay. Ikagagalak nilang sila'y maituring na mga katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos, at alang-alang sa Kanya ay sila'y maglilingkod sa lahat ng mga tao. MP 427.4

Si Pedro ang unang-unang nakagitaw sa nagawang lihim na pagkakasumbat sa kanila ng mga salita ng Tagapagligtas. May kasiyahang naisip niya ang mga bagay na iniwan niya at ng kanyang mga kapatid alang-alang kay Kristo. “Narito,” wika niya, “iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa Iyo.” At nang maalaala niya ang pangako ni Kristo sa binatang pinuno na kung ito'y susunod ay, “Magkakaroon ka ng kayamanan sa langit,” ay itinanong naman niya ngayon kung ano ang tatanggapin niya at ng mga kasamahan niya na gantimpala sa kanilang mga pagpapakasakit o mga pagsasakripisyo. MP 428.1

Ang sagot ng Tagapagligtas ay nagpasaya sa puso ng mga mangingisdang taga-Galilea. Naglarawan iyon ng mga karangalang siyang katuparan ng pinakamatatayog nilang mga pangarap: “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Na kayong nagsisunod sa Akin, sa pagbabagong-lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng Kanyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labindalawang luklukan, upang magsihukom sa labindalawang angkan ng Israel.” At idinugtong pa Niya, “Walang taong nag- iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o asawa, o mga anak, o mga lupa, dahil sa Akin, at dahil sa ebanghelyo, na hindi siya tatanggap ng tig-sandaan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga pag-uusig; at sa sanlibutang darating ay ng walang-hanggang buhay.” MP 428.2

Subali't ang tanong ni Pedro na, “Ano nga baga ang kakamtin namin?” ay naghayag ng isang diwa, na kung hindi maiwawasto, ay di-magpapagindapat sa mga alagad na maging mga tagapagbalita ni Kristo; sapagka't iyon ay siyang diwa ng isang nagpapaupa. Bagama't sila'y naakit ng pag-ibig ni Jesus, ay hindi naman lubos na nawala sa kanila ang diwa ng mga Pariseo. Gumawa pa rin sila taglay ang isipang magkakamit sila ng gantimpala bilang ganti sa kanilang pagpapagal. Nagkimkim sila ng isang diwa ng pagtataas-sa-sarili at ng pagkakaroon ng kasiyahan sa sarili, at gumawa sila ng mga paghahambing sa kani-kanilang mga sarili. Kapag nagkulang ang isa sa anumang bagay, ang palagay ng iba ay sila ang nakahihigit. MP 429.1

Sapagka't baka hindi mapag-unawa ng mga alagad ang mga simulain ng ebanghelyo, kaya inilahad ni Kristo sa kanila ang isang talinhagang naglalarawan ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga lingkod, at ang diwang nais Niyang mapasakanila sa paglilingkod nila sa Kanya. MP 429.2

“Ang kaharian ng langit,” wika Niya, “ay tulad sa isang tao na puno ng sambahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga upang umupa ng mga manggagawa sa kanyang ubasan.” Kaugalian na ng mga lalaking naghahanap ng gawain na magsitayo at maghintay sa mga pamilihan, at doon ay nagtutungo naman ang mga maypagawaing nangangailangan ng mga manggagawa. Ang tao sa talinhaga ay inilalarawang lumalabas sa iba't ibang oras at nakikipag-usap sa mga manggagawa. Ang mga nakukuhang gumawa sa mga unang-unang oras ay nakikipagkasundong magtrabaho sa isang takdang halaga; ang mga huling nakukuha naman ay ipinauubaya na sa kapasiyahan ng puno ng sambahayan ang kanilang kaupahan. MP 429.3

“At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una. At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras, ay tumanggap ang bawa't tao ng isang denaryo. Nguni't nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila nang higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denaryo.” MP 430.1

Ang pakikitungo ng puno ng sambahayan sa mga nagsigawa sa kanyang ubasan ay kumakatawan sa pakikitungo ng Diyos sa sambahayan ng mga tao. Iyon ay salungat sa mga kaugaliang naghahari sa gitna ng mga tao. Sa daigdig ng kalakalan, ang upa o kabayaran ay ibinibigay ayon sa natapos o nagampanang gawain. Ang manggagawa ay umaasang siya'y babayaran lamang ng kanyang dapat kitain. Subali't sa talinhaga, ay inilalarawan ni Kristo ang mga simulain ng Kanyang kaharian, —isang kahariang hindi sa sanlibutang ito. Hindi Siya nasusupil ng anumang pamantayan ng tao. Ganito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang Aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, o ang inyo mang mga lakad ay Aking mga lakad. . . . Sapagka't kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang Aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang Aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.”1 MP 430.2

Sa talinhaga ay sumang-ayong magtrabaho ang unang mga manggagawa sa halagang kanilang pinagkasunduan, at kaya nga tumanggap sila ng halagang nasabi, hindi na humigit pa. Ang mga inupahan naman nang dakong huli ay nanalig sa pangako ng panginoon na, “Bibigyan ko kayo ng nasa katwiran.” Ipinakilala nila ang kanilang pagtitiwala sa kanya sa pamamagitan ng hindi pagtatanong ng tungkol sa kanilang magiging kaupahan. Pinagtiwalaan nila ang kanyang pagiging-makatarungan at pagiging-makatwiran. Ginantimpalaan sila, hindi ayon sa halaga ng kanilang paggawa, kundi ayon sa kalakhan o kadakilaan ng kanyang panukala. MP 430.3

Ganyan din hinahangad ng Diyos na magtiwala tayo sa Kanya na umaaring-ganap sa makasalanan. Ang Kanyang gantimpala ay ibinibigay, hindi ayon sa ating kabutihan o kagalingan, kundi ayon sa Kanyang sariling panukala, “na Kanyang ipinanukala kay Kristo Jesus na Panginoon natin.” “Hindi dahil sa mga gawa ng katwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa Kanyang kaawaan ay Kanyang iniligtas tayo.”1 At sa mga nagtitiwala sa Kanya ay gagawa Siya “nang lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip.”2 MP 431.1

Ang mahalaga sa Diyos ay hindi ang kabuuan ng ginanap na gawain, ni ang nakikita mang mga ibinunga nito, kundi ang diwa ng pagkakaganap sa gawain. Yaong mga nagtungo sa ubasan sa ikalabing-isang oras ay nagpasalamat sa pagkakaroon ng pagkakataong makagawa. Puno ng pagkilala ng utang-na-loob ang kanilang mga puso sa tumanggap sa kanila; at nang sa katapusan ng maghapon ay bayaran sila ng puno ng sambahayan ng para sa maghapong paggawa, ay gayon na lamang ang laki ng kanilang pagkakamangha. Batid nilang hindi sila karapat-dapat tumanggap ng gayong kaupahan. At ang kagandahang-loob na nakabadha sa mukha ng nagpatrabaho sa kanila ay lumipos sa kanila ng kagalakan. Hindi nila nalimutan kailanman ang kabutihan ng puno ng sambahayan, o ang malaking halagang kanilang tinanggap na kaupahan. Ganito rin ito sa makasalanan, na nakatatalastas ng kanyang di-pagiging-karapat-dapat, ay pumasok at gumawa sa ubasan ng Panginoon sa ikala- bing-isang oras. Waring napakaikli ang panahong kanyang ipinaglingkod, na anupa't nararamdaman niyang siya'y di-karapat-dapat sa gantimpala; nguni't tuwang-tuwa siya sa pagkakatanggap sa kanya ng Diyos. Gumagawa siyang taglay ang diwang mapagpakumbaba at nagtitiwala, at nagpapasalamat sa karapatang maging kamanggagawa ni Kristo. Kinalulugurang parangalan ng Diyos ang diwang ito. MP 431.2

Ang nais ng Panginoon ay magtiwala tayo sa Kanya nang hindi nag-aalinlangan tungkol sa ating tatanggaping gantimpala. Kapag si Kristo'y siyang tumatahan sa kaluluwa, hindi napakahalaga na isipin ang tungkol sa gantimpala. Hindi ito ang adhikaing nagpapakilos sa ating paglilingkod. Totoo kung sabagay, na sa diwang napasasakop, ay dapat nating pahalagahan ang tatanggapin nating gantimpala. Talagang hangad ng Diyos na pahalagahan natin ang Kanyang ipinangakong mga pagpapala. Subali't hindi naman Niya ibig na maging masugid tayo sa mga gantimpala, o kaya'y magkaroon tayo ng damdamin na sa bawa't gawaing ating gampanan ay ibig nating tumanggap ng bayad o upa. Ang dapat nating pagsumigasigan ay ang makagawa ng matwid o tama at hindi ang makapagtamo ng gantimpala. Pagibig sa Diyos at sa ating mga kapwa-tao ang dapat nating maging adhikain. MP 432.1

Hindi pinagpapaumanhinan ng talinhagang ito ang mga nakarinig sa unang pagtawag ng mga manggagawa, at hindi pumasok sa ubasan ng Panginoon. Nang magtungo ang puno ng sambahayan sa pamilihan sa oras na ikalabing-isa, at makakita roon ng mga taong walang ginagawa, ay siya'y nagsabi, “Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?” Ang naging tugon ng mga ito ay, “Sapagka't walang sinumang umupa sa amin.” Ang mga tinawagan nang dakong huli ay wala roon noong umaga. Hindi nila tinanggihan ang panawagan. Ang mga nagsitanggi at pagkatapos ay nagsi- pagsisi, ay mabuti kung nagsisipagsisi; subali't mapanganib na waling-halaga ang unang panawagan ng kaawaan. MP 432.2

Nang ang mga gumawa sa ubasan ay tumanggap “bawa't tao ng isang denaryo,” ay nangagdamdam ang mga nagsipagtrabaho nang maaga. Hindi ba nagtrabaho sila sa loob ng labindalawang oras? sabi nila, at hindi ba katwiran lamang na dapat silang tumanggap nang higit kaysa mga nagtrabaho nang isang oras lamang sa dakong hapon na malilim na ang araw? “Isang oras lamang ang ginugol nitong mga huli,” sabi nila, “at sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog.” MP 433.1

“Kaibigan,” sagot ng puno ng sambahayan sa isa sa kanila, “hindi kita iniiring; hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli nang gaya rin sa iyo. Hindi baga matwid na aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? O masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti?” MP 433.2

“Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna; sapagka't marami ang tinawagan, nguni't kakaunti ang mga nahirang.” MP 433.3

Ang mga manggagawa sa talinhaga ay kumakatawan sa mga nagsasabing nangauuna sila sa mga iba dahil sa kanilang mga paglilingkod. Ginagampanan nila ang kanilang gawain nang may diwang pagbibigay-kasiyahan sa sarili, at hindi nilalakipan iyon ng pagkakait sa sarili at ng pagpapakasakit sa sarili. Maaari silang nagpanggap na naglingkod sa Diyos sa buo nilang buhay; maaaring sila'y nangunguna sa pagbabata ng kahirapan, pagsasalat, at pagsubok, at dahil ditoy iniisip nilang sila'y karapat-dapat tumanggap ng malaking gantimpala. Higit nilang iniisip ang gantimpala at hindi ang karapatan na maging mga lingkod ni Kristo. Sa kanilang kuru-kuro ang mga pagpapagal at mga pagpapakasakit nila ay nagpapagindapat sa kanila upang sila'y tumanggap ng ka- rangalan nang higit kaysa mga iba, at sapagka't ang pagaangkin nilang ito ay hindi kinikilala, sila ay nagdaramdam. Kung tinaglay lamang nila sa kanilang paggawa ang diwang maibigin at nagtitiwala, ay nanatili sana sila na laging una; subali't ang ugali nilang laging nagrereklamo ay hindi diwa ni Kristo, at ito ang nagpapatunay na sila'y di-mapagkakatiwalaan. Naghahayag ito ng kanilang paghahangad na umunlad ang sarili, ng di nila pagtitiwala sa Diyos, at ng pagkakaroon nila ng diwang mainggitin at magagalitin sa kanilang mga kapatid. Ipinagbubulung-bulong lamang nila ang kabutihan at pagkamapagbigay ng Panginoon. Sa gayo'y ipinakikilala nila na hindi nakaugnay sa Diyos ang kanilang mga kaluluwa. Hindi nila ikinagagalak na makipagtulungan sa Punong-manggagawa. MP 433.4

Wala nang higit na nakasusuklam sa Diyos kundi ang maramot at makasariling diwang ito. Hindi Siya makagagawang kasama ng sinumang nagtataglay ng mga likas na ito. Hindi nila mararamdaman o mauunawaan ang paggawa ng Kanyang Espiritu. MP 434.1

Ang mga Hudyo ang unang mga tinawag sa ubasan ng Panginoon; at dahil dito ay sila'y mapagmataas at mapagbanal-banalan. Ang mahahabang mga taon ng kanilang paglilingkod ay itinuturing nilang nagbibigay sa kanila ng karapatan na tumanggap ng higit na malaking gantimpala kaysa mga iba. Wala nang nakapanggigipuspos at nakayayamot sa kanila kundi ang maalamang ang mga Hentil ay tatanggap din ng mga karapatang gaya ng tinatanggap nila sa mga bagay ng Diyos. MP 434.2

Binabalaan ni Kristo na sumunod sa Kanya ang mga alagad na unang tinawag, baka ang kasamaan ding iyon ang maaruga nila sa kanilang mga pag-iisip. Nakita Niya na ang kahinaan, ang sumpa sa iglesya, ay ang diwa o espiritu ng pagbabanal-banalan. Iisipin ng mga tao na mayroon silang magagawa upang sa pamamagitan ng gawang paglilingkod nila ay magkaroon sila ng dako sa kaharian ng langit. Iisipin nila na kapag nakagawa na sila ng pagsulong, ay saka naman papasok ang Panginoon upang sila'y tulungan. Kaya nga ang sarili ang lalaki, at liliit si Jesus. Ang maraming nakagawa ng kaunting pagsulong o pag-unlad ay magpapalalo, at iisipin nilang nakahihigit sila sa iba. Magiging sabik sila sa papuri, at mangingimbulo kung hindi sila ang ipalalagay na higit na importante. Laban sa panganib na ito pinagsisikapan ni Kristo na mapapag-ingat ang Kanyang mga alagad. MP 434.3

Ang lahat ng paghahambog tungkol sa kagalingan o kabutihan ng ating mga sarili ay hindi dapat gawin. “Huwag magmapuri ang pantas sa kanyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan; kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kanyang nauunawa at kanyang nakikilala Ako, na Ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan, at katwiran; sapagka't sa mga bagay na ito ay nalulugod Ako, sabi ng Panginoon.”1 MP 435.1

Ang gantimpala ay hindi sa mga gawa, baka sinumang tao ay magyabang; kundi ito'y buung-buong sa biyaya. “Ano nga ang ating sasabihin, na nasumpungan ni Abraham na ating magulang ayon sa laman? Sapagka't kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamapuri; datapwa't hindi sa Diyos. Sapagka't ano ang sinasabi ng Kasulatan? Sumampalatava si Abraham sa Diyos, at sa kanya'y ibinilang na katwiran. Ngayon sa kanva na gumagawa'y hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang. Datapwa't sa kanya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa Kanya na umaaring-ganap sa masama, ang kanyang pananampalataya ay ibibilang na katwiran.”2 Kaya nga walang dapat ipagmapuri ang isa sa iba, o kaya'y walang dapat ipagreklamo o ikagalit ang isa laban sa iba. Sinuman ay hindi nakahihigit ng kara- patan sa iba, ni hindi rin maaangkin ng sinuman ang gantimpala na bilang isang karapatan. MP 435.2

Ang nangauuna at ang nangahuhuli ay dapat mangakabahagi sa malaki at walang-hanggang gantimpala, at dapat tanggaping may kagalakan ng nangauuna ang nangahuhuli. Ang taong nagrereklamo sa gantimpalang tinanggap ng iba, ay nakalilimot na siya man naman ay inililigtas lamang ng biyaya. Ang talinhaga tungkol sa mga manggagawa ay sumusuwat sa lahat ng pagkainggit at paghihinala. Ang pag-ibig ay nagagalak sa katotohanan, at hindi gumagawa ng anumang may-pagkainggit na mga paghahambing. Ang pinaghahambing lamang ng taong may pag-ibig, ay ang kagandahan ni Kristo at ang kanyang di-sakdal na likas. MP 436.1

Ang talinhagang ito ay isang babala sa lahat ng mga manggagawa, na kung wala silang pag-ibig sa mga kapatid, at kung wala silang pagpapakumbaba sa harap ng Diyos, ay wala silang kabuluhan, gaanuman katagal silang naglingkod at gaanuman karami ang kanilang mga ginawa. Ang pagsamba at paglilingkod sa Diyos ay nawawala kapag ang sarili ay siyang itinataas o itinatanghal. Masusumpungan ng taong ang hangarin ay ang ikaluluwalhati ng sarili, na salat siya sa biyayang siya lamang makagagawa sa kanya na siya'y maging mabunga sa paglilingkod kay Kristo. Kapag ang pagmamataas at kasiyahan sa sarili ay kinakaugali, nadudungisan ang gawain. MP 436.2

Hindi ang haba ng panahon na ating iginagawa, kundi ang pagiging-handa at pagiging-tapat natin sa paggawa, ang tinatanggap ng Diyos. Sa buong paglilingkod natin ay hinihingi ang lubos na pagpapasakop ng sarili. Ang pinakamaliit na gawaing nagampanan nang buong katapatan at hindi nagtampok sa sarili, ay higit na nakalulugod sa Diyos kavsa pinakamalaking gawain na nadungisan naman ng pagbibigay-kasivahan sa sarili. Tinitingnan Niya kung gaanong espiritu o diwa ni Kristo ang kinikimkim natin, at kung gaanong wangis ni Kristo ang nakikita sa ating gawain. Higit Niyang pinahahalagahan ang pag-ibig at pagtatapat natin sa paggawa kaysa dami ng ating nagagawa. MP 436.3

Sa panahon lamang na ang pagkamakasarili ay patay, sa panahong ang pag-aalitan sa pangingibabaw ay wala, sa panahong ang pasasalamat ay siyang pumupuno sa puso, at pinababango ng pag-ibig ang buhay,— ay sa panahong ito lamang tumatahan si Kristo sa kaluluwa, at tayo'y kinikilalang mga manggagawang kasama ng Diyos. MP 437.1

Gaanuman kahirap ng gawain nila, ay hindi ito itinuturing ng mga tunay na manggagawa na nakapapagod at nakaiinip na gawain. Handa silang gumugol at pagugol; gayunma'y isang masayang gawain iyon, na ginaganap nang masaya ang puso. Ang kagalakan sa Diyos ay ipinahahayag sa pamamagitan ni Jesukristo. Ang kagalakan nila ay siyang kagalakang nakalagay sa harapan ni Kristo,—na “gawin ang kalooban ng sa Akin ay nagsugo, at tapusin ang Kanyang gawain.”1 Sila'y nakikipagtulungan sa Panginoon ng kaluwalhatian. Ang isipang ito'y nagpapatamis sa lahat ng paggawa, pinalalakas ang kalooban, at pinasisigla ang diwa sa anumang maaaring sapitin. Gumagawang may buong-puso, na pinararangal ng pagiging mga kabahagi sa mga hirap ni Kristo, na nakikibahagi sa Kanyang mga pakikiramay, at nakikipagtulungan sa Kanya sa Kanyang paggawa, sila'y tumutulong ang Kanyang katuwaan, at mabigyang karangalan at kapurihan ang Kanyang mabunying pangalan. MP 437.2

Ito ang diwa ng lahat ng tunay na paglilingkod sa Diyos. Dahil sa kakulangan ng diwang ito, ang maraming sa malas ay mga nangauuna ay mangahuhuli, samantala'y ang mga nagtataglay naman nito, bagama't ibinibilang na nahuhuli, ay mangauuna. MP 437.3

Marami ang nangagkaloob ng kanilang sarili kay Kristo, gayunma'y wala silang nakikitang pagkakataon sa paggawa ng isang malaking gawain o sa paggawa ng malalaking mga pagpapakasakit sa paglilingkod sa Kanya. Maaaring nakakasumpong ang mga ito ng kaaliwan sa isipang hindi naman ang pagpapasakop na tulad ng sa isang martir ang siya lamang lubos na tinatanggap ng Diyos; na maaaring hindi naman ang misyonerong arawaraw ay napapaharap sa panganib at sa kamatayan ang tumatayong siyang pinakadakila sa mga talaan sa langit. Ang Kristiyanong ganito sa kanyang pansariling kabuhayan, sa araw-araw na pagpapasakop niya, sa katapatan ng kanyang hangarin at kadalisayan ng isipan, sa angking kaamuan kahit na pinagagalit, sa pananampalataya at pagbabanal, at sa katapatan sa pinakamaliit na bagay, ang taong sa kabuhayan sa tahanan ay naglalarawan ng likas ni Kristo,—ang ganitong tao ay maaaring sa paningin ng Diyos ay higit pang mahalaga kaysa tanyag sa daigdig na misyonero o martir. MP 437.4

Oh, nagkakaiba nga ang mga pamantayang ginagamit ng Diyos at ng tao sa pagsukat sa likas. Nakikita ng Diyos ang maraming tuksong nilabanan na di-kailanman nalalaman ng sanlibutan at maging ng malalapit na mga kaibigan,—mga tukso sa tahanan, at sa puso. Nakikita Niya ang pagpapakumbaba ng tao dahil sa kahinaan nito; ang tapat na pagsisisi nito sa isang masamang naisip. Nakikita Niya ang buong-pusong pagtatapat ng tao sa paglilingkod sa Kanya. Itinatala Niya ang mga oras ng mahigpit na pakikipagbaka sa sarili,—pakikipagbakang naipagtagumpay. Lahat nang ito ay nababatid ng Diyos at ng mga anghel. Isang aklat ng alaala ang isinusulat sa harap Niya para sa kanila na natatakot sa Panginoon at umaalaala sa Kanyang pangalan. MP 438.1

Ang lihim ng tagumpay ay hindi natatagpuan sa ating pinag-aralan, sa ating tungkulin, sa bilang o dami ng ipinagkatiwala sa ating mga talento, ni hindi rin sa kalooban ng tao. Sa pagkadama natin ng ating kawalang-kakayahan, ay dapat nating bulay-bulayin si Kristo, at sa pamamagitan Niya na siyang lakas ng lahat nang lakas, at siyang pag-iisip ng lahat nang pag-iisip, ay magkakamit ng sunud-sunod na tagumpay ang mga may-ibig at mga masunurin. MP 438.2

At gaanuman kaikling panahon tayo naglingkod o gaanuman kaaba ng ating gawain, kung sa payak na pananampalataya'y sinusundan natin si Kristo, ay hindi tayo mabibigo sa gantimpala. Ang bagay na hindi natamo kahit ng pinakadakila at pinakamarunong, ay maaaring makamtan ng pinakamahina at pinakaaba. Ang ginintuang pintuan ng langit ay hindi nabubuksan sa nagtataas ng sarili. Hindi ito binubuksan sa may diwang mapagmataas. Nguni't ang walang-hanggang mga pintuan ay mabubuksan nang maluwang sa nanginginig na paghipo o paghawak ng isang maliit na bata. Mapalad ang magiging gantimpalang biyaya ng mga gumawa para sa Diyos na taglay ang payak na pananampalataya at pag-ibig. MP 439.1