Masayang Pamumuhay

60/62

Kapitulo 27—Sino ang Aking Kapwa?

SA MGA HUDYO ang tanong na, “Sino ang aking kapwa-tao?” ay naging sanhi ng walang-katapusang pagtatalo. Wala silang alinlangan tungkol sa mga Hentil at mga Samaritano. Sila'y mga tagaibang-lupa at mga kaaway. Subali't saan nila ibabatay ang pagiging-iba nila sa kanilang mga kababayan, at sa gitna ng iba't ibang uri ng lipunan? Sino ang ituturing ng saserdote, ng rabi, at ng matanda, na kanilang kapwa tao? Ginugol nila ang buo nilang buhay sa paulit-ulit na pagsasagawa ng mga seremonya upang sila'y maging malilinis. Ang pakikipagugnay sa mga walang-nalalaman at walang-ingat na karamihan, ayon sa turo nila, ay magiging sanhi upang sila'y maging marumi at iyon ay mangangailangan ng nakapapagod na paggawa at pagsisikap upang maalis. Ang “marumi” ba'y ituturing nilang mga kapwa-tao? MP 405.1

Sinagot ni Kristo ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagsasaysay ng talinhaga tungkol sa mabuting Samaritano. Ipinakilala Niya na ang ating kapwa-tao ay hindi nangangahulugang isang kasama lamang natin sa iglesya o ating kapanampalataya. Ito'y walang tinutukoy na lahi, kulay, o uri ng tao. Ang ating kapwa-tao ay ang bawa't taong nangangailangan ng ating tulong. Ang ating kapwa-tao ay ang bawa't kaluluwang sinugatan at binugbog ng kaaway. Ang ating kapwa-tao ay ang bawa't isang pag-aari ng Diyos. MP 405.2

Ang talinhaga tungkol sa mabuting Samaritano ay naihayag dahil sa itinanong kay Kristo ng isang dalubhasa sa kautusan. Samantalang nangangaral ang Tagapagligtas, “isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig, at Siya'y tinukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang-hanggang buhay?” Ang mga Pariseo ay siyang nagmungkahi sa manananggol na itanong ito, sa pag-asa nilang masisilo o mahuhuli nila si Kristo sa sarili Niyang pangungusap, at kaya nga buong kasabikan nilang pinakinggan ang Kanyang kasagutan. Nguni't hindi nakipagtalo ang Tagapagligtas. Ang nagtatanong na rin ang Kanyang pinasagot. “Ano ang nasusulat sa kautusan?” tanong Niya, “ano ang nababasa mo?” Pinararatangan pa rin noon ng mga Hudyo si Jesus na Siya'y di-gasinong nagpapahalaga sa kautusang ibinigay sa Sinai, nguni't ang tanong na tumutukoy sa kaligtasan ay ibinaling Niya sa pagganap ng mga utos ng Diyos. MP 406.1

Sinabi ng manananggol, “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong lakas mo, at nang buong pagiisip mo; at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” “Matuwid ang sagot mo,” wika ni Kristo; “gawin mo ito, at mabubuhay ka.” MP 406.2

Hindi nasisiyahan ang manananggol sa kalagayan at mga ginagawa ng mga Pariseo. Pinag-aralan niya ang mga Kasulatan taglay ang hangaring maalaman ang tunay na kahulugan nito. Malaki ang interes niya sa bagay na ito, kaya nga matapat siyang nagtanong, “Anong aking gagawin?” Sa sagot niya tungkol sa mga hinihingi ng kautusan, ay hindi niya sinabi ang tungkol sa maraming mga utos na ukol sa mga seremonya at mga rito. Sapagka't sinasabi niyang ang mga ito ay walang halaga, nguni't ang iniharap niya ay ang dalawang dakilang simulain na doon nakabatay ang buong kautusan at ang mga propeta. Ang pagkakapuri ng Tagapagligtas sa sagot na ito ay naglagay sa Kanya sa katayuang nakalalamang sa mga rabi. Hindi nila Siya mahahatulan sa pagkakapagpatibay Niya sa ipinahayag ng isang tagapagpaliwanag ng kautusan. MP 406.3

“Gawin mo ito, at mabubuhay ka,” sabi ni Kristo. Sa pagtuturo Niya noon ay lagi Niyang iniharap ang kautusan bilang isang banal na kabuuan, at ipinakilala Niyang hindi maaaring ang isang utos ay tutuparin at ang iba naman ay sisirain o lalabagin; sapagka't iisang simulain ang bumubuo sa lahat. Matitiyak ang kapalaran ng tao sa pamamagitan ng pagtalima niya sa buong kautusan. MP 407.1

Batid ni Kristong walang sinumang makatatalima sa kautusan sa sarili nitong lakas. Hinangad Niyang akayin ang manananggol sa paggawa ng lalong malinaw na pagkaunawa at ng lalong masusing pagsasaliksik, upang makita nito ang katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa kagalingan at biyaya ni Kristo matutupad o maiingatan natin ang kautusan. Ang pagsampalataya sa pampalubag-loob sa kasalanan ay magbibigay sa taong nagkasala ng kakayahan na ibigin ang Diyos nang buong puso niya, at ang kanyang kapwa na gaya ng kanyang sarili. MP 407.2

Batid ng manananggol na hindi niya tinutupad ang alinman sa unang apat o huling anim na utos. Nasumbatan siya ng nananaliksik na pangungusap ni Kristo, subali't sa halip na ipahayag ang kasalanan, ay pinagsikapan niyang bigyan ng dahilan ang di-pagtupad niyon. Sa halip na kilalanin ang katotohanan, ay sinikap niyang ipakilalang napakahirap tuparin ang utos. Sa gayong paraan inasahan niyang kanyang maiiwasan ang siya'y masumbatan at mabigyang katwiran din naman ang kanyang sarili sa paningin ng mga tao. Ipinakilala ng mga salita ng Tagapagligtas na ang tanong niya'y hindi na kailangan, sapagka't ito'y nasagot na rin niya. Gayun- ma'y nagtanong pa rin siya ng isa, na sinasabi, “Sino ang aking kapwa-tao?” MP 407.3

Muling tumanggi si Kristo na mahila sa pakikipagtalo. Sinagot Niya ang katanungan sa pamamagitan ng paglalahad ng isang pangyayari, na ang alaala niyon ay sariwa pa sa isip ng mga nakikinig sa Kanya. “Isang tao,” wika Niya, “ay bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem, at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kanya'y sumamsam, at sa kanya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na.” MP 409.1

Sa paglalakbay na mula sa Jerusalem patungong Jerico, ang maglalakbay ay kailangang dumaan sa isang bahagi ng ilang ng Judea. Ang daan ay lumulusong sa isang mapanglaw at mabatong bangin, na pinamumugaran ng mga tulisan, at kadalasa'y nagiging pook ng karahasan. Sa pook na ito sinalakay ang naglalakbay, at ito'y sinamsaman ng lahat ng mahahalagang dala nito, at pagkatapos ay iniwang halos patay sa tabingdaan. Habang ito'y nakahandusay nang gayon, isang saserdote ang nagdaan doon; nakita niya ang nakahandusay na lalaking sugatan at naliligo sa sarili nitong dugo; nguni't ito'y iniwan nang hindi man lamang tinulungan. Siya'y “dumaan sa kabilang tabi.” Pagkatapos ay isa namang Levita ang dumating. Sa kasabikang malaman kung ano ang nangyari, siya'y huminto at tiningnan ang nakatimbuwang na sugatan. Sinabi ng budhi niya kung ano ang nararapat niyang gawin, nguni't iyon ay tungkuling hindi niya naiibigang gawin. Nahangad niyang sana'y hindi siya roon nagdaan, sa gayo'y hindi sana niya nakita ang lalaking sugatan. Pinapaniwala niya ang kanyang sarili na ang kasong iyon ay hindi niya dapat ikabalisa o ipag-alaala kaya nga siya man ay “dumaan sa kabilang tabi.” MP 409.2

Nguni't isang Samaritano ang sa paglalakbay sa daan ding iyon ay nakakita sa dumaraing na sugatan, at ginawa niya ang gawaing ayaw gawin ng iba. Banayad at may kagandahang-loob na pinaglingkuran niya ang lalaking sugatan. “Nang siya'y makita niya, ay nagdalang-habag siya, at lumapit sa kanya, at tinalian ang kanyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak, at siya'y isinakay sa kanyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan. At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya; at ang anumang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.” Ang saserdote at ang Levita ay kapwa nagpapanggap ng kabanalan, nguni't ipinakilala ng Samaritano na siya'y tunay na nahikayat. Ang gawaing ayaw gawin ng saserdote at ng Levita ay hindi rin kalugudlugod sa kanya, gayunma'y sa diwa niya at sa kanyang mga ginawa ay pinatunayan niyang siya'y kaisa ng Diyos. MP 409.3

Sa pagbibigay ng aral na ito ay iniharap ni Kristo ang mga simulain ng kautusan sa isang tuwiran at mabisang paraan, na anupa't naipakilala Niya sa mga nakikinig sa Kanya na nakaligtaan nilang gawin ang mga simulaing ito. Napakatiyak at napakatuwiran ang Kanyang mga salita na anupa't hindi nagkaroon ng pagkakataong makatutol ang mga nagsisipakinig. Hindi nakasumpong ang manananggol ng anumang maipupuna sa aral. Ang kanyang maling-pagkakilala kay Kristo ay napawi. Nguni't hindi pa rin niya napananagumpayan ang hindi niya pagkakagusto sa hindi kababayan kaya't sapat iyon upang sa pagbibigay ng kaukulang papuri sa Samaritano ay hindi niya ito binanggit sa pangalan. Nang itanong ni Kristo ang, “Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?” ay siya'y sumagot, “Ang nagkawang-gawa sa kanya.” MP 410.1

“Nang magkagayo'y sinabi ni Jesus sa kanya, Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.” Ipakita mo ang gayunding mapagmahal na kagandahang-loob sa mga nangangailangan. Sa gayong paraan ay mapatutunayan mo na tumutupad ka ng buong kautusan. MP 410.2

Ang malaking di-ipinagkakaunawaan ng mga Hudyo at ng mga Samaritano ay ang pagkakaiba nila sa paniniwalang ukol sa relihiyon, isang suliraning tumutukoy sa kung ano ang bumubuo sa tunay na pagsamba. Ayaw magsabi ang mga Pariseo ng anumang mabuti tungkol sa mga Samaritano, sa halip ay gayon na lamang kapait ang mga pagsumpa nila sa mga ito. Gayon na lamang katindi ang pagkakahidwaan ng mga Hudyo at ng mga Samaritano na anupa't ipinagtaka ng babaing Samaritana ang paghingi ni Kristo sa kanya ng tubig na maiinom. “Papaano ngang Ikaw,” sabi nito, “na isang Hudyo, ay humihingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana?” “Sapagka't hindi nangakikipag-usap ang mga Hudyo sa mga Samaritano,”1 dugtong pa ng ebanghelistang si Juan. At noong galit na galit ang mga Hudyo kay Kristo na anupa't nagtindigan sila sa templo upang batuhin Siya, ay wala silang nahagilap na mga pangungusap upang ipahayag ang pagkapoot nila kundi, “Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon Kang demonyo?”2 Nguni't hindi ginawa ng saserdote at ng Levita ang gawaing ipinagagawa ng Panginoon sa kanila, sa halip ay pinabayaan nilang isang kinapopootan at hinahamak na Samaritano ang naglingkod sa isa nilang kababayan. MP 411.1

Tinupad ng Samaritano ang utos na, “Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili,” sa gayong paraa'y ipinakikilala niya na siya'y higit na matwid kaysa mga humahamak o sumusumpa sa kanya. Isinapanganib niya ang kanyang sariling buhay, at pinakitunguhan niya ang lalaking sugatan na parang kanyang kapatid. Kumakatawan kay Kristo ang Samaritanong ito. Ipinakita sa atin ng ating Tagapagligtas ang isang pag-ibig na dikailanman mapapantayan ng pag-ibig ng tao. Nang tayo'y nasugatan at nasa bingit ng kamatayan, ay kinaha- bagan Niya tayo. Hindi Niya tayo nilampasan sa kabilang tabi, at iniwang walang-magawa at walang-pag-asa, upang mamatay. Hindi Siya nanatili sa Kanyang banal at masayang tahanan, na doo'y iniibig Siya ng buong hukbo ng kalangitan. Nakita Niya ang ating malaking pangangailangan, kinuha Niya ang ating kalagayan, at ipinakilala Niya ang Kanyang mga pagmamalasakit sa mga tao. Namatay Siya upang iligtas ang Kanyang mga kaaway. Idinalangin Niya ang mga nagsipatay sa Kanya. Itinuturo Niya ang Kanyang halimbawa, at sa mga sumusunod sa Kanya ay sinasabi Niya, “Ang mga bagay na ito ay iniuutos Ko sa inyo, upang kayo'y mangag-ibigan sa isa't isa;” “kung paanong inibig Ko kayo, ay mangag-ibigan naman kayo sa isa't isa.”1 MP 411.2

Nanggaling noon ang saserdote at ang Levita sa pagsamba sa templo na ang serbisyo ay Diyos na rin ang nagtakda. Isang malaki at mataas na karapatan ang magkaroon ng bahagi sa serbisyong yaon, kaya nga nadama ng saserdote at ng Levita na sapagka't sila'y pinarangalan nang gayon, ay hindi nababagay sa kanilang kalagayan na magpakababa sa paglilingkod sa isang di-kilalang sugatan na nasa tabing-daan. Sa gayong paraan pinabayaan o kinaligtaan nila ang tanging pagkakataon na ibinigay sa kanila ng Diyos na bilang mga kinatawan Niya ay pagpalain ang isang kapwa-nilalang. MP 412.1

Marami ang gumagawa ng ganito ring pagkakamali sa panahong ito. Hinahati nila ang kanilang mga tungkulin sa dalawang magkaibang uri. Ang isang uri ay binubuo ng malalaking bagay, na iniaalitunton o isinasaayos ng kautusan ng Diyos; ang ikalawang uri ay binubuo ng tinatawag na maliliit na bagay na dito ang utos na, “Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili,” ay winawalang-halaga o di-pinapansin. Ang larangang ito ng gawain ay ipinauubaya sa kapritso o nais ng tao, na ang nakapangyayari ay ang hilig o udyok ng damdamin. Sa ganitong paraan nadudungisan ang likas, at ang relihiyon ni Kristo ay nabibigyan ng masamang larawan. MP 412.2

May mga taong nag-aakala na kung sila'y maglilingkod sa naghihirap at nagdurusang sangkatauhan ay magpapababa iyon sa kanilang dignidad o karangalan. Marami ang nagwalang-bahala at humahamak sa mga taong sumisira sa kanilang templo ng kaluluwa. Pinababayaan ng iba ang mga dukha dahil naman sa ibang adhikain. Ayon sa kanilang paniniwala, sila'y gumagawa sa gawain ni Kristo, at nagsisikap silang makapagtayo ng ilang karapat-dapat na proyekto. Ang pakiramdam nila'y gumagawa sila ng isang malaking gawain, at hindi sila maaaring tumigil upang pag-ukulan ng pansin ang nangangailangan at ang nasa kahirapan. Sa pagpapasulong ng ipinalalagay nilang malaking gawain ay maaari pa ngang apihin nila ang mga dukha. Maaaring ilagay nila ang mga ito sa mahihirap at mahihigpit na kalagayan, na inaalisan sila ng kanilang mga karapatan, o kaya'y kinaliligtaan ang kanilang mga pangangailangan. At gayunpaman ang pakiramdam nila'y matwid pa rin ang ginagawa nilang ito dahil sa iniisip nilang sila'y nagpapasulong ng gawain ni Kristo. MP 413.1

Marami ang magpapabaya sa isang kapatid o sa isang kapwa tao na ito'y makipagpunyagi sa mahihirap at di-kanais-nais na mga pangyayari nang hindi tinutulungan. Dahil sa sila'y nagpapanggap na mga Kristiyano ay maaaring akalain ng kapatid o kapwa-taong ito na kinakatawan nila si Kristo sa kanilang malamig na pakikitungo at pagkamakasarili. Dahil sa ang mga nagpapanggap na lingkod ng Panginoon ay hindi nakikipagtulungan sa Kanya, ang malaking bahagi ng pag-ibig ng Diyos na dapat dumaloy mula sa kanila, ay nasusugpo sa pagdaloy sa kanilang mga kapwa-tao. At ang malaking halaga ng papuri at pasasalamat na mula sa puso at labi ng mga tao ay hindi nakababalik sa Diyos. Nananakawan Siya ng kaluwalhatiang nauukol sa Kanyang banal na pangalan. Nananakawan Siya ng mga kaluluwang pi- nagkamatayan ni Kristo, mga kaluluwang pinananabikan Niyang madala sa Kanyang kaharian, upang doo'y tumahang kasama Niya sa buong panahong walang-katapusan. MP 413.2

Kakaunti ang nagiging impluwensiya sa sanlibutan ng katotohanan ng Diyos, gayong dapat sana'y magkaroon ito ng malaking impluwensiya sa pamamagitan ng ating pagsasakabuhayan. Sumasagana lamang ang pagpapanggap ng relihiyon, subali't hindi ito nagiging gasinong matimbang. Maaaring sabihin nating tayo'y mga tagasunod ni Kristo, maaaring sabihin nating sinasampalatayanan natin ang bawa't katotohanan sa salita ng Diyos; subali't walang buting magagawa ito sa ating kapwa tao malibang isinasakabuhayan natin araw-araw ang ating sinasampalatayanan. Maaaring maging kasintaas ng langit ang ating pagpapanggap, subali't hindi nito ililigtas ang ating mga sarili ni ang ating mga kapwa tao man malibang tayo ay talagang mga Kristiyano. Ang isang matwid na halimbawa ay higit na malaki ang magagawa upang makinabang ang sanlibutan kaysa lahat nating pagpapanggap. MP 414.1

Hindi mapaglilingkuran ang gawain ni Kristo sa pamamagitan ng sakim o makasariling mga gawain. Ang puso ng nagpapanggap Niyang mga tagasunod ay kailangan ang magiliw na pagmamahal at pakikiramay ni Kristo,—isang lalong taimtim na pag-ibig para sa mga taong pinahahalagahan Niya nang gayon na lamang na anupa't ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa ikaliligtas nila. Mahahalaga ang mga kaluluwang ito, lubhang higit na mahalaga kaysa anumang ibang handog na madadala natin sa Diyos. Ang pag-uubos ng buong lakas natin para sa tila mandin malaking gawain, ay isang paglilingkod na hindi Niya sasang-ayunan, kung kinaliligtaan naman natin o pinababayaan ang mga nangangailangan o kaya'y isinisinsay sa tumpak na daan ang taong di-kilala. MP 414.2

Ang pagpapabanal sa kaluluwa sa pamamagitan ng paggawa ng Espiritu Santo ay siyang pagtatanim ng likas ni Kristo sa sangkatauhan. Ang relihiyon ng ebanghelyo ay nangangahulugang si Kristo'y nasa kabuhayan, —isang nabubuhay at gumagawang simulain. Ito ay ang biyaya ni Kristo na nahahayag sa likas at nahuhugis sa mabubuting gawa. Ang mga simulain ng ebanghelyo ay hindi dapat mahiwalay sa alinmang bahagi ng praktikal na kabuhayan. Ang bawa't hanay ng karanasan at paggawang Kristiyano ay dapat maging larawan ng kabuhayan ni Kristo. MP 414.3

Ang pag-ibig ay siyang batayan ng pagiging lubos na sumusunod sa kalooban ng Diyos. Anuman ang gawing pagpapanggap ng tao, ay wala siyang dalisay na pag-ibig sa Diyos malibang iniibig niya ng di-sakim na pag-ibig ang kanyang kapatid. Nguni't kailanma'y hindi mapapasaatin ang espiritu o diwang ito sa pamamagitan ng pagpipilit o pagtatangka na ibigin ang iba. Ang kailangan ay mapasapuso ang pag-ibig ni Kristo. Kapag ang sarili ay napapalakip o napapasama kay Kristo, ay kusang bumubukal ang pag-ibig. Ang pagiging-ganap ng likas Kristiyano ay nakakamtan kapag ang udyok ng damdamin na tulungan at pagpalain ang mga iba ay laging bumubukal sa kaibuturan ng puso,—kapag ang ligayang dulot ng langit ay pumupuno sa puso at nahahayag sa mukha. MP 415.1

Ang pusong tinatahanan ni Kristo ay hindi maaaring magkulang sa pag-ibig. Kung iniibig natin ang Diyos dahil sa Siya ang unang umibig sa atin, ay iibigin din naman natin ang lahat na pinagkamatayan ni Kristo. Hindi tayo maaaring mapaugnay sa Diyos nang hindi tayo nakikipag-ugnay sa mga tao; sapagka't ang pagkaDiyos at ang pagka-tao ay magkalakip sa Kanya na nakaupo sa luklukan ng sansinukob. Kapag tayo'y nakaugnay kay Kristo, ay nakaugnay rin tayo sa ating mga kapwa-tao sa pamamagitan ng mga ginintuang kawing ng tanikala ng pag-ibig. Kung magkagayon ang habag at pag-ibig ni Kristo ay makikita sa kabuhayan natin. Hindi na natin hihintaying dalhin sa atin ang mga nangangailangan at mga kulang-palad. Hindi na tayo kailangang pamanhikan pa upang ating madama ang mga kapighatian ng iba. Magiging likas na sa atin ang maglingkod sa mga nangangailangan at mga nahihirapan na gaya ni Kristo sa Kanyang paglilibot noon na gumagawa ng mabuti. MP 415.2

Saanman may nakapangyayaring damdamin ng pagibig at pakikiramay, at saanman may puso ng taong nagsisikap abutin ang mga iba upang ang mga ito ay pagpalain at itaas, ay nahahayag doon ang paggawa ng Espiritu Santo ng Diyos. Sa pinakapusod ng paganismo, ay may mga tao na walang nalalaman tungkol sa nakasulat na kautusan ng Diyos, at ni hindi kailanman nakarinig sa pangalan ni Kristo, ang naging mabait sa Kanyang mga lingkod, at ipinagsasanggalang sila kahit na mapasapanganib ang sarili nilang mga buhay. Ang mga ginagawa nila ay nagpapakilala ng paggawa ng kapangyarihan ng isang Diyos. Itinatanim ng Banal na Espiritu sa puso ng mababangis na tao ang biyaya ni Kristo, na binubuhay sa puso ng mga ito ang pag-ibig at pakikiramay na salungat sa talaga nilang likas, at salungat sa kanilang natutuhan. Ang “Ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao na pumaparito sa sanlibutan,“1 ay nagliliwanag sa kanilang kaluluwa; at kung ang liwanag o ilaw na ito ay pahahalagahan, ay ito ang papatnubay o aakay sa kanilang mga paa patungo sa kaharian ng Diyos. MP 416.1

Ang ikinaluluwalhati ng langit ay ang makapagtindig sa nabubuwal at makapagbigay-aliw sa napipighati. At kapag si Kristo ay tumatahan sa puso ng mga tao, ay mahahayag Siya sa gayunding paraan. Saanman ito kumikilos, ay magpapala ang relihiyon ni Kristo. Saanman ito gumagawa, ay nagkakaroon doon ng kaliwanagan. MP 416.2

Hindi nagtatangi ang Diyos ng kapamayanan, lahi, o uri ng mga tao. Siya ang Lumikha sa lahat ng mga tao. Lahat ng mga tao ay buhat sa iisang pamilya dahil sa paglalang, at ang lahat ay iisa dahil sa pagkatubos. Naparito si Kristo upang igiba ang bawa't pader na humahati, upang buksan ang bawa't silid ng templo, upang ang bawa't kaluluwa ay malayang makalapit sa Diyos. Ang Kanyang pag-ibig ay napakalawak, napakalalim, at napakapuspos, na anupa't nakapaglalagos ito sa lahat ng dako. Iniaalis nito sa impluwensiya ni Satanas ang mga kahabag-habag na kaluluwang nalinlang ng kanyang mga kadayaan. Inilalagay sila nito sa malapit sa luklukan ng Diyos, sa luklukang napaliligiran ng bahaghari ng pangako ng Diyos. MP 416.3

Kay Kristo ay walang Hudyo ni Griyego man, walang nagagapos ni malaya man. Lahat ay pinaglalapitlapit sa pamamagitan ng Kanyang mahalagang dugo.1 MP 417.1

Nagkakaiba man sa paniniwalang ukol sa relihiyon, ang panawagan ng naghihirap na sangkatauhan ay dapat pakinggan at sagutin. Sa lugar na pinaghaharian ng kapaitan ng damdamin dahil sa di-pagkakaunawaan sa relihiyon, ay malaking kabutihan ang magagawa sa pamamagitan ng personal na paglilingkod. Igigiba ng maibiging paglilingkod ang mapapait na damdamin, at makahihikayat ng mga kaluluwa sa Diyos. MP 417.2

Dapat nating unang isip-isipin ang mga kalungkutan, ang mga kahirapan, at ang mga kabagabagan ng iba. Dapat tayong pumaloob sa mga kagalakan at mga kabalisahan ng matataas at mabababa, ng mayayaman at ng mga dukha. “Tinanggap ninyong walang-bayad,” wika ni Kristo, “ay ibigay ninyong walang-bayad.”2 Nasa buong palibot natin ang mga kaawa-awa't sinusubok na mga kaluluwa na nangangailangan ng ating dumaramay na mga salita at mga gawang pagtulong. May mga babaing balo na kailangang damayan at tulungan. May mga ulila na siyang sinabi ni Kristo sa Kanyang mga tagasunod na dapat nilang tanggapin bilang isang ipinagkati- wala ng Diyos sa kanila. Madalas na ang mga ito ay pinaglalampasanan at pinababayaan. Maaaring sila'y gulagulanit, di-mabuti ang asal, at sa malas ay di-kaakitakit tingnan sa lahat ng paraan; gayunma'y mga pagaari sila ng Diyos. Binili sila sa halaga, at sila'y kasinghalaga natin sa Kanyang paningin. Mga kaanib sila ng malaking sambahayan ng Diyos, at ang mga Kristiyanong mga katiwala Niya ay siyang mananagot sa kanila. “Ang kanilang mga kaluluwa,” sinasabi Niya, “ay Aking sisiyasatin sa iyong kamay.” MP 417.3

Ang kasalanan ay siyang pinakamasama sa lahat ng mga kasamaan, kaya nga dapat nating kahabagan at tulungan ang nagkakasala. Subali't hindi lahat ay maaaring maabot sa iisang paraan. Marami ang ayaw maglantad ng pagkagutom ng kanilang kaluluwa. Matutulungan nang malaki ang mga ito sa pamamagitan ng magiliw na salita o ng alaala ng kagandahang-loob. Ang iba ay nasa napakalaking pangangailangan, nguni't hindi nila alam. Hindi nila nadarama ang napakalaking kakulangan ng kaluluwa. Napakarami ang nakalubog nang lubha sa kasalanan na anupa't hindi na nila madama ang tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan, nawala na sa kanila ang wangis ng Diyos, at hindi na halos nila alam kung sila'y may mga kaluluwang dapat iligtas o wala. Wala silang pananampalataya sa Diyos at wala na ring pagtitiwala sa tao. Ang marami sa mga ito ay maaari lamang malapitan o maabot sa pamamagitan ng mga gawang kagandahang-loob. Ang dapat munang asikasuhin ay ang mga pangangailangan nilang ukol sa pangangatawan. Dapat silang pakanin, linisin, paramtan nang marangal. Kapag nakikita nila ang katunayan ng inyong di-makasariling pag-ibig, ay magiging madali na sa kanila na sampalatayanan ang pag-ibig ni Kristo. MP 418.1

Marami ang nagkakasala, at nararamdaman nila ang kanilang pagkahiya at ang kanilang kamangmangan. Lagi nilang nakikita ang kanilang mga pagkakasala at mga kalungkutan hanggang sa sila'y maitaboy halos sa kawalang-pag-asa. Hindi natin dapat kaligtaan ang mga kaluluwang ito. Kapag ang isang tao ay kailangang lumangoy nang pasalunga sa agos, ay itinataboy siyang pabalik ng buong puwersa ng agos na ito. Dapat ngang iunat at iabot natin sa kanya ang isang kamay na matulungin gaya nang iabot ng ating Panganay na Kapatid ang Kanyang kamay sa lumulubog na si Pedro. Magsalita kayo sa kanya ng mga pangungusap na nagbibigay ng pag-asa, ng mga pangungusap na magtatatag ng pagtitiwala at gigising ng pag-ibig. MP 418.2

Kailangan kayo ng kapatid ninyong may karamdaman sa espiritu, gaya rin naman ninyo na nangailangan ng pag-ibig ng isang kapatid. Kailangan niya ang karanasan ng isa na naging kasinghina niya, ng isa na makadadamay at makatutulong sa kanya. Kung nalalaman natin ang sarili nating kahinaan ay makatutulong ito sa atin upang makatulong naman tayo sa iba na nasa mapait niyang pangangailangan. Hindi natin kailanman dapat lampasan ang isang nagdurusang kaluluwa nang hindi natin pinagsisikapang bahaginan siya ng kaaliwang siyang inialiw sa atin ng Diyos. MP 419.1

Nakapananagumpay ang pag-iisip, ang puso, at ang kaluluwa, laban sa hamak na likas kapag may pakikisama kay Kristo, at kapag may personal na pagkakaugnay sa buhay na Tagapagligtas. Ibalita sa naglalagalag ang tungkol sa isang makapangyarihang kamay na hahawak at magtataguyod sa kanya, ang tungkol sa isang walang-hanggang katauhang na kay Kristo na nahahabag sa kanya. Hindi sapat sa kanya na maniwala sa kautusan at sa lakas, sa mga bagay na walang habag, at dikailanman nakakarinig ng sigaw na humihingi ng tulong. Kailangan niyang makipagdaup-palad sa isang kamay na mainit, at magtiwala sa isang pusong puno ng pagmamahal. Ingatang mapanatili ang kanyang isip sa isang Diyos na laging kasama't kapiling niya, na laging na- katunghay sa kanya na taglay ang habag at pag-ibig. Ipaisip sa kanya ang tungkol sa puso ng isang Ama na laging namimighati dahil sa kasalanan, tungkol sa kamay ng isang Ama na nananatili pa ring nakaunat, tungkol sa tinig ng isang Ama na nagsasabi, “Manghawak sana siya sa Aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa Akin; oo, makipagpayapaan siya sa Akin.”1 MP 419.2

Sa paggawa ninyo ng gawaing ito ay may mga kasama kayong di-nakikita ng mata ng tao. Ang mga anghel sa langit ay kapiling ng Samaritanong nag-asikaso sa sugatang di-kilalang tao. Ang mga anghel buhat sa mga palasyo sa langit ay nangakatayo sa tabi ng lahat na gumagawa ng gawain ng Diyos na naglilingkod sa kanilang mga kapwa-tao. At si Kristo na rin ay katulungtulong ninyo. Siya ang Tagapagpagaling, at habang gumagawa kayo sa ilalim ng Kanyang pangangasiwa, ay makakakita kayo ng mga dakilang bunga. MP 420.1

Nakabatay sa katapatan ninyo sa gawaing ito, hindi lamang ang ikabubuti ng mga iba, kundi ang sarili din naman ninyong walang-hanggang kapalaran o kahihinatnan. Sinisikap ni Kristong maitaas ang lahat na maitataas upang makisama sa Kanya, upang tayo'y maging isa sa Kanya na gaya naman Niya at ng Ama na iisa. Pinahihintulutan Niya tayong makipaglapit sa mga naghihirap at nasasakuna upang alisin sa atin ang ating kasakiman o pagkamakasarili; pinagsisikapan Niyang maianyo sa atin ang mga katangian ng Kanyang likas,—pagkahabag, pagmamahal, at pag-ibig. Sa pagtanggap natin ng gawaing ito ng paglilingkod ay inilalagay natin ang ating mga sarili sa Kanyang paaralan, upang mapaangkop o maging karapat-dapat sa mga palasyo ng Diyos. Kung tinatanggihan natin ito, ay tinatanggihan natin ang Kanyang turo, at pinipili nating mahiwalay sa Kanya nang walang-hanggan. MP 420.2

“Kung iyong iingatan ang Aking bilin,” sinasabi ng Panginoon, “ay bibigyan kita ng kalalagyan sa gitna ng mga ito na nangakaharap,”1—samakatwid baga'y sa gitna ng mga anghel na nakapaligid sa Kanyang luklukan. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga anghel ng langit sa kanilang gawain sa lupa, ay naghahanda tayo para sa pakikisama sa kanila sa langit. “Mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan,”2 mga anghel sa langit ang tatanggap sa mga taong sa lupa ay nabuhay “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.”3 Sa pinagpalang pakikisama o pagsasama-samang ito ay ating matututuhan, na walanghanggang ikagagalak natin, ang lahat ng nakabalot sa tanong na, “Sino ang aking kapwa-tao?” MP 420.3