Masayang Pamumuhay

7/62

Ang Lupa ng mga Batong Puso

Kapag ang isip ay bata at malakas, at madaling talaban ng mabilis na pagsulong, may malaking tukso na maging ambisyoso para sa sarili, na paglingkuran ang sarili. Kung nagtatagumpay ang mga panukalang makasanlibutan, ay nagkakaroon ng hilig na magpatuloy sa isang hanay na nagpapamanhid sa budhi, at hinahadlangan ang wastong pagtaya tungkol sa kung ano ang bumubuo ng tunay na kagalingan ng karakter. Kapag inaayunan ng mga pangyayari ang ganitong nagaganap, ang pagsulong o paglago ay makikita sa isang dakong ipinagbabawal ng salita ng Diyos. MP 44.1

Sa panahong ito ng paglaki at pagsulong sa buhay ng kanilang mga anak, ay lubhang malaki ang kapanagutan ng mga magulang. Dapat nilang pag-aralan na paligiran ang mga kabataan ng mga matuwid na impluwensiya, mga impluwensiyang magbibigay sa mga ito ng mga wastong pagtanaw sa buhay at sa tunay na tagumpay nito. Sa halip nito, ang una munang ginagawa ng maraming magulang ay ang magkaroon ng kasaganaang pansanlibutan para sa kanilang mga anak. Lahat ng mga kasama nito ay pinipili nang may pagsangguni sa bagay na ito. Maraming magulang ang nagsisipagtayo ng kanilang tahanan sa ilang malalaking siyudad, at ipinakikilala ang kanilang mga anak sa maka-modang lipunan. Pinaliligiran nila ang mga ito ng mga impluwensiya na nakapagpapasigla sa pagka-makasanlibutan at kapalaluan. Sa ganitong impluwensiya ay nauunano ang pag-iisip at ang kaluluwa. Ang mataas at marangal na mga layunin sa buhay ay nawawala. Ang tanging karapatan sa pagiging mga anak ng Diyos, at sa pagiging mga tagapagmana ng walang-hanggan, ay ipinagpapalit sa kapakinabangang pansanlibutan. MP 44.2

Maraming magulang ang nagsisikap na itaguyod ang kaligayahan ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagpapairog sa pag-ibig ng mga ito sa aliwan. Pinahihintulutan nila ang mga ito na sumuong sa mga palakasan o sports, at dumalo sa mga piging ng kalayawan, at pinagkakalooban ang mga ito ng salapi upang malayang gugulin sa pagtatanghal at pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Lalong pairugan ang paghahangad ng kalayawan, lalo namang nagiging masidhi ito. Ang kawilihan ng mga kabataang ito ay lalo at lalong nalululong sa aliwan o libangan, hanggang sa tingnan nila ito bilang siyang dakilang pakay ng buhay. Naghuhugis sila ng mga ugali ng katamaran at pagpapairog-sa-sarili na anupa't halos mahirap na sa kanila na maging matitibay na Kristiyano. MP 44.3

Maging ang iglesya, na dapat sana'y maging haligi at patibayan ng katotohanan, ay nasusumpungang nagpapasigla ng makasariling pag-ibig sa kalayawan. Kapag kailangang makalikom ng salapi para sa mga panukalang panrelihiyon, sa anong mga paraan o mga bagay humahangga ang maraming iglesya?—Sa mga basar, mga hapunan, mga perya, maging sa mga loterya, at mga katulad nitong panukala. Madalas na nalalapastangan ang dakong inilaan o itinalaga para sa pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagpipistahan at pag-iinuman, pamimili, pagbibili, at pagkakasayahan. Ang paggalang sa bahay ng Diyos at ang pagpipitagan sa pagsamba sa Kanya ay nababawasan sa pag-iisip ng mga kabataan. Ang mga hadlang sa sariling-pagpipigil ay humihina. Ang pagkamakasarili, panlasa, ang pag-ibig sa pagkatanghal, ay pinamamanhikan, at ang mga ito ay sumisidhi habang ang mga ito ay pinaiirugan. MP 45.1

Ang gawain ng kalayawan at aliwan ay nakasentro sa mga siyudad o lungsod. Maraming magulang na pinipili ang isang tahanan sa lungsod para sa kanilang mga anak, sa pag-aakalang mabibigyan ang mga ito ng higit na malaking kabutihan, ay nakakasagupa ng kabiguan, at totoong huli na upang pagsisihan ang kanilang napakalaking pagkakamali. Ang mga lungsod ngayon ay mabilis na nagiging gaya ng Sodoma at Gomorra. Ang maraming mga araw na pista opisyal ay nagpapasigla sa katamaran. Ang nakagigiyagis-ng-damdaming mga laro o mga sports —pagpasok sa sine, karera ng kabayo, pagsusugal, paginom ng alak, at pagkakatuwaan—ay nagpapasigla ng bawa't damdamin sa masidhing paggawa. Ang mga kabataan ay natatangay ng karaniwang kinahihiligan ng lahat. Yaong mga natututong ibigin ang aliwan alangalang sa sarili nito, ay nagbubukas ng pinto sa baha ng mga tukso. Ibinibigay nila ang kanilang mga sarili sa pagsasayang sosyal at sa walang-patumanggang pagkakatuwaan, at ang kanilang pakikihalubilo sa mga maibigin sa kalayawan ay nagkakaroon ng nakalalasing na bisa sa pag-iisip. Sila'y naaakay na magpatuloy mula sa isa hanggang sa iba pang anyo ng paglilibang at pagwawal| das, hanggang sila'y mawalan ng pagnanasa at ng kakayahan sa isang buhay na kapaki-pakinabang. Ang kanilang mga hangaring panrelihiyon ay lumalamig; ang kanilang kabuhayang ukol sa espiritu ay dumidilim. Lahat ng mararangal na kapangyarihan ng kaluluwa, laj hat ng nag-uugnay sa tao sa sanlibutang ukol sa espi ritu, ay nagiging hamak. MP 45.2

Tunay na maaaring makita ng ilan ang kanilang kabaliwan at magsisi. Maaaring sila'y patawarin ng Diyos. Nguni't sinugatan na nila ang kanilang sariling mga kaluluwa, at naghatid sa kanilang mga sarili ng habang buhay na kapanganiban. Ang kapangyarihan ng pangunawa, na kailanma'y dapat pamalagiing matalas at maypakiramdam upang makakilala ng matwid at ng mali, ay sa isang malaking sukat ay nasisira. Hindi na sila mabilis kumilala sa pumapatnubay na tinig ng Banal na Espiritu, o kaya'y umunawa sa mga pakana ni Satanas. Napakadalas na sa panahon ng kapanganiban ay nahuhulog sila sa tukso, at naaakay na palayo sa Diyos. Ang wakas ng kanilang kabuhayang maibigin sa kalayawan ay pagkawasak sa sanlibutang ito at sa sanlibutang darating. MP 46.1

Ang mga kabalisahan, mga kayamanan, at mga kalayawan, ay ginagamit na lahat ni Satanas sa paglalaro ng laro ng buhay para sa kaluluwa ng tao. Ang babala ay ibinibigay, “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ay wala sa kanya ang pag-ibig ng Ama. Sapagka't ang lahat na nangasa sanlibutan, ang masamang pita ng laman, at ang masamang pita ng mga mata, at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanlibutan.”1 Siya na nakababasa ng mga puso ng mga tao na gaya ng isang bukas na aklat ay nagsasabi, “Mangag-ingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito.”2 At sa pamamagitan ng Banal na Espiritu si Apostol Pablo ay sumusulat, “Ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo, at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan. Sapagka't ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.”3 MP 47.1