Masayang Pamumuhay
Sa mga Dawagan
“Ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanlibu-tan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga.” MP 40.1
Ang binhing ebanghelyo ay madalas mahulog sa mga dawagan at sa mga mapaminsalang damuhan; at kung hindi nagkakaroon ng pagbabagong moral sa puso ng tao, kung hindi tinatalikuran ang mga dating kaugalian at mga gawain at ang dating buhay na makasalanan, kung ang mga likas ni Satanas ay hindi inaalis sa kaluluwa, ang pananim na trigo ay maiinis. Ang mga dawag ay siyang magiging pananim, at papatayin ang trigo. MP 40.2
Ang biyaya ay makayayabong lamang sa pusong patuloy na inihahanda para sa mahahalagang binhi ng ka-totohanan. Ang mga dawag o mga tinik ng kasalanan ay tutubo sa anumang uri ng lupa; hindi nangangailangan ang mga ito ng alaga o paglinang; subali't ang biyaya ay kailangang maingat na linangin. Ang mga tinik at mga dawag ay laging handang sumibol, at ang gawain ng paglilinis o pagdalisay ay dapat sumulong nang patuloy. Kung ang puso'y hindi naiingatang nasa ilalim ng pagkuntrol ng Diyos, kung ang Banal na Espiritu'y hindi gumagawa nang walang-patid upang pakinisin at padakilain ang karakter, ang mga dating ugali ay mahahayag sa kabuhayan. Ang mga tao'y maaaring magpanggap na sumasampalataya sa ebanghelyo; subali't malibang sila'y pinababanal ng ebanghelyo ay walang kabuluhan ang kanilang pagpapanggap. Kung sila ay hindi nagtatagumpay laban sa kasalanan, kung gayo'y ang kasalanan ang siyang nagtatagumpay laban sa kanila. Ang mga tinikan o mga dawagan na pinagtatabas nguni't hindi pinagbubunot ang mga ugat ay mabilis na tumutubo, hanggang ang kaluluwa ay malaganapan ng mga ito. MP 40.3
Tinukoy ni Kristo ang mga bagay na mapanganib sa kaluluwa. Gaya ng itinala ni Marcos ay Kanyang binabanggit ang mga pagsusumakit na ukol sa sanlibutang ito, ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita sa ibang mga bagay. Tinukoy ni Lukas ang mga pagsusumakit, ang mga kayamanan, at ang mga kalayawan sa buhay na ito. Ang mga ito ay siyang umiinis sa salita, sa tumutubong espirituwal na binhi. Tumitigil ang kaluluwa sa pagtanggap ng pagkaing mula kay Kristo, at ang espirituwalidad ay namamatay sa puso. MP 41.1
“Ang pagsusumakit na ukol sa sanlibutan.” Walang taong malaya sa pagkatukso sa pagsusumakit na ukol sa sanlibutan. Sa dukha, ang paggawa at pagsasalat at ang takot sa pagkukulang sa pangangailangan ay nagdudulot ng mga kagulumihanan at mga pasanin. Sa mayaman ay dumarating ang takot na malugi o mawalan at marami pang mga nakababalisang alalahanin. Marami sa mga tagasunod ni Kristo ang nakalilimot sa aral na ninais Niyang matutuhan natin sa mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtitiwala sa Kanyang patuloy na pag-iingat. Hindi madadala ni Kristo ang kanilang pasanin, sapagka't hindi nila iyon inilalagak sa Kanya. Kaya nga ang mga pagsusumakit sa buhay, na dapat magtaboy sa kanila sa paglapit sa Tagapagligtas upang humingi ng tulong at kaginhawahan, ay siyang naghihiwalay sa kanila sa Kanya. MP 41.2
Marami na dapat ay maging mabunga sa paglilingkod sa Diyos ay nagiging mahilig sa pagtatamo ng kayamanan. Ang kanilang buong kalakasan ay nauubos sa mga pangangalakal, at sila'y napipilitang kaligtaan ang mga bagay na may uring espirituwal. Kaya nga sila'y nahihiwalay sa Diyos. Sa mga Kasulatan ay tayo'y inaatasang “huwag mangatamad sa pagsusumikap.”1 Tayo'y dapat magsigawa upang tayo'y may maibigay sa kanya na nangangailangan. Ang mga Kristiyano ay dapat magtrabaho, dapat silang maghanapbuhay o mangalakal, at kanilang magagawa ito nang hindi gagawa ng kasalanan. Dalapwa't marami ang nagiging lubhang subsob sa paghahanapbuhay na anupa't wala na silang panahon sa pananalangin, wala nang panahon sa pag-aaral ng Biblia, wala nang panahon upang hanapin at paglingkuran ang Diyos. May mga panahong nananabik ang kaluluwa sa kabanalan at sa kalangitan; subali't walang panahon upang lihisan ang ingay ng sanlibutan upang pakinggan ang maririlag at mapagkakatiwalaang salita ng Espiritu ng Diyos. Ang mga bagay na ukol sa walang-hanggan ay winawalang-kabuluhan, at ang mga bagay ng sanlibutan ang higit na pinahahalagahan. Hindi maaaring magbigay ng bunga ang binhi ng salita; sapagka't ang buhay ng kaluluwa ay ibinibigay sa pagkakandili sa mga dawag ng pagka-maka sanlibutan. MP 41.3
At ang maraming nagsisigawa nang may napakakakaibang layunin, ay nahuhulog sa ganito ring kamalian. Sila'y nagsisigawa sa ikabubuti ng iba; ang kanilang mga tungkulin ay di-magpatantan, ang kanilang mga kapanagutan ay marami, at pinahihintulutan nilang matakpan ng kanilang gawain ang pagbabanal. Ang pakikipagniig sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at ang pag-aaral ng Kanyang salita ay pinababayaan. Kanilang nililimutan na si Kristo ay nagsabing, “Kung kayo'y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawa.”1 Sila'y lumalakad nang hiwalay kay Kristo, ang kanilang buhay ay hindi napupuspos ng Kanyang biyaya, at ang mga likas ng sarili ay nahahayag. Ang kanilang paglilingkod ay sinisira ng pagnanasa ng pangingibabaw, at ng mabagsik, at dikaibig-ibig na mga katangian ng di-nasupil na puso. Naririto ang isa sa mga punong lihim ng pagkabigo sa gawaing Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit ang mga bunga nito ay madalas na lubhang kakaunti. MP 42.1
“Ang daya ng mga kayamanan.” Ang pag-ibig sa mga kayamanan ay may nakahahaling at nakapanlilinlang na kapangyarihan. Napakadalas malimutan niyaong mga may kayamanan sa sanlibutan na Diyos ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang makapagtamo ng kayamanan. Kanilang sinasabing, “Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.”1 Ang kanilang mga kayamanan, sa halip na gumising ng pagkilala ng utang-na-loob sa Diyos, ay umaakay sa pagtataas ng sarili. Nawawala na sa kanila ang pagkadama ng kanilang pagsandig sa Diyos at ng kanilang tungkulin sa kanilang mga kapwatao. Sa halip na ang kayamanan ay ituring na isang talentong dapat gamitin sa ikaluluwalhati ng Diyos at sa ikaaangat ng sangkatauhan, ay kanilang tinitingnan ito bilang isang paraan ng paglilingkod sa kanilang mga sarili. Sa halip na payabungin sa tao ang mga likas ng Diyos, ang mga kayamanang sa ganitong paraan ginagamit ay nagpapatubo sa kanya ng mga likas ni Satanas. Ang binhi ng salita ay naiinis sa mga dawag. MP 43.1
“At ang mga kalayawan sa buhay na ito.” May panganib sa aliwang hinanap lamang upang bigyang-kasiyahan ang sarili. Ang lahat ng kaugalian ng pagpapairog na nagpapahina sa mga kapangyarihang pisikal, na pinapag-uulap ang pag-iisip, o kaya'y pinapamamanhid ang mga pang-unawang ukol sa espiritu, ay “mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa.”2 MP 43.2
“At ang mga pita sa ibang mga bagay.” Hindi ito mga bagay na makasalanan, kundi bagay na ginagawang una sa halip na ang kaharian ng Diyos. Anumang umaakit ng isipan nang paalis sa Diyos, anumang humihila sa pag-ibig nang pahiwalay kay Kristo, ay isang kaaway ng kaluluwa. MP 43.3