Masayang Pamumuhay

5/62

Sa mga Batuhan

“At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito nang buong galak; gayunma'y wala siyang ugat sa kanyang sarili, kundi sandaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o paguusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.” MP 35.2

Ang binhing nahasik sa batuhan ay walang sapat na lupang nasumpungan. Ang halaman ay karaka-rakang sumibol, nguni't ang ugat nito ay hindi makapaglagusan sa bato sa paghanap ng pagkaing susustini sa paglaki nito, at kaya nga ito'y kagyat ding namamatay. Ang marami sa mga nagpapanggap ng relihiyon ay mga tagapakinig na nasa batuhan. Katulad ng batong nasa ilalim ng nakapatong na lupa, ang kasakiman o pagkamakasarili ng katutubong puso ay nasa sa ilalim ng lupa ng mabubuti nilang nasa at mga hangarin. Ang pag-ibig sa sarili ay hindi nasusupil. Hindi nila nakikita ang lubos na pagkamakasalanan ng kasalanan, at ang puso ay hindi napagpapakumbaba sa ilalim ng pagkadama ng pagkamaysala nito. Ang uring ito ay maaaring madaling mahikayat, at sa malas ay magiging mabubuting hikayat, subali't sila'y mayroon lamang mababaw na relihiyon. MP 35.3

Hindi sa dahilang pagdaka'y tinatanggap ng mga tao ang salita, ni sapagka't nagagalak sila rito, na kung kaya sila'y nagsisihiwalay. Kapagkarakang napakinggan ni Mateo ang panawagan ng Tagapagligtas, ay agad itong tumindig, iniwan ang lahat, at sumunod sa Kanya. Sa sandali ring ang salita ng Diyos ay dumating sa ating mga puso, ang nais ng Diyos sa atin ay tanggapin natin ito; at matwid na ito'y tanggapin nang may kagalakan. “Magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”1 At may katuwaan sa kaluluwa na sumasampalataya kay Kristo. Datapwa't yaong sa talinhaga ay sinasabing tumatanggap kapagdaka ng salita, ay hindi tinutuus ang halaga. Hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang hinihingi sa kanila ng salita ng Diyos. Hindi nila ito inihaharap nang mukhaan sa lahat nilang mga kaugalian sa buhay, at isinusukong lubos ang kanilang mga sarili sa pagsupil nito. MP 36.1

Ang mga ugat ng halaman ay nanunuot sa kailaliman ng lupa, at lingid sa pangmalas na pinakakain at kinakandili ang buhay ng halaman. Gayundin sa Kristiyano; sa pamamagitan ng di-nakikitang pakikipagkaisa ng kaluluwa kay Kristo, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay napakakain at nakakandili ang kabuhayang ukol sa espiritu. Subali't ang mga nakikinig sa batuhan ay sa sarili umaasa sa halip na kay Kristo. Sila'y nagtitiwala sa kanilang mabubuting gawa at mabubuting udyok ng damdamin, at malalakas sa kanilang sariling katuwiran. Hindi sila malakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng Kanyang kalakasan. Ang isang ganito ay “walang ugat sa kanyang sarili;” sapagka't hindi siya nakaugnay kay Kristo. MP 36.2

Ang mainit na araw sa katag-arawan, na nagpapalaki at nagpapahinog sa matigas na butil, ay sumisira sa bagay na hindi nakapag-ugat nang malalim. Kaya gayundin siya na “walang ugat sa kanyang sarili,” “sandaling tumatagal;” nguni't “pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.” Marami ang tumatanggap sa ebanghelyo bilang isang paraan ng pagtakas sa hirap, sa halip na bilang isang pagkaligtas sa kasalanan. Natutuwa sila sa loob ng isang panahon, sapagka't ang palagay nila'y palalayain sila ng relihiyon sa kahirapan at pagsubok. Habang maayos ang takbo ng buhay sa kanila, sila ay maaaring sa malas ay mga tapat na Kristiyano. Datapwa't sila'y nanghihina sa maapoy na pagsubok ng tukso. Hindi nila matiis ang pagsuwat alangalang kay Kristo. Kapag itinuturo ng salita ng Diyos ang ilang minamahal o inaala-alagaang kasalanan, o kaya'y hinihingi ng pagtanggi-sa-sarili o ang pagpapakasakit, ay sila'y natitisod. Magkakahalaga sa kanila ng totoong malaking pagsisikap upang makagawa ng isang pansimulaing pagbabago sa kanilang buhay. Ang kanilang tinitingnan ay ang kasalukuyang kahirapan at pagsubok, at nalilimutan ang walang-hanggang mga katotohanan. Katulad ng mga alagad na nagsiiwan kay Jesus, handa silang magsipagsabing, “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?”1 MP 37.1

Marami ang nagsisipag-angking naglilingkod sa Diyos, datapwa't walang pansariling karanasan ng pagkakilala sa Kanya. Ang kanilang hangaring ganapin ang Kanyang kalooban ay nakabatay sa kanilang sariling hi- lig, hindi sa mataimtim na pagkasumbat ng Banal na Espiritu. Ang kanilang inuugali ay hindi natutugma sa kautusan ng Diyos. Nagpapanggap silang tinatanggap si Kristo bilang kanilang Tagapagligtas, subali't hindi naman sila nananampalataya na bibigyan Niya sila ng kapangyarihan upang mapanagiimpayan ang kanilang mga kasalanan. Wala silang personal na pagkakaugnay sa isang nabubuhay na Tagapagligtas, at ang kanilang mga likas o karakter ay naghahayag ng mga kapintasang namana at nalinang. MP 37.2

Isang bagay ang sumang-ayon sa isang pangkalahatang paraan sa paggawa ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at ibang bagay naman ang tanggapin ang Kanyang gawain bilang isang manunumbat na tumatawag ng pagsisisi. Marami ang nakadarama ng pagkakahiwalay sa Diyos, ng pagiging alipin ng sarili at ng kasalanan; gumagawa sila ng mga pagsisikap na magbago; nguni't hindi nila ipinapako sa krus ang sarili. Hindi nila ipinagkakaloob ang kanilang mga sarili nang buong-buo sa mga kamay ni Kristo, na hinahanap ang kapangyarihan ng Diyos upang magawa ang Kanyang kalooban. Hindi sila handang pahugis nang ayon sa wangis ng Diyos. Sa isang pangkalahatang paraan ay kinikilala nila ang kanilang mga kapintasan o mga kawalang-kasakdalan, subali't hindi naman nila isinusuko ang kanilang mga bukod-tanging kasalanan. Sa pamamagitan ng bawa't maling gawa ay nagtatamong kalakasan ang dating makasariling likas. MP 38.1

Ang tanging pag-asa para sa mga kaluluwang ito ay ang madama nila ang katotohan?n ng mga pangungusap ni Kristo kay Nikodemo, “Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli.” “Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Diyos.”1 MP 38.2

Ang tunay na kabanalan ay pagiging-buo sa paglilingkod sa Diyos. Ito ang kondisyon ng tunay na pamumuhay Kristiyano. Humihingi si Kristo ng isang pagtatala- gang walang-inililingid, ng paglilingkod na di-hati. Hinihingi Niya ang puso, ang pag-iisip, ang kaluluwa, ang lakas. Ang sarili ay hindi dapat pakaibigin. Siya na nabubuhay sa kanyang sarili ay hindi isang Kristiyano. MP 38.3

Pag-ibig ang dapat maging simulain ng paggawa o pagkilos. Pag-ibig ang sumasailalim na simulain ng pamamahala ng Diyos sa langit at lupa, at ito ang dapat maging saligan o patibayan ng karakter ng Kristiyano. Ito lamang ang sa kanya'y makapagpapatibay at magpapanatiling-matibay. Ito lamang ang makapagbibigay-kaya sa kanya upang mabata niya ang pagsubok at ang tukso. MP 39.1

At ang pag-ibig ay makikita sa sakripisyo o pagpapakasakit. Ang panukala ng pagtubos ay nailagay sa pagpapakasakit,—isang pagpapakasakit na lubhang malawak at malalim at mataas na anupa't di-masukat. Ibinigay ni Kristo ang lahat dahil sa atin, at yaong mga tumatanggap kay Kristo ay magiging handang ipagpakasakit ang lahat alang-alang sa kanilang Manunubos. Ang pag-aalaala sa Kanyang karangalan at kaluwalhatian ay mauuna sa anumang bagay. MP 39.2

Kung iniibig natin si Jesus, iibigin nating mabuhay para sa Kanya, na ialay ang ating mga handog ng pasasalamat sa Kanya, na gumawa para sa Kanya. Ang paggawa mismo ay magiging magaan. Alang-alang sa Kanya ay nanasain natin ang masaktan at gumawa at magpakasakit. Makikiramay tayo sa Kanyang pananabik na magligtas ng mga tao. Madarama natin ang magiliw na pananabik ding iyon sa mga kaluluwa na Kanyang nadama. MP 39.3

Ito ang relihiyon ni Kristo. Anumang kulang dito ay isang kadayaan. Walang basta teorya ng katotohanan o pagpapanggap ng pagiging-alagad na magliligtas sa sinumang kaluluwa. Hindi tayo kay Kristo malibang Kanya tayo nang buung-buo. Dahil sa pagiging-hati-ang-puso sa kabuhayang Kristiyano kung kaya ang mga tao ay nagiging mahina sa layunin at pabagu-bago sa naisin. Ang pagsisikap na kapwa paglingkuran ang sarili at si Kristo ay ginagawa ang isa na isang batuhang tagapakinig, at siya'y hindi makapagbabata kapag dumating na sa kanya ang pagsubok. MP 39.4