Masayang Pamumuhay

9/62

Sa Mabuting Lupa

Ang manghahasik ay hindi lagi nang makakasagupa ng kabiguan. Tungkol sa binhi na nahulog sa mabuting lupa ay sinabi ng Tagapagligtas, Ito “ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tig-sandaan, ang ila'y tig-aanimnapu, at ang ila'y tig-tatatlumpu.” “Ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubungang may pagtitiis.” MP 50.1

Ang “pusong timtiman at mabuti” na binabanggit ng talinhaga, ay hindi isang pusong walang kasalanan; sapagka't ang ebanghelyo ay dapat ipangaral sa mga nawawaglit o nawawala. Sinabi ni Kristo, “Hindi Ako naparito upang tumawag ng mga matwid, kundi ng mga makasalanan upang magsipagsisi.”1 Ang napasasakop sa pagsumbat ng Banal na Espiritu ay siyang may timtiman o tapat na puso. Kanyang ipinahahayag (ikinukumpisal) ang kanyang kasalanan, at nadarama niya ang kanyang pangangailangan ng habag at pag-ibig ng Diyos. Siya'y may matapat na hangaring maalaman ang katotohanan, upang iyon ay kanyang masunod. Ang mabuting puso ay isang nananampalatayang puso, isa na may pananampalataya sa salita ng Diyos. Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring mangyari na tanggapin ang salita. “Ang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang Siya ang Diyos, at Siya ang tagapagbigay-ganti sa mga sa Kanya'y nagsisihanap.”2 MP 50.2

Ito “ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita.” Ipinikit ng mga Pariseo noong kaarawan ni Kristo ang kanilang mga mata baka sila'y makakita, at tinakpan ang kanilang mga tainga baka sila'y makarinig; kaya nga ang katotohanan ay hindi nakapaglagusan sa kanilang mga puso. Sila'y tumanggap ng kagantihan sa kanilang sinadyang pagmamaangmaangan at pagbubulag-bulagan. Nguni't tinuruan ni Kristo ang Kanyang mga alagad na dapat nilang buksan ang kanilang isipan sa turo o aral, at maging handa sa pagsampalataya. Ginawaran Niya sila ng pagpapala sapagka't kanilang nakita at napakinggan sa pamamagitan ng kanilang mga mata at mga pakinig yaong nagsisampalataya. MP 50.3

Tinatanggap ng mabuting-lupang tagapakinig ang salita, “hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi ayon sa ka-totohanan, na salita ng Diyos.”1 Siya lamang na tumatanggap sa Mga Kasulatan bilang tinig ng Diyos na nagsasalita sa kanya ay siyang tunay na natututo. Siya'y nanginginig sa salita; sapagka't sa kanya ito'y isang buhay na katotohanan. Binubuksan niya ang kanyang pang-unawa at ang kanyang puso upang ito'y tanggapin. Ang ganitong mga tagapakinig ay si Cornelio at ang kanyang mga kaibigan, na nagwika kay Apostol Pedro, “Ngayon nga kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Diyos, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.”2 MP 51.1

Ang pagkaalam o pagkakilala ng katotohanan ay hindi gasinong nakabatay sa lakas ng katalusan na di gaya ng kadalisayan ng layunin, ng kapayakan ng isang maalab at umaasang pananampalataya. Sa mga nagpapakumbabang puso na humihingi ng patnubay ng Diyos, ay nagpapakalapit-lapit ang mga anghel ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob upang buksan sa kanila ang masaganang mga kayamanan ng katotohanan. MP 51.2

Ang mabuting-lupang mga tagapakinig, pagkadinig ng salita, ay iniingatan iyon. Hindi magagawa ni Satanas at ng lahat ng masasamang kampon nito na agawin iyon. MP 51.3

Ang pakikinig o pagbabasa lamang ng salita ay hindi sapat. Siya na nagnanasang makinabang sa Mga Kasulatan ay dapat magbulay-bulay sa katotohanang ipinakikilala sa kanya. Sa pamamagitan ng masigasig na pag-uukol ng pansin at ng may pananalanging paglilimi ay dapat niyang matutuhan ang kahulugan ng mga salita ng katotohanan, at taimtim na inumin ang espiritu ng mga banal na orakulo. MP 51.4

Inaatasan tayo ng Diyos na punuin ang pag-iisip ng mga dakilang isipan, ng malilinis na isipan. Nais Niyang tayo'y magnilay-nilay sa Kanyang pag-ibig at kahabagan, na pag-aralan ang Kanyang kahanga-hangang gawain sa dakilang panukala ng pagtubos. Kung magkagayo'y lalo at lalo pang magiging malinaw ang ating pagkaunawa sa katotohanan, lalo pang magiging matayog, lalo pang magiging banal, ang ating paghahangad ng kalinisan ng puso at ng linaw ng pag-iisip. Ang kaluluwang tumatahan sa malinis na impluwensiya ng banal na isipan ay babaguhin ng pakikipagniig o pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Mga Kasulatan. MP 52.1

“At nangagbubunga.” Yaong mga, pagkarinig ng salita, ay nag-iingat nito, ay mangagbubunga ng pagtalima. Ang salita ng Diyos, na tinatanggap sa kaluluwa, ay mahahayag sa mabubuting gawa. Ang mga bunga nito ay makikita sa karakter at sa kabuhayang katulad ng kay Kristo. Tungkol sa Kanyang sarili ay sinabi ni Kristo, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos Ko; Oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” “Hindi Ko pinaghahanap ang Aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Aking Ama na nagsugo sa Akin.”1 At sinasabi ng Kasulatan, “Ang nagsasabing siya'y nananahan sa Kanya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad Niya.”2 MP 52.2

Madalas na nakakasagupaan ng salita ng Diyos ang namamana at nalilinang na mga katangian ng karakter ng tao at ang kanyang mga kaugalian sa buhay. Datapwa't sa pagtanggap ng salita, ay tinatanggap ng mabutinglupang tagapakinig ang lahat ng mga kondisyon at mga hinihingi nito. Ang kanyang mga kinaugalian, mga kinamihasnan, at mga gawain ay ipinasasakop sa salita ng Diyos. Sa kanyang pananaw ang mga utos ng natatakdaan at nagkakasalang tao ay lumulubog sa pagkawalangkabuluhan sa piling ng salita ng walang-hanggang Diyos. May buong puso, at may di-hating panukala, na hinaha- nap niya ang buhay na walang-hanggan, at sa halaga ng kawalan, pag-uusig, o ng kamatayan na rin, ay kanyang susundin ang katotohanan. MP 52.3

At siya'y nagbubungang “may pagtitiis.” Walang tumatanggap ng salita ng Diyos na nalilibre sa hirap at pagsubok; subali't kapag dumarating ang kadalamhatian, ang tunay na Kristiyano ay hindi nagiging di-mapalagay, di-nagtitiwala, o lupaypay. Bagama't hindi natin maaaring makita ang tiyak na kahahantungan ng mga bagaybagay, o maunawaan ang layunin ng mga pamamatnubay ng Diyos, ay hindi natin dapat itakwil ang ating pagtitiwala. Inaalaala ang magigiliw na kahabagan ng Panginoon, dapat nating ilagak ang ating kabalisahan sa Kanya, at may pagtitiis na hintayin ang Kanyang pagliligtas. MP 53.1

Sa pamamagitan ng pakikipagtunggali ay napatitibay ang kabuhayang ukol sa espiritu. Ang mga pagsubok na napagtitiisang mabuti ay nagpapatubo ng matibay na karakter, at ng mahahalagang kagandahang espirituwal. Ang sakdal na bunga ng pananampalataya, kaamuan, at pag-ibig ay kadalasa'y nahihinog na mabuti sa gitna ng maulap na bagyo at kadiliman. MP 53.2

“Inaasahan ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na may pagtitiis, hanggang sa tanggapin ang ulang maaga at huli.”1 Kaya ang Kristiyano ay dapat maghintay na may pagtitiis sa bunga ng salita ng Diyos sa kanyang buhay. Kadalasan kapag nananalangin tayo para sa mga biyaya ng Espiritu, ang Diyos ay gumagawa upang tugunin ang ating mga dalangin sa pamamagitan ng paglalagay sa atin sa mga pangyayaring magpapatubo ng mga bungang ito; subali't hindi natin nauunawaan ang Kanyang hangarin, at tayo'y nagtataka, at nanlulupaypay. Gayunma'y walang makapagpapatubo ng mga biyayang ito malibang sa pamamagitan ng paraan o gawain ng paglaki at pagbubunga. Ang ating bahagi ay ang tanggapin ang salita ng Diyos at hawakan itong matibay, na lubusang ipinasasakop ang ating mga sarili sa pagkuntrol nito, at matutupad ang layunin nito sa atin. MP 53.3

“Kung ang sinuman ay umiibig sa Akin,” wika ni Kristo, “ay kanyang tutuparin ang Aking salita; at siya'y iibigin ng Aking Ama, at Kami'y pasasa kanya, at siya'y gagawin Naming tahanan.”1 Ang impluwensiya ng isang lalong malakas at sakdal na pag-iisip ay mapapababaw sa atin; sapagka't tayo'y may buhay na pagkakaugnay sa pinagmumulan ng lahat-ng-tumatagal na kalakasan. Sa ating banal na kabuhayan ay pabibihag tayo kay Kristo Jesus. Hindi na natin ipamumuhay pa ang karaniwang buhay na makasarili, kundi si Kristo ang tatahan sa atin. Ang Kanyang karakter ay makikita sa ating likas. Sa gayo'y magkakaroon tayo ng mga bunga ng Banal na Es-piritu—”ang ila'y tig-tatatlumpu, at ang ila'y tig-aanimnapu, at ang ila'y tig-sandaan.” MP 54.1