Masayang Pamumuhay
Paghahanda ng Lupa
Sa buong talinhaga ng manghahasik, ay inilalarawan ni Kristo na ang iba't ibang mga bunga ng paghahasik ay nakabatay sa lupa. Sa bawa't kaso ang manghahasik at ang binhi ay iyundin. Kaya nga iniaaral Niya na kung nabibigo man ang salita ng Diyos sa pagganap ng gawain nito sa ating mga puso at mga kabuhayan, ang dahilan ay matatagpuan sa ating mga sarili. Nguni't ang bunga o resulta ay hindi wala sa saklaw ng ating kuntrol. Totoo, hindi natin kayang baguhin ang ating mga sarili; gayunma'y nasa sa atin ang kapangyarihan ng pagpili, at nakasalalay sa ating kapasiyahan kung magiging ano tayo. Ang tabing-daan, ang batuhan, ang dawagang tagapakinig ay hindi kailangang manatiling gayon. Lagi nang nagsisikap ang Espiritu ng Diyos na sirain ang engkanto ng pagkahaling na nag-uutos sa mga tao na malulong sa mga bagay na makasanlibutan, at gisingin ang isang pagnanasa sa di-lumilipas na kayamanan. Ang paglaban sa Espiritu ang nagiging dahilan kung bakit ang mga tao ay di-nakikinig o kaya'y nagpapabaya sa salita ng Diyos. Sila na rin ang maykapanagutan sa pagtigas ng puso na siyang humahadlang sa mabuting binhi na makapag-ugat, at sa pagtubo ng masama na pumipigil sa paglago nito. MP 47.2
Ang hardin ng puso ay dapat linangin. Ang lupa ay dapat bungkalin sa pamamagitan ng taimtim na pagsisisi sa kasalanan. Ang nakalalasong halaman ni Satanas ay dapat bunutin. Ang lupang tinubuan at nilaganapan ng mga dawag ay makukuhang muli sa pamamagitan ng masipag at masigasig na paggawa. Kaya nga ang masasamang hilig ng likas na puso ay mapananagumpayan la-mang sa pamamagitan ng masigasig na pagsisikap sa pangalan at kalakasan ni Jesus. Inaatasan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta, “Inyong bungkalin ang inyong pinabayaang bukiran, at huwag kayong maghasik sa gitna ng mga tinik.” “Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan.”1 Ang gawaing ito ay nais Niyang magawa sa atin, at hinihiling Niya sa atin na makipagtulungan sa Kanya. MP 48.1
Ang mga manghahasik ng binhi ay may gawaing dapat gawin sa paghahanda ng mga puso upang tanggapin ang ebanghelyo. Sa ministeryo ng salita ay lubhang marami ang pagsesermon, at totoong kakaunti ang tunay na puso-sa-pusong paggawa. Kinakailangan ang personal o sarilinang paggawa para sa mga kaluluwa ng nangawawala. Dapat tayong lumapit sa mga tao nang isa-isa na taglay ang pakikiramay na katulad ng kay Kristo, at sikaping gisingin ang kanilang interes sa mga dakilang bagay ng walang-hanggang buhay. Ang kanilang mga puso ay maaaring kasintigas ng dinaraanang lansangan, at sa malas ay maaaring maging sayang o walang-saysay ang pagsisikap na ipakilala sa kanila ang Tagapagligtas; subali't bagama't ang lohika o ang pormal na mga simulain ng pangangatwiran ay mabigong makaantig, at ang argumento ay maging walang-kapangyarihan upang makahikayat, ang pag-ibig naman ni Kristo, na nahahayag sa personal o sarilinang paglilingkod, ay maaaring makapagpalambot sa batong puso, na anupa't ang binhi ng katotohanan ay maaaring magkaugat. MP 48.2
Kaya nga ang mga manghahasik ay may bagay na dapat gawin upang ang binhi ay huwag mainis ng mga tinik o huwag mamatay dahil sa kababawan o kakauntian ng lupa. Sa kapasi-pasimulaan ng kabuhayang Kristiyano ay dapat turuan ang bawa't sumasampalataya ng mga pabatayang simulain nito. Dapat iaral sa kanya na hindi siya basta maliligtas sa pamamagitan ng sakripisyo ni Kristo, kundi dapat niyang gawin ang buhay ni Kristo na kanyang buhay at ang karakter ni Kristo na kanyang karakter. Lahat ay dapat aralan na sila'y dapat magdala ng mga pasanin at dapat tumanggi sa likas na hilig. Bayaang matutuhan nila ang pagiging-mapalad sa paggawa para kay Kristo, na sinusundan Siya sa pagtanggi-sa-sarili, at binabata ang kahirapan na gaya ng mabubuting kawal. Bayaang matutuhan nila na magtiwala sa Kanyang pag-ibig at ilagak sa Kanya ang kanilang mga kabalisahan. Bayaang matikman nila ang kagalakan ng paghikayat ng mga kaluluwa para sa Kanya. Sa kanilang pag-ibig at pagmamalasakit sa mga nawawala, ay mawawala na ang kanilang pagtingin sa sarili. Ang mga kalayawan ng sanlibutan ay mawawalan ng kapangyarihan na makaakit at ang mga pabigat nito ay di na makawawala-ng-pag-asa. Gagawin ng sudsod ng katotohanan ang gawain nito. Bubungkalin nito ang napabayaang lupa. Hindi lamang nito tatabasin ang mga talbos ng mga dawag, kundi bubunuting kasama ang mga ugat. MP 49.1